NAKATULOG na sa kalasingan sina Raf at Melody ngunit si Juvy ay gising na gising pa rin habang nakatingin sa mga kaibigan. Masaya nilang idinaos ang simple at masayang birthday ni Raf. Masaya siya dahil kahit paano ay naiibsan ang lungkot na kaniyang nararamdaman. Alas dos na ng madaling araw. Nagtungo siya sa kusina para magtimpla ng kape bago lumabas sa boarding house niya at umupo sa bench na nasa labas. Parating pa lamang mula sa may gate ang mga nagbo-board sa kabilang bahay na puro mga call center agents. Kapag nagtatambay siya sa labas ay palagi niyang nakikita ang mga ito. Nakahiwalay ang bakuran ng boarding house niya sa dalawang palapag na bahay na tinutuluyan ng mga ito. Nagdesisyon si Juvy na lilipat na ng boarding house at makikipagsiksikan na lang sa tinutuluyan ni Melody.