JAMILLA “Bakit ang tagal mo, Jamilla?” tanong sa akin ni Romeo. “Maraming tao sa restroom,” kibit-balikat kong sagot. Madilim dito sa bar, kaya hindi ko nakita ang ekspresyon ni Romeo. Wala rin akong pakialam kung naniwala siya sa sinabi ko dahil nauna na akong naglakad palabas ng bar. Tumawag ng taxi ang kapatid ko at nagpahatid sa hotel. Pareho kaming tahimik habang sakay ng kotseng sinasakyan namin dahil hindi namin puwedeng pag-usapan ang kahit anong detalye sa ginagawa naming trabaho dito sa Cambodia. “Malas natin ngayong gabi,” narinig kong sabi ni Romeo nang makapasok kami sa suite na tinutuluyan namin. “Masyadong madulas ang lintik na ‘yon.” Umupo siya sa sofa at hinilot ang noo. Hindi ako nagsalita at hinayaan ko lang siyang magsalita ng kung ano-ano hanggang nagsawa siya a

