Underworld
Apat na libong taon ang nakararaan..
ANG KAPALARAN AY dapat sinusukat gamit ang pusong umaalab sa katapangan at hindi sa pansariling kagustuhan ng isang nilalang.
Ngunit hindi ito ang nangyari at naganap na ang mga bagay na hindi dapat magaganap. Napatay at naisumpa ni Cythe ang prinsipeng si Aramis. At ngayon ay kailangan niyang itama ang kaniyang pagkakamali sa lalong madaling panahon.
May tatlong bagay na gagawin si Cythe upang mailigtas ang mortal na prinsipe. Una, kailangan niyang makuha ang kaluluwa nito sa Underworld, bago pa man ito tuluyang makapasok sa Teanarum, ang lagusan ng Underworld na kung saan papasok ang mga kaluluwang namamayapa na.
Wala siyang kakayahang kalabanin ang makapangyarihang diyos ng Underworld, si Hades. Subalit wala nang pagpipilian pa si Cythe kung 'di harapan ito sa sariling teritoryo nang mag-isa.
Ang pag-ibig ay hindi dapat nabubuo sa ganid ngunit dahil sa pansariling interes, nagawa niyang kitlin ang buhay ng taong kaniyang iniibig at ginawa pang niyang halimaw. Ganoon ba talaga ang nagmamahal na hindi kayang suklian pabalik?
Nagagawa ba ng kahit sinuman ang makapanakit kahit dahil sa pag-ibig?
Tatlong oras nang nakatayo roon si Cythe. Inaabangan niya si Hermes, ang nilalang na nanunundo ng kaluluwa. Pagkatapos ay si Charon naman ang maghahatid sa bawat kaluluwa gamit ang isang bangkang tatawid sa ilog ng Acheron, mas kilala sa tawag na ilog ng 'Pighati'. Ito rin ang ilog pumapagitna sa pagitan ng mundo ng mga buhay at mundo ng mga namayapa na. Sa kaniyang gawi, dinig na dinig na ni Cythe ang mga kaluluwang binibigyan ng sentensiya ni Hades.
Ito ay ang mga kaluluwang hindi pinahihintulutang makapasok sa loob sapagkat wala itong naibigay na gintong barya bilang singil kay Charon, ang nilalang na magdadala sa kabilang parte ng ilog. Madalas ang gintong baryang ito ay matatagpuan sa mga labi ng mga yumao. Ngunit sa kasamang palad, walang gano'n si Prinsipe Aramis. Hindi iyon nagawan ng ritwal upang mas mapayapa ang paglalakbay ng kaluluwa nito. Kaya malabo itong makatawid sa ilog ng Acheron.
Masakit mang isipin pero hindi man lang iyon nagkaroon ng maayos na paglilibing at paglalamay nang dahil lang din sa kaniyang kahangalan. At mas masaklap malaman na mananatiling kaluluwang-ligaw ito na makukulong sa ilog sa mahabang panahon.
Nawala ang kaniyang malalim na pag-iisip nang makita ang inaasahan niyang diyos sa gilid ng ilog na kilala sa tawag na Styx, ang isa sa limang ilog na matatagpuan sa Underworld. Kilala ang Styx sa bansag na ilog ng 'Hindi Nababaling Sumapaan'.
"Anak ni Eros," pag-uumpisa nito habang 'di niya inaalantana ang mga hiyawan at daing ng mga kaluluwa sa mismong ilog ng Styx.
Nagmamakaawa.
Humahagulhol sa labis na pagdurusa.
"Bakit naparito ang isang diyosa sa aking kaharian?"
Kinakailangan niyang maging mas matapang pa. Dama niya ang lakas ng kapangyarihan ni Hades kahit sa simpleng pagtayo lang nito roon. Unang beses pa lang na nakita ni Cythe ang bantog na diyos na ito ng personal. At hindi sumagi sa kaniyang isipan na sa ganitong pagkakataon sila'y magtatagpo ng landas. Napalunok siya ng laway.
Hindi niya bukod-akalain na si Hades ang unang makakadaupang-palad sa kaniya imbes mahanap niya muna si Hermes.
"Hari ng Underworld," pag-uumpisa ni Cythe. Napatigil siya ng ilang segundo habang iniisip kung kakayanin ba niya ang diyos na ito.
"At ikaw naman ang diyosang hindi nagmana sa iyong ama."
Napagitla si Cythe sa sinambit nito. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Kailangan ko bang magpaliwanag, diyosa? Hindi ba ang iyong ama ay diyos ng Pag-ibig at ikaw ay diyosang makasarili sa pag-ibig?"
Doon na nabuo sa utak ni Cythe na batid na ni Hades ang mga nangyayari.
"Nandito ako upang hamunin ka sa isang duwelo," lakas-loob niyang sambit. Alam niyang hindi rin siya makakatawid ng ilog nang gano'n-gano'n na lang kung wala siyang basbas galing sa diyos na kaniyang kaharap.
Nagtitigan silang dalawa. Ang mga mata nitong kasingkulay ng gabi ay nakapokus sa kaniya na may halong pagkadismaya. "Naparito ka upang hamunin ako ngunit wala ka man lang bitbit na kahit anong kagamitan sa panlaban? Isa itong kalapastanganan, alam mo ba 'yon?"
Sa presensiya pa lang ng lalaking hindi rin tumatanda at may itim na awra, pakiramdam ni Cythe ay nangangatog na ang kaniyang tuhod sa labis na kaba. Mas matangkad ito na lampas sa 6ft. Malaki at malapad ang katawan. At higit sa lahat, may kapangyarihan. Paano nga ba siya mananalo laban kay Hades?
"Hindi ako nagbibiro, hinahamon kita sa isang labanan," giit niya na may halong pagdadalawang-isip.
"Hamon?" taas-kilay nitong sambit. "Nais mo na bang maging libingan mo na rin ang Underworld? Alam ba ito ni Eros?"
Hindi makasagot si Cythe.
Kung mas matino pa ang kaniyang pag-iisip, hihintayin niya sana ang pagbabalik ng asawa nitong si Persephone. Mas kalmado at mas madaling kausapin si Hades kapag kasama ang asawa nito, subalit hindi na kayang makapaghintay pa si Cythe. Desperado man, ngunit ang bawat segundo ay mahalaga.
"Kailangan kitang kalabanin, Hades. Wala akong kakayahang talunin ka. Wala akong kapangyarihan na kayang ipantapat sa 'yo. Subalit mayroon kang pag-aari na kailangan kong makuha. Kung kinakailangan kitang hamunin upang makuha ko 'yon, wala na akong magagawa pa."
"Isa kang tampalasan at hangal na diyosa. Sa tingin mo ba ay gano'n kadali ang iyong nais?"
Hindi.
Matagal na niyang alam iyon.
Walang madali kapag ang diyos ng Underworld na ang nasa usapan.
Nag-umpisang gumawa ang diyos ng Underworld ng kulay abong usok na hinaluan ng umaalab na apoy sa dalawang mga palad nito. Maganda at kamangha-manghang pagmasdan ang isa sa mga kapangyarihan ni Hades ngunit hindi sa ganitong oras.
Nagsimulang maghagis ang diyos ng Underworld ng mga bolang gawa sa apoy at pinalipad papunta sa kaniyang gawi.
Dali-daling kumilos ang mga paa ni Cythe upang iwasan ang mga iyon. Nanlaki pa ang kaniyang mga mata nang mapagtantong sumasabog ito sa oras na madampian ng kahit na ano. Walang lingunang tumakbo si Cythe sa malaking bato na nasa gilid ng ilog. Kamuntik pa siyang masubsob nang mawalan siya ng balanse, subalit nagawa pa rin niyang makakubli sa oras, bago pa man mahagip ang kaniyang mukha sa isa sa mga bolang nagpalutang-lutang sa ere.
"Iiwasan mo ang kapangyarihan ko o haharapin mo ako?"
Sobrang bilis ang pagtibok ng kaniyang puso na halos ay hindi na siya makahinga pa. Tinitingnan niya pa rin ang mga bolang apoy na sumasabog at nagiging kumukulong putik na dumadaloy sa lupa. Sa dami ng mga mga itinapon ni Hades, pakiramdam ni Cythe ay umiinit at umuusok na ang buong paligid.
Napapikit si Cythe. Kung hindi siya makapag-isip ng tamang salita at estatrehiya, maaaring ito na nga ang kaniyang magiging katapusan.
"Hades!" Isang boses ang kaniyang nadinig ni Cythe. Lihim siyang sumilip at nakita si Hermes na bitbit ang kaluluwa n siyang pakay niya sa Underworld.
Kaagad na kumalma si Hades at hinarap ang kaibigan nitong si Hermes na nakangiti, ang isa sa mga anak ni Zeus.
"Isa ba itong mortal?" tanong nito habang pinagmamasdan ang kaluluwa ng prinsipe na nasa anyo ng halimaw.
"Mortal na isinumpa," ani Hermes. "Kahabag-habag na nilalang."
Hindi makakilos si Cythe. Nabibiyak ang puso niya. Tuliro. Nais niyang lumapit pero parang ang bigat ng kaniyang nararamdaman. Abot-tanaw na niya ang kaluluwa ni Prinsipe Aramis, pero nawawalan siya ng lakas ng loob upang harapin at titigan ang kaniyang ginawang kasalanan.
Paano niya ito makukuha at maibabalik sa mortal nitong katawan sa ganitong sitwasyon?