"At sino ka para kaswal na paalisin ang anak mo? Ayaw mo bang marinig niya ang kanyang kasalanan? Haha! Kungsabagay, hindi pa ba siya sanay sa bansag na iyon? Gayong paniguradong araw-araw niyang naririnig sa mga tao na siya ay anak ng mamamatay-tao."
"Aquilina," tawag ko sa aking anak. Tiningnan ko siya, ngumiti ako habang hinahaplos ang kanyang mukha. "Opo, Ina," tugon nito. Mukhang nabasa niya nang maayos ang galaw ng aking mata. Ano pa nga bang aasahan ko sa aking anak?
Ilang beses tinawag ni Emiliana ang pangalan ng anak ko, nais niya iyong pabalikin ngunit hindi siya nito pinakinggan. Kinuha ko ang maleta na hawak ni Apollinio at padabog iyong inilapag sa lamesa ni Maria, ang punong-guro.
"Sabihin mo sa akin kung magkano ang donasyon na ibinigay sa inyo ng asawa ng huklubang ito para magkaroon kayo ng karapatan para apihin ang anak kong si Aquilina. Akala niyo hindi makakarating sa akin ang balitang pinakalat ninyo sa buong paaralan na ang anak ko ang may sala sa nangyari sa demonyit--sa malas na batang ito? Isang kalapastanganan sa pangalang Rimas!"
Nanggagalaiti ang bawat ugat ko sa katawan dahil sa nakarating na balita at sa nasaksihan ko ngayon. Kagabi pa kumukulo ang aking dugo. Talagang nagpadala pa ng liham ang Crisanto na iyon na kailangang humingi ng tawad ng anak ko sa nagawang kasalanan!? Ano siya? Masyadong mayabang ngunit wala namang bayag! Asawa niya ang pinapunta niya rito, anong mapapala ko kay Emiliana? Isa lamang siyang hamak na bayarang babaeng napulot niya sa kalsada.
"Donya Salume, huminahon po muna tayo dahil hindi ka namin pinatawag dito para mas lalong guluhin ang lahat. Nais naming mapag-usapan nang mahinahon ang bagay na nangyari kaya kung maaari sana'y maupo po kayo nang maayos upang maituloy ang pag-uusap."
Ngumiti ako dahil nais niya na pag-usapan ang bagay na ito nang mahinahon at maayos? Ngunit kanina, ginigisa nila ang anak ko?!
Huminga ako nang malalim at naupo gaya ng kagustuhan niya. Sinipat ko ang mag-na na nakaupo malapit kay Maria, tinataasan ako ng isang kilay ni Emiliana.
Nakakatawa. Halatang hindi siya naturuan nang maayos ng kanyang asawa. Sa gawi ng pag-upo at pagpapalaki ng kanyang anak, palpak. Umaalingasaw ang kapalpakan niya bilang ina. Hindi ko rapat sisihin si Criscentia sapagkat isa lamang siyang biktima. Minalas na manirahan kasama ang mga taong walang alam kung hindi ang manira ng buhay.
"Ang nais lamang pong mangyari ngayon ng Pamilya Alvarado ay marinig mula sa inyong anak, Donya Salume ang sinseridad na tawad kaya namin siya inanyayahan din dito."
"At pati na rin ang kanyang Ina dahil kung anong ugaling ipinapakita ng kanyang anak ay salamin ng ugali ng kanyang magulang, hindi ba? Alam mo iyon, Salume sapagkat isa kang madunong na babae. Kaya mo nga iniwan ang iyong marangyang buhay mo noon para samahan sa hirap ang iyong asawa, dala ng iyong kadunungan."
Tumawa ako dahil napakagandang biro ang inihandog niya sa akin. Kanino niya kaya iyon natutunan? Paniguradong sa gurang niyang asawa. "Hindi ko alam na darating ang araw na kakausap ako ng isang baliw at makakakita ng magdalena na nabihisan ng magandang kasuotan. Gaano man kamahal ang pabango na kanyang iwinisik sa kanyang damit, naaamoy ko pa rin ang barusa kung saan siya nanirahan noon. Alam mo ba iyon, Emiliana? Natatandaan mo ba?"
Nabigo siyang mag-isip ng ibabato sa akin. Natibag ang tapang na kanyang pinaghirapang buuin, dahil peke iyon. Kahit saang banda, wala siyang maipagmamayabang sa akin. Kahit katiting.
"Maria, isang beses ko lamang itong sasabihin. Hindi ako pumunta rito para humingi ng tawad o hayaang yumuko ang anak ko sa kahit na sinuman. Ginawa niya iyon dahil nauna ang demonyitang ito. Pasensya ka na, ija, ngunit iyon ang tawag ko sa iyo, sisihin mo ang iyong magulang."
"Isa ka talag--"
Tinaasan ko siya ng kilay. Umabante rin si Apollinio upang harangan ako mula sa pag-aamok ni Emiliana.
"Heto, ang donasyon ko. Sana'y makita ko ang pagbabago sa paaralang niluhuran mo, Maria. Hindi kita tinulungan para tumanggap ng donasyon mula sa mga nilalang na may maitin na intensyon, dahil hindi ka pagpapalain ng Diyos kapag ginawa mo iyan. Iyon lang naman ang nais kong sabihin ngayong araw. Kung--"
Hindi ko na natapos ang aking sasabihin noong may bigla na lang pumasok sa pinto. Isa iyong bata, paniguradong kasing edad ni Aquilina.
"M-Magandang u-umaga po sa inyo, Donya Salume, Donya Emilina," magalang nitong pagbati.
"Anong ginagawa mo rito? Munting iha?" tanong ko. Halata ang takot sa kanyang katawan at base sa brotse na nakadikit sa kwelyo ng kanyang uniporme, nagbuhat siya sa pamilyang Alvarado.
"Bakit ka nandito, ha!? Inutusan ka ba ni Aquilina na kampihan siya?"
Nagulat ako sa inasal ng munting Senyorita. Talagang walang modo katulad ng kanyang Ina.
"Anong ibig sabihin nito, Maria? Sino ang batang ito? At ano ang kanyang hangarin? Mukhang alam mo dahil sa iyong reaksyon," wika ko. Hindi lang ang munting bata ang dumagdag na panauhin dahil may dalawang guro na sumilip sa amin. At dali-daling kinuha si Mildred.
"Paumanhin po sa inyo. Tumakas po ang batang it--", "Hayaan niyo siya. Mukhang may dapat siyang sabihin sa akin ngayon. Ano iyon, Mildred? Wag kang mag-alala, hindi ka nila masasaktan, sinisigurado ko iyon."
Hindi man nawala nang tuluyan ang takot sa kanya, masaya ako dahil nabawasan iyon.
"G-Gusto ko lang pong sabihin na wala pong kasalanan si Aquilina. Ipinagtanggol niya lamang po ako kay Criscentia sapagkat ako'y kanyang pinapahiya sa kanyang mga kaibigan." Nakayuko ang kanyang ulo habang sinasabi iyon. Tumayo ako. Sinamaan ko ng tingin ang mag-ina pati na rin si Maria.
Lumapit ako kay Mildred, bahagyang yumuko upang haplusin ang kanyang pisngi. "Gano'n ba? Maraming salamat sa iyong paglalakas-loob. Matanong ko lang, bakit ka nasa puder ng Alvarado?" tanong ko.
"Inampon po ako ni Don Crisanto noong namatay po ang aking pamilya na nagta-trabaho sa ubasan na kaniyang pagmamay-ari."
Nahabag ako noong makita ko ang mangiyak-ngiyak nitong mga mata. Paniguradong hindi siya titigilan ni Emiliana kapag hinayaan kong umuwi pa ang batang ito sa puder ng mga Alvarado.
Hinawakan ko ang kamay ni Mildred at ibinigay iyon kay Badeth.
Hinarap kong muli ang tatlo na ngayo'y gulat dahil sumabog ang kanilang plano. "Akala ko ito na ang huling beses na makikita at makakausap kita, Emiliana, ngunit magpapadala ako ng sulat upang tayo'y magkaharap na muli. Balak kong bilhin ang batang ito upang hindi masayang ang kanyang buhay at hindi mabahiran ng kasamaan ang kanyang pagkatao."
"Nahihibang ka na ba? Salume? Para ano? Anong makukuha mo sa bubwit na iyan?! At saka, hindi papayag si Crisanto, iyon ay kung luluhod ka muna sa amin at hihingi ng paumanhin dahil sa ginawa ng anak mo! Muntik na siyang makapatay! Magbubulag-bulagan ka lang ba ro'n?!"
Hindi ko maatim ang karupukan ng kanyang kokote. "Idinidiin mo pa talaga ang bagay na iyan? Gayong narinig mo naman na ang anak mo naman talaga ang siyang maysala? Kung anong nangyari sa kanya, karma niya na iyon. Kung hindi mo alam ang salitang karma, ayan si Maria, punong-guro rito, paniguradong maraming alam, at marami na ring nakamkam. At pagdating naman sa asawa mo. Paniguradong hindi siya makakahindi sa akin. Baka sa sobrang dunong ko, magawan ko siya ng kwento at ikanta sa lahat na isa siyang mamamatay-tao? Madali lang sa akin ang magpabagsak ng tao, at alam kong alam ninyo 'yan. Kaya kung susubukan niyong dumikit at sumipsip sa akin, galingan na, hindi ba? Maria? Oh, siya. Tapos na ang pagpapahiram ko sa inyo ng aking oras. Naua'y may natutunan kayo mula sa madunong na kagaya ko."
"P-Papaano po ang donasyon ninyo, Donya Salume?" pahabol na tanong ni Maria noong kunin ko ang maletang may lamang salapi.
"Kay Mildred ko na lamang gagamitin ito dahil paniguradong magbubunga ito nang kabutihan pagdating ng panahon. Kesa naman sa isampal ko sa iyo, wala naman akong mapapala, hindi ba?"
Naglakad na kami palabas ng silid, hindi nilingon ang pagsisisigaw ng bubwit na Alvarado. Kawawang bata, inagawan ko ata ng laruan. Umiling ako nang ilang beses noong tuluyan na kaming makalabas sa maruming silid na iyon.
"Kayong dalawa, siguraduhin niyong iingatan niyo ang batang ito, maliwanag? Bahagi na siya ng Pamilya Rimas. Kaya kung ayaw niyong matanggalan ng trabaho, ayusin niyo ang ginagawa niyo."
Bago ko muling ibalik si Mildred doon sa guro niya, binigyan ko siya ilang mga salita na lagi ko ring sinasabi kay Aquilina.
"Mildred, simula sa araw na ito, lagi mong tatandaan na ikaw ay wala na sa puder ng mga Alvarado. At bilang parte ng pamilya namin, itatak mo ito sa isip at puso mo. Ang Pamilya Rimas ay mga dedikado, at edukadong tao."
Inulit niya ang sinabi ko nang may kasiyahan. Hinaplos ko ang kanyang ulo bago siya ibigay sa dalawang guro.