“May naka-miss man lang ba sa akin dito?” anang isang baritonong tinig mula sa kanyang pinto. Otomatikong napataas ang kanyang tingin sa may-ari ng boses na iyon at napangiti siya nang mapagsino ito. “Jordan! Kumusta ka? Ang tagal mong hindi nagpakita rito, ah?” Hindi niya mapigilang matuwa sa pagdating nito dahil sa wakas ay mababahiran na rin ng sigla at saya ang kanyang silid. “Sinadya ko talaga tagalan para ma-miss mo ako pero ang lungkot lang dahil hindi mo man lang ako hinanap. May pinagkaaabalahan ka yatang iba lately,” ngusong saad nito na tila nagtatampo. Napatda siya. Mayroon nga, si Jacob. Bahagyang umakyat ang dugo niya sa ulo nang maalala ang kumag na lalaking iyon. “Pasensiya naman. Sadyang na-busy lang talaga ako sa mga bagay-bagay at basura sa mundo.”