Pabagsak na naupo ako sa sofa. Nanlalambot ako. Dalawang buwan na ang lumipas, at wala pa ring nangyayari sa petisyon ko sa korte para kay Yanis. Pumikit ako, at saka isinandal ang ulo ko sa sandalan ng sofa. Pati na ang address sa pangalawang mansiyon ng mga Montenegro ay ibinigay ko kay Atty. Paul para mapadalhan niya ng sulat at subpoena. Pero wala naman daw tumatanggap ng mga ipinapadala niya. Sobrang busy lang ba talaga ni Yoseph sa paghahanda sa kasal nila ni Kelsey? O, sinasadya niyang hindi tugunin ang mga sulat? Kapag ganitong nai-stress ako, isa lang ang solusyon. Ang tawagan ko sila sa Pilipinas. Iniisip ko pa lang na tumawag, tamang-tama naman at tumunog ang notification ng video call. Agad kong inabot ang Ipad ko, at saka sinagot ang tawag. ["Mommy!"] "Hi, anak! Mabuti n