“EHEM,” eksaherado pang tumikhim si Blair na nakaupo pa rin sa kinauupuan nito. Kung maaari lang ay aayaw ng bumitiw ni Mhorric sa nobya para lang masigurado na hindi na ulit ito mawawala sa kaniyang paningin at sa kaniyang tabi. Pero may mga kailangan pa siyang harapin na mukhang may kinalaman sa pagkawala ni Candy kanina. Hinalikan pa niya ang nobya sa may buhok nito bago kumalas ng yakap dito. Pero ang isa niyang kamay ay agad na humapit sa baywang nito. Naninigurado na hindi ito mawawala. Pagkuwan ay pumihit paharap sa lamesa na kaniyang kinainan kani-kanina lang. “Sino’ng promotor nito?” walang kangiti-ngiti niyang tanong sa mga kasama niya sa pabilog na lamesa. Iisa lang ang hinayon ng tingin ng mga ito. Lahat ay kay Daizuke Niwa na dereksiyon. “May problema ba tayo, Mhorric?”