Aira
Matapos akong maglinis ng katawan, labis ang aking pagtataka sa mga tagapaglingkod na kasambahay na nandito sa palasyo. Inaayusan nila ako ng aking susuotin, samantalang kaya ko naman magbihis sa aking sarili.
Napapikit ako sa sakit nang maramdaman ko ang paghila ng isang kasambahay sa tali na nasa aking baywang.
"Pasensya na mahal na reyna, masiyado po bang mahigpit?" tanong niya.
"H-Hindi naman, nakakahinga pa naman ako," nakapikit ang isang mata kong saad habang nagpipigil ng sakit.
"Tapos na po," sabay sabay nilang sabi.
Nang sabihin nila ang bagay na iyon. Marahan akong naglakad patungo sa isang malaking salamin na nasa hindi kalayuan.
Namangha ang aking mga mata nang makita ko ang aking hitsura. Nagmukha akong lumang tao na mula sa isang royal family.
Nakataas ang aking buhok at ginawa nilang braided na animoy korona. Close neck ang damit kong suot na may mahabang sleeve, ngunit nakapagtataka dahil hindi naman ito mainit.
Sa dulo ng sleeves ng suot kong damit, ito ay nakapabuka na tila kurtinang may magandang tahi.
"Handa ka na ba?"
Mabilis akong napalingon sa tinig na pinanggalingan na aking narinig. Nakita ko si Zeth na ngayon ay nakatayo sa harap ng pinto habang nakatingin siya sa akin.
"Handa para saan?" tanong ko.
"Nais ng aking ama na malaman kung paano ka napunta rito sa aming mundo. Nais niya ring malaman kung ikaw nga talaga ang reyna," pagsasalaysay niya.
Kumunot ang aking noo dahil sa kanyang sinabi. Kung sa bagay, ano naman ang magagawa ko sa pagkakataong ito?
"Halika, sumunod ka sa akin."
Nang magsimulang lumakad si Zeth, hinakabang ko ang aking mga paa at sumunod sa kanya. At sa aming paglalakad sa malawak na espasyo ng palasyo, halos ilang pulgada ang pagitan ng paglalakad naming dalawa. Tila napakalayo niya at para lang akong asong nakatanaw sa kanyang likuran.
Sa aming paglalakad, nilibot ko ang aking paningin sa paligid. Kasalukuyan kaming naglalakad sa ilang sahig na may pulang carpet at may lining na dilaw. Ang haligi ng lugar na ito ay kulay puti na may nakasabit na mga litrato ng mga sinaunang hari at reyna.
Sa aking kaliwa ay may malalaking sunod-sunod na bintana at matatanaw ang isang malawak na kagubatan at isang magandang lawa. Tila napakalinis nito, kung mamarapatin baka pwede pa nga itong inumin.
"Aira."
Nanlaki ang aking mata nang marinig ko ang tinig ni ate na tumawag sa aking pangalan.
"Ate?" saad ko sabay napahinto ang aking paa sa paglalakad.
Mabilis kong nilibot ang aking paningin, nagbabakasakaling makita ko ang aking kapatid.
"Aira..."
Muli kong narinig ang kanyang tinig. Sa pagkakataong ito, siguradong-sigurado akong nasa malapit lang siya. At sigurado akong tinig iyon ng aking ate.
Hindi ko alam kung bakit, ngunit bigla akong napatingin sa lawa na tinitingnan ko kanina. Sa aking pagtitig sa lugar na iyon, naaninag ko ang hitsura ng aking kapatid. Nakaupo siya sa tabi ng lawa at hindi ko makita kung ano ang kanyang ginagawa.
Mabilis akong tumakbo palapit sa malaking bintana na nasa aking kaliwa. Saka ko hinawak ang aking magkabilang palad sa binta na na iyon.
"Ate Faria!" pagsigaw ko nang malakas, nagbabakasakaling siya ay lumingon at makita niya ako.
"Aira!" Isang tinig ng lalaki ang aking narinig na tumatawag sa aking pangalan.
Nakaramdam ako ng isang mainit na palad na nakapatong sa aking balikat. Agad ko itong nilingon at nakita ko ang mukha ni Zeth.
"Z-Zeth?" nagtataka at nauutal kong saad.
Nakita ko ang pagtaas ng ulo ni Zeth at ang pagtingin niya sa lawa na aking tinitingnan, saka siya bumalik ng tingin sa akin.
"Mag-iingat ka sa lawa na iyan. Tinatawag iyang lawa ng imahinasyon," paliwanag niya.
"Lawa ng imahinasyon?" pag-ulit ko sa kanyang sinabi.
"Oo, pinapakita ng lawa na iyan ang bagay na nais mong makita. Matapos iyon, hihigupin niya ang iyong kaluluwa hanggang sa hindi ka na makabalik sa reyalidad."
Mariin akong napalunok nang marinig ang bagay na sinabi ni Zeth, tila kinabahan ako sa kanyang sinabi. Binalik ko ang aking tingin sa lawa at sa aking pagtingin, wala na si Ate Faria.
Totoo nga ang sinabi ni Zeth, imahinasyon lamang iyon.
"Halika na, sa akin ka lang tumingin at huwag na sa iba."
Nanlaki ang aking mata at tila may sumuntok sa aking puso nang marinig ko ang sinabing iyon ni Zeth.
Hindi ko alam pero iba ang dating ng sinabi niyang iyon sa akin.
Ah! Bahala na nga!
Muling nagsimulang maglakad si Zeth at tulad ng aking ginawa kanina, sumunod ako sa kanya.
Sa haba ng aming nilakad, sa wakas ay nakarating rin kami sa isang silid na may dalawang malalaking pinto. Ang sabi niya, ito raw ang silid kung saan naroon ang trono ng dating hari at reyna.
Sinimulan ni Zeth na buksan ang pinto. At sa pagbukas nito, bumungad sa aking mata ang isang malawak na silid. Wala itong upuan o kama, ang tanging upuan nito ay ang dalawang pulang trono na nasa dulo ng silid na ito.
Sinimulan kong ihakbang ang aking paa papasok sa loob nito.
Nakikita ko na mayroon ding pulang karpet sa sahig. At bago ka makaupo sa dalawang trono na iyon, mayroon tatlo o apat na maliliit na baytang.
Sa magkabilang gilid ng silid, nakatayo ang mahigit sampung kalasag na walang lamang tao. Tila display lang sila sa lugar na ito ngunit kung aking titingnan, nakakatakot siya para sa akin.
Sa Anime ko lang nakikita ang ganitong lugar at ito ang unang beses na makakita ako ng ganito sa personal.
"Maligayang pagdating, mahal na reyna. Ako si Fritz Archibald, ang tatay ng aether na si Zeth."
Napalingon ako sa aking kanan nang marinig kong magsalita ang isang lalaki. Nakaluhod siya sa akin at nakayuko ang kanyang ulo.
"T-Teka, Sir. Hindi naman po yata, dapat ganiyan ka-formal," nangingiwi kong pagtawa.
Nakita ko ang marahan niyang pagtayo at nasulyapan ko ang kanyang mukha.
"Paumanhin mahal na reyna. Ngunit kailangan ko pong magbigay galang sa inyo," saad niya.
Sa hubog ng kanyang mukha, tantya ko ay nasa singkwenta anyos na ang tatay ni Zeth. Ngunit may hitsura pa rin ito. Kahit siya ay mayroong bigote at balbas, makikita mo ang kanyang kagwapuhan.
Ngayon alam ko na kung saan nagmana ang kanyang anak.
"Ito naman, boss. 'Wag na pong masiyadong pormal, naiilang po kasi talaga ako," saad ko sabay kamot sa aking ulo at pangiti-ngiti na lang.
"Boss?" narinig kong saad ng ama ni Zeth na animoy nagtataka sa salitang boss.
Mabilis na bumaling ang kanyang tingin kay Zeth, tila nag-uusap ang kanilang mga mata at tinatanong nito kung ano ang salitang boss.
Nagkibit-balikat naman si Zeth dahil maging siya, hindi niya rin ito alam.
Isang buntonghininga ang aking ginawa dahil alam kong matatagalan pa kung ipapaliwanag ko ang dictionary ng aking mundo.
"Hay... naku! Sige na nga, let's get into business na, guys," saad ko sabay wagayway ng aking kamay na tila nagsasabing, kalimutan na nila ang aking sinabi.
Muli na namang kumunot ang noo ng dalawang lalaki na aking kasama, animoy hindi nila naiintindihan ang aking lenggwahe.
Napangiwi ako dahil hindi ko alam kung paano ako mag-a-adjust sa kanila.
"Halika mahal na reyna. Maari lamang na magtungo kayo sa gitnang bahagi ng sahig na ito," narinig kong saad ng tatay ni Zeth, sabay turo ng isang lugar sa loob ng silid na ito.
Nagsimula akong maglakad patungo sa direksyon na kanyang tinuturo. Nakita ko naman ang isang itim na tinta na nakasulat sa sahig.
Hugis bilog ito at may kung anong mga letra ang nakasulat sa paligid. Ngunit sa aking pagkakatanda, parang alibata ang mga letra nito.
Sinimulan kong ihakbang ang aking paa sa loob ng bilog na iyon. Nakita ko naman ang paglakad ng tatay ni Zeth at tumayo sa labas ng bilog habang siya ay nakaharap sa akin.
"Nais ko lang malaman kung nasa iyong katawan ang kaluluwa ng mahal na reyna," saad niya.
Mariin akong napalunok at sa isang iglap lang may kung ano siyang ginawa sa kanyang kamay na animoy ninja mula sa isang sikat na palabas, iyong lalaking may siyam na buntot.
Nang matapos ang kanyang ginagawa, bigla kong naramdaman ang init na nagmumula sa aking puso. Noong una ay hindi pa ito gano'n kainit, ngunit habang tumatagal, painit ito nang painit na animoy nakapapaso.
Hanggang sa hindi ko na mapigilan at pakiramdam ko ay nasusunog na ang aking kalooban.
"Arrhhg!" pagsigaw ko dahil sa sakit.
Mabilis kong niyakap ang aking sarili. At bigla akong napaluhod sa sahig habang namimilipit.
Hanggang sa maya-maya lang, isang malakas na liwanag ang bumalot sa aking katawan. Pakiramdam ko, ang init sa aking puso ay mabilis na dumaloy sa aking ugat. Ang aking katawan ay tila umuusok at may steam na manggagaling sa aking balat.
"A-Ano 'to?" tanong ko.
"Iyan ang iyong chakra. Kailangan kong galitin ang iyong enerhiya upang lumabas ang totoong nagmamay-ari ng katawan mong iyan."
Tila hindi pumapasok ang mga bagay na sinasabi niya sa akin. Pakiramdam ko ay para akong siomai na in-i-steam ngayon.
"Release!"
Sa pagsigaw ng tatay ni Zeth, tila naparalisa ang buo kong katawan. Nanigas ito at hindi ko ma-control.
Nagsimula akong lumutang sa ere, ngunit kahit nakalutang, ramdam ko ang bigat ng aking paa na animoy ayaw umalis sa pagkakalapat sa lupa.
Hanggang sa maramdaman ko ang paghiwalay ng aking pwersa. Nakita ko ang isang usok na galing sa aking katawan. Unti-unti itong gumagawa ng isang imahe, hanggang sa nabuo ang imahe na ito at naging isang tao.
"Totoo nga, nasa iyo nga ang kaluluwa ni Reyna Regina," rinig kong saad ng tatay ni Zeth.
Matapos iyon, naramdaman ko ang muling pag-init ng aking katawan nang bumalik sa aking katawan ang usok na iyon.
Mula sa pagkakalutang, unti-unti akong bumababa hanggang sa maramdaman ng aking talampakan ang sahig.
Hanggang sa nawala ang nararamdaman kong pagkaparalisa. Pati ang init sa aking puso ay nawala. Ngunit dahil sa matinding pagod na nadarama ngayon ng aking katawan.
Agad akong bumagsak sa sahig at napaupo rito. Mariin kong hinawakan ang aking ulo dahil pakiramdam ko ay nahihilo pa ako.
Nakita ko naman ang pagluhod ni Zeth at ng kanyang ama sa aking harapan.
"Tunay nga na ikaw ang Reyna Regina," sabay nilang sabi.
***
"Isa lang naman ang gusto kong malaman. Paano ako makababalik sa mundo namin? At paano ko ililigtas ang ate ko," sunod-sunod kong saad.
Kasalukuyan kaming nasa dining area ngayon at naghihintay ng pananghalian. Dahil sa ginawa nila kanina, nakaramdam ako ng matinding gutom.
Ang sabi sa akin ng tatay ni Zeth, normal daw na maramdaman ko ito dahil wala sa aking katawan ang limang diyamante.
"Siguradong may dahilan kung bakit kinuha ni Hadi ang iyong kapatid, mahal na reyna," saad ni Zeth.
"Tawagin mo akong Aira. Hindi ako sanay sa reyna reyna na iyan," pagsuway ko sa kanya.
"Mahal na reyna." Mabilis akong nagtapon ng matalas na tingin kay Zeth nang muli siyang magsalita. "A-Aira," nag-aalinlangan niyag sabi. "Sa tingin ko, hindi kayo basta-basta makababalik sa inyong mundo. At hindi rin biro ang kapangyarihan ni Hadi. Sa kondisyon mo ngayon, siguradong mamamatay ka lang," dugtong niya.
Mariin akong napalunok dahil sa kanyang sinabi.
"Kung gano'n, paano ko maliligtas ang aking kapatid?" tanong ko.
"Isa lang ang naiisip kong paraan." Sabay kaming napalingon ni Zeth nang magsimulang magsalita ang kanyang ama. "Kailangan mong kunin ang limang elemento at patayin si Hadi."
Nanlaki ang aking mga mata at mabilis na tumibok ang aking puso dahil sa bagay na narinig ko.
"Ha? Ba't ako?!" pagtanggi ko.
Bigla akong napatayo, sabay hampas nang malakas sa lamesa na nasa aking harapan.
"Dahil nasa katawan mo ang kaluluwa ng reyna. At walang ibang makapagpapasunod sa hari ng iba't ibang palasyo kundi ikaw lang, Aira."
"T-Teka! Simpleng estudyante lang ako na nangangarap makapagtapos ng pag-aaral. Tapos, gusto nyo akong makipagbasag-ulo?"
Nakita ko ang pagkunot ng kanilang noo na animoy hindi nila ako naiintindihan.
Susmiyo, limitado lang ba ang bokabolaryo ng mga taong ito? saad ko sa sarili.
Marahan akong bumalik sa aking pagkaka-upo, saka tila nawalan nang pag-asang niyuko ko ang aking ulo.
"Kung ang iniisip mo ay kung paano ka makikipaglaban at kung paano ka pupunta sa iba't ibang kaharian. Huwag ka nang mag-alala, dahil sasamahan ka ni Zeth," saad ng kanyang ama. "Si Zeth ang pinakamagaling na mandirigma sa kaharian ng Peridious. At wala pang sino man ang nakatatalo sa kanya."
Muli kong tinaas ang aking ulo at tiningnan si Zeth.
Nakita ko ang kanyang pagngiti at ang kanyang bahagyang pagyuko na animoy nagbibigay pugay sa akin.
Makakasama ko itong robot na ito? Hay... naku! Bahala na nga, kakain na lang ako, pagmamaktol kong saad sa sarili.