KAARAWAN ngayon ni Myra at balak sanang tumulong ni Assi sa tiyahin sa pag-aasikaso ngunit batid niyang malabo siyang makakilos nang maayos dahil sa kasalukuyang kalagayan ng kaniyang paa. Kaya naman napagdesisyunan niya na lamang magpahinga at kapag maayos na ang lahat ay saka tutungo sa tahanan ng tiyahin upang makasama ang kapatid sa kaarawan nito. Magiging pabigat lamang kasi siya roon kung maagang magtutungo at wala namang maitutulong. Kasalukuyan siyang nasa kaniyang silid at iniisip pa rin ang nangyari kahapon. Tuluyan ngang umalis si Belle ng mansion at wala siyang nagawa roon. Ano ba naman kasi ang magagawa roon ng isang katulad niya, tama nga naman ang sinabi ni Alejandro. Iilang araw pa nga lamang siya sa bahay nito at masiyado na siyang nakikialam sa bagay-bagay. Hindi niya nam