Malayo pa lang ako ay tanaw ko na si Reggie sa construction site nila. Napansin kong maayos ang suot nito, at hindi iyung usual na maduming pang-construction site na get up nila lagi ni Yoseph. Kita ko ang ngiti nito habang nakatingin sa akin.
"Maganda yata ang umaga mo, Reggie? Malayo pa lang ako, kitang-kita ko na ang pang-Close Up smile mo," bati ko sa kanya nang nasa harap na niya ako.
"Eh, kasi kabilin-bilinan ni Yoseph na salubungin kita ng ngiti ngayong umaga," sagot nito.
"Ikaw talaga, Reggie. Puro ka kalokohan. Sige na. Baka ma-late ako sa pasok ko," paalam ko sa kanya, para matapos na ang usapan dahil lalo ko lang tuloy nami-miss si Yoseph.
"Ay wait, Xyrene. Sabi ni Yoseph kagabi nung nagka-usap kami, kabilin-bilinan niya na bilhan kita ng bulaklak," sabi nito, sabay yuko sa paanan ng slacks na suot niya.
Napakunot-noo ako nang ililis nito ang pantalon niya, at may dinukot doon.
"Kaso Xyrene… wala namang ibinigay na budget si Yoseph... hindi naman ako makahingi sa asawa ko, baka isipin nun, may babae na ako. Tigok ako nun!" bahagya pa itong napangiwi habang may hinihila mula doon sa loob.
"Eh tamang-tama, nakita ko ito sa kapitbahay namin kanina nang papunta na ako dito," nakangiti nang sabi nito, sabay may inilabas na isang piraso na pulang-pulang rosas, na may mahabang tangkay at saka iniaabot sa akin.
Nanlaki ang mga mata ko sa hindi ko din malamang dahilan. Dahil ba sa pagtataka kung paano niya naitago itong bulaklak sa laylayan ng pantalon niya, o sa isiping kinuha niya iyon nang walang paalam sa kapitbahay niya. In short, pinitik niya lang! Kinupit. Ninakaw.
Pero ganunpaman, nag-alala pa rin ako sa binti ni Reggie. Tiningnan ko ang stem ng rose, at kitang-kita ko ang mga tinik na naroroon.
"Buti hindi nasugatan iyung binti mo," namamanghang sabi ko habang palipat-lipat ang tingin ko sa bulaklak at sa laylayan ng pantalon ni Reggie.
Nakangiti namang tumango nang sunud-sunod si Reggie.
"Sa totoo lang, ang hapdi nga, Xyrene. Tiniis ko lang para lang matupad ko ang utos ni Yoseph,” kakamot-kamot na sagot nito.
"Ninakaw mo ito sa kapitbahay mo, tapos ibibigay mo sa ‘kin. Pambihira ka, Reggie!?" sabi ko sa kanya.
"Hindi naman nakaw 'yan, Xyrene... Eh, hindi naman pinapansin ng kapitbahay ko iyung mga tanim niyang bulaklak. Nalalanta lang naman. Sayang. Eh di, tayo na lang ang makinabang," sagot nito.
"Kahit na. Bakit? Nagpaalam ka ba sa kapitbahay mo na kukunin mo itong bulaklak? Na pipitas ka sa tanim niya?" tanong ko.
"Hindi!"
"Eh di, anong tawag mo dun?" tanong ko uli sa kanya.
"Hiniram lang."
"Hiniram?? Ano ‘to? Isosoli mo din mamaya pagka-uwi ko?" tanong ko na naman.
"Papalitan ko rin naman siya...."
"Papalitan??? Paano????" naguguluhan kong tanong.
"Pagka tumubo na uli ng bulaklak! Napalitan na iyung kinuha ko. Di ba, ang talino ko," confident na sagot ni Reggie.
"Naku! Ewan ko sa 'yo, Reggie. Babay na nga, at madadamay pa ako niyan sa kalokohan mo, eh!" sabi ko dito.
"Ingatan mo iyang bulaklak, Xyrene! Galing ‘yan sa Boss Yoseph ko!" malakas na sabi ni Reggie, habang naglalakad ako palayo sa kinatatayuan niya.
Napailing na lang ako. Nakuha pa talaga niyang isigaw, eh kinuha lang naman niya sa kapitbahay. Si Reggie talaga oh...
From: Randell
Hi! Nasa school ka pa ba?
Nag-aalangan ako kung sasagutin ko iyong text ni Randell, pero nakakakonsiyensiya naman kung hindi. Wala kasi ako sa mood sumagot ng text. Kanina pa ako naiinis kay Yoseph.
To: Randell
Hi! Oo. Nasa school pa. Pero pauwi na.
Nilagay ko na uli sa bag ko iyung phone ko, at saka nagmadaling humabol sa paglalakad nila Myles at Peachy.
"Girls, squid balls muna tayo sa labas?" aya ko sa kanila.
"Buti pa nga. Gutom na ko, eh!" sabi ni Peachy.
"Sige!" sang-ayon ni Myles.
Masaya kaming lumabas ng gate ng school pero bago kami makalapit sa puwesto ng nagtitinda ng squid balls ay may tumawag sa pangalan ko. Nilingon ko iyong tumawag, at nagulat ako nang makita ko si Randell na nakangiting nakatayo sa tabi ng kotse niya.
"Randell?" takang tanong ko.
Nakasuot ito ng long sleeves na polo na tiniklop niya ang manggas hanggang sa siko. Maayos na naka-tuck in ang polo niya sa itim na slacks na maganda ang fitting sa kanya. Lalo tuloy itong tumangkad tingnan. Nakangiti itong lumapit sa akin.
"Anong ginagawa mo dito?" tanong ko.
"Ihahatid na sana kita pauwi," parang nahihiyang sabi nito.
"Ah, ganun ba? Eh kasi..." napalingon ako sa likuran ko, kung saan alam kong nakatayo ang dalawang kaibigan ko.
"Naku! Hindi ka na pala pwedeng sumama sa amin. May sundo ka pala..." tila nanunuksong boses ni Peachy.
"Ha? Bakit? Saan kayo pupunta?" agad na tanong ni Randell.
"Ha? Naku. Dun lang. Sa food cart ng squid balls. Kakain lang sana kami bago umuwi. Si Peachy nga pala. Saka si Myles. Mga kaibigan ko," sagot ko kay Randell, sabay pakilala sa dalawa kong kaibigan.
"Ganun ba? Tara! Join ako sa inyo!" sagot naman nito.
"Naku! Huwag na! Tangayin mo na itong si Xyrene. Sa restaurant na kayo kumain. Hindi bagay sa suot mo ang mag-tusok-tusok sa sides," maarte namang sabi ni Myles, sabay tulak sa akin papunta kay Randell. Pinandilatan ko nga ito.
"Magandang idea ‘yan, pero sumama na rin kayo," sagot naman ni Randell.
"Ah, hindi na!"
"Hindi! Si Xyrene na lang!"
Sabay na tanggi nung dalawa. Bakit ba pakiramdam ko ay binebenta na ako ng dalawang ito?
"Hindi... sige na. Tara na. Para the more, the merrier," pamimilit ni Randell.
"Ay, hindi totoo yan...." sagot ni Peachy.
"Kasi, four is too much...." dagdag pa ni Myles.
Bahagyang natawa si Randell.
"Sige. Pero next time, kasama na kayo ha? Randell uli," pakilala nito, sabay abot ng kamay niya sa dalawa na pinaunlakan naman nila Myles at Peachy.
"Hindi naman kasi nabanggit ni Xyrene na may susundo sa kanyang guwapo ngayon, kaya nag-aya kami sa kanya na mag-tusok-tusok!" sabi pa ni Myles, na para bang nagpaparinig sa akin.
"Ah! Actually, hindi niya alam. Sinubukan ko lang kung aabutan ko siya dito sa school," sagot ni Randell.
"Wow...." komento naman ni Peachy.
Nakaramdam naman ako ng pagkahiya kay Randell. Masyado na kasi siyang ginigisa nung dalawa.
"Tara na, Randell. Nakakahiya na sa iyo. Ang daming sinasabi ng dalawang ‘to!" sabi ko na nginitian lang ni Randell.
Nagpaalaman na kami, pagkatapos ay iginiya ako ni Randell sa kotse niya. Pagkaupo ko ay may kinuha ito sa likod ng upuan. Bahagya akong nagulat nang may iabot ito sa akin na bouquet ng pink roses.
"P-Para sa akin ito?" namamangha kong tanong.
Hindi ko mapigilang mapangiti. Ngayon lang may nagbigay sa akin ng bouquet ng bulaklak.
Bigla ko tuloy naalala iyung isang stem ng rose na iniabot sa akin kaninang umaga ni Reggie na galing daw kay Yoseph.
"Nagustuhan mo ba?" narinig kong tanong ni Randell, kaya napatingin ako dito.
"Oo naman. Ang ganda kaya!" nakangiti kong sagot sa kanya na sinuklian din niya ng ngiti.
"Saan mo gustong kumain?" tanong nito.
Nakaparada pa rin kami, at hindi pa umaalis doon. Sa sobrang tuwa ko sa mga bulaklak ay wala akong maisip na gusto kong kainan o gustong pagkain.
"Bahala ka na!" sagot ko sa kanya, at saka muling ibinalik ang tingin sa bouquet.
"Okay," narinig kong sabi nito, at saka in-start na ang makina ng kotse niya.
"NABUSOG ka ba?" tanong ni Randell nang patayin na niya ang makina ng kotse niya. Nasa tapat na kami ng bahay namin, at alas-singko na ng hapon noon.
"Oo naman. Ang dami mo kasing inorder," sagot ko sa kanya.
"Hayaan mo na. Minsan lang naman," sagot niya.
"Tapos, may pa-take out ka pa para kila Nanay. Nakakahiya na," sabi ko sa kanya.
"Sus! Para manok lang naman ang tinake-out ko. Pa'no? Tara na? Para makain na nila itong manok habang mainit pa," sabi niya.
"Ha? Bababa ka pa? Okay lang kahit hindi na. Baka naabala na kita."
"Nope! Okay lang. Makikipagkuwentuhan muna ako kay Aling Cita, magpapababa muna ako ng kinain natin."
Wala na akong nagawa nang bumaba na ito ng kotse niya. Sinundan ko ito ng tingin habang papunta sa gawi ko. Pagtapat nito sa pintuan ko ay binuksan niya ang pintuan, at saka ako inalalayang bumaba, habang hawak niya sa kabilang kamay iyong tinake-out naming manok sa kinainan namin.
Kinuha niya sa akin iyong bulaklak na bigay niya. Bitbit niya ito hanggang sa makapasok kami ng bahay.
"Uy, Randell. Napasyal ka uli dito,” salubong sa amin ni Nanay.
"Kumain lang po kami sa labas ni Xyrene. Saka pinag-take-out na rin namin kayo,” sagot ni Randell, sabay abot ng kahon ng binili niyang fried chicken.
"Hmmm… Ang bango!” sabi ni AJ, na nasa tabi ni Nanay.
Nakangiting napatingin si Nanay sa apo niya. “Ang mabuti pa pakainin ko na muna itong dalawang bata. Diyan na muna kayo," sabi ni Nanay.
"’Nay, magbibihis lang po ako. Iiwan ko muna si Randell," bilin ko kay Nanay, at saka naglakad na papunta sa kuwarto ko.
Tiniklop ko nang maayos iyong uniform ko, pagkatapos kong magpalit ng damit pambahay. Pagkaalis ni Randell mamaya ay lalabhan ko ito.
Nabungaran kong nagtatawanan si Nanay at Randell. Nagtataka man kung anong pinag-uusapan nila ay hindi ko naman masyadong binigyan ng pansin. Napansin kong tumunog ang phone ni Randell. Sandali niyang sinilip ito, at saka may sinabi uli kay Nanay.
"Aalis na po muna ako. Para makapagpahinga na po si Xyrene," narinig kong paalam ni Randell.
"Aba, kadarating mo lang, ah," sabi dito ni Nanay.
“Ah, Xyrene. Pasensiya na. kailangan uli ako sa opisina. Andun ngayon iyong mga business partners ko.”
“Ganun ba? Sige. Mag-ingat ka na lang sa pagmamaneho.”
“Yup! Sige, alis na ko,” sabi nito, at saka naglakad na papunta sa pintuan ng bahay namin.
“Ah, Randell?” tawag ko dito, sabay nagmadaling naglakad palapit sa kanya.
"Ano 'yun, Xyrene?"
"Wala lang... Magpapasalamat lang ako sa libre mo, at saka dun sa bulaklak," nakangiti kong sabi, na sinagot lang niya ng ngiti.
"Wala ‘yon. Sige, at baka matrapik pa ako. Rush hour na rin kasi."
Nang nakaalis na ang kotse ni Randell ay may tumawag sa pangalan ko.
"Reggie? Tara! Pasok kayo!"
Kayo. Kasi kasama niya si Yoseph. Nakatayo sa tabi niya, pero nakayuko ito na para bang pinagmamasdan ang sapatos niyang suot habang nakasuksok ang magkabilang kamay niya sa bulsa ng pantalon niya.
Kinailangan pa itong hilahin ni Reggie para lumapit sa akin.
Akala ko ba, nasa Cebu siya? Nakabalik na agad siya? O niloloko lang ako ng dalawang ‘to?
***