JAMILLA
“Sa tingin ko, puwede na nating ipakasal sina Jamilla at Drake para magkaapo na tayo,” narinig kong sabi ng aking ama.
“Dad!”
Mabilis akong napahakbang palapit sa kaniya nang marinig ko ang sinabi ni Daddy kay Ninong Declan.
Kaarawan ngayon ng ninong ko, kaya pumunta kami dito sa mansion ng mga Madrigal, pero narinig ko silang pinag-uusapan na naman ang tungkol sa kasunduan nila tungkol sa amin ni Drake.
Tuwing nagkikita sila, kami palagi ang sentro ng kanilang usapan, kaya nagsasawa na ako, pero wala akong magawa para matigil ito dahil para bang ito ang nagpapasaya sa kanila.
Ang nakakainis pa ay pabor din dito si Mommy. Maging ang Ninang Leigh ko ay gustong-gusto na nila kaming ipakasal ni Drake, pero harapan kong sinasabi sa kanila na ayaw ko pang magpakasal at mag-asawa.
I'm now twenty-four, at dito na nakasentro ang buhay ko. Para bang wala na akong mapagpipilian dahil isa lang ang kahahantungan ko at iyon ay ang maging asawa ni Drake.
“Anak, don't you think it's the right time para magpakasal na rin kayo kay Drake?” tanong ni Daddy sa akin.
“No,” mabilis kong sagot. “I'm sorry, Dad, Ninong, pero wala kaming relasyon ni Drake. He's not even my boyfriend to begin with.”
“Ano ba ang ayaw mo sa kinakapatid mo, Jam?” tanong ni Ninong Declan.
“He's handsome, capable, and I assure you, mahal ka ng anak ko.”
“But I don't like him, Ninong,” mabilis kong sagot.
“Please don't pursue us, kasi imposible po ang gusto ninyong mangyari.”
Nakita kong gumalaw ang kilay ni Ninong Declan. Si Daddy naman, nilagok ang alak na laman ng kopitang hawak niya at inubos ito.
“But you're not getting any younger, Jam,” sabi ni Daddy sa akin, pero hindi na ako sumagot pa para hindi na humaba ang aming usapan.
“Excuse me po,” paalam ko sa kanila.
Palagi akong pumupunta dito, kaya pamilyar ako sa pasikot-sikot dito sa bahay ni Ninong Declan, kaya alam ko kung saan ako pupunta para makalayo sa kanilang lahat at nang hindi nila ako makita.
Kanina pa pinag-uusapan ni Ninong Declan at ni Daddy ang tungkol sa kasunduan nila. Kahit sina Ninong Dexon at Ninong Alexander ay bukang-bibig rin nila ang tungkol sa amin ni Drake, gayong hindi ko nga kinakausap ang lalaking iyon.
Lumabas ako dito sa garden at pasalampak na sumandal sa malaking paso. Nakasuot ako ng fitted jeans, mataas na sapatos, at puting t-shirt, pero balewala ito sa akin ngayon dahil gusto kong makalayo sa kanilang lahat at mapag-isa.
Basta na lang akong umupo sa damuhan at sumandal sa malaking paso. Palagi akong nagtatago dito kapag pumupunta kami sa bahay ni Ninong Declan, kaya hindi agad nila ako nahahanap, at lumalabas lang ako kapag tapos na ang party at pauwi na kami sa bahay.
Nababagot na ako dito sa party. Gusto ko sanang umuwi, pero dahil wala akong dalang sariling sasakyan, hindi ako makauwi sa bahay.
Kung maglalakad naman ako, papagurin ko lang ang aking sarili dahil nakatayo sa isang exclusive subdivision ang bahay nina Ninong Declan, kaya mahihirapan akong maghanap ng taxi o kaya GrabCar sa labas.
Nakapikit ako at nakasandal ang likod at ulo sa malaking paso nang maramdaman kong may mga yabag ang palapit sa kinaroroonan ko. Hindi ako nagmulat ng aking mga mata kahit naramdaman kong tumigil siya sa harap ko.
“Malamok dito, Jam,” sabi ng tinig na pamilyar sa akin.
Kahit hindi ako magmulat ng aking mga mata, alam ko kung sino ang kasama ko dito sa garden, dahil kilala ko ang tingin niya.
“Bakit nandito ka?” masungit na tanong ko sa aking kinakapatid.
Hindi siya sumagot, pero naramdaman kong umupo rin siya sa tabi ko. Tahimik at hindi nagsalita si Drake, kaya dahan-dahan akong nagmulat para tingnan kung bakit wala siyang imik ngayon.
Nagsalubong ang aming mga mata ni Drake nang mahuli ko siyang nakatitig sa mukha ko. May tanglaw na liwanag dito sa garden mula sa may kalayuan na poste sa dulo, kaya malinaw na nakita ko ang kakaibang emosyon sa kaniyang mga mata habang nakatingin siya sa akin.
“Kung inaantok ka na, maraming guest room sa loob, Jam. Puwede kang matulog doon, tapos ihahatid na lang kita bukas,” mahinahon na sabi ni Drake sa akin.
“Huwag na,” agad kong sagot. “May sarili naman akong bahay.”
Ngumiti sa akin si Drake. Umangat ang kanang kamay niya at hinawi ang ilang hibla ng buhok na tumakas sa tenga ko.
“Alam ko, pero mukhang pagod na pagod ka, Jam,” malumanay niyang sagot.
Tinabig ko ang kaniyang kamay at umayos ng upo. Kapag kasama ko si Drake, para siyang ibang tao. Nagiging malumanay siyang magsalita, hindi brusko katulad kung paano niya kausapin ang ibang tao.
Bugnutin at masungit rin ang isang ito, hindi katulad ni Draven na kahit seryoso sa buhay ay pormal kausap.
Mabilis mag-init ang ulo ni Drake at laging napapaaway noon, pero pagdating sa akin, ibang bersyon ng pagkatao niya ang nakikita ko.
May pasa na naman siya sa mukha, kaya napailing ako. Hindi ko alam kung sino na naman ang nakaaway niya, pero ayaw kong magtanong dahil baka isipin niya na nag-aalala ako sa kaniya.
Nag-iwas ako ng tingin dahil hindi ko kayang salubungin ang mga mata ni Drake. Pinili kong pumikit para makaiwas sa kaniya, pero mukhang mali ang ginawa ko dahil nararamdaman kong hinawakan niya ang kaliwang pisngi ko at marahang hinaplos ang balat ko.
Ramdam kong tumatama ang mainit na buga ng kaniyang hininga sa aking balat at naamoy ko ang alak mula sa kaniyang bibig, katunayan na malapit siya sa akin.
“I missed you, Jam,” narinig kong bulong niya sa akin.
Natatakot akong magmulat ng aking mga mata dahil ayaw ko siyang makitang nakatitig na naman sa akin. Hindi rin ako sumagot dahil biglang kumabog ng malakas ang aking dibdib, bagay na sinamantala ni Drake dahil bigla niyang sinunggaban ang mga labi ko at siniil niya ako ng maalab na halik.