NAGISING si Jheann nang may marinig siyang parang naghaharutan. Dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata at nakita niya sina Hope at Jared na masayang nagkikilitian sa tabi niya. Magaan na ang pakiramdam niya pero lalo pang gumaan nang makita niya ang mga ito. Dahil abala sa paghaharutan kaya walang kamalay-malay ang dalawa na nakadilat na ang mga mata ni Jheann. "Daddy, bakit po nangingitim ang mga mata n'yo?" narinig niyang tanong ni Hope kay Jared. Hindi niya napigilan ang mapangiti dahil talagang pinanindigan nito ang pagtawag na daddy sa asawa niya. "Hindi kasi ako nakatulog, eh," sagot naman ni Jared. Nakita ni Jheann na inayos nito ang buhok ni Hope na nagulo. Tumingala dito ang anak ni Jheann na may nakarehistrong pagtataka sa mukha. "Bakit po hindi kayo natulog kagabi? 'Di ba

