KAPITOLO 4: EDGARDO TUNGPALAN

1344 Words
Maliban sa tanim na tubo, mayroon ding palayan ang mga Rimas, at isa sa mga katiwala nila ay ang pamilya Tungpalan. Ang dalawang ektarya ay nakaatas sa kanila habang ang iba ay sa ibang pamilya na matagal nang nagta-trabaho sa kanila. Panganay sa limang anak si Edgardo. Sa mura niyang edad, mulat na siya sa katungkulan ng kanilang buhay. Tinutulungan niya ang kanyang mga magulang sa paggagapas ng d**o. Sa tuwing anihan naman ay isa siya sa mga naggagapas ng palay. Hindi rin siya nawawala tuwing gigilingin na ito't ihahatid ang mga sako sa bodega ng mga Rimas. Kung maaari lamang, para sa kanya, mas nanaisin na lamang niyang magtrabaho kesa mag-aral. Ngunit iyon ay masidhing tinutulan ng kanyang ama't ina sapagkat, naniniwala sila na daig ng may pinag-aralan ang masipag lamang. Sa mundo at panahon kung saan sila nabubuhay, kailanman, hindi aasenso ang katulad nila sapagkat wala silang dunong na maipantatapat sa iba. EDGARDO "Ama! Ina! Kanina po dumalaw sa tubuhan si Donya Salume. Nagpakain po siya ng tinapay at nagbahagi rin ng Santa! Nakakatuwa sapagkat matagal ko na pong nais na makainom ng gano'ng inumin. Mabuti na lamang po at hindi ako pumasok ngayon." "Masyado ka nang nawiwili sa pagtatabas ng tubo, Edgardo. baka nakakalimutan mo, kailangan mong pumasok sa paaralan. Hala! Magmadali ka na't kumain ng tanghalian. Pinayagan na kitang lumiban ngayong umaga sapagkat sabi mo mamayang hapon ka na lang papasok. Ito na ang uniporme mo, na-plantsa ko na iyan. Pagkatapos mong kumain, mangyaring mo na itong plantsang de uling kay Aling Marites at baka gagamitin din niya," utos ni Ina. Tumango na lamang ako kahit na labag sa aking loob na pumasok ngayong araw. Sayang din naman kasi ang kikitain kung kalahati lang ang ipapasok ko sa pagtatabas ng tubo. "Ina, hindi po--"," Hindi, Edgardo. Isusumbong kita sa iyong ama, nais mo ba iyon?" Kinuha ko na lamang ang plato at magsisimula na sanang kumain, kaso biglang pinalo ni ina ang aking kamay sapagkat hindi pa ako nakakapaghugas at hindi pa nagdarasal. "Ilang beses ba kitang pagsasabihan, Edgardo. Paano tayo pagpapalain niyan kung nakakaligtaan mong magpasalamat sa pagkaing nakahapag sa iyo? Kalimutan mo na ang lahat wag lang ang panalangin, maliwanag?" "O-Opo, Ina." Pagkatapos kong maghugas ng kamay mula sa tubig na nagbuhat sa poso, bumalik na ako sa aking pwesto't mataimtim na nanalangin. Ipinagpasalamat ko na may kamoteng mailalagay ako sa aking tiyan. Dalawang araw na kaming hindi nakakakain ng kanin sapagkat sa makalawa pa kami makakakuha ng bigas kapag inani na ang binabantayan naming palay. "Bilisan mo na riyan, Edgardo at maglalakad ka pa, baka ikaw ay mahuli sa iyong klase," wika ni Ina. Sinunod ko ang utos nito't sinubo nang buo ang natitirang kamote. Sinundan ko kaagad iyon ng tubig habang hinuhubad ang damit para magpalit ng uniporme. "Aba'y bakit mo naman isinuot iyan kaagad nang hindi ka pa nagpupunas man lang?" "Wag na po, Ina. Ang importante naman po ay makapasok ako. Marami pong salamat sa pagplantsa po ng uniporme ko." "Sige, na. Ayon na ang bag mo. Pasensya ka na, anak kung walang maibibigay na sentimo ang nanay, ibinili kasi ng gatas ni Fernando. Di bale, bukas naman ay sahuran na, magtatabi ako ng baon mo para sa isang linggo." Umiling ako dahil hindi naman na iyon kailangan. "Wag na po, Ina. May madadaanan naman po akong puno ng bayabas sa daan, 'yon na lamang po ang baon ko." Kahit nakangiti si Ina, hindi ko mawari kung siya'y masaya o hindi. "Aalis na po ako," paalam ko. "Sige, mag-iingat ka, anak," wika nito. Dahil wala akong bag, isinilid ko na lamang sa plastik ang aking mga kwaderno at isang lapis na pinagta-tyagaan ko na lamang kahit na ito'y pudpod na. Habang naglalakad sa ilalim nang mainit na panahon, idinadaan ko na lang sa pagkanta ang nararamdaman kong pagod. Huminto ako sa bahay ni Lolo Tino upang manghingi ng bayabas kaso mukhang wala siya sa kanyang bahay kaya kusa ko nang inakyat ang puno at kumuha ng tatlong malalaking bunga. Pagkababa ko, marungis na ang aking uniporme. Hinayaan ko na lamang iyon dahil lalabahan naman ni Ina. Ilang minuto akong naglakad sa malubak na daan, tinatanaw ang malawak na palayan, ninanamnam ang sariwang hangin na dumadampi sa aking mukha. "Itong isang bayabas, ibibigay ko kay Aquilina. Itong isa mamaya kapag recess na. Tapos itong isa, ibibigay ko na lang kay Junior." Pagkalipas ng sampung minutong paglalakad, nakarating na ako sa mababang paaralan ng Kalangkaan Elementary School. Inayos ko muna ang aking sarili bago pumasok sa silid-aralan tapos naupo na sa upuan sa likod. "Bakit hindi ka pumasok kanina, Edgardo? May tinuro si teacher kanina tapos ngayon gagawin 'yung pagsusulit," ani Junior, kababata ko at kapit-bahay. Napakamot na lang ako sa ulo dahil ito ang pinakaayaw ko kapag pumapasok, ang pagsusulit. "Gano'n ba? Saluhin mo na lang ako ngayon, Nyor. May bayabas akong pinitas galing sa puno ni Lolo Tino. Tingnan mo, malaki, ano?" "Wow! Sige. Akong bahala sa iyo. Tutal naubos ko na 'yong tira tira ko kanina. Bibigyan sana kita kung pumasok ka lang kanina. Kaso hindi, kaya sa susunod na lang kapag may dala ulit si papa ng gano'ng kendi," wika nito. Ngumiti lang ako dahil may susunod pa namang pagkakataon. Mas mainam na rin dahil nakainom naman ako ng santa kanina. "Magandang hapon sa inyong lahat! Handa na ba kayo para sa pagsusulit? Ilabas na niyo ang inyong papel at lapis." Inayos ko na ang aking pag-upo at nanghingi kay Junior ng papel. "Wala ka bang ibang lapis, Gar? Kawawa naman, pahingahin mo na, mauubos na 'yan isang tasahan na lang." "Wala, eh. Wala pang pambili para palitan. Baka may sobra ka riyan, pahiram muna, ibabalik ko na lang." Kinuha niya ang kanyang lalagyan ng lapis tapos inabot sa akin 'yong sobra niya. "Sa iyo na iyan, wag mo na ibalik.", "S-Sigurado ka? Baka hanapin sa iyo ng mama mo," nag-aalangan kong tanong. "Hindi 'yon. Hindi naman niya pinapakialaman ang gamit ko. Makinig ka na sa guro at magtatanong na iyan." Sinulat ko na ang pangalan ko sa papel at pasimpleng nakigaya kay Junior. Pagkatapos ng pagsusulit, nagturo na itong muli. "Nyor, inaantok ako." "Nagtrabaho ka ba ngayon kaya ka wala kanina?" tanong nito. "Oo. Kailangan kong kumayod paminan-minsan kasi pandagdag sa panggatas ni Fernando." "Sige. Pahihiramin na lang kita ng kwaderno ko mamaya. Tatakpan na rin kita ng bag para makatulog ka. Gigisingin na lang kita kapag lumapit si teacher," wika niya. "Salamat, Nyor. Pasensya ka na, bayabas lang ang maibibigay ko sa iyo ngayon. Kapag sumahod ako, ililibre kita ng tira tira." "Hahaha! Sige. Sabi mo 'yan, ha?" "Oo naman." Mabilis na lumipas ang oras, nakaidlip lang ako dahil masyadong malakas ang boses ng teacher namin sa unahan. At saka, natatakot ako baka kapag nakatulog ako't mag-ikot ito mamaya, hindi ako magising mamaya, madamay pa si Junior sa pagagalitan. Inayos ko na ang aking upo at kaunting minuto na lang naman ay mag-uuwian na. "Nyor, dadaan ako sa Milagrosa Central School mamaya," wika ko habang nakatingin sa kanya. Nagsalubong ang kilay nito at kapagkuwan ay nagtanong. "Bakit? Anong gagawin mo ro'n? Wala ka namang dadalawin do'n, hindi ba? Puro mayayaman ang nag-aaral do'n." "Hehe. Iyon ang akala mo. Nakita ko't nakausap ang unica ija ng pamilya Rimas, si Senyorita Aquilina! Tunay na kay ganda niya, maihahalintulad sa anghel na nakikita natin sa libro! Mabait din siya, binahagian niya ako ng ulam niyang adobo at ang kapalit niyon ay tinapa." "Huh?! Binigyan mo ng tinapa ang Senyorita? Nahihibang ka na ba, Edgardo?" Nanlaki ang mga mata ko noong bigla na lang lumakas ang kanyang boses. Dahil doon, paniguradong nabuking na kami ng aming guro na nagdadaldalan imbes na makinig sa kanyang itinuturo. "Junior! Anong ingay iyan? Maaari mo bang maibahagi sa amin kung anong pinag-uusapan ninyo ni Edgardo?" Napakamot na lang ako sa ulo dahil naloko na. Nagkatinginan kami ni Junior dahil nahuli kami ni ma'am. Kaagad siyang tumayo para depensahan ang kanyang sarili. "Wala po. Paumanhin po, ma'am." "Ikaw, Edgardo? Bakit wala ka kanina? Nagpasa ka ba ng papel ngayon?" Napakamot ako sa ulo sapagkat kapag sumagot ako ng oo, malalaman niyang nanggaya lamang ako dahil wala naman ako no'ng nagturo siya. Tapos pag humindi naman ako tapos nakita niya ang aking papel, sasabihin niyang sinungaling ako't baka ipatawag pa sina Inay. "Ahm..." "Ma'am tumunog na po 'yong bell," pamumutol ni Junior. Nagdiwang ang iba kong kaklase. Isinukbit na nila ang kanilang bag at hinihintay na palabasin ng aming guro. Hindi na pinansin ni ma'am ang kanyang tanong at mabilis na kinuha ang kanyang gamit. "Bukas, wag niyong kalimutang ipasa ang inyong asignatura, maliwanag? Ang hindi sumagot, papaluin ko ng patpat ng limang beses." Lahat ay sumang-ayon sa sinabi nito at umalis na si ma'am sa silid-aralan. "Nyor, paano 'yan? May asignatura pa lang iniwan? Paano ko mahihiram ang iyong kwaderno?" nag-aalala kong tanong. "Ganito na lang, maaga na lang tayong pumasok bukas. Kaya mo ba? Para magawa natin 'yong asignatura nang sabay. Ipapahiram ko pa rin ito sa iyo para malaman mo kung anong mga itinuro noong wala ka. Payag ka ba sa naisip ko?" Ngumiti ako dahil sinong hihindi? "Oo naman! Alam mo, Nyor, magkasingg-ugali kayo ni Senyorita. Ganyan din siya kabait," ani ko. "Hahaha! Hindi mo na ako kailangan pang bolahin, Gar. Heto na, ilalagay ko na rito sa plastik. Samahan na rin kita para masiguro kong hindi ka nag-iimbento ng kwento." "Hala! Kailan pa ako nag-imbento. Hahahaha! Heto naman 'yong bayabas mo. Maraming salamat ulit." Ibinigay ko na sa kanya ang isa at humayo na kami't sabay na naglakad para tunguhin ang prestihiyosong paaralan dito sa Baryo namin, ang Milagrosa Central School. "Bilisan natin, Nyor! Baka makauwi na iyon si Senyorita!" bulalas ko habang mahigpit na hawak-hawak ang bayabas na ibibigay ko kay Senyorita Aquilina. 'Sana tanggapin niya ito kahit na mukhang hindi siya kumakain ng pangmahirap na prutas.'
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD