AQUILINA Naubos ko na naman ang panibagong baso ng kape. Sinabi ko sa sarili ko na hindi ako matutulog ngayon hangga't hindi nakakakuha ng sagot sa pagkawala nina Edgardo at Mildred. Mas lalo akong nawindang at nag-alala noong malaman ko kay Donya Eutequia na ang paalam sa kaniya ni Edgardo ay susunduin si Mildred upang magtungo sa bahay na tinutuluyan namin ni Crisostomo. Wala naman akong iniwan sa kanilang bilin na pinapapunta ko sila kaya bakit sila pupunta? "Aquilina? Gising ka pa rin?" Inangat ko ang aking ulo noong marinig ang tinig ni Crisostomo. Hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin sa kaniya ang bagay na ito o hindi. "Mayroon lamang akong iniisip. Pasensya ka na." Lumapit siya sa akin at maingat na hinapit ang ulo ko upang idantay sa pagitan ng kaniyang dibdib at tiyan.

