"Sayang naman... hindi ko man lang nahingi iyung number ni kuya na singer kanina!" naghihimutok na sabi ni Peachy.
Inirapan ito ni Myles. "Hindi ka pa rin ba maka-move-on dun sa tao? Kanina mo pa bukambibig ‘yun, ah! Baka kanina pa nadadapa ‘yun."
"Para kasing hindi umaalis ‘yung boses niya sa tenga ko. Parang paulit-ulit ko pa ring naririnig ‘yung kanta niya, at iyung maganda niyang boses," sagot ni Peachy.
"LSS lang ang tawag diyan! Arte nito..." kontra na naman ni Myles.
"Ang cute niya kaya..." tila kinikilig na sagot ni Peachy.
"Wow, ha! Sa’yo talaga nanggaling ‘yan? ‘Yung taong number one na against sa mga blue-collar jobs?" taas-kilay na sagot dito ni Myles.
“Sinabi ko bang aasawahin ko? Sabi ko lang, cute siya. Hindi ba pwedeng humahanga lang? Pampakilig lang? Ang advance mo namang mag-isip, 'teh. Gigil mo ako, eh.”
"Hoy! Kung saan na naman mapupunta ang usapan ninyong dalawa. Wala talaga kayong topic na hindi kayo nagkontrahang dalawa. Mabuti pa, kumain uli kayo! Marami pang spaghetti saka manok dun," alok ko sa kanila.
"Busog na ko... wala ka na bang darating na bisita?" sagot ni Myles.
"Wala na eh, tayo-tayo lang naman. Iyong mga kapitbahay, for sure nabigyan na ni Nanay."
Bigla akong nakaramdam ng lungkot. Napaisip tuloy ako kung bakit wala pa si Yoseph at si Reggie.
"Si Yoseph pala? Hindi ba siya pupunta?" tanong ni Myles.
Nagkibit balikat ako. Ayokong magsalita pa, at baka may masabi pa akong ikatutukso sa akin nitong dalawang ito. "Ewan… Sinabihan din naman siya ni Nanay. Silang dalawa ni Reggie."
Mabilis kong inisip kung may dahilan ba para magtampo si Yoseph. Napikon ba siya sa mga biro ni Randell nung nakaraan na nandito sila, at ginawa nila ni Reggie iyong sirang tubo namin?
"Baka nahihiyang magpakita kay Xyrene," biglang sabat naman ni Randell.
Nilingon ko ito. Nag-angat ito ng tingin mula sa binasa niya sa cellphone niya. "Ha? Bakit naman? Anong ikahihiya nila?" tanong ko dito.
May nangyari ba sa kanilang tatlo nung isang gabi na hindi ko alam? Nag-away ba sila nung lumabas na sila ng bahay namin?
"Eh, kasi… mukhang tapos na ‘yung project nilang gasoline station sa kanto. Wala na siguro silang trabaho. Kaya... nahihiyang magpakita sa’yo. Sa inyo ni Nanay Cita," parang wala lang na sagot ni Randell.
Napaisip ako. Kaya nga siguro nitong mga nakaraang araw, eh halos araw-araw akong nasasamahan ni Yoseph na magpunta sa school, dahil wala na silang trabaho ni Reggie. Malamang, maghihintay uli sila ng bagong project. At ilang buwan din silang mababakante, malamang.
"Hindi naman siguro… Bakit naman sila mahihiya? Maaga pa naman... baka mayamaya lang, darating na ‘yun," sagot ni Myles.
Bigla akong nakaramdam ng inis. Sayang naman iyung niluto ni Nanay, kung hindi dadating si Yoseph. Sayang iyong pagkain? O nanghihinayang ka na hindi mo siya makikita ngayon, Xyrene?
May inis na uminom ako ng cucumber juice mula sa basong hawak ko, at saka inilapag ito sa mesa pero hindi sinasadyang napalakas ang paglapag ko ng baso.
"May problema ba, gurl?" tanong ni Peachy na halatang nagulat.
"A-Ah... wa-wala. Wala! Sorry. Napalakas lang ang lapag ko...." sabi ko, saka nameke pa ako ng tawa.
Dingdong! Dingdong!
"Oh! Baka ayan na siya!" sabi ni Myles, samantalang nakita kong napangiwi naman si Randell.
Hindi ko naman alam kung bakit biglang bahagyang tumambol ang dibdib ko sa isiping baka nga si Yoseph na ang dumating. Tatayo na sana ako nang lumabas si Xenia mula sa kusina.
"Ako na’ng magbubukas ng gate," sabi nito.
Wala akong nagawa kung hindi umupo na uli, pero hindi maalis sa dibdib ko ang excitement na baka si Yoseph na nga ang nasa labas. Anyway, wala naman na akong hinihintay na ibang bisita pang darating. Pinilit kong pakalmahin ang sarili ko, bago pa ako mahalata nitong tatlong katabi ko.
"Papa Randell, ano nga pala iyong business mo?" pagbubukas ni Peachy ng topic.
"Ahh... may trucking business ako," narinig kong sagot ni Randell.
Pero hindi ko na masyadong napansin iyung iba pa niyang sinabi, at saka iyong iba pa nilang pinag-usapan nila Peachy at Myles. ‘Yung isip ko kasi ay nasa labas - kung si Yoseph na ba iyung dumating.
Baka mamaya naman, delivery lang pala ng package. Karaniwan kasing kapag ganitong may okasyon sa pamilya namin ay hindi nakakalimot si Tita Lily na magpadala ng regalo, bukod pa sa perang panghanda.
May sasabihin sana ako nang may marinig akong tunog ng gitara. Nung una, akala ko ay namali lang ako ng dinig o inakala kong baka sa kapitbahay iyon. Pero nang humaba pa ang tugtog, at natiyak kong sa labas lang ng pintuan namin nanggagaling iyong tunog ay napalakad ako papunta sa kinatatayuan ni Xenia sa may pinto. Napaawang ang mga labi ko nang makita ko si Yoseph sa labas ng nakabukas na gate namin, at siya ang tumutugtog sa gitara.
Nang makita ni Yoseph na nakatayo na ako sa may pinto at nakatingin sa kanya, inumpisahan na nitong kumanta. Hindi ko napigilan ang mga labi ko na mapangiti. Bukod sa napakaganda ng boses niya, ay ramdam na ramdam ko ang emosyon sa kanta niya. At ramdam kong para sa akin ang bawat katagang binibitawan niya. Kahit anong pigil ko sa mga labi ko ay kusa iyong nagi-stretch para pumorma ng isang ngiti.
"Uy! Sino yan?" narinig ko ang boses ni Peachy mula dun sa lugar na pinag-iwanan ko sa kanila.
Hindi nagtagal ay naramdaman kong nasa tabi ko na silang tatlo.
“Si Yoseph pala ‘yung kumakanta?" boses ni Myles.
Hindi ko na magawang alisin ang tingin ko kay Yoseph. Nakatingin din ito sa akin na para bang ninanamnam ang bawat salita ng kanta na para bang iyon mismo ang gusto niyang iparating sa akin.
"Oh mygad! Kinikilig ako!!!"
Napalingon ako kay Peachy na siyang nagsabi nun. Akala ko ba ay ayaw nito kay Yoseph para sa akin?? Anong nangyari?
"Fyi. Hindi ikaw ang kinakantahan niya. At mas lalong hindi ikaw ang nililigawan!" inis na sabi ni Myles dito, na ikina-iling ko na lang, habang nakangiti. Mag-uumpisa na namam sila...
Ngayon ko lang napansin na nagkumpulan na pala sa may gate ang ilan sa mga kapitbahay namin. May mga nakasilip pa nga sa bakod. Ngayon ko lang din napansin ang nakangiting si Reggie na nasa may gilid at may hawak na magandang guitar case na sa tantiya ko ay mamahalin base sa klase ng materyales nun. Saan na naman kaya sila nakahiram?
Nakita ko ang ilang babae sa labas ng gate na kinikilig, at buong paghangang nakatingin kay Yoseph. Bigla naman akong nakaramdam ng possessiveness sa nakita ko. Bakit kaya hindi sila maghanap ng maghaharana rin sa kanila! Girlfriend ka na, ‘teh?? Oo nga pala. Nakagat ko tuloy ang ibabang labi ko.
Kung bakit naman kasi ang ganda ng boses ng Yoseph na ‘to! Guwapo, matangkad at makinis. Papasa na nga itong ka-love triangle ni Joshua Garcia at kung sino mang leading lady niya, eh!
"Medyo pigilan mo naman ang ngiti mo, girl... napaghahalata ka, eh..." narinig kong bulong ni Myles sa akin. Huh? Nakangiti pa rin ba ako??
Para akong nahimasmasan nang narinig kong nagsigawan at nagpalakpakan ang mga kapitbahay kong nanonood sa labas ng gate, saka sa bakod.
"Pasok na dito, Yoseph at baka madiscover ka pa riyan!" narinig kong sigaw ni Nanay.
Nandito na rin pala silang tatlo ni MJ at AJ. Hinanap ko si Randell at nasa sofa na uli ito. As usual, tumitipa na naman sa phone niya.
"Ang galing kumanta ni Yoseph ‘noh, Aling Cita?" sabi naman ni Reggie na nakalapit na kay Yoseph, at kinukuha mula dito ang gitara.
"Walang duda. Akala ko kakanta ka rin Reggie, eh," sagot ni Nanay dito.
Hindi ko na narinig pa ang sagot ni Reggie. Nasa harap ko na kasi si Yoseph na may dalang bouquet ng iba't ibang kulay ng tulips. Natulala ako sa mga tulips. Sa mga magasin at pictures sa social media ko lang ito nakikita. Ngayon ay nasa harapan ko na.
"Xyrene... ibenta na lang natin ‘yang mga tulips mo. Magkakapera pa tayo," narinig kong bulong ni Peachy sa akin sa tabi ko.
"Ha?"
“Ang kapal mo talaga, Peachy!” nanggigigil na mahinang sabi ni Myles dito.
***