Chapter 9: Nymph Kingdom

2034 Words
Aira Ang Nymph Kingdom o kaharian ng Nymph ay ang kahariang nasa hilagang silangan mula sa Peridious. Nang ang hawak na itim na bola ni Aranyani ay bumalot sa paligid, tuluyan kaming dinala nito sa isang kakaibang mundo. Halos manlaki ang aking mga mata nang ilibot ko ang aking paningin sa paligid, napalilibutan ng lumiliwanag na alitaptao ang lugar na ito. Tila nasa ilalim kami ng lupa dahil sa malalaking ugat ng puno na aming tinatapakan. Sa itaas naman ay may mga nakasabit na baging na animoy ahas dahil sa dami ng mga ito. Para akong nasa loob ng kagubatang may malalaking puno. Tila ako ang nanliit sa lugar kung saan kami ngayon naroroon. Natatanaw ko rin ang maliliit ngunit magagandang bahay, mga bahay na may hawig sa isang fairy tale na nabasa ko, ang snow white. Mukhang nagkamali talaga ako ng paghamon kay Aranyani. Ano ba kasi ang nasa isip mo, Aira? "Ano kaya ang gagawin natin dito sa Rivendell?" wika ni Zeth habang patuloy ang pagtingin sa paligid. "Rivendell?" Kumunot ang aking noo nang sabihin niya ang bagay na iyon. "Oo, ito ang tawag sa syudad ng mga duwende." "Hindi ba ang Elf ay maliliit na tao?" Tumango lang siya bago tumugon. "Maliit sila ngunit makapagyarihan. Kaunti pa lang ang nakasasalamuha ko sa kanila dahil ang lahi nila ay hindi biro at dapat iwasan." Iyong napapanood kong mga Elf sa TV cute naman saka mababait, saad ko sa sarili. "Kung ano man ang nais ipagawa sa atin ni Aranyani, kailangan tayong maging alerto." Mariin akong napalunok dahil sa sinabi ni Zeth. Nakita ko ang maingat niyang paghakbang upang maghanap ng tao, este elf sa paligid. Ano nga ba ang dapat naming gawin sa lugar na ito? "Zeth, ikaw na ba iyan?" Isang malambing na tinig ang tumawag sa pangalan ni Zeth, dahilan upang kami ay mapalingon dito. Namangha ang aking mga mata nang makakita ako ng isang diwata. Napakaganda ng kanyang mukha at may mahaba siyang tainga. Kapansin-pansin din ang pakpak sa kanyang likod na animoy si thinkerbell. Diyos ko, ano ba naman itong mga nakikita ko, hindi na talaga ito normal, hindi pa rin makapaniwalang saad ko sa sarili. "Bella? Dito ka pala napunta," wika ni Zeth nang lapitan siya ng babae. "Anong ginagawa mo rito? Hindi ba dapat ay nasa Peridious ka?" "Nandito ako para sa isang misyong iginawad sa akin ng prinsipe ng Terra." Kunot noo ang babae habang nakikinig kay Zeth. Kung tititigan ko ang dalawa, para silang prinsipe at prinsesa sa lugar na ito. Napakagandang nilalang... Tumalon naman ang aking balikat nang simulan akong tingnan ng babaeng diwata. "Sino ang babaeng ito?" wika niya na animoy may mapait na tinig. Wala naman akong ginagawa, ngunit parang galit siya sa akin. "Siya si Aira, nasa kanya ang kaluluwa ni Queen Regina." Nang sabihin ni Zeth ang bagay na iyon, nakita ko ang pagkuyom ng kamay ng diwata. Bumalik siya ng tingin kay Zeth, saka muling ngumiti. "Ngayong nandito na rin naman kayo, bakit hindi kayo bumisita sa amin?" pa-anyaya ng diwata habang may matamis na ngiti sa labi. Muli siyang bumalik ng tingin sa akin, nakita ko ang paghakbang ng kanyang mga paa patungo sa aking kinaroroonan. At nang tuluyan siyang makalapit, halos hindi ako makahinga dahil sa mabilis na pagtibok ng aking puso. Hindi ko alam at hindi ko maintindihan kung bakit ako nakadarama ng matinding kaba. "Ako nga pala si Bella, kinagagalak kitang makilala," wika niya, sabay lahad ng kanyang kamay. "A-Ako si Aira," nauutal kong tugon. Kahit may pag-aalinlangan ang aking isip, tinanggap ko pa rin ang kanyang kamay at hinawakan ko ito. Ngunit sa aking paghawak. "Ouch!" pagdaing ko nang makaramdam ako ng tila karayom na tumusok sa aking palad. Sa pagtingin ko sa aking kamay, wala naman itong dugo o sugat. "Ayos ka lang ba, Aira?" tanong niya sa akin na tila nag-aalala. "A-Ayos lang," tugon ko sabay sa pagtago ng aking palad. Ano 'yon? Bakit parang may tumusok sa kamay ko? saad ko sa sarili. *** Hanggang ngayon ay wala pa rin kaming ideya ni Zeth kung anong klasing pagsubok ba ang nais ipagawa sa amin ni Aranyani, kaya naman habang inaalam namin ito, pumayag kami sa diwatang si Bella na sumama sa kaniyang tahanan. Kasalukuyan kaming nasa loob ng bahay ni Bella. Ang mga gamit dito ay tila gawa sa kahoy at may kung anong halimuyak ng bulaklak ang aking naamoy. "Uminom muna kayo ng tsaa," pag-alok sa amin ni Bella habang hawak ang tray na may tsaa. Lumapit siya sa amin ni Zeth at umupo sa tabi, sabay sa paglapag ng tsaa sa amin. Hinawakan ko ang tasa, ngunit bigla kong naramdaman ang kamay ni Zeth na pumigil sa aking pag-inom. Nilapit niya ang kanyang labi sa aking tainga at bumulong. "Kahit anong mangyari, 'wag na 'wag kang iinom," mahinang saad sa akin ni Zeth. "Bakit naman, Zeth?" Sabay kaming napalingon ni Zeth kay Bella nang ito ay magsalita. "Ginawa ko ang tsaa na iyan, ngunit hindi nyo iinomin. Nakakatampo naman," saad niya. Kumunot ang aking noo nang tignan ko ang kanyang mukha. Tila hindi naman siya nalulungkot nang malaman niyang ayaw naming inomin ang kanyang tsaa, nakangiti pa nga ito sa amin. Bakit kaya? "Hindi aksidente ang pagkikita nating muli 'di ba, Bella?" seryosong wika ni Zeth, saka marahang tinulak ng daliri patungo sa direksyon ni Bella ang tsaa na nasa aming harapan. "Sabihin mo, ano ba ang inutos sa 'yo ni Aranyani?" tanong niya. Namasdan ko ang nakatatakot na ngiti ni Bella. Ang matamis na ngiti niya kanina ay napalitan ng nakababagabag na ngiti. "Malalaman mo rin, Zeth," tugon niya saka tumingin sa aking direksyon. "Oo nga pala, ano na ang plano nyo kung makuha nyo nga ang loob ng prinsipe?" muli niyang tanong. "Hindi mo na kailangan malaman ang bagay na iyon, tutal hindi mo rin naman nais sabihin sa amin kung ano ang pakay mo." Naramdaman ko ang mainit na palad ni Zeth nang hawakan niya ang aking kamay. Tumayo siya at saka ako hinatak, dahilan upang mapatayo rin ako. Ngunit nang ihahakbang ko na ang aking paa, tila may kung anong mabigat na bagay ang dumagan sa aking balikat, dahilan upang mapaupo ako sa sahig. "Aira! Ayos ka lang?" tanong ni Zeth na ngayon ay nakaluhod sa aking harapan habang sinisilip ang aking mukha. Naramdaman ko ang paninikip ng aking dibdib at ang mabilis kong paghinga. Pakiramdam ko ay sumisikip ang hangin na aking nahihigop at ano mang oras, maaari akong himatayin. "Z-Zeth, h-hindi ako makahinga," pilit kong salita. "Anong ginawa mo?!" narinig kong sigaw ni Zeth sa babaeng si Bella. "Gusto mong malaman kung ano ang pagsubok na naghihintay sa inyo hindi ba?" aniya. Hindi na malinaw ang bagay na aking naririnig. Pasikip na rin nang pasikip ang aking dibdib. Nararamdaman ko ang pagpintig ng aking palad, iyong bahagi na may kung anong karayom ang tumusok. Mahigpit kong hinawakan ang braso ni Zeth, saka sunod-sunod ang paghugot ng aking hininga. "Aira! Aira!" rinig kong sigaw niya, habang ang aking mata ay unti-unting nanlalabo. "Aira, makinig ka! Ano man ang makita mo ay hindi totoo. Labanan mo, labana—" Tuluyan akong nawalan ng malay at hindi ko na marinig ang bagay na sasabihin ni Zeth. Binalot ng dilim ang aking paningin. Mahimbing ang tulog ng aking mga mata ngunit gising ang aking diwa. Hanggang sa maya-maya lang, naramdaman ko ang isang mainit na kamay na tumatapik sa akin. "Aira, gising. Aira." Isang pamilyar na tinig ang aking naririnig. Marahan kong binuksan ang talukap ng aking mga mata at laking gulat ko nang makita ko ang aking kinaroroonan. Nasa Banaue ako? N-nakabalik na ako? "Hoy, Aira! Kanina pa kita ginigising, ano ba?" Nilingon ko ang aking ulo sa pinanggalingan ng tinig na iyon. At laking gulat ko nang makita ko si Ate Faria. "Ate?" saad ko. Bumigat ang aking balikat at namuo ang butil ng luha sa aking mga mata. "Ate Faria, ikaw nga!" sigaw ko sabay yakap sa katawan ng aking kapatid. "Ano bang sinasabi mo, Aira? Para kang nakakita ng multo." "Totoo ba ito, Ate? Hindi ba ako nananaginip?" "Ha? Nababaliw ka na talaga," saad ni Ate Faria, saka tinanggal ang pagkakayakap ko sa kanya at tumayo. "Bilisan mo na riyan, babalik na tayo sa lounge, baka hanapin na tayo nila mommy." Humakbang palayo sa akin si Ate Faria at nagsimulang lumakad. Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga bagay na nangyayari. Kung ganoon, panaginip lang talaga ang bagay na iyon? Terra Kingdom, Peridious, dragon? Natatawa ako sa aking sarili dahil pinaniwalaan ko ang bagay na iyon, samantalang alam ko namang imposible ang mga ganoong bagay. Binatukan ko pa ang aking sarili dahil sa katangahan na aking pinairal. Ayan kasi, Aira. Puro ka nood ng anime, bulyaw ko sa sarili. "Aira, ano? Hindi ka pa ba susunod?" muling sigaw pabalik sa akin ni ate. "S-Sige, nandiyan na!" tugon ko saka tumayo mula sa bench na kinauupuan ko. Walang pinagbago ang lugar na ito, ang lugar kung saan ko nakita ang lalaking naka-hood. Ano nga ang pangalan niya? Pilit kong iniisip ang mga bagay na natandaan ko kanina, ngunit tila nalimutan na ito ng aking alaala. Ano nga ulit iyong mga kingdom? muli kong sambit sa sarili. Mariin ko na lang na iniling ang aking ulo upang mawala ang aking iniisip. Ah, basta! Ang mahalaga ay nakabalik na ako rito. Mabilis akong tumakbo patungo sa kinaroroonan ni Ate Faria. At nang magsabay kaming lumakad, tinitigan kong mabuti ang kanyang mukha. Iritableng tumingin naman siya sa akin. "What?" tanong niya na tila naiinis sa aking tingin. "Wala naman, ate. Masaya lang ako at nakita kitang muli." Tumaas ang kanyang kilay nang marinig niya ang aking sinabi. "Weirdo..." bulong niya saka nagmadaling lumakad. Hindi ko maipaliwanag ang saya na aking nararamdaman sa araw na ito. Hindi ko inakala na darating ang araw na muli akong makababalik sa totoo kong mundo. O mas mabuting sabihin na, muling nagising sa bangungot na iyon. Nais kong maiyak dahil miss na miss ko na ang aking pamilya. Pakiramdam ko ay napakatagal kong nawala. Muli kong hinabol si Ate Faria, saka ko inangkla ang aking kamay sa kanyang braso nang maabutan ko siya. "Ano bang problema mo? Ang weird mo ngayon, Aira," masungit na saad ni ate. "Wala lang, ate." Saka ako ngumiti nang malaki. *** Kinabukasan, nang ako ay magising, masayang masaya pa rin ang aking puso nang makita ang paligid. Nandito pa rin kami sa banaue at kasama ang aking pamilya. Halos hindi ko bitiwan ang katawan nina mommy at daddy dahil sa mahigpit kong pagkakayakap. "Aira, ano bang nangyari sa 'yo? Bakit parang ang saya-saya mo yata ngayon?" tanong ni mommy habang nasa loob ng kotse. Pabalik na kami sa maynila at kasalukuyang nagmamaneho si daddy. "Wala naman po, mommy," tugon ko, saka ngumiti sa kanila. Sinulyapan ko pa ang mukha ni ate na ngayon ay natutulog at naka-earphone. Sumilay ang ngiti sa aking labi nang makita kong muli ang masaya kong pamilya. "Aira!" Nanlaki ang aking mata nang makarinig ako ng isang pamilyar na tinig. Nilingon ko ang aking ulo sa paligid ngunit tila hindi naman ako tinawag nina mommy at daddy. Ang tinig na iyon. Parang kay Ze... A-Ano nga ba ang pangalan niya? *** Zeth Archibald "Aira, gumising ka. Aira!" Kahit anong sigaw ang gawin ko, tila nasa malalim na panaginip ang babaeng ito. "Kahit maputol pa ang litid mo kasisigaw. Hindi magigising ang babaeng iyan," narinig kong saad ni Bella. Tinapunan ko siya ng masamang tingin. "Anong ginawa mo sa kanya?!" "Tinupad ko lang ang pangarap niya. Ang pangarap niyang bumalik sa kanyang mundo," aniya. Nagsimulang lumakad si Bella patungo sa aking kinaroroonan, saka lumuhod sa akin at diretsong nakatingin sa mukha ni Aira na ngayon ay namumutla na. "Kailangan niyang malagpasan ang pagsubok na ito. At kailangan niyang malamang panaginip lang ang lahat. Dahil kung hindi..." "Kung hindi ay ano?" nanginginig kong tanong. "Mamamatay ang babaeng iyan." Nanlaki ang aking mata dahil sa sinabi ni Bella. Hindi ito maaari. Binalik ko ang tingin sa mukha ni Aira na ngayon ay nakahiga sa aking binti nang siya ay mawalan ng malay. Lumaban ka, Aira. 'Wag kang magpapadala sa isang panaginip. Lumaban ka, pakiusap!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD