DONYA SALUME
Maaga akong gumising ngayong araw dahil hindi ako pinatulog ng balita kagabi. Binalaan ko ang lahat na wag nang ipaalam sa asawa ko ang nangyari at ang tungkol sa liham na pinadala ni Crisanto Alvarado. Natatakot ako sa kung anong maaaring magawa ni Felicio kapag nakarating pa ito sa kanya. Ayaw niya ng away at paniguradong pipigilan niya ako kung sakaling sinabi ko sa kanyang balak kong harapin ang mga may sala sa paninirang puri sa anak ko.
"Badeth, ihanda ang aking gamit at ang aking maleta dahil mukhang may ngungudngurin ako ng salapi ngayong araw. Talagang hindi ako tinatantanan ng matandang Alvarado na iyon. Anong tingin niya sa pamilya ko? Nakabaon pa rin sa putik?!"
Nagngingitngit ang aking mga ngipin sa sobrang panggigigil. Hindi na ako makapaghintay na magkaharap-harap kami pati na ang anak niyang mukhang minana ang kanyang pagka-walanghiya.
Hindi na ako nagulat. Dapat talaga noon pa lang, inilipat ko na si Aquilina ng paaralan. Kung hindi lang dahil sa pinsan ni Felicio, hindi talaga ako papayag na makasama ng anak ko ang kahit sinong anak ng mga umalipusta sa amin noon.
Ang tataas pa rin ng tingin nila sa kanilang sarili. Kung sabagay, iyon na lamang ang kaya nilang gawin, ang magbulag-bulagan sa nakaamba naming kapangyarihan. Imposibleng maungusan nila ang yaman at kapangyarihan ng Pamilya namin, kaya naiintindihan ko kung bakit hanggang ngayon, Alvarado, nanlilimos ka pa rin ng pansin.
"Ina? Bakit po kayo nakabihis nang ganiyan? Kayo po ba ay may lakad? Ngunit nauna na pong umalis si Ama ngayon," nagtatakang tanong ng aking Unica ija, sapagkat ako'y hitik sa mamahaling alahas. Suot ko rin ang damit na regalo sa akin ng kanyang ama na inangkat pa galing Europa.
Hindi ako mayabang na tao, pero kapag kailangan, hindi ako magtitimpi hangga't hindi ko nakikita ang inggit at galit sa kanilang mga mata.
"Ihahatid kita sa iyong paaralan. Ayaw mo ba no'n?" matipid kong tugon. Nilapitan ko si Aquilina, hinipo ang kanyang pisngi upang matanggal ang anumang bumabagabag sa kanya ngayon. Matalino ang anak ko, masyado ring mabait katulad ng kanyang ama kaya natatakot ako na baka hindi niya magampanan ang pagiging Rimas, lalo na't hindi panghabangbuhay nasa tabi niya kami.
"Ina, hindi po ito alam ni ama, hindi po ba? Baka po magalit siya kap--"
"Hindi magagalit ag iyong ama dahil ihahatid lamang kita. Masama bang gawin ko iyon? Hmm? Alam kong lagi kaming wala at tanging ang iyong Yaya Badeth mo lamang ang siyang kasa-kasama mo lagi. Hayaan mong bumawi ako sa iyo, maliwanag?"
Tumango ito kaya magkahawak-kamay kaming naglakad patungo sa sasakyan. Magkatabi kami ni Aquilina. Hindi pa rin siya napapanatag nang tuluyan na hindi ko na kailangan pang problemahin.
"Anak. Tandaan mo, sa mundong ito, ang lahat ay may hangganan. Kahit ang kabutihan sa puso ay maaari ring mapaso lalo na kung inabuso."
Nakatingin lang si Aquilina sa akin. Alam kong naguguluhan siya kung bakit ko ito sinasabi sa kanya bagamat laging bilin ng kanyang ama ay ang pagiging matulungin at mabait sa lahat ng nilalang.
Hinagod ko ang kanyang ulo, itinuon na lamang ang atensyon sa dinaraanan ng aming sasakyan. Maganda at maaliwalas ang panahon ngayon, tamang-tama para sa mga nagtatabas ng tubo sa aming hacienda. Mukhang matatapos na nila ang kanilang gawain ngayong araw, naua.
Tahimik naming binaybay ang malubak na kalsada. Kung bakit ba naman kasi ang niluluklok ng mga tao sa Baryong ito ay ang mga wala namang pakialam sa kaayusan ng lugar? Tss, basta mabango ang pangalan at mabango ang mukha, iyon na lamang ang kanilang inaanyayahang maupo at mamuno sa kanila.
Katulad ng kampo ng Ynarez y Valencia. Tanging ang negosyo nila sa paggawa ng serbesa ang kanilang tanging maipagmamayabang kaya pati pulitika ay hindi nila pinalalagpas. Hindi ko naman masisisi ang mga mamamayan na ang tanging hanggad lang ay mabuhay. Pagkain, hanapbuhay, sa eleksyon lamang nila inilalabas ang lahat ng bagay na iyon at binabawi rin kapagka nanalo. Ang kawawang mga mamamayan dito sa Barrio Milagrosa ay hindi naman makahihindi, magandang biyaya na ang makatanggap sila ng ilang kilo ng bigas sa mga tusong Ynarez na iyan. Kapag tinanggap nila ang tulong, hindi na sila pwedeng umatras. Para iyong kasunduan na kaluluwa nila ang siyang nakapirma.
Yumigil na ang sasakyan. Ibinalik ko ang aking tingin kay Aquilina na binuksan na ang pinto.
"Mag-iingat ka."
"Kayo rin po, Ina." Yumuko ito nang bahagya bilang pagbibigay galang. Natutunan niya iyon sa akin, sapagkat ako'y panatiko ng magandang etiko ng mga taga-Kanluran.
Ngumiti ako at ginantihan ang kanyang magandang asal. Tumalikod na siya, tiningnan kong maglakad palayo ang aking unica ija.
"Aquilina!" tawag ko. Lumingon ito, ngunit hindi na lumapit. "Ipapaalala ko lamang sa iyo kung anong apelyido ang iyong dinadala. Naua'y hindi mo ito makalimutan kapag may umaalipusta sa iyo, maliwanag?"
"Maliwang po Ina. Hindi ko po kakaligtaan na isa akong Rimas, pangako po."
Ilang beses akong tumango dahil ako'y napatag sa kanyang sinabi. Isinara ko na ang pinto ng sasakyan at umalis na kami. "Isang ikot lang. hayaan nating makapasok muna ang anak ko bago tayo sumugod," utos ko kay Apollonio, ang aking personal na drayber.
"Badeth, kumusta ang pinapaimbestigahan ko sa iyo? Saan nagtungo si Aquilina bago siya umuwi sa bahay? Hindi niya ba sa iyo naikwento?" tanong ko sa Yaya ng aking anak.
"Hindi po, Donya Salume, ipagpaumanhin niyo po. Ngunit, hintayin lang po natin, kusang magsasabi si Aquilina sa mga bagay na nangyari sa kanya. Hindi naman po siya mapaglihim na bata, bigyan lamang po natin nang kaunting panahon pa."
Hindi na ako kumibo dahil kahit papaano'y napanatag ako noong sabihin niyang wala sa kanyang sinabi si Aquilina. Kung maaari lamang na maiwan sa bahay upang matutukan ang paglaki ng aking anak, ginawa ko na. Ang kaso, itong si Felicio ay hindi maaaring mag-isa sa mga pag-uusap tungkol sa kalakaran sa negosyo, lalo na't busilak ang kanyang puso. Ayaw kong maulit ang nangyari sa amin kaya kami naghirap noon at napilitang gumapang upang mabuhay.
Hinding-hindi ko hahayaang maranasan ni Aquilina ang hirap na pinagdaanan namin. Makikipagpatayan ako para lamang magkaroon ng magandang bukas ang aking anak.
"Hindi po ba, kotse iyan ni Donya Emiliana Alvarado?" tanong ni Badeth. Huminto na muli kami. Hindi ako kumibo dahil mukhang nasa loob na ang kampon ng demonyo.
"Halina kayo," aya ko. Bumaba na ako sa sasakyan. Si Badeth ang may hawak ng parasol, samantalang si Apollonio ang may dala ng aking maleta na may lamang limang libo. Aba, pwede na iyong makatayo ng isa pang paaralan.
Naglakad na kami patungo sa loob. Ang lahat ay nagbigay galang noong mamukhaan ako. Nararapat lamang, dahil isa ako sa dahilan kung bakit nakatayo itong imprastraktura na ito.
"Magandang araw, Donya Salume. Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo?" tanong ng isang guro. Hndi ko siya kilala, ngunit naagaw ng atensyon ko ang kanyang suot at ang alahas sa kanyang daliri.
Hindi naman gano'n kataas ang sahod ng guro, ngunit...
"Hinahanap ko kung saan ang tanggapan ng punong-guro? Ako lamang ay magbibigay ng donasyon dahil napansin kong maraming kailangang ayusin at palitan sa paaralang ito. Katulad na lamang ng pintura. Mahigit labinlimang taon na ang nakalipas, ngunit bakit hindi man lang nabibihisan ng bagong kulay ang pader ng paaralan? Naghihirap ba? Imposible iyon. Anak mayaman ang tinatanggap ninyo, hindi ba? Anong nangyari?" tanong ko na may halong pag-
uusig.
Hindi ko na siya hinintay pang sumagot dahil wala akong oras para pakinggan iyon. Nais ko lamang mapagnilayan niya ang mga bagay na inilalagay niya sa kanyang bulsa, lalo na't hindi naman iyon dapat na napupunta roon.
Nilagpasan namin siya, hindi pa man kami nakakalayo, nagsalita ito. "N-Nasa kaliwa po ang tanggapan ng punong-guro, D-Donya Salume."
Nilingon ko siya, nginitian ngunit halatang para lamang sa pang-iinsulto. "Alam ko. Maraming salamat."
Hindi ko makakalimutan ang iyong mukhang punong-puno ng pagsisisi. Naua'y hindi na niya ulitin kung ano man ang pagkakasalang kanyang nagawa.
Pagkarating namin, huminto kami saglit. Huminga ako nang malalim bago utusan si Badeth na pagbuksan ako ng pinto. Bumulaga sa amin ang hindi inaasahang kaganapan.
Bakit naririto pati ang anak ko?
"I-Ina?" utal na bati ni Aquilina. Lumapit ako sa kanya. Niyakap niya ako kaagad, halatang kanina pa siya ginigisa ng demonyitang mag-inang Alvarado.
"Ipagpaumanhin mo, Aquilina kung nahuli ang iyong Ina. Makakabalik ka na sa iyong silid-aralan," mahinahon kong utos.