CHAPTER THREE

1803 Words
NANLAKI ang mata ni Lily nang makita na malapit na silang maabutan ni Cardo. Hawak pa rin ng estrangherong lalaki ang kanyang kamay. Hindi nila magawang bilisan ang pagtakbo dahil bukod sa makitid ang daan sa squatter na iyon ay marami pang bata na naglalaro, idagdag pa ang mga naglalaba at nag-iinuman sa gilid ng eskinita. Hindi rin maintindihan ni Lily kung bakit sa kabila nang takot ay nakuha pa rin niya titigan ang magkahawak nilang kamay ng lalaki. Kay lambot ng mala-kandilang kamay nito, hindi tulad ng sa kanya na magaspang dahil sanay sa mabibigat na trabaho. Pero higit na nakuha ng atensyon niya ang suot nitong wrist watch. Sa dami na nang ninakawan niya ay expert na siya sa pagkilatis kung may halaga ang isang bagay. At sigurado siya na mabebenta o masasanla niya ang relo na iyon sa malaking halaga. Pero nag-alangan siya dahil tinulungan na siya ay pagnanakawan pa niya. Pinilig niya ang ulo. Winaksi sa utak ang iniisip. Dapat muna niyang unahin ang sariling kaligtasan dahil sa mga oras na iyon ay halang ang bituka ng humahabol sa kanila. Tiyak na hindi magdadalawang isip si Cardo na butasin ang tagiliran niya kapag nahuli siya. Nang lumiko sila sa isa sa mga eskinita ay kaagad gumana ang kanyang utak. Hinila niya ang lalaki nang makakita ng pwedeng pagkublian. Pumasok sila sa isang maliit na espasyo na ang dingding ay yari sa sako. Noon lang niya napagtanto na C.R iyon at may laman pa ang inodoro. Pinigilan niya ang lalaki nang akmang lalabas ito at sinenyasan na manahimik. Nakita niya ang pamumula ng mukha nito at pag-igtingan ng mga ugat sa leeg dahil pinigilan nito ang paghinga. Sobrang baho at panghi kasi ang kinaroroonan nila pero kailangan nilang tiisin dahil nakarinig na sila nang paparating na yabag. Maraming butas ang sakong dingding kaya kinailangan nilang magdikit para magkasya sa espasyo kung saan walang butas. Sa napakaliit na butas ng sako ay nasilip niya si Cardo na sa kamalasan ay tumigil sa mismong harap ng kinaroroonan nila. Tila ba nag-iisip pa ito kung magpapatuloy o liliko. Tumakbo si Cardo paliko. Nang makasiguro na wala na ito ay saka pa lang sila lumabas sa pinagtataguan nila. Hawak ng lalaki ang sikmura hanggang sa tuluyan ng sumuka. Diring-diri ang hitsura nito. “Damn! Damn!” “Pasensya ka na,” nahihiyang sabi niya. Tatapikin sana ang likod nito ngunit umiwas ito at sumenyas sa kanya na huwag lumapit. “Bakit ba nadamay ako sa gulo mo?!” “Pasensya na talaga.” Tumingin ang lalaki sa relong pambisig. Muli itong napamura at walang salitang tinalikuran siya. Mabilis itong naglakad palayo ngunit nagawa pa rin niyang habulin. “Mister – “ “I’m late with my appointment, Miss!” “Pero gusto ko lang magpasalamat sa iyo.” “Okay,” anito. “Maraming salamat sa pagliligtas mo sa akin. At pasensya na kung nadamay ka sa gulo ko. Ikaw naman kasi e, bakit ka kasi nagpaka-hero?” Tumigil ito sa paglalakad. Hinarap siya na magkasalubong ang kilay. “Sinisisi mo pa ako dahil tinulungan pa kita?” “Hindi ganyan ang ibig kong sabihin. I mean kaya ko naman mag-isa ang kahit hindi mo pa ako tulungan.” Tinitigan siya nito mula ulo hanggang paa. “Sa liit mong iyan?” “Oo naman!” Umiling ang lalaki na nagpatuloy sa paglalakad. Sumunod siya rito hanggang sa sinapit na nila ang labasan. Napagtanto nila na napalayo na pala sila ng husto sa park. Palinga-linga siya sa paligid dahil sa takot na baka biglang lumitaw si Cardo. Habang ang lalaki naman ay pumara na ng taxi. “Mister!” Hinawakan niya ito sa braso. “Miss, I’m in a hurry. Hindi mo alam kung gaano kalaking perwisyo itong ginawa mo sa akin.” Pumasok na ito sa humintong taxi. At sinabihan ang driver na magmaneho na. “Mister – “ sabi niya. “I’m sorry.” Hindi napansin ng lalaki na nakuha niya ang relo nito nang hawakan niya ito sa braso. Bumuga siya ng hangin mula sa baga para kahit paano ay mawala ang pamimigat ng dibdib niya. Nakaramdam siya ng konsensya habang nakatingin sa papalayong taxi. Tinulungan na nga siya ng lalaki ngunit iyon pa ang sinukli niya sa kabaitan nito. Gipit na gipit kasi siya ngayon dahil kailangan ng kanyang ina na ma-MRI para tingnan kung lumulala o bumubuti na ba ang pamamaga ng utak nito. Parati na lang na walang sign of progress ang kalagayan ng ina pero magpagayun pa ay hindi siya nawawalan ng pag-asa. Hindi siya pwedeng sumuko. Malaki ang tiwala niya na magigising ito. Mamumuhay ulit sila ng masaya at payapa. Handa siyang magtiis at maghintay hanggang sa dumating ang araw na iyon. Isinilid niya sa bulsa ng pantalon ang relo. Sa palagay iya ay kaya naman bumili ng lalaking iyon nang ganoong klaseng relo kahit na isang dosena pa. Sa tindig pa lang kasi nito ay halatang mayaman na. Infairness, ang bango-bango nito. Pilit nga niya pinalalabanan ang kagustuhan na pumikit at yakapin ito nang magdikit ang kanilang katawan. Iyon nga lang panira ang amoy ng CR. Nawala ang magical feeling. Imagine, nagawa pa niyang magpantasya kanina kahit nasa pangananib na siya. “Sayang, hindi ko man lang nakuha ang pangalan niya,” aniya sa sarili. Nagsimula na siyang maglakad pabalik sa park. Kukunin na lang sana niya ang kanyang mga paninda at uuwi na ngunit ganoon na lang ang paglaglag ng balikat niya nang madatnan na nagkalat na sa semento ang lahat ng paninda niya. Basag pati ang estante na yari sa salamin na pinaglalagyan niya ng mga candy, biscuit at yosi. Sabog rin ang lahat ng bottled water at sofdrink. Maging ang ice cooler at malaking payong niya ay sira rin. Alam niya na ang Swabe gang gumawa noon. Nangilid ang luha ni Lily. Naghahanap lang naman siya ng dilihensya sa panahon na may medical request ang doctor na nangangailangan ng malaking halaga. Hangga’t maari ay gusto niyang mamuhay ng maayos at marangal. Pero minsan ay hindi niya maiwasan na kumapit sa mga ganoong gawain dahil ilang buwan ng nakaratay ang kanyang ina sa hospital at hindi biro ang mga gastusin. Sa mga araw na payapa ay nagkakasya na lang siya sa pagtitinda dahil iniiwasan niya na maging routine na ang paggawa ng masama. Pero paano na siya, ngayon na wala ni isang natira sa kanya? Naluluha na pinulot niya ang mga candy. Kahit iyon man lang ang maisalba niya. Nang mailagay lahat sa isang supot na plastic ay lumapit siya sa mga batang namamalimos sa park para ibigay iyon. “Salamat, Ate!” nag-koro na sabi ng mga bata na tuwang-tuwa na nag-agawan sa mga candies. “Salamat rin dahil hindi niyo ginalaw ang mga paninda ko.” “Gusto nga namin na pigilan ang mga lalaking sumira sa paninda mo pero nakakatakot ang mukha nila.” Hinaplos niya ang buhok ng nagsalita na batang babae. “Mabuti na rin iyon hindi niyo sila inawat para walang napahamak sa inyo.” “Si Anna nga muntik na nilang itulak e.” “Kaya iwasan niyo ang mga lalaking iyon kapag nakita niyo sila.” “Opo, Ate!” Nagpaalam na si Lily sa mga bata. malungkot na tinungo niya ang sasakayan ng dyip. Dumeretso siya sa hospital kung saan naka-confine ang ina. Pero bumili muna siya ng pansit sa labas para may kainin si Rina – ang dalagita na siyang katuwang niya sa pag-aalaga sa kanyang ina. Hindi niya kaano-ano si Rina ngunit tumulong ito sa kanya. Huminto ito sa pag-aaral nang maulilang lubos sa magulang. Tumira ito sa tiya nito pero umalis din kalaunan dahil minamaltrato ito. Para mabuhay ay minsan itong sumama sa mga bugaw sa kanilang lugar pero kinuha niya ito at kinukupkop bago pa mapahamak. Matagal na niyang kapitbahay ang pamilya ni Rina. Saksi siya kung gaano ito kabait na bata. Kung tutuusin ay tinuturing niya itong anghel na dumating sa buhay niya dahil kung wala ito ay tiyak hindi niya alam kung paano hahatiin ang katawan sa pag-aalaga sa kanyang ina at sa paghahanap ng dilihensya. Pinangako niya sa sarili na sa darating na pasukan ay i-enroll niya si Rina. Sayang kasi kung hindi ito makatapos sa pag-aaral dahil nasa second year high school na ito. Ayaw niyang matulad ito sa mga kabataan sa kanilang lugar na maagang nagsipag-asawa. Noon pa siya na gusto rin isama ng mga bugaw sa kanilang lugar. Tiyak raw kasi ang malaking pera dahil tisay siya at may magandang hubog ng katawan. Sabi nga ng karamihan kapag naayusan siya ay tiyak ay patataubin niya sa ganda ang mga sikat na artista. Ngunit hindi siya kailanman nagpadala sa mga bugaw. Ang pagbebenta sa sarili ay ang pinakahuli-hulihang bagay na gagawin niya. Kung gagawin man niya iyon ay doon na siya kakapit sa tao na alam niyang magpapaluhod sa mga taong may sala sa kanilang mag-ina. Pero pasasaan ba’t maisasakatuparan din niya ang mga plano. “Kumusta si Mama?” tanong niya kay Rina nang makarating sa ward ng kanyang ina. Inabot niya rito ang biniling pansit. “Kainin mo iyan, baka hindi ka pa nakakapagmeryenda.” “Mamaya na lang po, Ate. Busog pa kasi ako sa binigay na rasyon ng hospital.” “Sige, kainin mo kapag gutom ka na,” aniya na hinalikan ang noo ng kanyang ina. Buong ingat niya ito na pinatagilid para hindi matanggal ang mga nakakabit na aparato sa katawan nito. Pinunasan niya ang likod nito. Naawa siya sa kanyang ina dahil namamaga at pamamantal na ang likod nito bunga ng iisang posisyon sa loob ng mahabang panahon. Regular naman niyang pinupunasan ang likod nito pero hindi pa rin sapat. In-apply-an na lang niya ng ointment para hindi lumala. Dinala niya ang towel sa CR para labhan iyon. At pagbalik ay buong katawan na ng kanyang ina ang pinunasan niya. “Magpahinga ka muna diyan, Rina. Baka pagod ka.” “Naku, hindi po, Ate. Buong araw nga lang ako nakaupo at nagbabasa ng pocketbook.” “Sige bukas manghihiram ulit ako ng pocketbook sa kapitbahay natin para hindi ka mainip dito.” “Salamat po, Ate.” Nang matapos sa pagpupunas ay hinawakan niya ang kamay ng ina. “Ma, may nakita akong relo. Siguradong mahal ito. May pang-MRI ka na bukas. Sana may good news na sa result mo. Lumaban ka lang, Ma. Hindi ko kasi kaya na mawala ka.” Hindi na niya mabilang kung ilang beses na niyang pinangako sa sarili na hindi na siya iiyak sa harap ng kanyang ina pero hindi niya magawa. Paulit-ulit pa rin siyang nadudurog sa nakikitang kalagayan nito. Pinahid niya ang mga luha. Malakas na bumuga ng hangin para maibsan ang bumabara sa dibdib. “Laban lang tayo, Ma. Kasi ako, kahit kailan ay hindi kita susukuan.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD