EDGARDO
"Aba, saan ka tutungo at ganiyan ang iyong postura? May pupuntahan ka bang kainan?" tanong ni Ina. Nahalata niya siguro na sinuot ko 'yong kaisa-isa kong damit pang-alis. Umiling ako sapagkat, higit pa sa espesyal ang lakad ko ngayon.
"Sa bukid lang, nay. May kikitain lang po ako." Kumunot nang labis ang noo ni Ina, nais marinig ang kasunod kong sasabihin. Hangga't maaari, ayaw ko sanang malaman niya kung sino iyon sapagkat paniguradong tututulan niya ako. Alam ko namang bawal akong makipagkaibigan kay Senyorita Aquilina, sapagkat hindi siya ordinaryong mayaman lang, isa siyang heradera.
"Edgardo. Paniguradong babae ang kikitain mo. Hala, umamin ka na sa akin bago pa tumama ang tambo sa iyo," pananakot nito. Kinusot ko ang aking mata dahil labag sa loob ko ang kanyang pinagagawa.
"Edgardo..." muli nitong tawag. "Ah, si--"
"Magandang araw po, Nang Upring." Natulala kami ni Ina noong makita si Junior na may bitbit na pagkain. "Magandang araw rin sa iyo. Anong nagtulak sa iyo't nadalaw ka yata rito, Junior? Kumusta? Matagal-tagal din kitang hindi nakita," bati ni Ina.
Inilapag nito ang bitbit na platong may lamang pansit tapos tumabi sa akin. "Pagpasensyahan niyo na po kung ngayon lang po ako nakapunta. Inihatid ko lamang po 'yang pinabibigay ni Ina. Tapos po, aalis po kasi kami ngayon ni Edgardo, may--" Natigil ito sa pagsasalita at tumingin sa akin. Marahil kahit siya ay hindi mawari kung anong palusot ang sasabihin.
"Sa birthday po ng kaklase namin. Hindi po kasi makapagpaalam sa inyo si Edgardo kasi po nahihiya po siya. Wag po kayong mag-alala, Nang, kasama naman po niya ako. Uuwi po kami kaagad."
Gusto kong matawa dahil ang bilis niyang makaisip ng ipagpapaalam kay Ina. "Gano'n ba? Naku, pagpasensyahan mo na, Junior at hindi makakasama ang anak ko. Kailangan niyang bantayan ang kanyang mga kapatid at pupunta kami sa palayan, bibisita ngayon sina Don Felicio at Donya Salume."
Nanlaki ang mga mata ko dahil sa narinig. Pareho kaming nanahimik ni Nyor dahil inaasahan niya ring makitang muli ang Senyorita.
"Mag-aayos na ako, Edgardo. Patapos na rin ang iyong ama sa pagligo kaya, magbihis ka nang muli at baka makita ka pa niya. Sige na, para hindi ka mapagalitan."
"O-Opo, Ina. K-kakausapin ko lamang po si Junior nang saglit po," paalam ko. Hinila ko ang kamay ni Nyor palabas tapos umiling nang ilang beses.
"Paano na iyan?" tanong nito. "Hindi ko rin alam. Hindi ako pwedeng umalis dahil walang magbabantay rito. Ikaw, p-pwede bang ikaw na lang ang pumunta sa bukid? Doon sa may malaking puno ng mangga na tinuro ko sa iyo?"
"Naku! Nakakahiya iyon, Edgardo. Hindi naman ako ang inaasahang makita ni Senyorita Aquilina, baka magalit iyon sa iyo. Puntahan na lang natin siya sa Lunes. Panigurado namang pakikinggan niya ang paliwanag mo kapag sinabi mo sa kanya ang dahilan kung bakit hindi ka nakasipot," suhestyon nito.
Saglit akong nag-isip dahil may punto nga naman siya. "Pero, ang iniisip ko kasi, paano kapag naghintay ang Senyorita? Hindi ba't mas nakakahiya iyon?"
"P-Pasensya ka na, Nyor pero hindi ako pupunta ro'n nang mag-isa." Tumango ako sapagkat alam ko naman iyon. Hindi ko naman siya pinipilit at baka pagalitan din siya ng kanyang Ina.
"Oh, siya. Sige. B-Bale, iyong dadalhin natin para mamaya sa Lunes na lamang natin iabot. Samahan mo ako, ha?" Lumiwanag ang mukha nito at maligalig na tumango.
"Oo naman! Si-Sige na, Gar. Uwi na ako. Itong mga prutas, iuwi ko na rin muna para mailagay sa prijider."
"Geh. Salamat, Nyor! Da best utol ka talaga!"
"Hahaha! Syempre, ako pa ba?"
"Ingat! Maraming salamat ulit!" paalam ko habang iwinawagayway ang isang kamay. Tumalikod na ako't malungkot na pumasok sa bahay. Kakamot-kamot ako sa ulo habang pinagmamasdan ko ang tatlo kong kapatid na natutulog pa rin. Si Juan, paniguradong isasama nina Inay at Itay papuntang palayan.
"Oh, Edgardo? Bakit ka nakagayak nang ganiyan? Ikaw ba'y aalis? Saan naman ang iyong lakad?" tanong ni Itay na kakarating lang. Basa ang katawan nito, at gaya ng inaasahan, kasama niyang naligo sa batis ang aking kapatid.
"Wala ho. Sinukat ko lamang kung ito'y kasya pa sa akin. Nga pala, tay. Iyong sahod po na ibinigay sa akin ni Donya Salume sa pagtabas ng tubo, naibigay ko na po kahapon kay Inay. Dalawampu't siyam na piso't dalawampu't limang sentimo po iyong kabuuan niyon. Half day lang po kasi ako noong isang araw kaya po hindi buo," wika ko.
Tumango lang ito't ginulo ang aking buhok. "Maraming salamat, anak. Hayaan mo't sa susunod ay hindi mo na kailangan pang kumayod para tumulong. Sadyang kinapos lamang tayo noong nakaraang linggo dahil ipinagamot ang kapatid mo. Sige at magbibihis na kami. Maagang bibisita ang mag-asawang Rimas. Hindi ko lang alam kung isasama nila ang kanilang unica ija."
"T-Talaga, Itay?" Nagulat sila noong bigla akong bumulalas nang gano'n.
"Aba'y, hindi iyon imposible sapagkat minsan na nila itong isinama. Nais nilang ipakita sa kanilang anak kung gaano kalaki ang kanilang ari-arian. Baka ngayon ay tinuturuan na rin nina Don Felicio kung paano magnegosyo ang batang iyon. Bakit ganyan ang itsura mo? Nagkita na ba kayo ng Senyorita?" tanong nito.
Nalaglag ang panga ko't mabilis na umiling. "B-Bihis na po kayo, tay. Magpuputik po rito sa loob," pag-iiba ko ng usapan. Tumango ito't tumaas na sa silid. Sumunod sa kanya ang kapatid ko tapos hindi mapakaling umupo sa upuang gawa sa pinagtagpi-tagping kawayan.
"Hindi ka pa rin bihis, Edgardo? Aba, anong petsa na, anak?"
"Nasa loob pa po sina, Itay. Nagbibihis pa po," dahilan ko. Hindi na ito kumibo at inihanda na lamang ang dadalhin nitong bayong. "Magsaing ka na lang ng isang gatang, anak. Tapos bumili ka na lang ng sardinas sa tindahan. Heto ang pera. Tipirin mo na lang din 'yong Darigold dyan kapag nagising na ang iyong kapatid. Mamaya pa kami makakabili ng bagong lata."
Tumango lamang ako at masusing pinagmamasdan ang ginagawa nito. Gusto kong sumama sa kanila para kung sakaling kasama si Senyorita Aquilina, malalaman niya ang dahilan kung bakit hindi ako makakapunta sa tagpuan namin.
Bahala na ang Diyos. Sana'y hindi siya magalit sa Lunes.
"Tapos na kami, Edgardo. Halika na, Eufrecina at mag-aala syete na. Maglalakad lamang tayo. Toy! Tara na. Gardo, ikaw na munang bahala sa mga kapatid mo, ha? Babalik kami bago maghapunan at magluluto ang iyong Ina ng paborito niyong sinanglay na tilapia."
"Yey! Bili rin tayo, Nay ng sopdrink po. Kahit isang beses lang po," pakiusap ni Juan. Kumapit pa ito sa laylayan ng damit ni Inay upang magpaawa.
"Aba, sige. Ngayon lang, ha?"
Nagpaalam na sila, tanging tango lamang ang naigaganti ko. Hindi ko magawang magdiwang kahit na masarap ang pagkain namin mamaya dahil iniisip ko si Senyorita Aquilina.
Patawarin sana niya ako...