SIMULA Nalukot ang mukha ni Kristine habang pinupunasan ang mga butil ng pawis na namuo sa kanyang noo. Basang-basa na ang nag-iisang panyo niyang dala kakapunas magmula nang makarating siya sa siyudad ng Maynila. Malayong-malayo ang klima sa nakagisnan niyang probinsiya. Nakakasulasok ang mga usok na ibinubuga ng mga sasakyan. Halos wala nang puno sa paligid kaya wala rin siyang masilungan. Hawak-hawak ang payong sa isang kamay at piraso naman ng karton pamaypay sa kabila ay binagtas niya ang mainit na daan upang humagilap ng mga kompanyang naghahanap ng trabaho. Pagod na pagod na ang kanyang mga binti kakalakad, pero hindi siya pwedeng sumuko. Kailangan muna niyang makapagpasa ng resume kahit sa limang iba't ibang kompanya na muna, para kahit papaano ay mataas ang tiyansa niyang matawa