Sa palasyo ni Prinsipe Aramis
Apat na taon ang nakakaraan...
IYONG PAKIRAMDAM NA tapos na ang lahat at nagwakas ng maganda ang mga bagay inakala niyang wala ng pag-asa pa, makakahinga na rin si Cythe nang maayos. Ipinagaspas niya ang kaniyang kamay sa hangin at paunti-unting binubuhat nito sa ere ang prinsepeng akap-akap ng babaeng pinangarap niyang maging siya. Iyong katabi sana. Iyong minamahal. Iyong inaalala.
Mula sa malayo, hinayaan niya ang kaniyang sarili na pagmasdan ang pagbabalik-anyo ng prinsipe -- isang bagay na pinilit ni Cythe na mangyari.
Ipinikit niya ang kaniyang mga mata habang tinatapos ang huling kumpas ng kaniyang kamay. Nagtagumpay siya. Iyon lang ang dapat na itatak sa kaniyang isip. Hayaan na muna ang puso niyang nagluluksa.
At magmula sa mga oras na ito, magsisimula pa lang ang kaniyang kalbaryo.
Hindi pa rin patas kung magpataw ng desisyon ang tadhana. Ngunit, hayaan na. Ang mahalaga ay ang buhay ni Aramis. Masaya ito. At may pagkakataon pang baguhin ang tadhana. May pagkakataon pang maging mas may makabuluhan.
Patuloy na tumutulo ang mga luha ni Cythe habang pinagmamasdan si Prinsipe Aramis na paunti-unti ng nagkakamalay. Iba ang kaharap. Iba ang unang hinanap. At iba na ang hinahanap na pangalan.
Kay Belle na.
Ang mortal na naging susi ng lahat upang mapuksa ang sumpa.
Sa isa sa mga matatayog na tore ng palasyo, katabi ang lagayan ng mahiwagang rosas, nananatiling nakatayo roon si Cythe. Nakangiti. Hindi maalis ang paningin sa direksiyon na 'yon. Subalit patuloy na humihikbi. Tahimik na nadudurog habang tanaw na tanaw ang mundong mabubuo pa lang.
Nakakahinga, pero nakakasakit. Walang magawa si Cythe kung 'di ang pagmasdan ang mahiwagang bulaklak na wala ng kinang.
Ang lahat ng talulot ay nalaglag na roon. Mabuti na lang at sumakto ang dalagang si Belle sa tamang oras bago pa ang pagpatak ng kahuli-hulihang talulot sa mesa.
Ang lugar na matagal nang binabalot ng kadiliman ay nagkaroon ng liwanag sa kauna-unahang pagkakataon. Ang mga makakapal na ulap sa kalangitan ay paunti-unting natutunaw at lumabas doon ang unang sinag ng araw na matagal ding nagkukubli.
Hindi niya kayang pigilan ang labis na saya na namumuo sa kaniyang puso.
Ngunit, ganun pa man, hindi ibig sabihin ay buong-buo ang nakukuha niyang tuwa.
"Naagapan na ang sumpa," sambit ni Cythe sa kaniyang sarili. Maluha-luha pa siyang kinuha ang lagayan ng rosas at kinabig niya ito palapit sa kaniyang dibdib.
Siya rin mismo ang nagbigay sa mahiwagang bagay na ito sa prinsipe, kasama na ang salaming may natatanging kakayahan. "Ligtas na si Aramis. Magiging maayos na ang lahat.
At 'yon ang mas mahalaga.
Ligtas na sa panganib ang kaniyang minamahal.
"Hindi pa, Cythe," ani Eros. Lumapit ang diyos ng Pag-ibig sa may bintana. "Ikinalulungkot kong sambitin subalit nagsisimula pa lang ito."
Napatigil siya.
Kamuntik na niyang mabagsak ang bitbit niyang babasaging bagay.
Bakit gano'n?
Ano'ng nangyayari?
"Ano'ng ibig mong sabihin, Ama?" taka niyang tanong. Mas naging maobserba siya ngayon sa blankong mukha ng kaniyang ama. "Wala na ang sumpa, hindi ba? Natapos na. Tao na muli ang prinsipe."
Napailing-iling ang kaniyang ama na siyang ikinabagsak ng kaniyang balita. Walang bakas na tuwa ang mga mata nitong nakatitig sa kaniya. "Ang sumpa ay parang imortal na kaluluwa, Cythe. Ang lunas ay pansamantala lamang. Isang diyosa ang nagsumpa kaya mabubuhay pa iyan sa mahabang panahon at magpasalin-salin sa angkan ng prinsipe."
Nanlaki ang mga mata ni Cythe.
Nagulat.
Halos ay mabitiwan niya ang hawak-hawak niyang babasagin bagay kaya minabuti niyang ilapag ito sa mesa. Lumapit siya sa kaniyang ama na para bang nababalisa.
Ayaw maniwala.
"Hindi puwedeng mababaliwala ang aking pinaghirapan, Ama. Kay dami na akong sinakrispisyo para sa mortal na 'yan. Hindi pwede."
"Hindi natin kayang baliin nang gano'n-gano'n na lang ang iyong ginawa, Anak. Kaya ika'y maghahanda sa panibagong misyon sa mga susunod na henerasyon."
"Bakit gano'n? Maayos na. Bumalik na sa dating anyo si Aramis. Baka nagkakamali ka lang, Ama."
Napailing-iling si Eros. Napabuntong-hininga. "Hindi ba binalaan na kita na huwag umibig, Anak?"
Nanahimik si Cythe. Kasalanan nga ba ang magmahal?
"Hanggang magkakaroon ka ng pagmamahal sa mortal na 'yan, patuloy siyang hahabulin ng sumpa. Patuloy na maghihirap ang taong 'yon. Sana gano'n kasimple ang lahat. Na kapag mahalikan na ay panunumbalik na ang lahat. Tandaan mo, ang puso ni Belle ay hindi buo ang pagmamahal sa prinsipe. Gumawa lang tayo ng paraan."
"At ano nga ba ang paraan na sinasabi mo, Ama?"
Naghigtay si Cythe ng sagot. Ilang segundo rin ang pananahimik nito.
Nakapagtataka . . .
"Hindi ka na nagsasalita, Ama."
Hindi mawari ni Cythe ngunit bigla na lamang bumilis ang pagpintig ng kaniyang puso. Nawala ang saya. Kinuha rin ito sa kaniyang mga labi sa ilang segundong lang.
Ganito ba talaga ang takbo ng tadhana -- malupit, walang pagkakataon, at pilit tinatanggalan ng kalayaan?
"Hindi ako papayag, Ama."
"Sa ayaw mo o gusto, tanging ang Langit lang ang magdidikta ng kasagutan sa lahat."
Pinagmasdan ni Cythe ang tunay na anyo ng prinsipe buhat sa itaas. Mistula silang hangin ng kaniyang amang si Eros na nakalutang doon. Pinaghalong saya at kalungkutan, hindi mawari ni Cythe kung ano ba ang una niyang maramdam.
Masaya, dahil naitama niya ang kaniyang pagkakamali..
Malungkot, dahil hindi na siya kabilang sa panibagong buhay ng nilalang na nagpabago sa kaniya nang husto.
"Kung tunay man ang sinasabi mo, makakakuha ako ng paraan, Ama."
Muling napailing-iling ang diyos ng Pag-ibig.
Ginamit nito ang kapangyarihan upang magkaroon ng isang pirasong rosas na nagliliwag sa kanan nitong palad. Dahan-dahan nitong nilagay sa kanan niyang tainga. "Ang ganda mo, Anak. Hindi karapat-dapat ang kapalaran na ito para sa iyo. Ako'y nalulungkot at nahahabag sa iyong sasapitin sa mga susunod na araw."
"Malakas ako."
"Malakas nga ba?"
Hindi niya kayang sagutin kaagad. Malakas nga ba siya? Gaano ba siya katatag? Ang kaniyang pananahimik ang naging sagot para sa kaniyang ama.
"Anak," mahinang tawag ni Eros sa kaniya. "Gaano mo ba siya kamahal? Kaya mo bang magdusa nang mahabang panahon para lang sa isang pag-ibig?"
Hindi siya makasagot.
Nakatitig si Cythe sa kaniyang ama na nahahabag na rin sa kaniyang sitwasyon.