At pagkatapos no’n ay tuluyan ko na nga siyang iniwan. Dumiretso ako sa unit niya para kunin iyong mga gamit ko. Hindi ko na dinala iyong mga gamit na siya ang bumili dahil pakiramdam ko ay ayaw ko munang magkaroon ng kahit na anong bagay na magpapaalala sa kanya. Okay na sa akin ang maikling usapang iyon. Okay na sa akin na maayos akong nakapagpaalam sa kanya. Alam ko naman na kahit sinabi niyang hihintayin niya ako ay wala namang kasiguraduhan iyon. Sobra akong nanghihina. Ni hindi ko nga alam kung paano pa ako nakauwi sa apartment namin ni Tita. Mabuti na lang at wala si Tita nang makauwi ako, agad naman akong nagkulong sa kuwarto at ipinikit ang mga mata ko dala ng pagod sa pag-iyak. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakahiga at nakatitig lang sa kisame. Sobra na akong napapag