Chapter 8: Terra Kingdom

2023 Words
Aira Sa pagsapit ng umaga, nag-ayos na kami ni Zeth at nagtungo sa labas ng palasyo. Nakahilera ang mga kasambahay habang nagbibigay ng pamamaalam sa amin. "Mag-iingat po kayo sa paglalakbay, mahal na reyna," saad ng mga kasambahay. Tumango ako at ngumiti bilang tugon. Maya-maya lang, narinig ko ang malakas na pagsipol ni Zeth na tumawag sa aking atensyon. "Nandito na ang ating sasakyan," saad niya. Lumingon ako sa paligid upang makita kung nasaan ang tinutukoy niyang sasakyan. Kumunot ang aking noo nang wala naman akong makitang kotse o karwahe man lang, tanging d**o lang ang nakikita ko sa aking paligid. Pinagloloko na naman yata ako ng lalaking ito. "Zeth, wala namang sasakyan, ha?" saad ko habang nakatanaw sa kanyang likuran. Maya-maya pa, nakita ko ang pagtaas ng kanyang kamay at pagturo ng kanyang daliri sa himpapawid. Sinundan ko ang direksyon ng kanyang kamay. Nanlaki ang aking mga mata sa aking nakita. Isang malaking dragon ang patungo sa aming kinaroroonan. Diretso ang kanyang paglipad patungo sa aming kinatatayuan. Ito ba ang sinasabi niyang sasakyan? Hanggang sa ang malaking dragon ay tuluyan nang lumapag sa malawak na lupain kung saan kami naroon. Tila isang maamong aso na yumuko ang dragon sa aming harapan. Mahaba ang kanyang leeg at kahit saang anggulo ko siya tingnan, nakatatakot ang kanyang hitsura. Nakita ko ang pagsampa ni Zeth sa likod ng nakayukong dragon. "Halika na," pagtawag niya sa akin sabay sa paglahad ng kanyang kamay. Mariin akong napalunok habang nakatingin sa kanyang kamay at sa katawan ng gray na dragon. "Aira?" muling pagtawag ni Zeth sa aking pangalan. Kahit nanginginig ang aking katawan, tinanggap ko ang kamay ni Zeth. At nang maglapat ang aming mga palad, agad niya akong hinila upang mapaupo sa bandang likuran. Halos hindi ako makapagsalita dahil sa mga bagay na nangyayari sa aking paligid. Sa tanang buhay ko, ngayon lang ako sasakay sa likod ng dragon. Kahit kailan naman ay hindi pumasok sa aking isip na sasakay ako sa ganito. Tumalon ang aking balikat at nanlaki ang aking mga mata nang magsimulang gumalaw ang aming sinasakyan. Wala sa sariling napayakap ako sa likod ni Zeth dahil takot akong mahulog at baka mamatay pa ako. Naramdaman ko naman ang paghawak ni Zeth sa aking kamay na animoy nagsasabing ligtas ako. Wala akong nagawa kung hindi ang manatili sa ganoong position. Tila nakasakay ako sa elevator, dahil sa bawat paghampas ng malaking pakpak ng dragon ay ang pagtaas at pagbaba ng kanyang likuran. Wala ba talagang ibang sasakyan dito? Kahit kotse lang sana o karwahe. Bakit dragon pa? paiyak kong saad sa sarili. Hindi ko alam kung ilang diyos na ang aking tinawag sa patuloy naming paglalakbay, basta ang alam ko lang ay nais ko nang lumapag sa lupa. Makalipas ang ilang oras nang paglalakbay, ang mga ulap na animoy hamog na tumatama sa aming mukha ay unti-unti nang nawawala. "Nandito na tayo, Aira," narinig kong saad ni Zeth. Marahan kong dinilat ang aking mga mata at sa pagtingin ko sa aming paligid, unti-unting humawi ang mga ulap, tumambad sa aking mga mata ang isang tila disyertong lugar. "Anong lugar ito?" "Ito ang tinatawag na Terra Kingdom o kaharian ng Terra. Ang hari nito ang humahawak sa elemento ng lupa," paliwanag sa akin ni Zeth. Sa patuloy na paglipad ng dragon na aming sinasakyan, hindi ko na rin alintana ang taas ng aming kinaroroonan dahil namamangha ang aking mga mata sa piligid. Pakiramdam ko ay nasa isang lugar ako sa Sahara Desert dahil sa init at makapal na lupa sa paligid. Maya-maya lang, natanaw ko ang isang malaking rebulto ng isang puting tigre. "Zeth, ano bagay na iyon?" pagturo ko sa malaking rebulto na iyon. "Iyan ang mitolohiyang hayop ng lugar na ito, ang puting tigre. Ang sabi sa kasaysayan, sa panahong makumpletong muli ang mga elemento, ang rebultong iyan ay mabubuhay at kasamang lalaban ng reyna, kasama mong lalaban, Aira." Mariin akong napalunok dahil sa sinabi ni Zeth. Pakiramdam ko ay napakabigat ng responsibilidad na nakapatong sa aking balikat. "Ayon ang kastilyo ng Terra," pagturo ni Zeth sa isang kastilyo na may hawig sa isang Mausoleum na nasa Agra, Uttar Pradesh sa India — ang Taj Mahal. Animoy swimming pool ang tubig na nasa harapan ng kastilyo na ito. Mayroong mga poste ng ilaw na nagbibigay liwanag sa gabi. Mahigpit akong napayakap sa likod ni Zeth nang maramdaman ko ang pabulusok na lipad ng dragon na aming sinasakyan. At nang makalapag ang aming sinasakyan, niyuko ng dragon ang kanyang ulo at ang kanyang pakpak ay nilapat niya sa sahig, ito ang nagsilbing hagdan upang kami ay makababa mula sa kanyang likuran. Sa tagal ng pagsakay namin sa likod ng dragon, ngayon ko napagtanto na mabait pala ang mythical creature na ito. Siguro, kung ako ay muling babalik sa aming mundo, ito ang isang karanasang hinding hindi ko malilimutan. Nang tuluyan kaming makababa mula sa pagkakasakay sa dragon, muli itong tumanghod at binukas ang malapad niyang pakpak, saka nagsimulang lumipad ulit sa himpapawid. "Paalam dragon, sa uulitin!" sigaw ko sabay sa pagtaas at pagwagayway ng aking kamay sa hangin. Narinig ko ang impit na pagtawa ni Zeth dahil sa aking ginawa. Napatingin ako sa kanya dahil sa kanyang pagtawa. "Para ka talagang bata," saad niya sabay sa paggulo sa aking buhok. "Bata pa naman talaga ako," saad ko sabay nag-pout ng aking labi. Nakita ko naman ang magandang ngiti sa labi ni Zeth. "Sige sige, tara na," muli niyang saad sabay hawak niya sa aking kamay. Required ba talaga na hawakan niya ang kamay ko bago siya lumakad? Enebe, kenekeleg teley eke, kinikilig kong saad sa sarili. *** Ang kaharian ng Terra ay nasa silangang bahagi mula sa kaharian ng Peridious. Dito nakatalaga ang elemento ng lupa at ang kaharian nito ang humahawak sa mythical creature na Puting Tigre. Ito ang isang bagay na nabasa kong naka-ukit sa malaking pinto ng kastilyo. "Maligayang pagdating sa aking kaharian, Zeth." "Marami pong salamat, Haring Lios," narinig kong tugon ni Zeth sa isang matandang lalaki. Nakaluhod at nakayuko siya bilang pagpugay sa isang mataas na hari. "Nakarating sa amin ang balita na nais nyo raw makuha ang aming panig upang muling mabuo ang limang elemento, tama ba?" saad ng hari na ito. "Opo mahal na hari. Kung iyong mamarapatin, maaari po ba naming kayong makasama sa aming paglalakbay?" Isang malakas na tawa ang narinig namin ni Zeth na nakapagpataas sa kanyang ulo. Sabay kaming tumingin sa hari na animoy wala nang tigil sa pagtawa. "Pasensya na kung napasarap ang aking pagtawa," saad ng hari, saka pinunasan ang butil ng luha na kumawala sa kanyang mata. "Pero satingin nyo ba ay sa edad kong ito, kakayanin ko pang makipaglaban?" muli niyang saad. Marahang tumayo si Zeth at diretsong tumingin sa hari. "Ano po ang ibig nyong sabihin, mahal na hari?" tanong ni Zeth. "Zeth, halata naman sa aking hitsura na matanda na ako. At ilang taon na lang ang nalalabi sa aking buhay, hindi ko maaaring iwan ang kaharian na ito nang gano'n gano'n lang." "Kung gano'n ay..." "Oo, paumanhin, Zeth." Naramdaman ko ang lungkot na nababakas sa mukha ni Zeth. Gano'n din ang aking naramdaman nang marinig ko ang bagay na iyon, ngunit sayang naman ang aming paglalakbay patungo sa lugar na ito kung wala kaming mapapala. "Wala po bang ibang paraan, mahal na hari?" pagsingit ko sa usapan nila. Lumipat ang tingin sa akin ng hari at nakita ko ang kanyang mga mata na tumingin sa akin mula ulo hanggang paa. "Ikaw siguro ang tinutukoy nila na reincarnation ni Queen Regina," saad ng hari. "Mahal na reyna, paumanhin kung wala akong maitulong," muli niyang wika. "Kung ganoon." Diretso akong tumayo at hinawakan ko ang aking dibdib na animoy tinuturo ang aking sarili. "Ibigay nyo sa akin ang elemento ng lupa," walang pakundangan kong wika sa harapan ng mataas na hari. Wala na akong pakialam kung ano ang kanilang iisipin. Wala na akong pakialam kung ang tunog ko ay nagiging desperada na, nais ko lang ay mailigtas ang ate kong si Faria. "At sino ka para utusan ang aking ama?" Sabay-sabay ang aming paglingon nang makarinig kami ng isang malalim at malaking tinig mula sa aming likuran. "Aranyani?" saad ng hari "Mabuti naman at nakabalik ka na mula sa iyong paglalakbay." "Opo, mahal kong ama," tugon ng lalaking nagngangalang Aranyani. Nagsimula siyang lumakad patungo sa aming direksyon at patuloy kaming nilampasan, tumayo siya sa tabi ng upuan ng hari. Sumunod lang ang aming mata sa kanyang paglalakad. "Hayaan nyong ipakilala ko sa inyo ang aking anak." Sabay sa paglahad ng kamay ng hari sa kanyang katabi. "Ito si Aranyani Fujin, ang prinsipe ng Terra, dise nuebe anyos lang ang aking anak. At sa kanya ko ipapamana ang kapangyarihan ng lupa," sunod-sunod na paliwanag ng hari sa amin. "Aranyani, ito si Zeth mula sa kaharian ng Peridious. At ito naman si Aira, nasa katawan niya ang kaluluwa ng dating reyna." Nakita ko ang pagkunot ng noo ng lalaking ito nang sabihin sa kanya ang bagay na iyon. "Paano namin malalaman kung totoong nasa katawan mo nga ang dating reyna?" saad ni Aranyani habang may matalas na tingin sa akin. "Ako ang patunay at nakita ng dalawa kong mata ang kaluluwa ng reyna sa kanya," pagsingit ni Zeth. "Ako si Zeth Archibald isang aether." Yumuko si Zeth bilang pagpugay sa bagong dating na prinsipe. "Kung hindi maaaring sumama sa amin ang mahal na hari, maaari bang ang prinsipe na lang?" diretsong wika ni Zeth. "At bakit ko ibibigay ang paglilingkod ko sa inyo?" "Mawalang galang na po." Bumaling ang tingin sa akin ng prinsipe nang magsimula akong magsalita. "Kung kailangan ko pong patunayan ang aking sarili, handa akong humarap sa kahit anong pagsubok na nais nyong ipagawa," matapang kong saad. Nakita ko naman ang marahang pag-angat ng labi ni Aranyani. Ang mala-adonis niyang mukha ay tila magpapabighani sa mga kababaihang makakasalubong niya. Matigas at tila bato ang kanyang katawan, halatang batak ito sa pag-eensayo. "Sigurado ka ba sa sinasabi mo, binibini?" tugon sa akin ni Aranyani. "Oo, handa kaming patunayan ang bagay na iyon, mahal na prinsipe," pagsang-ayon ni Zeth sa aking sinabi, saka muling tumayo nang tuwid. "Sige, susubukin ko ang inyong katatagan. Kapag napagtagumpayan nyo ang aking pagsubok, malugod akong aanib sa inyo," tugon ni Aranyani sabay sa malademonyo nitong ngiti. "Sigurado ka ba rito, Aranyani?" tanong ng kanyang ama. "Opo, ama. Hindi ko maaaring ibigay sa kanila ang elemento ng lupa nang ganoon lang kadali." Marahang tinaas ni Aranyani ang kanyang kamay. At sa pagtaas nito, isang maliit na bilog ang nabuo sa ibabaw ng kanyang palad. Tila isang itim na bola na unti-unting lumalaki. Maya-maya lang, sa pagtitig ko sa bolang ito, tila hinigop ang aking katawan. Ang pakiramdam na ito, ganitong ganito ang pakiramdam noong sinundan ko ang lalaking kumuha sa aking Ate Faria. Mariin akong napapikit nang tuluyang lamunin ng itim na bola ang buo kong katawan. Naramdaman ko ang mainit na yakap ni Zeth sa akin. "Ayos ka lang, Aira?" tanong sa akin ni Zeth. Mariin pa rin akong nakapikit at ayokong imulat ang aking mga mata. Mahigpit ang yakap ko sa katawan ni Zeth at animoy takot na takot sa bagay na nakita ko kanina. "Idilat mo ang mata mo, Aira," muling wika ni Zeth. "Magtiwala ka sa 'kin." Mula sa mariin kong pagkakapikit, dahan-dahan kong minulat ang talukap ng aking mga mata. Mabilis na nanlaki ang aking mata nang mamasdan ko ang paligid. Madilim sa lugar na ito at maraming alitaptap ang nagsisilbing ilaw dito. "Nasaan tayo?" tanong ko. "Ito ang Nymph Kingdom o kaharian ng Nymph, ito ang kahariang nasa hilagang silangan mula sa kaharian ng Peridious. Dito naninirahan ang lahi ng mga duwende at diwata." "Duwende? diwata?" pagklaro ko sa kanya. "Oo. Satingin ko, ito ang kahariang pinamumunuan ni Aranyani kaya rito niya tayo pinadala." Mariin akong napalunok. Mukhang nagkamali yata ako sa paghamon ko sa kanya. Ano ba kasi ang iniisip mo, Aira? Bakit ka naghamon nang ganoon? Mariin akong napakagat sa aking labi dahil sa aking iniisip. Hindi ko lang pinahamak ang aking sarili, maging si Zeth ay dinawit ko pa sa gulo. Nahihibang ka na talaga, Aira!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD