AQUILINA
"Senyorita, kumusta? Nakausap mo ba si Senyorito Basilio?" usyosong tanong ni Mildred. Kasalukuyan kaming nasa kantina upang kumain ng tanghalian. Umiling ako dahil buong klase, naging mailap si Basilo sa akin. "Hindi ko nga mawari kung bakit siya tumabi sa akin gayong mukhang alam niya naman na simula't sapul kung sino ako. O baka naman noong nagpakilala lang ako sa kanya, doon niya lamang nalaman? Kahit na, mainam na iyon, alam kong katulad siya ni Criscentia at nang iba pa."
Sumimangot si Mildred, hindi ko alam ang dahilan. "Kahit naman sino hindi niya kinakausap. Tingnan mo, kahit 'yong mga nasa ika-anim na grado pinagkukumpulan din si Don Basilio! At hindi niya rin pinapansin, patunay na sadyang maldito lamang siya. Wag ka nang malungkot kung hindi ka niya pinansin, Senyorita."
Hindi ako sumagot dahil wala akong maisip. Ipinagpatuloy ko na lang ang pagkain nang makabalik na kaagad sa silid-aralan. Mayroon pa namang pagsusulit mamaya, kailangan kong magrebyu ng mga salitang espanyol.
"Pero alam mo, Senyorita, ang ganda ng mukha ni Senyorito Basilio, ano? Ganyan pala talaga ang nangyayari kapag matagal namalagi sa ibang bansa, pumuputi ang kutis! Ay, hindi rin pala dahil may lahi ang kanyang Ama, kaya talagang mestizo siya."
"Hmmm...hindi ako kokontra sa iyong sinabi. Tunay ngang may itsura ang anak ni Don Dante, ngunit..."
"Ngunit?" tanong ni Mildred noong bigla na lang akong tumigil.
"Wala. Mauna na ako, Mildred. Mag-aaral pa ako," paalam ko pagkatapos ay tumayo. "S-Sige, Senyorita. Oo nga pala ako rin. Tapusin ko lamang itong pagkain, babalik din ako kaagad." Tumango lamang ako't isinukbit na ang bag sa balikat. Pagkalingon ko, tiningnan ko ang kumpulan sa may gilid.
Nakakaawa...
"Hindi mo na iyon problema, Aquilina. Kaya niya naman ang kanyang sarili," bulong ko sa aking sarili at naglakad na palabas ng kantina.
Isa na namang maaliwalas na panahon. Habang pinagmamasdan ko ang maingay na paligid dahil sa mga batang naglalaro sa ilalim ng tirik na araw, naalala ko bigla ang nangyari noong Sabado. Alas kwatro na ako nagising. Wala akong nadatnang tao ngunit nagtataka ako kung bakit nagbago ang ayos no'ng mga gamit na dinala ko. Iniisip ko tuloy na baka tumuloy si Edgardo ang kaso umuwi rin siya dahil nadatnan niya akong natutulog at ayaw akong istorbohin sa takot na baka magalit ako.
"Hay! Sana dumalaw siya mamaya nang malaman ko kung ano ba talagang nangyari kung bakit siya hindi sumip--" Natigilan ako sa pagmumuni-muni't pagkausap sa sarili noong bigla na lang sumulpot sa harap ko si Basilio. Tiningala ko siya, hinihintay ang kanyang paliwanag kung bakit siya huminto.
Hindi naman ako nakaharang sa daan, anong balak niya?
"M-May problema ba?" tanong ko. Ako na ang nauna dahil mukhang wala naman siyang balak na magkusa.
"Gusto ko lang sabihin sa iyo na hindi porket isa kang Rimas, ituturing kita kung paano ituring ng pamilya ko ang mga magulang mo."
Natawa ako sa kanyang tinuran. Tumigil siya sa paglalakad para lang sabihin ang mga salitang iyon sa akin? Bakit? At akala ko mailap siya sa tao, bakit niya ako kinakausap ngayon?
"Gano'n ba? Masaya akong marinig iyan." Tumango siya, tumango rin ako. Ano nang susunod naming pag-uusapan? Wala naman na siguro siyang sasabihin kaya mainam sigurong umalis na ako.
"Ikinagagalak kong makilala kang muli, B-Basilio. M-Mauuna na ako kung wala ka nang nais na sabihin," paalam ko bago maglakad paunahan. Hinawakan niya ang aking kamay, pinigilan ako sa paglalakad. Lumingon ako at nakipagsukatan muli sa kanya ng tingin.
"M-May nais ka pa bang sabihin?" tanong ko. Ibinuka niya ang kanyang bibig ngunit walang salita ang lumabas doon.
"Aquilina!" Naagaw ang atensyon namin dahil sa malakas na tawag mula kay Criscentia. BInawi ko ang aking kamay mula kay Basilio upang harapin ang delubyo.
"Anong ginagawa mo? Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?!" nanggagalaiti nitong sigaw.
"Nakatayo?" alanganin kong sagot. Itinaas niya ang kanyang kamay, mukhang sasampalin niya ako ngunit naramdaman kong may kamay na yumakap sa aking bewang at sumunod doon ay nasa harapan ko na si Basilio.
"I'm returning the question to you. What are you doing?" Mariin ang tono ng pananalita ni Basilio. Gusto ko sanang pumalag dahil hindi naman niya kailangang gawin ito. Baka mapahamak lang siya't madamay sa galit ni Criscentia dahil sa kanyang ginawa.
Natameme si Criscentia. Alam kong marunong siya kung paano magsalita ng Ingles kaya bakit siya hindi makapagsagot?
"Basilio, bakit ka nakikipag-usap sa babaeng iyan? Ako ang nakatakdang maging kasintahan mo balang araw kaya bakit lumalapit ka sa kanya!" Labis napanggigigil ang nakikita ko sa mukha ni Criscentia ngunit saglit ko lamang iyong binigyan ng pansin dahil mas nawindang ako sa tinuran nito.
Nakatakdang kasintahan? Fiance niya si Basilio?!
Naramdaman kong medyo humigpit ang hawak ni Basilio sa aking kamay. Hindi ba totoo ang sinasabi ni Criscentia? Dahil kung oo, hindi sana ako ililigtas ng lalaking ito at hindi niya ako hahawakan nang ganito.
"Criscentia, masamang maging ilusyunada. Unang araw pa lang ng baguhan sa ating paaralan, pwede ba kahit ngayon lang, ipakita mo na isa kang Alvarado na may delicadeza? Mahirap ba iyon para sa iyo? Maiintindihan ko kung bakit, dahil wala ka nga palang guro pagdating sa pag-aaral ng magandang asal."
Tumawa nang nakakainsulto si Criscentia, tumaas ang isa niyang kilay. "Ako? Ilusyunada? Baka ikaw. Bakit hindi mo mismo tanungin si Basilio kung totoo o hindi ang sinasabi ko?"
Tiningnan ko si Basilio, gayon din ang ginawa niya. Base sa ekspresyon ng kanyang mukha, mukhang nagpipigil siyang magsalita.
Siguro'y tama nga ang sinabi ni Crescentia...kung gayon, bakit? Bakit mo ako iniligtas mula sa sampal ng iyong kasintahan?
Binawi ko ang aking kamay at ipinagpatuloy na lang ang paglalakad. Mas mainam nang lumayo, laging lumayo sa gulo. "Hahaha! Natakot ka bang madurog ang iyong pride, Senyorita Aquilina?" natatawa at mapang-insultong banat ni Criscentia. Hindi ako lumingon, hindi ko pinakinggan ang kanyang mga salita.
Ibato niya ang nais niyang ibato. Hindi naman no'n mababaligtad ang katotohanan na talunan pa rin naman siya kahit saang aspeto.
Ano naman kung magkasintahan sila ni Basilio? Fiance niya pa lang naman at hindi niya pa asawa! Marami pang maaaring mangyari...
"Teka, bakit ba ako naiinis? Mag-aaral ako ngayon, kailangan nasa kondisyon ang aking isip!"
EDGARDO
Ang tagal tumunog ng kampana. Kating-kati na ang aking mga paa na tumakbo at tumungo sa Milagrosa Central School. Kailangan kong makausap si Senyorita Aquilina, kailangan kong makapagpaliwanag.
"Sana hindi siya galit," bulong ko. Pinalo ako ni Junior sa kamay. Noong tingnan ko siya, magkasulong ang kanyang kayang kilay. "Kanina ka pa bumubulong-bulong diyan. Ano ka? Bubuyog? Ano bang iniisip mo ngayon? Si Senyorita na naman ba? Hindi ka mapakali kanina pa," mahaba nitong lintana.
"Iniisip ko kasi baka hindi na niya ako pansinin mamaya kapag pinuntahan natin siya," wika ko. "Aba, gano'n talaga. Wag ka nang magtaka kapag hindi ka na niya pinansin dahil sino ka ba naman? Mahirap lang tayo, Gar, samantalang siya ubod ng yaman! Magpasalamat ka na lang na sa kaunting panahon, naging kaibigan mo si Senyorita Aquilina."
Hindi ko alam kung dapat nga ba akong matuwa. Alam ko naman kung gaano kalaki ang layo ng aming agwat ngunit...
Naniniwala ako sa sinabi ni Senyorita sa akin noong una kaming magkita. Hindi siya tumitingin sa katayuan ng tao kung hindi sa kalooban.
"Hindi. Talagang pupuntahan ko siya ngayon at hindi magbabago ang desisyon ko. Kapag nalaman niya ang rason ko't nagpasya na ayaw na niya akong maging kaibigan o makitang muli tsaka lang ako hihinto."
Tinapik ni Junior ang aking balikat tapos tumango-tango siya. "Tama 'yan. Respeto. Sige, sasamahan kita ngayon. Kayo lang naman ni Senyorita Aquilina ang may problema, hindi ba? Labas kami ni Senyorita Mildred doon."
"Huh? Anong ibig mong sabihin?" tanong ko dahil ibinabalandra niya sa akin ngayon ang nakakaloko niyang ngiti. "Wala. Ang sabi ko, gusto kong makita kung anong mangyayari. Tara na, ayan na 'yong bell tumunog na!"
Nagmamadali kaming lumabas ng silid ni Junior. "Paunahan! Ang mahuli, siya ang mangunguha ng bayabas mamaya!" wika nito. "Aba! Sige! Ayaw kong mapagalitan ni Lolo Tino!"
Habang binabagtas namin ang maalikabok na daan, nagtatawanan kami. Ibinibigay namin ang lahat para makarating nang mabilis sa mala-palasyong paaralan.
"Ay! Sandali! Junior!" tawag ko noong maputol ang aking sapin sa paa. "Anong nangyari?" hingal nitong tanong. "Napigtas. Naputol na 'yong alambreng ikinabit ko."
"Paano 'yan? Maglalakad ka nang nakapaa?" tanong nito. "O-Oo. Wala na, eh. Pudpod na rin itong hulihan. Magpapabili na lang ako kay Itay kung papayagan. Kung hindi naman, manghihiram muna ako ng ibang tsinelas. Tara na. Malapit naman na tayo."
Kita ko na pati si Junior ay namomroblema dahil ipinagpatuloy namin ang paglalakad. "Sigurado ka ba? Umuwi na lang kaya tayo?"
"Mas lalong magagalit si Senyorita kapag hindi ako nakipag-usap sa kanya. Baka isipin na talaga no'n, inabandona ko na siya."
"Ikaw bahala. Iniisip ko lang naman ang kalagayan mo. Mabato ang lupa, masakit kaya magpaa." Ngumiti ako dahil nakalimutan niya atang sanay akong nakayapak.
"Wag kang mag-alala, sisiw lang ito sa akin. Tawid na tayo, Nyor. Hintayin natin ulit dito si Senyorita Aquilina. Maaga naman siyang lumalabas," wika ko.
Matyaga kaming tumayo at nakipagtitigan sa mga taong lumalabas. "Luh? Tingnan mo, pinagtatawanan tayo."
"Hayaan mo sila. Ngayon lang ata sila nakakita ng estudyante mula sa publikong paaralan," tugon ko. "Tsss. Ang yayabang talaga ng mga anak mayaman! Porket gintong kutsara ang isinusubo nila sa kanilang bibig, akala mo kung sino umasta."
Hindi ako kumontra dahil totoo naman iyong sinabi ni Nyor. May ilan talaga na aabusuhin ang kanilang kapangyarihan
at tatratuhin ang mga katulad namin na animo'y alila. Mabuti na lang at hindi gano'n ang pamilya ni Senyorita Aquilina. Kahit na maraming masasamang chismis na nakakabit sa kanilang apelyido, alam ko naman kung sino talaga sila.
"Ayon na si Senyorita, Gar!" bulalas ni Junior. Naglakad kami upang malapitan ito. Nagtama ang aming paningin, lumawak pareho ang ngiti sa aming mukha.
"Edgardo! Mabuti't naririto ka!" panimula nito noong makalapit na sa amin. Kasama niyang muli si Senyorita Mildred. Yumuko kami nang bahagya upang magbigay galang sa kanila.
"N-Nais ko po sanang humingi ng tawad sa inyo dahil sa nangyari noong Sabado. Hindi po ako nakapunta sapagkat binantayan ko ang aking mga kapatid dahil umalis ang aking mga magulang," diretso kong paliwanag. Imbes na magalit, hindi nawala ang ngiti sa mukha ni Senyorita.
"Gano'n ba? Mainam iyon. Akala ko kaya ka hindi sumipot dahil nakalimutan mo ang ating usapan o di naman may nagawa akong mali sa iyo."
"Naku po! Hindi po," mabilis kong depensa. "Pero, Senyorita, maaari ko po bang malaman kung bakit niyo ko pinapapunta noong Sabado?"
"Hmmm. May nais sana akong ibigay sa iyo noon. Dadalhin ko sana ngayon kaso nakaligtaan ko. Bukas, pangako ibibigay ko sa iyo ang mga iyon. Teka, bakit hawak mo iyang tsinelas mo?" taka niyang tanong pagkatapos akong sagutin.
"K-Kasi po naputol. Uuwi naman na po kaya ayos lang," nahihiya kong tugon. Nalimutan ko ring itago ang tsinelas dahil sa sobrang kasabikan noong makita ko siya.
Nalungkot ito nang labis. "Sandali. May tira pa naman akong pera, heto, gamitin mo pambili."
"H-Hindi na po, Senyorita!", "Sige na, kunin mo na, Edgardo." Pinilit niya ako, kinuha ang isa kong kamay at inilahad sa aking palad ang sampung piso. Masyado iyong malaki para sa isang pares ng tsinelas kaya pilit kong ibinabalik ang pera sa kanya.
"Aquilina?" Natigilan kaming apat noong may bigla na lang nagsalita. Isang mestizong lalaki, matangkad, maganda ang mukha, malinis, halatang mayaman.
"B-Basilio?" tawag ni Senyorita. "Sino sila?" tanong no'ng lalaki. Tarantang binitiwan nito ang pagkakahawak sa aking kamay at medyo gumilid pa. Itinago ko ang sirang tsinelas sa aking likod. Sa hindi malamang kadahilanan, nakaramdam ako ng panliliit.
"Mga kaibigan ko. Si Edgardo at si Junior. "
Hindi maalis ang tingin ko sa bagong dating. Hindi niya rin tinatantanan ang aking mga mata.
"Gano'n ba? Maaari ba kitang makausap saglit?" tanong nito tapos ibinaling naman kay Aquilina ang kanyang atensyon. "H-Huh? D-Darating na kasi ang sundo namin ni Mildred."
"Hindi! Ayos lang! Hihintayin ka namin, Senyorita. Mag-usap muna kayong dalawa."
Kalaunan, pumayag naman ito. Hindi ko alam kung bakit iba ang tingin no'ng Basilio kay Aquilina. Magkaibigan din ba sila? Bakit ang lagkit masyado?
"Edgardo, pasensya na. Magkita na lang uli tayo bukas. Kakausapin ko lang si Basilio."
Kahit gusto kong tumutol, wala akong karapatan. Ibig ko mang umiling, tumango na lang ako. Naglakad sila kaagad palayo sa amin. Hindi nakaligtas sa aking mata ang paghawak no'ng lalaki sa likod ni Aquilina, at bahagya rin itong lumingon sa gawi namin. Akala niya ata hindi ko mapapansin. Anong nais niyang ipakahulugan?
Tanging tingin na lang ang nagagawa ko habang pinagmamasdan ang Senyorita na masaya ang mukha. Tinanong ko tuloy ang sarili ko kung minsan ba ngumiti nang ganon katamis si Aquilina sa harap ko.
"Gar, nakita mo ba 'yong b****a no'ng lalaki?!" tanong ni Junior. Tumalikod na kami at naglakad na rin pabalik. Nakatuon ang atensyon ko sa sampung piso na ibinigay ni Aquilina. Kinuyom ko ang aking kamao bago iyon ibulsa.
"Huy! Gar! Nakikinig ka ba?" muli nitong tanong. "Oh? Hindi. Hindi ko nakita 'yong b****a no'ng lalaki. Importante pa ba iyon?" tanong ko. Medyo maasim ang tono ng aking pananalita, hindi ko alam kung bakit.
"Hay! Basilio ang pangalan niya hindi ba? Paniguradong siya ang nag-iisang anak ni Don Dante! Iyong may-ari ng ubasan doon malapit sa inyo?"
Tumigil ako sa paglalakad, gano'n din si Junior. Tiningnan ko siya, kunot ang noo. "Dante? Si Don Dante Valencio?"
"Oo!"
Noong marinig ko ang sagot ni Junior, mas lalo ata akong nanghina. Hindi ako mainggiting tao at ni minsan hindi ko ikinahihiya na ako'y laki sa hirap. Ngunit bakit...
Bakit bigla na lang pumasok sa isip ko na itigil na ang pakikipagkaibigan kay Senyorita Aquilina? Anong nangyayari sa akin? Ano itong mapait na bagay sa lalamunan ko? Bakit tila may tumutusok na karayom sa aking dibdib?
Para saan ang mga ito?