NASAAN NA BA siya ngayon? Ang huling alaala niya ay nawalan siya ng malay sa mga bisig ng isang prinsipe, na hanggang sa mga oras na ito ay hindi pa niya alam ang pangalan. Nasa bingit siya ng kamatayan pero bakit napunta siya sa ibang mundo? Pamilyar ang ilog na tanging isang bangka lamang ang naroon. Makinang kahit wala itong buhay. Ilog na hindi gawa sa tubig. At sa ilalim nito ay mga kaluluwang pinaparusahan nang mahabang panahon. Nasa ilog siya ng Styx kung saan ay nahahati nito ang mundo ng mga buhay at patay. Muli na naman siyang nakarating sa bukana ng Underworld. Subalit, paano nangyari ito? "Kumusta, Cythe?" tanong ng bagong dating. Nakasuot ng purong itim at kahit ang mga mata nito ay kasing kulay ng dilim, nakatayo ang diyos ng Underworld doon na para bang kanina pa siy