Chapter 10: Isang panaginip

2140 Words
Aira Isang bagong umaga, bagong araw na kakaharapin ko ngayon sa maynila. Nagsimula na kaming pumasok sa eskwela ni ate, ngunit nakapagtataka ang malaki niyang pagbabago. Masaya naman ako dahil madalas niya na akong kausapin, ngunit hindi lang ako sanay dahil hindi naman niya ito ginagawa noon. Kadalasan kasi, lagi siyang ilag sa akin. Maging ang aking mga magulang ay tila nagbago rin. Hindi rin sila madalas mag-usap, sa katunayan, kaninang breakfast bago kami pumasok, tahimik lang kaming kumain. Hindi ko alam kung ano ang nangyari at nagpabago sa kanila, pero hindi ko na lang din inalam dahil baka mapagalitan pa ako nila mommy. Hanggang ngayon, ramdam ko pa rin sa aking puso ang kasiyahan. Ngunit ang totoo, nawala na sa aking isip kung bakit ako nakadarama ng saya. Hindi ko na rin maalala ang dahilan kung bakit ako nakatulog doon sa bench sa may Banaue. At pakiramdam ko, may kung ano sa aking alaala ang nawawala. Ngunit ano kaya iyon? *** Nagsimula na akong pumasok sa eskwela, bagong kaklase at bagong guro. Bago ang lahat sa Wilson university. Senior High na ako at si ate naman ay College. Mabuti na lang at nandito rin si ate sa paaralang ito dahil ang kursong kinukuha niya ay nandito sa universidad ng Wilson. Kasalukuyan akong nasa classroom ngayon habang nakatingin ako sa bintana. Ang pwesto ng aking upuan ay sa tabi ng bintana kaya maaliwalas ang aking paligid. Tiningnan ko ang langit, maya-maya lang, kumunot ang aking noo dahil pakiramdam ko ay may mali sa aking paligid. Kumunot ang aking noo at tinitigang mabuti ang ulap. Nanlaki ang aking mga mata nang mapansin na hindi gumagalaw ang ulap ng ito. Wala bang hangin? Ngunit imposible dahil nakakahinga naman ako. "Ms. Samaras, may problema ba?" pagtawag sa akin ng aming guro. Mabilis na bumaling ang aking atensyon sa kaniya. Agad akong nakaramdam ng hiya dahil sa pag-mention niya sa aking pangalan. "Sorry po, ma'am," tugon ko. Tiningnan ko ang paligid, ngunit wala ni isa sa kaeskwela ko ang nakatingin sa akin. Tila wala silang pakialam kung tinawag ako ng aming guro. Hindi ko alam kung bakit, ngunit nakaramdam ako ng kakaibang pakiramdam sa paligid, tila may mali. Isa-isa kong tiningnan nang palihim ang aking mga kaeskwela. At lalong nagduda ang aking pakiramdam nang makita ko ang kanilang walang emosyon na mukha. Tila mga manyika ang aking mga kasama. Ang kanilang mata ay diretsong nakatingin sa pisara na animoy nakikinig sa aming guro. Ngunit tila hindi naman nila naiintindihan. A-Ano ba talaga ang nangyayari rito? Nakaramdam ako ng matinding kaba sa aking puso. Alam kong hindi nagkakamali ang aking nararamdaman. Alam kong may mali sa aking ginagalawang mundo. Ngunit ano? Nang matapos ang klase, agad akong nagtungo sa building ni ate upang sabihin sa kanya ang mga nangyayari. At nang makarating ako sa room niya, naabutan ko siyang nag-aayos ng libro sa loob ng kanilang classroom. Mabuti at mag-isa na lang siya sa loob dahil makakausap ko siya nang maayos. Marahas kong binuksan ang pinto ng classroom at nagmamadaling pumasook sa loob. "Ate, hindi ka maniniwala sa sasabihin ko. Parang may mali sa school na 'to," sunod-sunod kong saad sa aking kapatid. "Ano bang sonasabi mo?" mataray niyang saad. "Hindi ko alam ate, pero ang weird talaga ang pakiramdam ko rito." "Aira, stop it! Nananaginip ka na naman ba?" Panaginip? Hindi ko alam kung bakit dahil sa salitang panaginip, tila may kung anong lumitaw sa aking alaala. Aira, makinig ka. Ano man ang makita mo ay hindi totoo. Isang tinig ng lalaki ang aking narinig. Mabilis akong napalingon at tumingin sa paligid. Nilibot ko ang aking paningin ngunit wala naman tao. "Narinig mo ba iyon, ate?" tanong ko kay Ate Faria. "M-May nagsalita." "Aira, ano ba? Nahihibang ka na yata talaga," bulyaw sa akin ni ate. Inis siyang tumayo mula sa pagkakaupo, saka kinuha ang dala niyang bag at sinabit sa kanyang likod. Ngunit nang siya ay tumalikod sa akin, tila ako ay namalikmata, dahil nakita ko ang mahaba niyang tainga. Mabilis kong kinusot ang aking mata at mariin itong pinikit. At sa muli kong pagmulat, nawala ang mahabang tainga niyang iyon. Ano na naman 'yon? isang Elf? Isang kakaibang t***k ng puso ang aking naramdaman nang banggitin ko ang salitang elf. Tila ang salitang iyon ay may kung anong dating sa akin. Malakas ang kutob ko na may nangyayaring kakaiba sa paligid ko. At kung hindi ako tutulungan ni ate, ako ang tutuklas sa mga nangyayari. "Aira, saan ka pupunta?!" sigaw ni ate nang ako ay nagmamadaling tumakbo palabas ng silid aralan. Hindi ko na pinansin ang kanyang pagtawag sa akin. Hindi na ako lumingon dahil ayaw din naman niya akong paniwalaan. *** Mabilis akong nagtungo sa library ng school. Tulad ng ibang estudyante na kasama ko sa aming classroom, tila wala ring emosyon ang mga tao rito. Nakatitig sila sa libro ngunit tila wala naman silang binabasa. Ang librarian na nakausap ko kanina ay tila isang kalawakan ang mata. Wala itong emosyon, ni isang ngiti sa labi ay wala itong pinakita. Nagsimula akong lumakad sa loob ng library. Hinanap ko ang isang libro kung saan ko makikita ang mga elves. Simula nang mabanggit ko ang salitang iyon kanina, pakiramdam ko ay may kung anong sumuntok sa aking puso. Sa patuloy kong pagkakanap sa aking kailangan, isang libro ang kumuha sa aking atensyon — ang Nymph Kingdom. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ito. Agad ko itong kinuha, saka nagtungo sa isang bakanteng upuan. Ang Nymph Kingdom ay isang kaharian kung saan naninirahan ang lahi ng mga elf at diwata. Bella, siya ay isang diwata na may kakayahang magpatulog at magbigay ng panaginip sa isang mortal, isang panaginip na maaaring magbigay ng kapahamakan. Kung hindi malalampasan ng mortal ang panaginip na ito, maaaring ang biktima ay manatiling mahimbing ang pagkakatulog, panghabambuhay. Nanlaki ang aking mga mata nang mabasa ko ang bahaging iyon ng libro. Tila nanumbalik ang aking alaala mula sa Peridious at sa kung ano-ano pang tungkol dito. Ang bahagi ng aking alaala na aking nalimutan ay unti-unting bumabalik. Paano ako magigising sa panaginip na ito? Ano ang gagawin ko? "Aira, ano pa ba ang ginagawa mo rito? Umuwi na tayo," iritableng wika ni ate habang nakatayo sa aking tabi rito sa loob ng library. Sa pagkakataong ito, tila nagising ang aking mata sa isang mahabang panaginip. Nakikita ko ang totoo niyang hitsura at hindi niya kamukha ang aking kapatid. Lumabas din ang totoong hitsura ng mga estudyante na nasa aking paligid. Mahahaba ang kanilang tainga at mukhang elf ang iba sa kanila. At ang iba naman ay mga diwata. Muling bumalik ang aking tingin kay Ate Faria. Isang matalas sa tingin ang binigay ko sa kanya. "Sabihin mo, sino ka? Ibalik mo ako sa totoong mundo ko!" matapang kong sigaw sa kanya. Isang mala demonyong ngiti ang kanyang binigay sa akin. "Magaling ka," wika niya sabay sa nakakikilabot niyang ngiti. "Pero hindi sapat ang kakayahan mo upang bumalik sa reyalidad," muli niyang wika. Bahagya niyang tinaas ang kanyang kamay. At sa isang pitik ng kanyang daliri, ang mga taong nasa loob ng unibersidad na ito ay biglang naglaho. "Mananatili kang tulog sa kawalan, Aira. Mananatili ka sa kadiliman..." huling wika ng babaeng iyon. Nakita ko ang isa-isang pagguho ng mga gusali, hanggang sa tuluyang balutin ng dilim ang aking paligid. Tanging katawan ko lang ang may liwanag sa lugar na ito. "Nasaan na naman ako?" Maging ang babaeng kasama ko kanina ay nawala. "Ito ay lugar ng kawalan. Isang kawalan na wala nang katapusan..." wika ng isang tinig na hindi ko alam kung saan nagmumula. Naramdaman ko ang pagbigat ng aking pakiramdam. Napakadilim ng aking paligid at halos wala akong makitang kahit ano. Sinimulan kong tumakbo kahit wala akong makitang hangganan. "Ate Faria!" sigaw ko. Paulit-ulit kong sinisigaw ang pangalan ng aking kapatid ngunit tanging tinig ko lang ang nag-eecho sa lugar na ito. Tumakbo ako nang tumakbo, nagbabakasakaling may makitang tao na makatutulong sa akin. Hanggang sa maramdaman ko ang panghihina ng aking tuhod. At dahil sa pagod, bumagsak ang aking katawan at napaluhod sa isang madilim na sahig. Ramdam ko ang kawalan ng pag-asa. Sa pagkakataong ito, sino ang makatutulong sa akin? Sino ba ang dapat kong tawagin? Kahit sino, pakiusap... Tulongan nyo ako. Nagsimulang mangilid ang luha sa aking mga mata. Nabalutan ng takot ang aking puso, takot na baka hindi na ako muling makabalik sa aking mundo. Takot na baka dito na ako mawawalan ng hininga. Pumatak ang aking luha sa sahig. At sa pagpatag niyo, tila naging isang tubig ang aking kinauupuan. Naramdaman ko ang pag-alon ng sahig at maya-maya lang, nanlaki ang aking mga mata nang tuluyan itong maging tubig. Lumubog ang aking katawan sa madilim na tubig na ito. Sunod-sunod ang bula na lumalabas sa aking bibig at kahit anong gawin ko, walang tinig ang lumalabas sa akin. Mariin akong napapikit. Ito na ba ang katapusan ko? Dito na ba ako mamamatay? Nararamdaman ko ang unti-unting pagkaubos ng aking hininga. Ang hangin sa akin ay unti-unting numinipis. Hanggang sa isang alaala ang pumasok sa aking isip. Ang nangyari noon sa isang lawa sa Peridious. Ang lalaking iyon... "Z-Zeth!" Gamit ang lahat ng aking hininga, malakas kong sinigaw ang kanyang pangalan. Nagbabakasakali na siya ay dumating, na tulad ng dati, ililigtas niya ako at yayakapin nang mahigpit. Tinaas ko ang aking kamay at pilit na inaabot ang itaas ng tubig. Hanggang sa maramdaman ko ang pagbigat ng talukap ng aking mga mata. Ngunit maya-maya lang, isang mainit na bagay ang yumakap sa aking palad. Mabilis kong naimulat ang aking mata at nakita ko si Zeth na nakahawak sa aking kamay. Hinila niya ang aking katawan, saka niya ako mahigpit na niyakap. "Ligtas ka na, Aira," rinig kong wika niya kahit nasa ilalim ng tubig. Ngunit kahit na mahigpit ang kanyang pagakakayakap sa akin, unti-unti na akong nawawalan ng malay dahil nawawalan na ako ng hangin. "Mahina ang iyong katawan kaya hindi mo magamit ang iyong kapangyarihan," wika ni Zeth na tila pinababasa niya sa akin ang sinasabi niya sa kanyang isip. "Patawad, Aira. Ngunit kailangan kong gawin ito." Naramdaman ko ang mainit na palad ni Zeth sa aking magkabilang pisngi. Sabay na lumulutang sa tubig ang aming katawan at nagpqpadala sa alon nito. Hanggang sa maya-maya lang, nanlaki ang aking mga mata nang ilapat ni Zeth ang kanyang labi sa aking labi. Pilit na binibigyan ako ng hangin gamit ang kanyang bibig. Dahil dito, isang malakas na liwanag ang bumalot sa aming katawan, isang liwanag na nagsilbig susi upang makawala kami sa isang kadiliman. *** Sunod-sunod ang aking pag-ubo nang muli akong magising sa isang mahabang pagkakatulog. Ramdam ko ang palad ni Zeth na nakahawak sa aking kamay, habang ako naman ay naghahabol ng hininga. "Ayos ka lang ba, Aira?" nag-aalalang tanong ni Zeth habang inaalalayan niya ako sa pag-upo. Marahan lang akong tumango bilang tugon sa kanya. Nang maramdaman kong maayos na ang aking paghinga. Tumingin ako sa aking paligid. Nakabalik na nga ako sa Nymph Kingdom. Nandito na akong muli sa tahanan ni Bella. Isang mahinang palakpak ang narinig namin ni Zeth. "Magaling. Hindi ko inaasahang magaling ka pala, babae," rinig naming wika ni Bella. Marahan akong binitiwan ni Zeth nang maramdaman niyang nakabawi na ako ng lakas. Marahas siyang tumayo saka kinuha ang malaking espada na nakasabit sa kanyang likuran. Marahas niyang tinutok ito sa babaeng si Bella na animoy galit na galit. "Lapastangan! Gusto mo na bang mamatay?!" galit na sigaw ni Zeth. "Kumalma ka, Zeth. Tapos nq ang misyon nyo," saad ni Bella sa amin. Tila may kuryenteng gumapang sa aking katawan nang bumaling ang tingin sa akin ni Bella. "Binabati kita, nalagpasan nyo ang pagsubok ni Aranyani," wika niya saka matamis na ngumiti. Sa isang pitik ng kanyang daliri, bumalot sa paligid ang kadiliman. At dahil dito, mariin kong naipikit ang aking mata. Ngunit hindi nagtagal, sa pagmulat ng aking mata, nakita ko ang hari at prinsipe ng Terra Kingdom na ngayon ay nakaupo sa kanilang trono. "Hindi ko inaasahang magaling kayong dalawa," wika ni Aranyani sa amin. "May isa akong salita. At tulad ng aking pangako." Nagsimulang tumayo si Aranyani mula sa pagkakaupo sa kanyang trono. Marahan siyang lumakad sa kinaroroonan namin ni Zeth at nanlaki ang aking mga mata nang magsimula siyang lumuhod sa aking harapan. "Sasama ako sa inyong paglalakbay at ipagkakatiwala ang kapangyarihan ng lupa." Sumilay ang ngiti sa aking labi. Agad kaming nagkatinginan ni Zeth dahil sa aming narinig at dahil sa masayang balita. Ngunit nang tumama ang aking mata sa kanyang mata, tila muli kong nakita iyong oras na lumapat ang labi ni Zeth sa akin. Mabilis na uminit ang aking pisngi at wala sa sariling umiwas ng tingin sa kanya. Naramdaman ko ang mabilis na pagtibok ng aking puso, isang pagtibok na ngayon ko lang naramdaman sa tanang buhay ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD