Ilang daang taon nang nakalilipas, payapang namumuhay ang mga taong may kapangyarihan at mga mortal sa planetang earth.
Pinamumunuan ito ni Haring Kairo, ang hari ng Peridious Kingdom. Siya ang humahawak sa diyamante ng limang elemento na kumokontrol sa sanglibutan, ang elemento ng apoy, tubig, hangin, lupa, at aether o spirit.
Ang nilalang na katulad ni haring Kairo at iba pang naninirahan dito ay tinatawag na homo superior na nagtataglay ng X-gene. Maikukumpara sila sa mga mutant na kayang mag-control ng iba’t ibang kapangyarihan.
Gumawa si Haring Kairo ng isang batas na walang sino man ang maaaring gumalaw sa mga mortal. Gayon din sa ibang lahi na naninirahan sa mundong ito, ang lahi ng lobo, pambira, elf, fairies, at mermaid.
Ang lahi ng mga tao ang pinakamataas na lahi at pinakamarami sa kanilang mundo. Espesyal sila dahil sa kanilang katalinuhan at kalawakan ng pag-iisip. Dahil sa kanilang kahinaan, madalas silang protektahan ng mga nilalang na makapangyarihan at binigay ni haring Kairo ang kalayaan na nararapat sa mga mortal.
Sino man ang lumabag sa hari ay mapapatawan ng kamatayan.
Ngunit dumating ang araw na kailangan na niyang ilipat ang kapangyarihan sa kanyang tagapagmana — tumatanda na rin kasi siya at nalalapit na ang kanyang kamatayan.
Kaya naman sumailalim sa matinding ensayo ang nag-iisa niyang anak na babae, si Regina Bramimonde Isa lamang itong mahinang babae, ngunit dala niya ang isang mabigat na responsibilidad.
Nagsimulang mamuno bilang reyna si Regina nang yumao ang kanyang ama. Bilang pasasalamat sa kaibigang si Zera na siyang nagturo sa kanya sa larangan ng pakikipaglaban, ginawa niya itong reyna sa Kaharian ng Firaga, kasama sa katungkulan ni Zera ang pamumuno at pagsasa-ayos sa lahi ng mga bampira at lobo.
Ngunit sa hindi malamang dahilan, kumitil ng isang inosenteng mortal si Queen Zera dahilan upang patawan siya ng parusa.
Nalaman ni Queen Regina ang ginawa ni Zera, ngunit imbes na kamatayan ang ipataw na parusa, pinatapon niya si Queen Zera sa Underworld, ang kaharian ng masasamang kaluluwa. Ang lugar na ito ay nababalutan ng apoy. Dito naninirahan ang lalaking si Hadium (Hadi) — ang masugid niyang alagad.
Si Hadi ang tagapagbantay ng underworld, tinalaga ito ng haring Kairo sa kanya noon pa upang bantayan ang masasamang kaluluwa at huwag gumala sa mga mortal. Sa tulong ng kanyang alagad na si Hadi, lihim siyang gumawa ng isang malaking kaharian sa Underworld kasama ang dati niyang pinamumunuan — ang mga lobo at bampira.
Hinamon ni Zera si Queen Regina ng isang digmaan. Ngunit alam ni Queen Regina na sa larangan ng pakikipaglaban, hindi niya kayang tapatan si Zera.
Ngunit ang ginagawa ni Zera ay palala nang palala. Pinipilit niyang sakupin ang ibang kaharian. Marami nang namatay at maraming nilalang ang nasaktan. Dahil dito, kahit labag sa kalooban ni Regina, nagdeklara siya ng digmaang pandaigdigan.
Naisipan ni Queen Regina na humingi ng tulong sa apat na hari sa iba't ibang bahagi ng mundo.
Ang hari ng kanluran, silangan, timog, at hilaga. At upang mas lumakas ang kanilang pwersa. Binuhay niya ang mythical creature na tagapagbantay ng kanilang mundo at binigay sa apat na hari — ang Phoenix, Turtle, Dragon, at White Tiger.
Sa tulong ng mga ito, napagtagumpayan niya ang giyera at sa kamay ni Queen Regina, namatay si Zera.
Imbes na magdiwang, nagluksa ang buong kaharian dahil sa digmaang nangyari, mabigat sa kalooban ng reyna ang mawalan ng isang kaibigan at may mga taong nagsakripisyo ng kanilang buhay.
Makalipas ang ilang taon, nanatiling payapa ang mundo, ngunit hindi pa rin maiwasan ang alitan sa pagitan ng mga mortal.
Ang mga bampira ay kumakain ng tao, ang mga lobo ay nakikipagrelasyon sa mga tao. Halohalo at lumalaki ang problema.
Kaya nagdesisyon si Queen Regina na gamitin ang kanyang kapangyarihan upang hatiin ang dalawang mundo. Gumawa siya ng parallel world, isang mundo ngunit may dalawang panahon.
Ang isa ay para sa mundo ng mga nilalang na may iba't ibang katangian. At ang isa ay mundo ng mga mortal. Isang malakas na barrier ang naghahati sa dalawa, kaya walang sino man ang makapapasok sa dalawang magkaibang mundo.
Dahil dito, halos kalahati ng kapangyarihan ang nawala kay Queen Regina.
Bago mamatay, pinatawag niya ang apat na hari ng apat na bahagi ng daigdig at dito pinagkatiwala ang pamamalakad sa buong kaharian. Binigay niya ang mga diyamante na nagtataglay ng elemento sa mga ito, pati na rin ang mythical creature na makatutulong sa kanilang pagpapatakbo ng kaharian.
Sa kabilang banda, ang tapat na alagad ni Zera na si Hadi ay nakatakas noong panahon ng digmaan.
***
Aira
Nakapalumbaba at nakakunot ang aking noo habang binabasa ang mga bagay na nakasulat sa aklat na ito, ang aklat ng kasaysayan ng mundong ito.
Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maintindihan kung anong kinalaman ko sa kanilang mundo at kung ano nga ba ang silbe ko rito. Ang nais ko lang naman ay maibalik ang aking kapatid at mailigtas siya sa kung sino mang Hadi iyon.
"Kumusta? Naunawaan mo na ba ang kasaysayan?" rinig kong saad ni Zeth habang naglalakad patungo sa aking kinaroroonan.
Inunat ko ang aking paa dahil pagod na ako sa pagkakaupo habang nagbabasa rito sa silid aklatan ng palasyo.
"Hindi, kahit anong gawin ko, wala akong ma-gets sa story nyo," tugon ko.
"Story?"
"Kwento, kwento ng kasaysayan ng mundong ito." Niyuko ko ang aking ulo at pinatong sa lamesang nasa aking harapan. "I mean, bakit ako?" tanong ko.
Lumapit si Zeth sa akin at umupo sa upuang kalapit ng aking kinauupuan.
"Ang totoo ay hindi ko rin alam. Tulad ng nakasaad sa kasaysayan na iyan, ang lugar na kasalukuyan mong kinaroroonan ay talagang mahiwaga," saad niya. Naramdaman ko ang paghawak ni Zeth sa aking ulo na tila nagbibigay sa akin ng kapanatagan. "Magpahinga ka na muna, mauunawaan mo rin ang lahat."
Hindi ko alam kung bakit, ngunit pakiramdam ko ay gumaan ang aking kalooban nang sabihin sa akin ni Zeth ang mga bagay na iyon.
Bagamat litong-lito pa rin ng ako sa lahat ng nangyayari, kailangan ko munang makisama sa mga taong nandito sa lugar na ito hanggang sa malaman ko kung paano makakabalik sa aking mundo at kung saan ko makikita ang aking kapatid.
"Halika na, ihahatid kita sa iyong silid," pagtawag sa akin ni Zeth.
Marahan akong tumayo at sumunod sa kaniyang paglalakad.
Ang lugar na ito at tila isang lumang palasyo. Pakiramdam ko ay nasa hogward school ako dahil sa pasilidad na nandito sa palasyong ito.
May mga litrato ng dating hari at Reyna. Nandito rin ang litrato ng sinasabi nilang si Queen Regina na nagmamay-ari ng limang elemento.
Natatawa na lang ako sa aking sarili sa tuwing ito ay aking naiisip. Hindi pa rin kasi ako maka-move on sa mga pangyayari at hindi ko alam kung maniniwala ba ako.
Nang kami ay makarating sa sinasabi niyang silid, namangha ang aking mga mata nang makita ang malawak at makalumang disenyo ng silid na ito.
Ang kulay ng pintura sa loob ng silid ay may pagka-dirty white. Classical ang interior design nito at mayroong maraming komplikadong edges. Sa kisame sa may bandang paahan ng kama, makikita mo ang isang tila floral chandelier na may kulay puting ilaw. Ginto ang bawat linya ng kama nito at may isang mahabang upuan sa may paahan. Nakatutuwa rin ang inukit na gold design na nakalagay sa bawat gilid ng kama. May roon itong apat na haligi na magsisilbing canopy nitong higaan kung saan nandoon ang tila isang napakagandang puting kurtina na animoy kulambo na maaaring tumakip sa isang prinsesang natutulog sa loob. Maganda rin ang disenyong magkahalikang tagak sa headrest ng kama. Malambot ang sandalan na ito upang makapagpahinga ang iyong batok kapag ito ay iyong nilapat.
Makikita rin ang isang maliit na lamesa katabi ng kama na may parehong disenyo ng kama. Nakapatong roon ang isang lampshade na may maliit na telang floral at may kulay dilaw na ilaw.
Sa tanang buhay ko, ngayon lang ako nakapasok sa ganito karangyang silid. Kadalasan kapag may staycation kami nila mommy sa isang resort, hindi naman ganito kabongga.
May isang pintuan rin sa may kanan na sa tingin ko ay patungo sa isang bathroom. Hindi ko na inusisa ang lugar na iyon dahil lalo akong magmumukhang ignorante.
"Maiwan na kita, mahal na reyna." Naputol ang mga bagay na aking iniisip nang magsimulang magsalita si Zeth, nakita ko ang kanyang pagyuko sa akin at nagsimulang lumakad palayo sa aking kinaroroonan.
Lumakad ako patungo sa aking magiging kama, saka ko ginapang ang aking daliri sa malambot at puti nitong tela. Umupo ako rito at tila tinatawag ng higaan ang aking katawan. Hanggang sa maya-maya lang, tuluyan na akong nilamon ng antok at binigay ang aking katawan sa kama at nagpahinga.
***
Isa, dalawa, tatlo. Kahit alam kong umaga na, ayoko pa ring imulat ang aking mga mata dahil natatakot akong malaman kung nasaan ako. Sana, sa pagmulat ko sa talukap ng aking mga mata, nakabalik na ako sa aking mundo at wala na itong mga kingdom kingdom na ito.
"Gigisingin ba natin siya?"
"Baka magalit sa atin kapag ginising natin ang mahal na reyna."
"Pero, handa na ang umagahan."
Kumunot ang aking noo sa mga bagay na aking naririnig. Tila may mga taong nagbubulungan sa aking paligid.
Dahil sa hindi ko mapigilan ang aking sarili, marahan kong minulat ang aking mga mata. Isang buntonghininga ang aking nagawa nang masilayan ko ang paligid ng kinaroroonana ko.
Nandito pa rin ako. Hindi pa rin ako nagigising sa bangungot na ito.