Chapter 11: Oceana Kingdom

2073 Words
Aira Ang mga nangyari noong nakaraan ay pawang panaginip lamang. Ngunit kahit paano, naranasan kong maging masaya na muling makita ang aking ate at sina mommy at daddy. Dahil doon, mas lalo pang tumindi ang pagnanais ko na umuwi sa aming mundo. Lihim kong sinulyapan ang isang lalaki na aming kasama ngayon ni Zeth. Kasalukuyan kaming nakasakay sa likod ng dragon habang patungo sa susunod na kaharian na aming pupuntahan. Sino ang mag-aakala na makakasama namin ang prinsipe ng Terra Kingdom sa paglalakbay naming ito? Ramdam ko pa rin ang kaba sa aking puso sa tuwing nakikita ko ang mukha ni Aranyani, seryoso siyang tao at hindi maipagkakaila na malakas ang kanyang aura. Hindi ko alam kung may problema ba sa aking mata, dahil minsan, may nakikita akong light brown na liwanag sa paligid ng katawan ni Aranyani, ano kaya ang ibig sabihin noon? "May dumi ba sa aking mukha, kamahalan?" Halos tumalon ang aking balikat nang mapansin ni Aranyani na nakatingin ako sa kanya. Nakaramdam ako ng hiya dahil sa pagiging usisera ko. Hindi ko ba kasi alam rito sa isip ko kung bakit ganito ako. "W-Wala naman, Aranyani," nahihiya kong tugon, sabay iwas ng tingin sa kanya. "Maaari mo akong tawaging Yani," seryoso niyang saad, saka humalukipkip at dumiretso ng tingin sa mga ulap na aming tinatahak. Isang buntonghininga ang aking ginawa. Ang boring naman kasi ng mga kasama ko, parehong hindi nagsasalita. "Aira, ang susunod nating pupuntahan ay Oceana. Humanda ka na," pagtawag sa aking pansin ni Zeth. Agad akong napalingon sa kanyang kinaroroonan. Ngunit sa aking pagharap at sa pagtama ng aking mata sa kanyang mukha, tila may kung anong bagay ang biglang sumuntok sa aking puso. Biglang bumilis ang t***k nito na animoy galing sa pagtakbo. Sa pagkakataong ito, tila isang panaginig na bumalik sa aking alaala ang nangyari noong isang araw sa Nymph Kingdom – ang pangyayari na naglapat ang aming mga labi. "Aira, ayos ka lang ba?" muling tanong sa akin ni Zeth. "Namumula ang iyong mukha. May sakit ka ba?" Naramdaman ko ang pag-init ng aking mukha nang ilapat niya ang kanyang palad sa aking noo. Tila ang buo kong katawan ay uminit dahil sa hiya. At maging ang aking mukha ay tuluyang namula na animoy kamatis. "A-Ayos lang ako!" pag-iwas ko sabay tapik ng kamay ni Zeth na nasa aking ulo. Hindi ko na napansin na napalakas pala ang pagtapik ko sa kanya, dahilan upang ikagulat ni Zeth. "S-Sorry," saad ko sabay yuko ng aking ulo. Hindi naman na umimik pa si Zeth nang gawin ko ang bagay na iyon, ngunit nababakas sa kanyang mukha na tila naguguluhan siya dahil sa aking inakto. Ano ba kasi ang nangyayari sa 'yo, Aira? Bakit ba ako na-iilang sa lalaking ito? Isang impit na tawa ang narinig ko sa aking tabi, napalingon ako rito at nakita ko si Yani na nagpipigil ng kanyang pagtawa. Kumunot ang aking noo dahil sa aking nakita. Maya-maya lang, tumingin siya sa akin saka ngumiti na tila may ibig sabihin. "Bata ka pa nga talaga, kamahalan," wika niya, saka muling bumalik ng tingin sa himpapawid. Kibit balikat na lang ako dahil sa kanyang inakto. Hindi ko na rin kasi maintindihan ang ibig niyang sabihin, kaya naman tumingin na lang din ako sa bagay na kanyang tinitingnan. Nanlaki at namangha ang aking paningin nang makita ko ang paligid. "Nakapasok na tayo sa kaharian ng Oceana," wika ni Zeth. Tumingin ako sa kapaligiran, kitang kita ko ang malalaking anyo ng tubig. Halos wala akong makitang lupa na maaari naming apakan at lapagan dahil sa purong dagat na nandito. Hanggang sa isang malaking kastilyo ang kumuha sa aking atensyon. Tila isa itong maliit na isla na nasa pusod ng dagat. Hindi ganoon kalaki ang lupa na nakapaligid dito ngunit sapat na ito upang aming lapagan. "Aaah!" sigaw ko nang malakas nang biglang mag-dive ang sinasakyan naming dragon pababa sa isla na iyon. Mariin akong napapikit at wala sa sarili na mahigpit akong napayakap kay Zeth. Tila madalas at otomatiko na ang aking katawan na sa oras ng panganib, sa kanya ako kumakapit. Hanggang sa tuluyan na kaming makalapag sa lupa. "Nandito na tayo, Aira. Maaari mo nang ibukas ang iyong mata," wika ni Zeth sa akin. Ang tinig na iyon ni Zeth ay nagbigay sa akin ng kapanatagan, kaya marahan kong binuksan ang talukap ng aking mata. At sa pagbukas ko nito, nanlaki ang aking mata sa namasdan. Sa kanang bahagi ng kastilyo, nandoon ang isang malaking rebulto ng isang pagong. Sa tingin ko, ito ang simbolo ng kaharian ng oceana. "Ito ang Oceana Kingdom, ang kahariang nasa hilagang bahagi ng daigdig mula sa Kaharian ng Peridious. Dito nakatalaga ang elemento ng tubig at humahawak sa mythical creature na Pagong," sunod-sunod na paliwanag sa akin ni Zeth. "Sa tingin ko, tulad ng aking pinagmulan. Matanda na rin ang hari ng Oceana, kaya maaaring ang prinsipe na lang ang makakasama natin sa ating paglalakbay, iyon ay kung papayag siya. Ano sa tingin mo, Zeth?" wika ni Yani na ngayon ay inoobserbahan ang paligid. Sa aking patuloy na pagtingin sa lugar kung nasaan kami. Napansin ko ang ilang bundok na nakapaligid sa kaharian. Patusok ang dulo ng mga bundok na ito. May mga tulay na nagsisilbing daanan upang kumonekta sa mismong kaharian. Naririnig ko ang paggapang ng alon ng dagat sa dalampasigan at ang tunog ng mahinang alon nito. Mapapansin din na iba ang ulap na nasa itaas ng kastilyo. Kulay gray ito na animoy magdadala ng isang mahinang ulan. Sa entrada ng kastilyo, nandoon ang limang nakahilerang statwa ng mga sireno na may hawak na trident. Animoy mga sundalo na nagbabantay sa pinto ng kastilyo. Maya-maya lang, isang malakas na tunog ng tubig ang aming narinig mula sa likuran. Sabay-sabay kaming napalingon sa pinanggalingan ng tunog na iyon. Nanlaki ang aking mga mata nang sa unang pagkakataon, masaksihan ko nang malapitan ang isang napakalaki at asul na balyena. Pakiramdam ko ay kayang-kayang ilubog ng balyenang ito ang isla na aming kinaroroonan. At sa tuluyang pagbagsak ng balyena sa kanyang katawan sa tubig ng dagat, isang malaking alon ang tuluyang bumasa sa aming tatlo. Mariin akong napapikit dahil dito. "Inaasahan ko na ang inyong pagdating sa aking kastilyo, mahal na reyna." Napalingon kami sa pinaggalingan ng tinig na iyon at nakita ko ang isang lalaki na may hawak na trident, nakatayo sa itaas ng malaking balyena. Sa isang pikit ng aking mga mata isang mainit na pakiramdam ang humawak sa aking kamay. Namalayan ko na lang na ang lalaking nasa itaas ng balyena kanina ay nasa aking harapan na. "Kinagagalak kitang makilala, Aira Samaras," wika ng lalaking ito. Nakuhod siya sa aking harapan. Nanlaki ang aking mga mata nang ilapat niya ang kanyang labi sa likod ng aking palad. "Paano mo nalaman ang pangalan ko?" tanong ko. "Naibalita na sa iba't ibang kaharian ang paglalakbay nyo. At pinabilib nyo ako dahil nakuha nyo ang tiwala ni Aranyani," saad niya saka tumingi sa direksyon ni Yani." Nakita ko ang matipid niyang pagngisi, saka marahang tumayo mula sa pagkakaluhod. "Ako ang prinsipe ng Oceana, Pontus Percival ang aking pangalan," pagpapakilala niya sa amin. Nang tuluyan kong makita ang kanyang mukha, hindi maipagkakaila ang kagandahang lalaki niya. Asul ang mata, may kakapalan ang kilay. Malinis ang kanyang mukha at mababa ang tono ng kanyang boses. Ang kanyang ilong ay tila isang agila sa taas at tangos. At ang kanyang mukha ay perpektong oval ang hugis. Tila sa pelikula lang makikita ang mga taong kasama ko ngayon. Hindi ako makapaniwala na may mala adonis na nilalang na nag-e-exist sa lugar na ito. Marahang sinuklay ni Pontus ang kanyang buhok at saka ngumisi sa amin. "Tapos ka na bang titigan ang aking gwapong mukha, mahal na reyna?" pilyong wika niya sa akin. Naramdaman ko naman ang pag-init ng aking mukha dahil sa kanyang sinabi. Halos lamunin ako ng lupa dahil sa hiya na aking nararamdaman ngayon. Marahang lumakad si Pontus sa aking direksyon. Naramdaman ko ang kanyang daliri sa aking baba at maingat na tinitigan ang aking mukha. Nang makita ko ang kanyang asul na mata, pakiramdam ko ay nasa pusod ako ng dagat. Tila napakalawak nito dahil sa asul na kulay ng kanyang mata, napakaganda. Ngunit nagulat na lang ako nang may biglang tumulak sa lalaking nasa aking harapan, dahilan upang mapalayo siya sa aking kinaroroonan. "Lapastangan! Anong karapatan mong hawakan ang mukha ng mahal na reyna!" inis na wika ni Zeth sabay sa pagtutok ng kanyang espada sa lalaking si Pontus. "Z-Zeth," pagpigil ko sa kanya. "Masiyado namang mainit ang ulo mo, Aether," nakangiti na animoy nang iinis na saad ni Pontus. Hinawakan niya ang dulo ng espada ni Zeth at sa isang iglap, natunaw ang hawak niyang espada na parang tubig. "Tandaan mo, isa ka lang Aether," matalas na wika ni Pontus. Kinuyom ni Zeth ang kanyang kamay habang nagngingitngit sa galit na nakatingin kay Pontus. "Tama na 'yan," pagpigil ni Yani sa dalawa. "Sabihin mo na lang sa amin kung handa ka bang sumama sa paglalakbay ng reyna," muli niyang wika na nagpakalma sa dalawa. Lumundag ang aking balikat nang muling ibalik ni Pontus ang kanyang tingin sa akin, saka sumilay ang isang magandang ngiti sa kanyang labi. "Hindi ka naman ganoon kadaling sumama sa kanila, Aranyani. Hindi ba?" nakangiting wika ni Pontus. Matapang kong hinakbang ang aking paa, saka seryosong nagbitiw ng salita. "Sige, handa akong humarap sa pagsubok na ibibigay mo," wika ko, kahit na mabilis ang t***k ang kaba na bumabalot sa aking puso. Ngumisi si Pontus nang marinig ang sinabi kong iyon. "Matapang ka," saad niya. Hinakbang niya ang kanyang paa palapit sa aking kinaroroonan, ngunit hindi pa man siya nakalalapit, hinarang ni Zeth ang kanyang katawan sa akin. "D'yan ka lang, huwag mong lalapitan ang reyna," wika ni Zeth, kahit na wala na ang kanyang espada. Isang pagngisi ang ginawa ni Pontus. "H'wag kang mag-alala, hindi ko siya bibigyan ng pagsubok," wika ni Pontus. Nagkatinginan kaming tatlo na animoy nagtataka sa sinabi niyang iyon. "Ibiga mong sabihin, sasama ka na sa amin?" tanong ko. "Hindi," mabilis niyang sagot. "Hindi ikaw ang bibigyan ko ng pagsubok, kung hindi ang kasama mo." Napasinghap ako dahil sa kanyang sinabi. Hindi ko maintindihan ang nais niyang sabihin at kung paano namin siya makukumbinsing sumama sa amin. "Anong sinasabi mo?" pagsingit ni Yani sa amin. "Simple lang," wika ni Pontus, saka ngumisi Bahagyang tinaas ni Pontus ang kanyang kamay. At sa isang pagpitik ng kanyang daliri, mabilis na nawala si Zeth sa aking harapan. "Zeth!" sigaw ko nang makita ko ang paglaho niya na parang bula. Marahang lumakad si Pontus patungo sa king likuran. Naramdaman ko ang kamay ni Pontus sa aking balikat. "'Wag kang mag-alala, kung talagang nararapat siyang maging kabalyero mo, malalagpasan niya ang pagsubok na ibibigay ko. "A-Ano bang plano mo kay Zeth?" tanong ko. "Masyado kasi siyang matapang, kaya subukin natin kung hanggang saan ang katapatan niya sa 'yo." Muling tinaas ni Pontus ang kanyang kamay, saka pinitik muli ang kanyang daliri. Sa isang iglap, nagbago ang aming kinaroroonan. Tila pumasok kami sa loob ng palasyo at may isang malaking bula na nasa aming harapan. Kasalukuyan akong nakaupo sa isang trono. Sa aking kaliwa ay nakaupo si Yani. Sa kanan naman ay si Pontus. Tila nanonood kami ng isang palabas sa sine habang kami ay payapang nakaupo rito. Hanggang sa isang imahe ang lumabas sa malaking bula na nasa aming harapan. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko si Zeth sa loob ng bula na ito. "Zeth!" malakas kong sigaw. "Wag ka nang mag-aksaya ng laway dahil hindi ka rin niya maririnig," nakapalumbabang wika ni Pontus habang nakatingin sa bula na nasa aming harapan. "Tuso ka talaga, Pontus," wika ni Yani na ngayon ay nakakuyom ang kamay. "Bakit? Hindi ba tama lang naman ang aking ginawa?" pagngisi ni Pontus. "Sa kaharian ng Peridious, ang lahi ng Aether ang pinakamahina." Pinag-intertwine niya ang kanyang kamay. Pinatong ang magkabila niyang siko sa armrest ng upuan, saka pinatong ang baba na animoy nag-e-enjoy sa kanyang pinapanood. "Nasaan si Zeth?" nag-aalala kong tanong. "Sa Pavlopetri Kingdom, kung nasaan ang lahi ng mga sirena na mang-aakit sa kanya," tugon niya. Muli akong napatingin sa malaking bula na nasa aming harapan. Nakita ko ang mukha ni Zeth na animoy hindi nababagabag sa mga nangyayari. Pinagdaompalad ko ang aking kamay saka mariing nanalangin. Pakiusap, Zeth. Alam kong kaya mo iyan. Please, bumalik ka nang ligtas, wika ko sa aking isip.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD