BILLIE KAHIT anong gawin kong baliktad at ayos nang aking pagkakahiga ay hindi na ako muling dinalaw ng antok. Hindi ko alam kung dahil ba iyon sa pagkakaidlip ko kanina o dahil sa malakas na presensya ni Damian na iilang dipa lamang ang layo sa akin. Pasimple akong bumangon upang silipin si Damian. Naningkit ang aking mga mata nang makita kong mahimbing itong natutulog. Bagama't tanging likod niya lamang ang aking nakikita, base sa payapa at walang ingay nitong pagkakahiga, alam kong mahimbing na ang kanyang tulog. Pabagsak akong bumalik sa pagkakahiga saka malakas na bumuntong-hininga habang nakatitig sa kisame. Hindi ko alam kung bakit ako naiinis. Pagdating kay Damian, parating nawawalan nang dahilan ang bawat bagay sa akin. Muli akong nagpabaling-baling nang higa ngunit hindi tala

