HOT ENGINEER 1

1122 Words
Nag-inat ako upang mabawasan ang pangangalay ng aking braso, pagkatapos kong matuhog ang lahat ng niluto kong banana que. Saglit ko itong iniwan sa kusina, upang makagbibihis na. Nagsuot ako ng tshirt na tatlong taon na ang serbisyo sa akin. Ang jogging pants ko sa PE ng high school ang aking tinerno. Matibay pa ito at kasya pa naman sa akin. Sa hirap ng buhay, hindi kasama sa priority ko ang bumili ng bagong damit. Ilang taon na ang lumipas nang huli akong bumili ng damit. Pati nga panty ko, maluluwag na ang garter. Pero sige lang, hangga't kaya pang pagtiyagaan, gagamitin pa din. "Aalis ka na?" tanong ni Nanay sa akin, na naglalaba sa labas ng bahay namin. Ilang tray ng maruming damit ang kailangan niyang labhan ngayong araw. "Opo, Nay, para makauwi ako agad." Naaawa ako kay Nanay kaya kailangan kong tumulong sa kaniya, bilang ako ang panganay niyang anak. Upang matulungan si Tatay, tumatanggap siya ng labada. Alam kong madalas niyang indahin ang kaniyang likod pero nililihim niya ito sa amin. Nagpapanggap siyang ayos lang siya. Na malakas lang siya. "Banana que! Banana que!" sigaw ko habang naglalakad ako sa labas ng mga kabahayan. Walang gaanong bumibili sa parteng ito, pero mainam na makabenta ako ng isa o tatlong piraso bago ako makarating sa construction site kung saan ako araw-araw naglalako. "Pabili ng isa, Elena!" sabi ni Ate Oli na mukhang inabangan ang pagdaan ko. "Huwag mo nang i-plastik," awat niya sa akin nang kumuha ako ng plastik labo. Agad ko namang inabot sa kaniya ang banana que bago ko inabot ang kaniyang bayad. "Salamat, Ate Oli." "Ingat ka sa paglalako mo. At sana mapaubos mo agad." Nakangiti akong nagpatuloy sa paglalakad. Kahit tirik na ang araw, hindi ko ininda. Nasanay na lang akong maglakad sa ilalim ng mainit na araw. "Banana que kayo diyan!" Bago ako tuluyang makarating sa construction site, nakabenta pa ako ng lima. Sa labas pa lang ng construction, nakaabang na ang ilan sa mga construction worker na mukhang nagpapahinga na. Alas-dies na ng umaga at oras na ng kanilang meryenda. "Nandito na ang maganda!" puri nila sa akin. Natawa naman ako habang nailing-iling. "Naku, siguraduhin niyo lang na mauubos niyo ang paninda ko," sabi ko naman. Nilapag ko na lang ang bilao at hinayaan silang kumuha. "Sabi ko sa'yo, Elena. Magtinda ka na din ng soft drinks, e." "Naku, hindi pa kaya ng puhunan ko iyan. Magtubig na lang kayo, libre pa," sagot ko naman. Lumabas na din ang iba pang mga construction worker kasama si Andrew na kaklase ko nang high school. Nakipag-apir siya sa akin. Hindi pa siya nakuntento doon dahil kinurot pa niya ang pisngi ko. "Aray!" reklamo ko. Agad naman akong gumanti sa kaniya. Kinurot ko naman ang kaniyang pisngi at hindi pa ako nakuntento doon, hinila ko ang dulo ng kaniyang buhok. Natatawa siyang umilag sa akin. "Kayo talagang dalawa. Hindi na ako nagtaka kung kayo ang magkatuluyan." Sabay kaming napangiwi ni Andrew. "Naku, malabong mangyari iyan," agad kong sagot. "Hindi kami talo nitong si Andrew. Di ba, Andrew?" Sa halip na sumagot si Andrew, pinuno niya ng banana que ang kaniyang bibig. Baliw talaga! Isip bata pa. Habang kumakain sila, nakipag-kuwentuhan lang ako hanggang sa maubos nila ang paninda ko. "Paano, aalis na ako!" paalam ko bago ko dinampot ang plastik at bilao na wala ng laman. "Salamat sa inyo!" "Bukas, kamote que naman ang ititinda ko!" "Sige, Miss beautiful! Mag-ingat ka!" Natatawa naman akong umalis. Bago ako umuwi, dumaan muna ako sa bahay ng aking kaibigan upang kumustahin siya. Nanganak siya nang isang araw, at nakauwi na daw siya sa kanilang bahay. Hindi ko siya napasyalan nitong nakaraan dahil tinulungan ko si Nanay sa paglalabada sa tuwing natatapos ako sa pagtitinda. Bumili muna ako ng tinapay para may pasalubong ako sa kaniya. "Kumusta?" tanong ko sa aking kaibigan na nakahiga sa kama. Sa tabi niya ang kaniyang baby na mahimbing ang pagkakatulog. "Heto, maayos naman." "Ang cute naman ng baby mo," natutuwa kong sambit. Kung hindi lang bagong panganak, baka pinanggigilan ko na ang matambok na pisngi ng kaniyang anak. "Gawa ka na din ng sa'yo," natatawa naman niyang sagot. Umayos siya ng upo at sinilip ang laman ng brown paper bag na inabot ko sa kaniya. Sinimulan niyang kumain. "Paano ako makakagawa kung wala naman akong boyfriend. Kahit nga halik, hindi ko pa natikman," nakaismid kong sagot. Tumawa siya. "Eh, kung hindi mo sana binasted si Charlie," tukoy niya sa kaniyang asawa. "Eh, di sana kayo ang may anak ngayon." Natawa naman ako. Nanligaw noon sa akin si Charlie, pero binasted ko. Wala pa talaga sa isip ko ang magka-nobyo, at isa pa, wala talaga akong maramdaman para kay Charlie. Alangan naman na pilitin ko. "Para talaga kasi kayo sa isa't isa," sabi ko. "Sana mahanap mo din ang lalakeng magmamahal sa'yo. Tingin ko, mas bongga ang ibibigay sa'yo ni God. Iyong guwapo at mayaman." Sabay kaming natawa. Nagulat pa tuloy si baby sa lakas ng tawa namin ng kaniyang ina. "Sana nga, friend," natatawa kong sang-ayon. Saka makakapaghintay naman ako kung kailan iyon ibigay ni God. Baka matagal pa dahil alam niyang hindi pa ako puwedeng lumagay sa tahimik dahil sa responsibilidad ko sa aking pamilya. Kailangan pa ng mga magulang ko ng tulong ko. ... Hindi na din ako gaano nagtagal sa bahay ng aking kaibigan. Nagpaalam na ako agad na uuwi. Naglakad ulit ako sa katirikan ng araw. Habang naglalakad iniisip ko ang kalagayan namin ng aking pamilya. "Kung mag-abroad na lang kaya ako. Mangatulong sa ibang bansa," bulong ko habang naglalakad. "Baka doon kami swertehin, baka makakilala pa ako ng foreigner na mapapangasawa ko. Baka foreigner ang nakatadhana sa a—Ay!" Sigaw ko sa gulat nang makarinig ako ng sunod-sunod na busina ng sasakyan sa aking likuran. Inis akong nilingon ito pero muli lang akong binusinahan. Aba't! Masama ko siyang tinignan kahit hindi ko naman makita ang driver sa loob ng sasakyan dahil tinted ito. Mga mayaman talaga, iba ang ugali! Bahala ka diyan! Nagpatuloy lang ako sa paglalakad. Hindi ako gumilid dahil sa gilid ay maputik na. Maghintay siya na malagpasan ko ang putikan bago ako gumilid. Muli siyang bumusina kaya muli akong huminto. "Ano ba!" sigaw ko dahil hindi na ako nakatiis. Nakakainis naman, e! Tinuro ko ang putikan at matalas na tinignan ang sasakyan, bago ako nagpatuloy sa paglalakad. Nang makalagpas ako sa putikan, pinaharurot ng driver ang sasakyan dahilan upang mapaubo ako dahil sa kapal ng alikabok mula sa kalsada. Napaubo ako dahil may nakapasok pa sa bunganga ko. "Mayabang! Mayabang!" sigaw ko habang pinapagpag ang sarili ko. "Tatandaan ko ang plate number mo. Humanda ka talaga sa akin," bulong ko habang inis at padabog na naglalakad.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD