Madilim pa sa labas at isang oras pa mahigit bago sumikat ang araw. Maagang ginising ni Eros ang kaniyang apong si Rio at ang batang nilalang na hindi niya pa rin alam ang ngalan. Sinabi niya rito na sila'y aalis na at uuwi sa isang bahay kung saan sila naninirahan at kung nais niyang sumama, siya'y sumunod na lamang.
Sinadya ni Eros na umalis sila ng madilim pa upang hindi makita ang kanilang kasama. Maliban dito, bibihira ang mga nagagawi sa kagubatan kung saan sila daraan sa ganoong oras kaya nais niyang samantalahin ang pagkakataong iyon.
Naglalakad sila pauwi. Nakasakay sa balikat ni Rio ang alagang si Milky habang ang nilalang naman ay sumusunod sa kanila ngunit panay ang kaniyang pagkubli sa mga d**o at mga puno na tila ba nag-iingat ng husto na hindi siya makita ng kung sino.
Tumagal ng higit isang oras ang kanilang paglalakad. Malapit ng sumilip ang araw nang matanaw ni Rio ang bubungan ng kanilang tinitirhan na bahay.
"Nandito na tayo!" masayang bulalas nito at makalapit pa sila ay naramdaman ni Lala na nariyan na ang kaniyang anak na magdamag niyang hinihintay habang nag-aalala sa kung napaano na sila at hindi agad nakabalik.
Bumalikwas siya ng bangon. Ginising niya rin si Raven upang sabihan na nar'yan na ang kanilang anak. Inunahan na niya ito sa paglabas. Pinagbuksan na niya sila ng pinto, ngunit nang nasa labas na siya mismonng bahay ay bigla na lamang siyang natigilan nang may maramdamang kakaiba sa paligid.
Isang gabi lang nawalay sa kaniya ang nag-iisang anak ngunit parang katumbas na ng isang linggo. Hindi siya sanay na mawalay rito at nag-aalala rin ito lalo pa't nang mga panahong iyon ay hindi nila alam kung babalik pa ang mga ligaw na mga kaluluwa upang gambalain silla.
Hindi na siya makapaghintay na mayakap ito. Tumanda man ito nang ganoong kabilis, siya pa rin ang kanilang anak na maliit. Ang pananabik niya kay Rio ay napalitan ng gulat matapos niyang makita ang nilalang na nakasunod.
Dali-dali siyang naghanda lalo na nang napansin na tila sinusundan nito sina Eros at Rio habang pakubli-kubli. Nang bahagya pa silang nakalapit, ramdam na ramdam niya ang taglay nitong kakaibang presensya at habang mas lumalapit pa'y ang kaniya namang nakita ay taglay nitong awra.
Balot man ito sa tela at kaunting bahagi lang ng mukha ang nakikita, para kay Lala ay hindi ordinaryong nilalang iyon. Naguguluhan siya dahil mistulang hinahayaan lamang ni Eros ang nakasunod sa kanila at nang nasa harapan na sila ng tarangkahang kahoy papasok sa bakuran, huminto rin ito sa kanilang likuran.
"S-Sino siya, tatay Eros?" kaniya agad na tanong. Tanong na hindi rin masasagot ni Eros dahil hindi niya alam kung sino ang batang iyon.
Nang magsalita si Lala ay napaangat ng ulo ang gusgusing bata at nang nakita niya ang mukha ng nagsalita, nagulat silang tatlo sa naging reakyon nito. Bigla na lamang kasing lumuha. Mas matindi pa ang luha nito nang hainan siya ni Eros ng pagkain sa kubo dahil ang kaniyang pagtangis ay tila ba nakakita ito ng pag-asa na maaninag sa kan'ya mismong mga mata.
Mahigit isang oras na mula nang pumasok silang lahat sa loob ng bahay. Nabalot ng katahimikan ang buong paligid at halos mga mata lamang nila ang naguusap-usap pangka't wala ni isa ang makapagsalita.
Parehong nahihiwagaan ang mag-asawa sa nilalang na kanilang kaharap at hindi alam kung paano kakausapin matapos sabihin ni Eros na tila hindi ito marunong.
Kinausap sandali ni Eros ang mag-asawa na kung maari ay roon niya muna iwan ang kakaibang nilalang dahil may nais siyang puntahan. Nais sanang sumama ni Rio, ngunit hindi na siya pinayagan ng kaniyang lolo. Malayo raw ang lakad niya at baka matagalan siya sa pagbalik.
Nang makaalis siya, sinubukang kausapin ni Lala ito, ngunit gaya ng sabi ni Eros, mukhang wala itong mabigkas o walang kakayahang makapagsalita.
Wala imik ang bata. Wala na ang marumi nitong baluti na kinuha ni Lala dahil kakaiba ang amoy. Nais na sana niyang itapon ngunit hinila sa kaniya ni Milky iyon at tinakbo sa kung saan. Hindi na niya hinabol at hinayaan na lamang. Sa isip-isip niya ay baka itinapon na ang alaga ng kaniyang anak sa kung saan.
Nang wala na ang tela ay roon napagmasdan ng dalawa ang kabuuang anyo ng nilalang. Ang makapal nitong balahibo na kasing kulay ng kay Milky ang kanilang unang napansin. Sunod ang mukha nitong ang kalahati ay sa Celestial.
Maya-maya ay naisip na kausapin ni Lala ang kaniyang mister di kalayuan. Bahagya niya itong hinatak at nang sapat na ang kanilang sustansya upang hindi marinig ay roon niya ito kinuwestyon.
"Anong gagawin natin sa kan'ya?" Mahinang tanong ni Lala sa asawa. Sabay silang napabalik ng tingin sa nilalang na sandali nilang iniwan.
Ilang sandaling nanatili lamang silang nakatingin sa bata. Nag-iisip.
"Ano nga ba? Hindi ko alam e. Hindi natin alam kung saang lupalop siya nanggaling, hindi ko mawari kung anong klase siyang nilalang. Ngayon lang ako nakakita ng kagaya niya. Mukha siyang Celestial na nahaluan ng katangian ng ibang nilalang." Mahaba nitong sagot.
"Nakapagtataka ang taglay niyang anyo," usal ni Lala habang matamang nakatingin sa tinutukoy na nilalang.
"Oo nga at may masama akong pakiramdam sa sinapit ng bata sa kan'yang pinanggalingan," pagsang-ayon at dagdag ni Raven.
Hindi maalis ang mga mata nila sa bata. Naawa sila sa kalagayan nito. Ang kakaibang saklay na dala nito ang nagsisilbing instrumento para makatindig siya ng diretso't magawang maglakad.
"Paano kaya natin siya makakausap?" pabulong na tanong ni Lala sa kaniyang asawa.
Sandali silang nag-isip pareho.
"Baka makatulong ang kapangyarihan ko." Maya-maya ay tugon ni Raven.
"Oo nga pala ano! Muntik ko ng makalimutan na may kakayahan kang makipag-ugnayan sa mga elemento ng kalikasan mapa-hayop at halaman!" bulalas ni Lala nang maalala. "Tatalab kaya sa kaniya?" mabilis nitong dugtong dahil nagdadalawang-isip siya kung iyon ba ay uubra.
"Wala naman mawawala kung susubukan hindi ba?" wika ni Raven.
"Tama ka naman." Nakuha niyang pagsang-ayon.
"Bago iyan, mabuti pa'y papaliguin muna natin siya at papahingahin. Maghahanda na ako ng almusal para sa ating lahat," usal ni Raven.
Tumalima naman si Lala. Nagpunta siya sa silid nila upang maghalungkat sa mga lumang damit ni Rio. Sa paghahalungkat niya'y bigla siyang napahinto nang makita ang pangloob na damit pambata.
"Lalaki ba siya o babae?" naitanong niya sa sarili. Takang tiningnan niyang muli ang mga panloob at nagbakasakali na lamang na lalaki ito at magagamit nito ang mga panloob na ni Rio noon.
Hindi na siya nakapamili pa. Kinuha na lamang niya lahat ng mga damit at dinala kung nasaan ang bata.
"Halika. Sumama ka muna sa'kin," yaya niya sa bata habang nakangiti upang hindi ito matakot at mag-isip na may gagawin siya ritong masama.
Inalalayan siya ni Lala. Iniwan na nila ang saklay niyang pinutol na kawayan sa sahig at dinala niya ito sa banyo.
Puno na ng tubig ang balde at nakahanda na rin ang sabon at panghilod na yari sa natuyong bunga ng ligaw na patola.
"Maligo ka muna para maalis ang dumi sa balat mo't balahibo. Ibigay mo na rin ang suot mong damit sa'kin para malabhan ko," wika ni Lala sa kaniya ngunit nakatingin lang ito na tila walang ideya kung anong dapat niyang gawin sa maliit na silid na pinasok nila.
Napakamot na lamang si Lala ng kaniyang ulo nang hindi pa ito kumilos. Patingin-tingin lang sa paligid na tila naiistrangero.
"Halika ka, tutulungan na lamang kita," tawag niya rito nang nakapuwesto na siya sa tabi ng balde. Inilahad niya ang kaniyang kamay upang alalayan ang bata palapit, ngunit nang masilip nito ang laman ng balde na puno ng tubig ay parang natakot ito.
"A-anong problema?" naguguluhanng tanong ni Lala sa kaniya.
Pinakalma niya ito gamit ang kaniyang kapangyarihan. Hindi naman na siya pumalag matapos iyon at unti-unti na ni Lala na nagawa na palapitin sa tubig na nasa balde ang bata at dinahan-dahan na linisan ang mukha nitong marusing.
Sa kagustuhan niyang maalis ang dumi sa katawan nito, napagdesisyunan niyang siya na ang magpaligo sa bata. Bata lamang naman ito, maliit at napakapayat ng katawan.
Sinenyasan niyang aalisin nito ang damit na suot ngunit wala lang itong kibo. Kaya si Lala na ang nag-alis matapos sabihin. Nakita niya ang napakaraming marka na naiwan sa maliit na katawan ng bata. Mga malalaking peklat mula sa naglalakihang mga sugat. Napansin niya rin na tila baluktot ang buto nito sa likod. Dalawang bagay lang ang kaniyang naisip, maaring ipinanganak siyang ganoon o di kaya'y bata pa lamang, mabibigat na mga gawain ang sa kaniya'y pinagagawa.
Napakaitim ng ibang peklat nito at ang ilan ay halatang mga paso ng nagbabagang bagay. May marka na tila isang simbolo na hindi niya maintindihan kung ano at para saan.
Awang-awang si Lala habang pinagmamasdan niya. Hinaplos niya ito't tinitignang mabuti.
"Saan galing ito?" tanong niya kahit imposibleng sagutin nito ang kaniyang katanungan.
Habang pinagmamasdan niya ang malaking marka na tila isang mapa, bahagyang nagitla si Lala nang mapansin ang pribadong parte ng katawan nito at doon nasagot ang tanong niyang isa.
Babae ito.