NAPAHAWAK SI DAPHNE sa labi nang magising. Lumunok din siya ng sunod-sunod dahil pakiramdam niya, tuyong-tuyo ang lalamunan niya. Naupo siya kapagkuwan at inilinga ang paningin. Napakunot ang noo niya nang mapansing nasa ospital siya. Nagbaba siya ng tingin, naka-hospital gown nga siya. Akala niya ba hindi siya dadalhiin ni BK sa ospital? Sabi nito sa Tagaytay siya nito dadalhin? Bakit nasa ospital siya ngayon? Ano bang nangyari? Akmang kakapain niya ang tiyan nang pumasok si BK. Kasunod nito ang isang magandang babaeng doktor na halos kasing-edad lang ng Mama ni BK. Pamilyar ito sa kan’ya. “Hi! I’m Doctor Nikki Madrid. Kumusta na ang pakiramdam mo, hija?” tanong ng babaeng doktor. Nasa tabi nito si BK na tahimik lang. Mababasa sa mga mata niya ang lungkot habang nakatingin sa kan’ya.