CHAPTER 15: ADVICE

1587 Words
Sa palasyo ni Prinsipe Aramis Apat na taon ang nakakaraan Maaliwalas ang panahon. Wala na yatang mas ikakabughaw pa ang kalangitan. Matao. Maliwanag. Maingay. Napupuno ng masayang halakhakan ang paligid na sumasabay sa ihip ng hangin. Wala na iyong lamig na dulot ng panaghoy ng takot at pangamba. Tuluyan nang natunaw ang yelo na bumabalot sa buong kaharian. Ang init ng liwanag ay mananatili ng mahaba-habang panahon. Nakasisiguro roon si Cythe. Masayang nagdiriwang ang lahat. Sunod-sunod ang pagbubunyi sa buong kaharian ng prinsipe, lalong-lalo na sa pinakaimportanteng araw na ito. "Naliligaw ka ba, Binibini?" Napagitla si Cythe sa pamilyar na boses na 'yon. Nasa kalagitnaan siya ng malawak na hardin na napupuno ng mga pulang rosas. Mabilis na tumibik ang kaniyang puso. Nasa harapan niya ang malinis na batis na klarong-klaro ang malulungkot niyang mga mata sa repleksiyon ng tubig. Hindi siya mapakali. "May hinihintay ka ba?" muli nitong tanong sa kaniya. Ayaw sanang lingunin ni Cythe si Aramis ngunit tinatraydor siya ng tampalasan niyang katawan. Nagharap silang dalawa sa unang pagkakataon, pagkatapos ng mga hindi magandang naganap. At baka marahil ito na rin ang huli. "Paano ka nakarating sa aking hardin?" Bahagyang siyang natataranta nang magtama ang kanilang mga mata. Wala pa ring pinagbago ito. Matikas pa rin ang panganagatawan na may perkpektong mukha. Kaya nitong maihahalintulad sa mga diyos. Nakasuot ito ng purong puti, tanda na malapit na ang pag-iisang dibdib nila ni Belle. "Nag--" pautal niyang umpisa habang iniinda ang namumuong hapdi sa kaniyanng puso. "Nag-ikot-ikot lang, mahal na Prinsipe." Nagsinungaling siya. Sinadya niyang hintayin si Aramis sa kahuli-hulihang pagkakataon. "Gano'n ba?" sagot nito na wari'y nakangiti at walang kamalay-malay sa kaniyang tunay na pakay. Tumango si Cythe. "Huwag na po kayong mag-abala pa, mahal na Prinsipe. Kaya ko na ang aking sarili. Huwag niyo sana mamasamain kung ako'y manatili muna sa iyong kaakit-akit na hardin kahit sa panandalian lamang." Pinilit niyang ngumiti. Magkuwari na maayos ang lahat, basta matitigan ang ang mukha ni Aramis. Nais niya itong huwag mabura sa kaniyang isipan at madala sa kung saan man siya mapadpad sa tatahakin niyang tadhana. Ito ang dati nilang tagpuan noong mga panahon na naalala pa siya nito. Naalala pa niya ang lahat. Noong unang dating niya rito. Noong nagpanggap siyang isang matanda na manlilimos. Kay bigat pala sa damdamin nang mapagtanto niyang siya na lang mag-isa ang pumapasan sa kanilang mga alaala. Pinigilan niyang pumatak ang kaniyang mga luha. Nais niyang maging bumigay ang kaniyang emosyon sa mga oras na 'to. "Binibini, batid kong ika'y nalulungkot." Napailing-iling si Cythe. "Hindi, mahal na Prinsipe. Ang lahat ay nagsasaya. Ikaw ay masaya." "Kay layo na ng iyong paksa, Binibini." "Ipagpaumanhin mo, Kamahalan." Pilit ang kaniyang mga ngiti habang nakatuon na ang paningin sa lupa. "Alam mo," sabi nito sa kaniya. "Masyado kang pamilyar. Nagkita na ba tayo?" Hindi niya maiwasang magtama ang kanilang mga mata. At bago pa man pumatak ang kaniyang mga luha, inabutan na siya ni Aramis ng puting panyo na may burda ng rosas. Ilang segundong nakatitig si Cythe sa panyo at sa kamay ng prinsipe na nakalahad. Hindi na ito nagsalita kung kailan naghintay pa siya ng sasabihin. Dahan-dahan niyang kinuha ang panyo. Naglakad si Cythe ng ilang hakbang palayo sa prinsipeng nais niya pa sanang makasama. Huminto siya. Nakatalikod. Mabigat ang dibdib. "Kung anuman ang bumabagabag sa 'yo, Binibini. Hangad ko sana'y makita kang muli nang nakangiti. Maiksi lang ang buhay ng tao para maging malungkot." Hindi . . . hindi maiksi ang buhay niya . . at matagal pa siyang magdurusa sa pagmamahal na ito. "Aramis! Aramis!" sunod-sunod na tawag ng boses ng babae sa hindi kalayuan. Hindi na rin niya kailangan pang manghula kung sino 'yon. Sa boses pa lang, alam niyang kinukuha na nito ang mundo na sana ay kaniya. Palihim niyang lingon si Aramis. Buhat sa malayo, napansin niya kaagad ang liwanag sa mukha ng kaniyang mahal. Kusang naglakad ang mga paa ng prinsipe papunta sa pinagmulan ng boses. Nakangiti. Masaya. "Nandito lang ako, mahal ko." Nagkusa na rin siyang lumayo . . . Marahil ang nakatakda ay imposible nang baguhin. Kung ito man ay nakatakda nang matali sa ibang kaluluwa at tadhana, baka isa nga siyang hangal na umaasa pa rin sa wala. ---- Hinayaan ni Cythe na malayang pumatak ang kaniyang mga luha sa kaniyang mga mata. Dama niya ang init ng likidong dumadaloy sa kaniyang mga pisngi. Masaya, na hindi. Ito ang tama, pero bakit pakiramdam niya ay mali? Pinangarap naman niyang maging masaya ang buhay ng prinsipe, pero hindi sa ganitong paraan. "Tatatak ang istoryang ito sa mundo ng mga tao," turan ng biglang sulpot na nilalang sa kaniyang tagiliran. Hindi na kailangan pang lingunin ni Cythe kung sino 'yon. Sa lamig pa lang ng timbre ng boses na bahagyang malalim, siguradong si Hades ito. Sinusundo na siya ng hari ng Underworld. "Uukit sa kasaysayan ang kanilang pagmamahal -- ang magandang dilag na umibig sa isang halimaw." "Hindi halimaw si Aramis," pagtatama ni Cythe. Pareho silang nakatingala sa malaking balkunahe ng palasyo. Roon ay kitang-kita nila ang bagong kasal. Malalapad ang mga ngiti sa labi. Magkahawak ang mga kamay habang kumakaway sa mga nagkukumpulang tao sa ibaba. Humihiyaw ang mga 'yon ng kasaganahan at matagalang kasiyahan lalong-lao na sa dalawang 'to. Kaya imbes na mas lalong masira ang araw niya at masaktan pa ay nilingon na lang ni Cythe ang diyos na kanina pa siya tinitingnan. "Halimaw siya. Isinumpa mo siya. Kay bilis mo namang makalimot." Hindi. Mali pa rin si Hades. "Hindi saklaw ang pisikal na kaanyuan sa paghuhusga kung halimaw nga ba ang isang nilalang o hindi." "Pero hindi ba, hindi lang naman hanggang sa pangangatawan ng prinsipe ang pagsumpa mo rito? Sa oras na hindi ito nahanap ang taong magmamahal sa kaniya ng buong-buo, pati ang pag-iisip ni Aramis ay magiging katulad ng sa hayop. Wala siyang maalala. Mawawalan ng kakayahang mag-isip para sa sarili. Mag-aasal halimaw na ang prinsipe habangbuhay. At makalilimutan nitong minsan na siyang naging tao. Hindi ba--" "Tama na, Hades!" pagputol ni Cythe. Napapikit siya sa hapdi ng katotohanan na iyon na wari'y sugat na hinding-hindi na yata maghihilom pa. "Mali ko na. Tanggap ko na. Pinagsisihin ko. Pinaparusahan na ako. Hindi mo dapat pang ulit-ulitin." Ngumisi ito sa kaniya ng makahulugan na para bang nababasa ng diyos ang takbo ng kaniyang utak. Wala ba talaga itong puso? Ilang segundo ang ay tumingala na si Hades sa langit. Itinaas nito ang kanang palad sa ere na parang may inaabot sa mga ulap. Maya-maya pa'y bigla na lang kumilimlim at tinakpan ng mga makakapal na ulap ang ganda ng sinag ng araw. "Hindi bagay sa isang magandang nilalang ang umiyak para sa lalaking hindi nakalaan para sa 'yo. Pero dahil magiging alipin kita ng isang libong taon, pagbibigyan kita." Bago pa man makahuma si Cythe, dinig niya ang dagugdog ng langit at iilang kidlat na nagpapakita sa kaulapan. Mahinang pumapatak ang ulan. Nanatiling nakatingin sa itaas si Cythe. Ninanamnam ang bawat patak ng ulan sa kaniyang mukha. Naririnig din niya ang bawat hiyaw ng mga taong kaniya-kaniyang takbuhan upang huwag tuluyang mabasa sa ulan. Nagkalasan ang mga ito sa nasabing piging. Naglaho ang kasiyahan. Maski ang bagong hinirang na prinsesa ay mabilis na tumakbo para makahanap ng masisilungan. Parang nilukot ang puso ni Cythe nang mahagip sa kaniyang mga mata ang paghawak ni Prinsipe Aramis sa kanang braso ni Belle upang kabigin ito at ikulong sa matipuno nitong bisig. Walang magawa si Belle nang pilitin itong pasayawin sa kalagitnaan ng pangit na panahon. Kay layo niya sa mga ito pero pakiwari niya'y kay lang ang mga 'to sa kaniyang gawi. Masaya. Malulutong na mga halakhak ang namayani. Napupuno rin ng pagmamahal ang mga mata ng mga ito para sa isa't isa. At paano naman siya? Sa isang iglap, tuluyan nang nakalimutan ni Prinsipe Aramis ang kanilang magandang pinagmasahan. Sa isang pagkakamali, itatrato na lang niya itong isang magandang panaginip na mabilis na maglalaho. Maglalaho kasama siya. Sana . . Baka sa kawalan, magagawa niyang matakpan ang pait ng kaniyang nararamdaman. Nadinig niya ang malakas na halakhak ng diyos ng Underworld. Mas lumakas ang pag-ulan. Kakaiba na rin ang ihip ng hangin. Sunod-sunod ang pagkulog. "Regalo ko sa 'yo," sambit nito sa kaniya. "Para mawala ang luha sa 'yong mga mata." Napatigil si Cythe at lumingon sa gawi ni Hades. Inilahad nito ang kanang kamay na nagbabadya na kinakailangan na nilang lisanin ang mundo ng mga tao. Mukhang wala rin naman siyang maaaring patutunguhan pa. "Alam mo," dagdag pa nito sa kaniya. "Kapag bibigyan kayo ng pagkakataong pagtagpuin ang inyong mga landas, siguraduhin mong hinding-hindi ka na iiyak, diyosa. Huwag kang tutulad sa ibang nilalang na pilit hinahabol ang mga bagay na sa una pa lang, alam na nilang may hangganan." Napabuntong-hininga si Cythe. Napapikit. Dahan-dahan niyang ibinuka ang kaniyang mga mata na para bang namamaalam sa lugar na 'to. "Hades," sambit niya sa bago niyang amo. "Maituturing ba talagang halimaw ang tulad kong nagmamahal? Kung gayo'n, ang lahat nang nagmamahal ay mga halimaw din?" Ngumisi ng makahulugan si Hades. "Lahat naman ay nagmamahal, Cythe. Pero, hindi lahat ay marunong magmahal. At kapag ang isang nilalang ay napasobra sa pag-ibig, mistula na rin silang halimaw na wala nang kinikilala maski'y ang kaniyang sarili."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD