"Sigurado po ba kayo sa inyong naging pasya, Donya Salume? Paano ang inyong asawa? Kapag nalaman po niyang nagbuhat ang batang iyon sa mga Alvarado, baka po hindi siya pumayag. Alam niyo naman po ang hirap na din--"
"Badeth. Alam mo kung gaano kabait ang asawa ko, di ba? Hindi niya idadamay ang bata dahil lamang sa pamilyang pinagsilbihan nito. Maganda na rin iyon dahil may kasa-kasama na si Aquilina na bata sa bahay at hindi lamang puro sa inyo nakasunod."
Hindi na ito umimik. Noong makalabas na kami sa paaralan. Narinig naming nagsisisgaw ang anak ni Emiliana. Halatang laki sa layaw. Bakit hindi niya paluin sa pwet, kaya nga iyon ginawa ng Diyos na matambok para sa pagdidisiplina. Kailangan ko pa ba iyong sabihin sa kanya? Ano na lamang ang naiambag niya bilang ina ni Crisentia at maybahay ni Crisanto?
"Bakit hindi mapaparusahan si Aquilina! She almost killed me! Dapat talaga si daddy na lang ang nandito at hndi ikaw! Wala ka namang ginawa para ipaglaban ako! I'll tell dad about this!"
Padabog na naglakad si Crisentia palayo sa kanyang ina. Noong makita niya ako, natigilan siya at muling nagtago sa likod nito.
"Anong tinitingin-tingin mo? Hindi ka pa ba nakokontento? Hindi na nga nakuha ng anak ko ang hustisya na para sa kanya, mamaliitin mo pa kami hanggang dito?!"
"Anong pinagsasasabi niya, Badeth? Hindi ko mawari. May sinabi ba ako para mag-eskandalo siya nang ganyan?" tanong ko. "Wala naman po, Donya Salume," mabilis na tugon nito.
Bago ako pumasok sa sasakyan, tiningnan ko muna sa huling pagkakataon ang mag-ina.
"Makinig ka sa anak mo, Emiliana. Dapat talaga si Crisanto na lang ang pinaharap mo sa akin at hindi ikaw, kahit na wala pa rin namang mababago kahit magsama-sama pa kayong tatlo. Ang Pamilya ko ay mananatiling nasa taas, at kailanman hindi kami yuyukod sa sinumang mas mababa sa amin, lalo na kung sa hindi karapat-dapat."
Pagkatapos kong sabihin ang mga linyang iyon, mas lalong nagwala ang dalawa. Hindi ko na sila pinansin dahil sayang sa oras. Mas mainam nang dumalaw na lang sa hacienda at magpakain ng mga tarabahador kesa makipagdaldalan sa kanila. Baka hindi kayanin ng utak ni Emiliana ang kadunungan ko, dumugo ang kanyang ilong.
"Diretso tayo, Apollonio. Badeth, bumili ka ng limang supot ng pandesal at ng maaaring ipalaman, pati na rin santa para sa inumin para may maipakain tayo sa mga nagtatabas ng tubo." Ibinigay ko ang pera kay Badeth at saglit na tumigil ang sasakyan sa panaderya ni Mang Ben. Suki niya ang pamilya namin dahil talagang masarap ang kanilang tindang tinapay at isa pa, tinulungan din namin ang kanilang pamilya noong nagkasakit ang kanyang anak. Mabuting tao si Ben kaya hindi namin ipinagdamot ang aming salapi sa katulad niya. Sa sipag at kabutihang loob niya, hindi na ako magtataka kung balang araw, dadami ang sangay ng kanilang negosyo.
Bumaba na si Badeth, tinanong ako ni Apollonio kung may balak daw akong sabihin kay Felicio ngayon ang nangyari. "Oo naman. Mamaya pag-uwi niya, sasabihin ko sa kanya ang tungkol kay Mildred. At saka, panigurado naman akong magtatanong din siya kapag nakita niya ang bata."
"Donya Salume. Ito po ay opinyon ko lamang. Pero mukhang mas mainam po na huwag niyo na lamang ipaalam kay Don Felicio na nagbuhat ang bata sa pamilya Alvarado. Paniguradong iisipin niyang ispiya iyon bagamat bubwit pa lamang. Maaari ko po siyang kupkupin kung papayagan ninyo ako. Batid niyo naman po sigurong nawalan kami ng anak ng aking asawa. Ako po ay handang tanggapin ang batang iyon bilang akin."
Hindi ako kaagad nakasagot. Alam kong may kakayahan si Apollinio na kupkupin si Mildred, at hindi masamang ideya ang kanyang ibinahagi ngayon. Pero, ako'y nakapagsabi na sa bata na magigi siyang parte ng aming pamilya.
"Mangyaring kausapin natin ang bata mamaya upang malaman kung ano ang kanyang pasya. Wag kang mag-alala, kung maibigan niya na sumama sa iyo, hindi ako tututol. May tiwala ako na mamahalin at aalagaan niyo siya nang maayos."
Tumango ito na ikinapanatag na ng aking loob. Mas mainam na ngang hindi malaman ni Felicio at baka bumalik sa kanyang ala-ala ang masalimuot na naranasan niya sa mga kamay ng Alvarado.
"Punta na tayo sa hacienda, ayan na si Badeth," wika ko sa kanya. Pagkapasok nito, binati ako ni Mang Ben na siyang tumulong kay Badeth sa pagkarga ng mga inumin. "Maraming salamat po sa inyo, Donya Salume. Kalugdan naua kayo ng Panginoon at pagpalain pa lalo."
"Naku, ikaw rin naua. Sa uulitin, Mang Ben, magandang araw." Bago umandar ang sasakyan, bahagyang yumuko pa ito upang magbigay galang.
"Gano'ng mga tao ang dapat tularan. May galang, may-utang na loob. Hindi katulad ni Maria! Jusko po! Kung alam ko lang hindi niya pagbubutihin ang kanyang trabaho, ako na lamang ang nagpatayo ng sarili kong paaralan at naglagay ng mga tao na alam kong mapagkakatiwalaan. Isa siyang--" Hindi ko na lamang itinuloy ang aking sasabihin dahil baka ako pa'y magkasala sa Panginoon. Ang ganda-ganda ng umaga, hindi dapat ako nagpapaapekto sa mga taong ang dala lamang ay negatibong enerhiya.
"Huwag niyo na pong paglaanan ng oras 'yang si Maria o ang Alvarado. Paniguradong tinapatan ng salapi ni Emiliana ang punong-guro na iyon. Hindi naman aastang gano'n ang asawa ni Don Crisanto kung walang lapag na salapi sa ilalim ng mesa, hindi po ba, Donya Salume," ani Badeth.
Mukhang kilalang-kilala niya ang ugali ni Emiliana. Kung sabagay, sinong hindi? Isa siyang kunehong nagtatago sa anino ng tigre. Sa tingin niya, dahil nakakabit ang Alvarado sa kanyang pangalan ay kikilalanin na siya ng mga elitista bilang isang makapangyarihang babae? Doon siya nagkakamali. Dahil hindi lamang salapi at ari-arian ang basehan upang matawag kang matapang at makapangyarihan. Kung walang laman ang isip at hindi marunong makipagkapwa, gaano ka pa karangya ay mananatili kang mabahong isda. Saan man magpunta, aalingasaw ang bulok na amoy.
Tahimik ang naging byahe namin. Ilang minuto lang ang lumipas, nakarating na rin kami sa isa sa aming hacienda. Pinagbuksan ako ni Apollonio ng pinto, si Badeth naman ang siyang nagdala ng pagkain.
"Maraming salamat. Ikaw na ang bahala sa mga softdrink sapagkat iyon ay hindi kaya ni Badeth," utos ko. Binuksan ko ang parasol at nauna nang maglakad doon sa dalawa. Noong makita ako ng mga trabahador, lahat sila ay nagbigay galang.
"Kumusta, matatapos ba ninyo ang lahat bago lumubog ang araw?" tanong ko. "Iyan po ay tunay, Donya Salume," mabilis na sagot no'ng isa.
"Kung gayon ay magaling. Hala! Kayo ay magpunta rito sa unahan upang kumuha ng tinapay at maiinom. Pagpasensyahan niyo na kung ito lamang ang nadala ko sapagkat maliit ang dinala naming sasakyan. Sa susunod, magpapaluto ako upang mapagsalu-saluhan nating lahat," wika ko na ikinagalak nilang lahat.
"Naku po, Donya Salume! Kami po ay nagagalak sa anumang bitbit ninyo sa amin. Hindi ho katulad sa pamilyang Alvarado, na wala man lang pong pakialam sa mga trabahador nila."
Tiningnan ko kung sino ang nagsalita. Mukhang base sa kanyang tono, nakapagtrabaho na siya sa mga Alvarado.
"Gano'n ba? Mabuti at umalis na kayo ro'n at nagpasyang lumipat sa amin."
"Opo. Malaki po ang pasasalamat namin sa inyo ni Don Felicio. Naua'y pagpalain pa po kayo ng Diyos."
Ngumiti ako dahil isang magandang sukli na iyon sa mumunting pagkain na ipinakain ko sa kanila. "Oh siya. Aasahan ko ang inyong pangako na matatapos ngayong araw ang trabaho niyo rito. Dadalhin ko bukas ang inyong sahod at kung may nais pang magpatuloy na magtrabaho sa pamilya ko, magpalista na lang kayo kay Badeth, maliwanag?" tanong ko. Sumang-ayon sila ng may ngiti sa mukha.
Nauna na kami ni Apollonio sa sasakya at hihintayin na lamang na bumalik si Badeth pagkatapos niyang kunin ang mga pangalan ng mga trabahador na mananatili.
"Bakit niyo po iyon sinabi, Donya Salume?" usyosong tanong ni Apollonio. Mukhang nagtataka siya kung bakit kailangan ko pang magpalista ng ngalan, gayong base sa mga naging reaksyon ng mga trabahador ay nagagalak silang manatili sa puder ng pamilya namin.
Hinarap ko si Apollonio bago sumagot. "Alam mo. Iyong nagsalita kaninang babae? Na nagtapon ng putik sa pangalan ng Alvarado? Siya'y hindi mananatili. Babalik siya sa kanyang amo upang iluwa ang naipon niyang kamandag at gagamitin iyon ni Crisanto upang tuklawin kami pabalik. Anong sinasabi kong kamandag? Iyon ay mga usap-usapan tungkol sa aming pamilya. Alam mo namang hindi lahat ng taong naghahangad mabuhay ay mabuti ang kalooban. Hindi ko mapipigilan kung ang iba naming trabahador ay magtapon din ng putik sa amin, at ikanta iyon sa espiya ni Alvarado. Kaya mainam nang malaman ko kung sino ang mga tapat sa amin, nang sila lang ang makatanggap ng aming pagpapala," mahaba kong paliwanag habang nanliliit ang mga mata.