Pilipinas
~ Septyembre 10, 1943~
“Susunod na lamang sa atin sina Zane sa oras na maihatid na nila ang iyong mga kasama sa daungan ng barko papuntang Iloilo,” sambit ni Emmanuel na kasalukuyang nasa tabi ngayon ni Mary na nagmamaneho ng sinasakyan nila papuntang Cagayan. “At huwag ka rin mag-alala dahil may mga gwardiyang susundo sa kanila sa daungan at sasama sa kanila sa byahe upang kung sakali mang may mangyari ay may proteksyon sila.”
Ngayon ay napatango si Tobias sa mga naging paliwanag ni Emmanuel na siyang ibinaling na ang tingin sa labas kung saan madilim na at kita na ang mga dilaw na ilaw na nagmumula sa mga kabahayang nadadaanan nila. Napagtanto na ng grupo sa tulong ni Helda na sa isang isla malapit sa Cagayan ang itinuturo ng mapang ibinigay ni Hans kay Tobias bago ito magpakamatay. Kaya’t ngayon ay halos aabutin din ng sampung oras ang magiging byahe nila patungo sa lalawigan ng Cagayan.
“Mahaba-haba rin ang byahe natin Doktor Kley kaya’t mainam na itulog mo nalang iyang pangangamba mo sa kaligtasan ng iyong pamilya,” saad ngayon ni Bernard na siyang katabi ni Tobias at napansin ngang tahimik itong nakatuon ang atensyon sa bintana na halatang malalim ang iniisip at bakas pa rin ang pag-aalala.
“T—tobias, tawagin niyo na lamang akong Tobias,” sagot ni Tobias na hindi man lang ibinabaling ang tingin kay Bernard.
“Tobias lamang? Ayaw mo bang magpatawag ng Doktor Tobias? Nagkamali ba kami ng imbetiga? Hindi ka ba ganap na Doktor?” sunod-sunod na tanong ni Bernard dahilan upang mapasinghap si Tobias.
“Nakatapos ako ng medisina at isa akong ganap na Doktor ngunit ayaw ko lamang na tintawag akong doktor,” sagot ni Tobias na muli’t muling hindi nag-abalang tignan ang kausap niya.
“B—bakit naman? Hindi ba isang karangalan ang tawagin kang Doktor?” sunod muling tanong ni Bernard dahilan upang mapakunot na ngayon si Tobias ng noo at ngayon ay nagpasya na itong harapin si Bernard dahil hindi na ata ito titigil sa kakatanong sa kaniya kahit pa na kitang-kita naman sa aksyon niya na hindi siya interisadong makipag-usap bagkus ay nais niya lamang na magpakalunod sa bawat tanawin o lugar na dinadaanan ng sasakyang sinasakyan nila ngayon.
“Dahil ayaw ko munang dalhin ang karangalang ito hangga’t hindi ko nagagawang gampanin ang dapat na ginagawa ng isang Doktor,” sagot nga ni Tobias na sa pagkakataong ito ay nananalangin na nga itong ito na ang huling katanungang ibabato sa kaniya ni Bernard ngunit mukhang nagkakamali na naman nga ata ito nang biglang isang kunot na naman ang sumilay sa noo ni Bernard.
“G—gampanin? Anong gampanin ng isang Doktor ang hindi mo pa nagagampanan?” tanong muli ni Bernard na dahilan upang mapakamot si Tobias sa kaniyang ulo at sabay baling ng kaniyang tingin sa salamin ng sasakyan kung saan kita niya ngayon na tulog na si Emmanuel at samantalang si Mary naman ay nakangiting nagmamaneho dahil sa kadahilanang pamilyar na sa kaniya ang mga sitwasyong ito kung saan sa bawat mahabang byaheng kasama nila si Bernard ay hindi mo mapapatigil ito sa kakatanong hangga’t hindi ito tuluyang makatulog.
“Hey Tobias, anong gampanin?” tanong ulit ni Bernard na dahilan upang mabaling ngang muli ang tingin niya rito.
At bago pa man siya sagutin ni Tobias ay napabuntong hininga muna ito bilang pagwawalang bahala niya sa inis na nararamdaman niya nang dahil sa kakatanong ni Bernard. “Ang makaligtas ng isang buhay.”
Sa hindi nga malamang dahilan ay unti-unting napatingin si Mary kay Tobias sa pamamagitan ng salaming nasa harap nila. Nahihiwagaan at nagtataka siya ngayon sa isinagot ni Tobias. Dahil sa pagkakaalam nito base sa pag-iimbestiga ng grupo nila ay sa bawat ng bansang napupuntahan ng binatang Doktor ay nagiging tanyag ang mga pangalang ginagamit nito sa larangan ng medisina at halos hangang-hanga nga raw sa kaniya ang bawat ospital na pinagtrabahuan niya dahil sa angkin nitong talino.
Nagtataka lamang siya kung bakit nasabi nitong hindi pa siya nakaligtas ng ibang buhay gayong marami na siyang nagawang pag-aaral na nakakatulong upang makahanap ng kagamutan sa iba’t ibang karamdamang dinadanas ng mga tao.
_______________________
Makalipas ang isang oras ay tuluyan nang tahimik ang loob ng sasakyan dahil tuluyan na ring ngang nakatulog si Bernard. Ikinaginhawa ito ni Tobias dahil halos isang oras din siyang nagtitimpi sa kakatanong nito sa kaniya.
Ngayon ay dalawa na lamang sila ni Mary ang gising at kahit anong pikit ang gawin ni Tobias ay hindi pa rin niya magawang makuha ang tulog niya.
“Hindi ka makatulog?” tanong ni Mary sa kawalan na siya ngang nakatuon ang atensyon sa harapan habang payapa niyang minamaneho ang sasakyan nila sa kasagsagan ng gabi.
Nabaling nga ang tingin ni Tobias sa salaming nasa harap nila dahilan upang makita niyang nakatingin na rin si Mary sa salaming yaon. Tumango ito bilang sagot na kalaunan ay ibinaling na muli ang tingin sa bintana.
“Nasubukan mo na bang bilangin ang bawat bahay na nadadaanan natin?” tanong ni Mary na dahilan upang matigilan si Tobias at muli’t muling tumingin sa kaniya sa pamamagitan ng salamin.
“A—at ano namang kinalaman non sa pagtulog?” nag-aalangang tanong ni Tobias.
“Sa paraang yaon ay saglit mong makakalimutan ang bawat bagay na bumabagabag sa iyong isipan,” sagot ni Mary sabay tingin sa salamin dahilan upang magtama ang mga mata nila ni Tobias.
“Wala namang masama kung susubukan mo hindi ba?” sunod na tanong ni Mary na siyang napaiwas na ng tingin at ibinaling na muli ito sa daan.
Dahilan upang kahit na walang kasiguraduhan ay napahinga ngayon ng malalim si Tobias sabay balik ng tingin niya sa salamin at doon inumpisahan ang pagbilang ng bawat bahay na nadadaanan ng sasakyan nila.
_______________________
Naalimpungatan si Tobias sa pagtulog nang maramdaman nito ang sikat ng araw na nagmumula sa silangang bintana malapit. Ngunit halos matigilan si Tobias at manlaki ang mata nito nang mapagtantong nakayakap ngayon sa kaniya si Bernard na kasalukuyang tulog mantika pa rin.
Nakatigil ngayon ang sasakyan nila malapit sa dagat kung saan kita ni Tobias na kasalukuyang nasa pangpang ngayon sina Emmanuel at Mary.
Maingat ngang umalis si Tobias sa pagkakayakap ni Bernard sa kaniya at nang magawang makaalis nito ay agaran siyang lumabas sa kotse at doon mas nasilayan niya pa ang kagandahan ng dagat. At nang dahil sa tunog ng bawat alon na tila hinahagkan ang pangpang ay hindi naiwasan ni Tobias na mapangiti at langhapin ang malamig na sariwang hangin.
“Oh, Tobias, gising ka na pala! Halika rito at samahan mo kami!” tawag ni Emmanuel mula sa pangpang na siyang napansin nga kanina ang pagbaling ng tingin ni Mary sa direksyon kung saan naroon si Tobias kaya’t ibinaling din niya ang tingin dito at napangiti nga nang makitang gising na si Tobias.
“Halika rito Tobias!” tawag muli ni Emmanuel dahilan upang mapatango si Tobias at naglakad na nga papunta sa pangpang kung saan nakatayo ang dalawa.
“Tulad ng hula ko ay si Bernard na naman talaga ang mahuhuli sa paggising,” natatawang saad ni Emmanuel.
“Magpahinga muna tayo rito saglit habang inaantay natin ang pagdating nila Zane upang sabay-sabay na tayong pumalot mamaya papunta sa isla,” patuloy ni Emmanuel na siya rin namang tinanguan ni Tobias na siyang umupo nga sa gitna nila Emmanuel at Mary.
“Maayos naman ba ang naging tulog mo?” tanong ni Emmanuel kay Tobias na siyang dahilan upang mapatingin sa kaniya ito.
“Naging maayos naman ang tulog ko at sa pagkakataong ito nga ay maituturing ko na siguro na ito ang siyang pinakamahabang naging tulog ko sa taong ito,” sagot ni Tobias na dahilan upang mapakunot ng noo si Emmanuel.
“Kuya Emmanuel!”
Ngunit natigilan nga ang pag-uusap ng dalawa nang tawagin ni Helda si Emmanuel na ngayon ay kakababa lang ng sasakyan nila ni Zane.
“Oh, narito na pala sila,” saad nga ni Emmanuel na siyang tumayo na sa pagkakaupo at naglakad papunta kina Zane na siyang sinundan din nila Tobias at Mary. Ngunit hindi nila inaasahan na magkasabay sila ngayon sa paglalakad habang nakasunod kay Emmanuel.
At hindi na nga sinayang pa ni Tobias ang pagkakataon upang sabihin ang isang salita na kanina pa niya nais sabihin kay Mary.
“S—salamat,” sambit ni Tobias kay Mary dahilan upang matigilan ito sa paglalakad.
“Salamat saan?” tanong ni Mary sa kaniya dahilan upang mapakunot ng noo si Tobias.
“Sa pagtulong na makuha ko ang tulog ko kagabi?” nag-aalangang sagot nit Tobias na siya ngang dahilan upang marahang tumango si Mary.
“Hindi ka dapat magpasalamat dahil maski ako ay hindi siguradong gagana iyon,” sagot sa kaniya ni Mary na siyang nagpatuloy na sa paglalakad.
Dahilan upang maiwang kunot noo si Tobias na siyang napakamot sa kaniyang leeg bago pa man siya magpasyang habulin si Mary na kamuntikan na ngang hawakan ang pulso nito ngunit agad siyang natigilan nang maalala ang naging reaksyon ni Mary nang ginawa niya ito kahapon.
Ngayon ngay natigilan sa paglalakad si Mary na siyang tinignan ng diretso si Tobias at tinaasan ito ng kilay.
“S—salamat pa rin dahil naging malaking tulong ito sa akin upang makatulog,” saad ni Tobias na dahilan para mapasinghap ng tuluyan si Mary kasunod ng kaniyang pagtango.
“Mary, Tobias, hali na kayo at paparoon na tayo sa daungan!” tawag ni Emmanuel sa dalawa na siyang dahilan upang maputol na ang kanilang usapan at tuluyan na ngang naglakad papunta sa sasakyan.
_______________________
Isang oras ang siyang binaybay ng bangkang sinakyan ng anim bago pa man sila makarating ng tuluyan sa isla ng Camiguin. At nang makatapak sila sa isla ay agad-agad na nga silang sumakay sa tatlong kalesa upang pumaroon na agad sa eksaktong lugar na itinuturo ng mapa.
Sa buong byahe ay halos manginig ang kamay ni Tobias nang dahil sa kabang nararamdaman niya sa tuwing palapit at palapit na sila sa lugar kung saan naroon ang maaaring maging sagot sa lahat-lahat ng mga katanungang bumabagabag sa kaniyang isipan simula nang namatay ang kanilang mga magulang.
At nang tumigil ang mga kalesang sinasakyan nilang anim ay tila ba natigilan din ang pagkabog ng puso ni Tobias na siyang dahan-dahan na bumaba mula sa kalesa at makita ng tuluyan ang tinigilan nilang malaking bahay na sa hindi malamang dahilan ay hindi na bago sa kaniya ang itsura nito.
“Tobias, tara na?” tanong sa kaniya ni Emmanuel na kapareha ng apat ay nakababa na rin mula sa kalesa.
At dahan-dahan ngang tumango si Tobias bilang sagot kasabay ng dahan-dahan din niyang pagpasok sa loob ng bahay habang nakasunod sa kaniya ang lima.
Nang akmang bubuksan niya na sana ang pintuan ay natigilan nga ito maski ang lima nang kusang nagbukas ang pintuan at bumungad sa kanila ang isang matandang lalaki.
“Sino ho sila?” tanong ng matanda na kunot noong tinitigan si Tobias na tila ba pamilyar sa kaniya.
“K—kayo ho ba ang may-ari ng bahay na ito?” tanong ni Tobias sa matanda ngunit hindi siya sinagot nito bagkus patuloy lang siyang tinititigan nito.
“I—ikaw na naman? Ang buong akala ko ay hindi ka na babalik nang makuha mo na ang mga dokumento ni Doktor Kley?” sunod-sunod na tanong ng matanda dahilan upang matigilan si Tobias maging sina Mary.
“Teka ho? Wala na ho rito ang mga dokumento ng aking ama?” gulat na gulat na tanong ni Tobias na siyang nagpakunot sa noo ng matanda.
“Hindi ikaw ang binatang pumunta rito noon?” nagtatakang tanong ng matanda. “P—pero kamukhang-kamukha mo ito.”
At dahilan ang sinabi ng matanda upang magkaroon ng hinala si Tobias na agarang kinapa ang kaniyang bulsa at doon kinuha ang huling litrato nilang magkakapatid kasama si Pineal.
“Ito ho ba ang tinutukoy niyo?” tanong ni Tobias sabay turo kay Pineal. At bakas nga ngayon ang pagbabakasakali sa kaniyang mukha na si Pineal nga ang tinutukoy ng matanda. Ngunit unti-unting naglaho ito nang umiling ang matanda bilang sagot.
“Hindi ho siya? Eh, sino ho ito? Hindi ako kailanman—“
Ngunit natigilan nga ngayon si Tobias nang pumasok sa isipan niya kung sino ang maaaring nakaharap ng matanda na siyang kumuha ng mga dokumento ng kaniyang ama ngunit tuluyan din siyang napailing at hindi ngayon makapaniwala sa naiisip niya.
Estados Unidos
~ Septyembre 10, 1943~
Agaran ngang ipinasok ng dalawang tauhan ni Doktor Willson ang misteryosong lalaki.
At sa pagpasok nito ay agaran na naglakad ang matandang Doktor papunta sa direksyon ng lalaki.
“Kamusta ka na?” tanong ng amerikanong Doktor na bakas ang kasanayan sa pagbigkas ng wikang Tagalog.
Walang kaemo-emosyon lamang siyang tinignan ng misteryosong lalaki na hindi siya sinagot ng kahit ano. Dahilan itong upang mapabuntong hininga ang Doktor at hinawakan ang panga ng lalaki habang diretsong nakatingin sa mga mata nito.
“Kung hindi mo ulit sasagutin ang mga katanungan ko ay hindi ako magdadalawang isip na saksakan kang muli ng paborito mong kagamutan.” saad ng Doktor na mas hinigpitan pa ang hawak sa panga ng lalaki. “Maliwanag ba Doktor Yod Hans Kley?”