NANATILING NAKATAYO si Cythe sa bukana ng pintuan, habang nauna nang naglalakad si Jether papasok ng mansiyon. Nagdadalawang-isip siya kung susundan ba niya ang binata o tatalikod na lang at tatakasan ang lugar na 'to. Kapag gagawin niya 'yon, tatangahin lamang ni Cythe ang kaniyang sarili. N'andito siya sa mundo ng mga tao para sa lalaking 'to. At ngayong nagkita na silang dalawa, ngayon pa ba siya aatras?
Palibhasa, wala siyang nakikita sa sobrang dilim ng kapaligiran, kaya mistulang poste lang si Cythe habang nakasandal sa may malapad na pinto. Ilang minuto pa ang nakalipas nang madinig niya ang mga mahihinang yabag - ang bukod-tanging umaalingawngaw na ingay sa bawat sulok ng lugar - papalapit sa kaniyang gawi. Alam niyang si Jether 'yon at binabalikan lang siya at naniniguro lang na hindi siya tumakas.
"I'm impressed. Sumusunod ka naman pala," anito. Nakalagay ang dalawa nitong mga kamay sa mga bulsa ng itim nitong pantalon.
Napatulala si Cythe nang wala sa oras at titig na titig sa mga mata nitong kumikinang sa dilim. Kanina'y kulay itim lang 'yon, ngayon nama'y pawang nagiging kulay na pinaghalong asul at ginto.
Ang gaganda.
Nakakaakit.
At bago pa man siya makakilos, doon lang niya nakitang nakunot-noo na ang noo nitong nakatitig sa kaniya. Nabuksan na pala nito ang main switch ng ilaw. Patay-malisyang tuloy na napalingon si Cythe sa ibang direksiyon, upang huwag mapahiya.
"Pinasok ang mansiyon, pero mukhang wala namang ninakaw," mahinahon nitong sabi.
Inilibot ni Cythe ang kaniyang mga mata. Wala na sa ayos ang dalawang sofa sa may tagiliran. Basag at nagkalat ang mga bubog sa marmol na sahig dulot nang pagkakahulog ng isang flower vase. Nagkalat din ang mga iilang papel pati na rin ang mga preskong rosas na malapit sa paanan ni Jether.
Malinaw na hinalughog ang buong lugar nang husto.
"Mahina ang security mo?" tanong ni Cythe, habang nakatuon na ang atensiyon sa hagdanan na gawa sa kahoy. "Wala kang bantay man lang, o ano?"
"Turn around."
Nilingon niyang muli si Jether. "Bakit?"
Lumapit ito sa kaniya at inilapit na lang bigla ang mukha nito, na halos ilang pulgada na lang ang agwat sa isa't-isa. "Why can't you just do what I say without asking or arguing?" iritable nitong tugon.
Hinawakan nito ang magkabilaan niyang braso at pinatalikod siya. Ang akala ni Cythe, pintuan lang ang makikita niya. Ngunit, nanlaki ang kaniyang mga mata nang makitang wasak ang monitor at server ng CCTV cameras sa may gilid ng pinto. Hindi lang iyon, dinurog din ang electronic lock ng main door. Nabuksan iyon ng mga taong pumasok dito. Ibig sabihin, hindi sila mga basta-basta magnanakaw lang. Ibig sabihin, may gusto ang mga iyon kay Jether na kailangang makuha sa kahit anumang paraan.
"I have 15 CCTV cameras all over this place. Five electronic locks na ako lang ang may alam ng password," pasimple nitong paliwanag, at binitiwan din naman kaagad ang kaniyang braso. "And yes, maliban sa akin, wala ng tao rito."
Pakiramdam niya, may kung ano'ng lungkot ang kaniyang nadarama sa boses ni Jether.
"Wala ka bang pamilya?" napatanong si Cythe.
Bumuntong-hininga pa ito bago sumagot, "My personal life isn't your business to know. I still don't trust you."
Alam ni Cythe na nasasaktan siya sa tuwing binabanggit ni Jether ang masaklap na katotohanan na iyan. Mas minabuti niyang manahimik na lang at kimkimin ang kirot na namumuo sa kaniyang dibdib.
"Ingat sa bubog!" babala nito na siyang nagpabalik sa kaniyang wisyo. Nakatitig ito sa kaniyang mga paa na walang tsinelas.
Kulang na lang ay mapakamot si Cythe sa kaniyang ulo. Kasalanan naman din nito kung bakit nakayapak lang siya.
"A-Ano'ng ginagawa mo?"Blanko ang utak ni Cythe. Walang imik na binuhat siya nito, na para bang kasinggaan lang siya ng bulak.
"Carrying you, obviously," kaswal nitong sagot.
Napahilig ang kaniyang ulo sa malapad at matigas nitong dibdib at para bang nabibingi siya sa lakas nang pagtibok ng puso ni Jether - na kaparehong-kapareho ng sa kaniya. Natutuliro siya.
Kapwa silang nananahimik habang inaakyat ang hagdanan. Huminto si Jether sa paglalakad at humarap sa pinakadulong kuwarto na matatagpuan sa ikalawang palapag. Ibinaba siya nito at itinuon ang pokus sa saradong pinto.
"Hindi nila ito mabuksan nang basata-basta lang. Gawa sa titanium ang silid na 'to."
Pinagmamasdan lang ni Cythe ang bawat kilos ni Jether. Wala talaga sa doorknob ang susi kung paano ito mabubuksan, kundi nasa ibabang bahagi pa ng solidong pinto na 'to.
"Hindi nila makukuha nang basta-basta ang bagay na 'yon."
"Hindi kita maintindihan."
Gusto pa niyang magtanong ulit, ngunit tuluyan nang nagbukas ang pintuan.
Manghang-mangha siya kung paano ito gumana. Hindi direkta na katulad ng simplemg pinto lang, gumagalaw pa ito na animo'y jigsaw puzzle hanggang sa nagporma munang bulaklak sa may gitna, bago ito tuluyang bumukas.
Unang pumasok si Jether at dahan-dahan siyang sumunod sa likuran nito.
Nagpalinga-linga si Cythe sa kabuuan ng lugar. Walang kakaiba. Walang dekorasyon. Walang mga kagamitan. Ang tanging nandoon lamang ay ang isang maliit na de-kuryenteng ilaw na hugis-kandila.
Nakalagay ito sa isang maliit at pabilog na mesa, na bukod-tanging makikita sa silid.
Hindi nagpatinag si Cythe sa kinatatayuan.
"May gusto akong makita mo," pahapyaw na naman nitong sambit sa kaniya. Nauna na naman itong naglalakad papalapit sa mesa.
Ayaw man niyang ma-curious, subalit napansin na lang ni Cythe na kusa nang naglalakad ang dalawa niyang mga paa.
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Wala ka ba talagang naalala? O sadyang kinalimutan mo na lang ang nakaraan?" tanong nito. May kung ano'ng pinindot na naman sa may mesa at nagkaroon ito ng maliit na butas at dahan-dahang dinudukot ni Jether ang malapad na bagay na nababalutan pa ng itim na tela.
"I think this belongs to you."
Dinaig pa ang istatwa sa tagiliran ni Jether, hindi makahinga si Cythe nang maayos. Parang naninikip ang kaniyang dibdib samantalang hindi pa rin makaalis ang kaniyang paningin sa bagay na iyon.
At nang tuluyang tinatanggalan ni Jether ito ng balot, mas lalong bumibilis ang bawat pintig ng kaniyang puso. Namumutla si Cythe nang tuluyan na itong nasilayan. Tama ang kaniyang hula.
Ang mahiwagang salamin.
Ang salamin na niregalo niya sa prinsipe noon.
Ang mahiwagang salamin na ninakaw pa niya sa kaniyang lolang si Aphrodite - ang diyosa ng Kagandahan.
"P-paano mo 'yan nakuha?" pautal niyang tanong. Palipat-lipat ang kaniyang mga mata sa pagitan ng salamin at ni Jether. Hindi pa rin siya makapaniwala na sa apat na libong taong nakakaraan, makikita pa niyang muli ang salaming 'to.
Nakangising inilapag ni Jether ang salamin sa mesa. "Ninakaw ko, kamakailan lang. Kamakailan lang din naman ito nadiskubre at gumana. At mukhang alam na nila na nasa akin 'to."
"Sino'ng nila?" Nababagabag na talaga siya. Hindi mawari ni Cythe kung ilan pa ba ang nakatuklas ng sekreto ng nakaraan. "A-alam mo ba kung ano iyan?"
Mas lalong lumapad ang ngiti ni Jether, hinawakan niyang muli ang salamin, sinulyapan muna siya, bago tiningnan ang repleniksyon nito sa salamin.
Tumititig ito sa salamin nang mapagtantong paunti-unti nitong pagbabago ng anyo. "Ilang araw na lang, Cythe? Ilang araw na lang?"
Napalunok si Cythe ng laway lalo na't binanggit pa nito ang kaniyang pangalan, sa kauna-unahang pagkakataon.
"Gusto kong malaman kung ilang araw na lang ang natitira, bago ako tuluyang maging halimaw."
Hindi niya kayang tingnan nang direkta ang mga mata ni Jether. Alam niyang dadating din naman ang araw na 'to, ngunit hindi niya aakalain na ganito kabilis, na siya ang mawiwindang.
"Tutunganga ka lang ba? I need answer, woman."
Walang magawa si Cythe nang hawakan siya nito sa dalawang balikat at nagtama ang kanilang mga mata. Galit at dismiyado ang sumalubong sa kaniya, at kung kaya pa niyang alamin ang takbo ng utak nito, alam niyang masasaktan lang siya.
"Hindi ko alam na nag-uumpisa nang kumalat ang sumpa sa 'yong katawan nang ganito kabilis. Hindi o inaasahang makikita kita nang ganito na. I expect na ---"
"I need answers, not your lame explanation. Ilang araw na lang?"
Pagbabago ng mga mata, may iilan nang mga mahahabang balahibo sa braso, alam ni Cythe na kailangan na niyang sabihin ang totoo. "Isang Linggo. Hindi ko alam kung eksakto, pero base sa nakikita ko, pinakamatagal na ang isang Linggo."
"s**t!" Binitiwan nito ang kaniyang balikat at napasuntok sa pader. "Dammit! What have I done wrong to have this curse?"
Nakikita ni Cythe na dumudugo na ang kamao nito.
"Je-Jether..." Tarantang lumapit siya, papunta sa gawi ng binata. "Wala kang kasalanan."
Gusto sana niyang kunin ang dumudugo nitong kamao, ngunit mabilis itong inilayo sa kaniya.
Para siyang napahiya, kaya napayuko na lang si Cythe. Napapikit siya sa pinaghalong sakit at pagsisisi. Kasalanan niya ang lahat ng ito.
Kasalanan niya.
"Kaya kitang tulungan," suhestiyon niya. "Sa Yuteria. Magagamot ka ro'n sa Yuteria. Kaya ng mundong 'yong alisin ang sumpa nang kusa. Walang nagkakasakit. Walang pighati. Kaya ka ro'n pagalingin. Sumama ka na lang sa 'kin pabalik."
Imbes na makinig, muling kinuha ni Jether ang mahiwagang salamin. Lumingon ito sa kaniya na punong-puno ng sama ng loob ang bawat titig na mga mata nito. "Hindi lang Yuteria ang sagot sa problema. May isa pa."
"Ano'ng ibig mong sabihin? May pinaplano ka ba?"
Hindi ito sumagot. Nakatitig si Cythe sa mukha ni Jether na nakapokus sa mahiwagang salamin. Pigil ang hininga niya nang mapansin ang pagliliwanag ng mahiwagang bagay na 'to. Mas maliwanag pa ito sa mismong ilaw na nasa mesa.
"Let's start from here.."