Sa isang tagong lugar sa mundo ng mga Celestial...
"Oras na para bigyan ng pagkain ang mga bihag!" malakas na sigaw ng isang kawal sa mga tagasilbing alipin na abala sa paghahanda ng pagkain sa madumi at maputik na kusina sa lugar na iyon.
Nagmadali ang mga nakatoka sa pagbibigay ng makakain sa mga kapwa nila bihag. Kinuha agad ang mga lalagyan at kagamitan na kailangan. Bitbit na ng dalawang alipin ang malaking kaldero ng lugaw na may pinaghalo-halong gulay at maliliit na piraso ng karne na siyang madalas rin nilang ipakain sa mga bihag na naroon. Karne mula sa mga hayop na kanilang nahuhuli sa paligid at kung minsan ay hinamay na laman ng isda ang sangkang. May pagkakataon ding mga tinik at mga buto-buto lamang ng hayop ang kanilang inilalagay upang magkalasa ang pagkain.
Naglakad na ang mga ito papunta sa mga piitan. May alipin na nakasunod sa sa may buhat ng mainit na malaking kaldero. Dala naman nito ang mga mangkok na gawa sa bao ng niyog na miminsan lamang nahugasan ng malinis na tubig.
Binigyan na nila ng makakain ang mga nasa unahang piitan. "Wala na bang iba? Ito na lang lagi ang pinapakain ninyo sa amin!" Galit na reklamo ng isang babaeng inabutan ng mangkok at nakasalampak sa sahig at tila wala ng lakas para tumayo dahil sa kapatayan at kakulangan ng nutrisyon na ipinapasok sa kaniyang katawan.
Isang kawal ang lumapit sa babae dahil sa kaniyang sinabi at dinamba nito ang kaniyang mukha gamit ang nakadidiri nitong kamay mula sa rehas na nakapagitan sa kanila. Kaniya pang inilapit ang ang kaniyang mukha sa bihag dahilan para malanghap ng babae ang napakabaho nitong hininga.
Sinubukan niyang kumawala mula sa kawal, hindi dahil natatakot siya rito, iyon ay dahil sa diring-diri siya sa napakasangsang nitong amoy na masa mabaho pa sa kanilang mga bihag.
Matagal nang panahon silang nakakulong doon at hindi na naranasan maligo simula nang maging bihag ngunit mas masangsang pa ang amoy ng mga nagbabantay na kawal at ng mga alipin kahit may panahon silang maglublob sa tubig at maglinis ng kanilang mga katawan.
"Anong gusto mong kainin? Litsong manok? Subukan mong makalabas dito para makain mo lahat ng gusto mong kainin," sarkastikong turan sa kaniya ng galit na kawal.
Malakas na nagsitawa ang mga kawal na nagbabanta sa kulungan habang ang mga alipin na nagbibigay ng pagkain ay nagpupuyos sa galit at ang isa ay napahigpit ang hawak sa sandok. Itinuloy na lamang nila ang pagbibigay ng pagkain sa kapwa nila bihag. Ang pangarapin na makatakas sa lugar na iyon ay matagal nang pangarap ng lahat. Katumbas ng pagtakas ang kamatayan dahil napaimposibleng makatakas sa lugar na iyon dahil bantay-sarado ng mga kawal ang bawat sulok ng lugar.
"Di bale at may araw rin kayo," mahinang bulong ng babaeng dinakma ang mukha. Dumistansiya siya sa rehas upang hindi na maabot matapos siyang bitawan nito.
"Mga hunghang ang mga iyan. Humanda sila kapag nakalabas tayo rito," usal ng isang babae na nasa kabilang kulungan. Rehas lamang ang pagitan mula sa kabila kung nasaan ang babaeng bumulong at nadinig niya iyon kahit na kay hina lamang.
Para silang mga aso sa liit ng espasyo ng mga kulungan. Ni hindi nila magawang tumayo o matulog na direksyon dahil sa sikip. Matagal na silang naroon, sa sobrang tagal na ay hindi na rin nila alam kung ilang taon, buwan at mga araw. Karamihan sa kanila ay mga kababaihan. Babae mula sa Iba't-ibang uri na nilalang na pinageeksperimentuhan. Pinaiinom ng kung ano-anong mga likido, pinapakain ng mga tableta at ang masaklap sa lahat ay binababoy ng mga kawal at at isang matandang lalaki na kung tawagin ng mga kawal ay amo nila.
May ilan pa nga ay nagdalang-tao at doon na rin nanganak. Doon sinilang ang bata at doon na rin pumanaw ngunit may isang bukod tanging batang nabuhay na bunga ng pananamantala nila sa kahinaan ng mga kababaihan.
Hindi magawang balikan ng babaeng nagreklamo kanina ang unang mga araw niya roon. May kasabay siyang iba pa mga kababaihan na gaya niya ay mga Celestial din na mula sa angkan ng mga Green. Siya at ang apat na mga babaeng iyon ay pagsasaka ang ikinabubuhay. Ang kanilang taglay na kapangyarihan ay mahina lamang at hindi sapat para sila'y makipaglaban. Hindi sila kabilang sa mga maswerteng mga Celestial na may taglay na malakas na kapangyarihan at nakatanggap ng regalo sa kanilang Bathala noong araw na sila'y isinilang.
Napakarami ng mga gamot na ipinainom sa kaniya at mga malalaking heringilya na itinurok sa kan'yang balat na ramdam hanggang kaloob-looban ang sakit. Sa tuwing naaalala niya ang mga araw na iyon, nais na lamang niyang mamatay na upang tuluyan nang mamahinga ang gutom at pagod niyang katawan.
Kung masama ang naranasan niya sa unang araw niya, mas matindi naman ang tatlong babaeng kasabay niyang dinukot. Pinagpasapasahan sila ng mga kawal matapos silang gamitin ng tinatawag nilang amo. Maswerte pa rin siya at hindi siya isinama dahil sa kan'yang itsura.
Mayroon kasing malaking peklat ang kan'yang mukha sanhi ng aksidenteng pagkasunog ng kanilang bahay noong siya ay musmos pa lamang at naiwan siya noon sa loob at muntik ng masawi kung hindi siya agad nakuha ng isang nagmagandang-kalooban. Ang malaking peklat niya sa mukha na kinaiinisan niya ay hindi niya akalain na magliligtas sa kaniya sa mas matinding bangungot ng kaniyang buhay. Para sa mga kawal ay pangit siya dahil sa peklat niya ngunit hindi alam ng mga kawal na naroon na higit na nakakasulasok ang kanilang mga pagmumukha.
Makalipas ng ilang buwan mula ng dalhin silang lima roon, nabuntis ang dalawang babae. Doon mas lalong tumindi ang ginagawang eksperimento sa kanila. Hindi nila alam kung anong dahilan ng ginagawa nilang eksperimento. Ang isang babaeng nabuntis ay namatay sa panganganak kasama ang sanggol, ang isa nama'y nabuhay ang anak ngunit pumanaw ang kan'yang ina makalipas lamang ng ilang araw.
Siya ang kauna-unahang ipinanganak na sanggol sa kasaysayan na kakaiba ang itsura sa lahat at ang pagsilang sa batang iyon ay nasundan pa ng pagsilang ng mga batang may pinaghalong lahi ng iba't-ibang nilalang. Ang mga bata ay doon na sa kulungan lumaki. Nakabukod ang kulungan ng mga buntis at mga batang bunga ng kanilang eksperimento. Walang nakaaalam kung saan.
Ang batang unang isinilang doon ay may depekto kaya hindi siya isinama sa mga ibang bata na nakitaan ng postensyal. Ang turing sa kan'ya ay basura lamang. Ginagawa nilang utusan at tagalinis ng kanilang mga armas ang bata upang mapakinabangan. Siya ang pinaglalaruan ng mga kawal. Lalo na ng mga naglapastangan sa ina ng bata noon. Alam kasi ng mga hunghang na isa sa kanila ang ama nito.
Madalas makita ng babae na pumapasok sa sekretong kulungan ang bata upang magdala ng alak at pulutan para sa mga kawal. Ilang beses na rin nitong binigyan ang mga nakakulong doon ng tubig at mga prutas na palihim niyang pinupuslit kapag walang bantay o kapag lasing na mga kawal. Maging siya'y ilang beses niya na ring naabutan ng tubig at lahat ng mga naroroon ay kilala siya at kung ituring nila siya ay isang kaibigan.
Hindi nakakapagsalita ang bata ngunit naiintindihan nito ang bawat salitang sinasabi sa kan'ya. Pansin din ng babae na kakaiba ang talino nito at isang bagay pa na madaling mapansin sa bata maliban sa kakaiba nitong itsura ay ang pares ng binti nito na hindi normal ang sukat.
Ilang araw na ring hindi napapansin na nagawi ang bata roon at nag-aalala sila para rito dahil baka pinaslang na siya ng mga hunghang na naroroon na halos ganoon na nga ang gawin kung kanila itong pagbubugbugin at sipa-sipain.
Kaawa-awang nilalang.
Nabalik ang babae sa realidad nang dumaan muli ang tatlong alipin na nagbibigay ng pagkain kasunod ng kawal na dumakma sa kaniya.
"O ayan manok! Buto nga lang!" Tawa ng kawal matapos nitong ihagis sa loob ng kulungan niya ang buto ng manok na said na said ang laman.
Nakakarindi sa tainga ang halakhak niyang iyon. Labis man siyang naiinis ay wala siyang magawa kundi tingnan na lamang ito habang papalayo. Pilit niyang kinain ang nasa kaniyang mangkok. Nilagok na parang tubig at hindi na nginuya ang malilit na karne at gulay na malambot naman na at durog. Wala ulit silang ibinigay na maiinom sa mga nakakulong at napilitan na lamang silang inumin ang tumutulong tubig na hindi nila alam mula sa kung saan nanggaling upang maibsan ang kanilang uhaw.
"Sana'y maayos lang ang bata," mahina niyang dasal matapos makainom ng kaunting tubig na nasa mangkok na naipon niya mula sa tumutulong tubig.
"May nadinig akong pinag-uusapan ng mga kawal kagabi tungkol sa bata." wika ng babae na nakakulong sa kabila, sa kaniyang tapat.
Nagulat siya sa sinabi nito kaya napaangat ito ng ulo.
"A-Anong narinig mo? Nasaan daw ang bata?" kaniyang usisa.
"Sabi ng isang kawal inutusan daw ng kanilang amo ang bata na pumunta sa kakahuyan upang manghuli ng hayop na sampung beses ang laki sa kan'ya kapalit ng isang bagay," salaysay ng babae.
"Anong kapalit 'yon?" tanong ng babae.
"K-Kalayaan," nautal nitong sagot sabay ng pag-iwas ng tingin dahil sa panlulumo para sa bata na maaring mapaslang lamang sa gagawin nitong iyon.
Maging ang babaeng nagtanong ay pinanlambutan ng mga tuhod. Gusto niyang murahin ang mga nilalang na nagkulong sa kanila roon. Nais niyang iparanas sa kanila nang higit ang lahat ng ginawa nila sa kanila.
Imposibleng magawa ng bata ang kondisyon na iyon at malaki rin ang tyansa na ikasawi niya 'yon ngunit kung gagamitin ng bata ang pagkakataong iyon upang makatakas na ng tuluyan ay mas makabubuti kung talino ang kaniyang paiiralin.