Estados Unidos
~ Hulyo 5, 1940~
“Manang Selma, bilisan niyo ho!” bulalas ni Hans na siyang abot-abot ngayon ang kamay ng matanda na kasalukuyang pababa mula sa ikalawang palapag ng ospital na pinagkulungan sa kanila.
“Tobias, hawakan mong mabuti ang mga kapatid natin,” utos ngayon ni Hans na kahit pa na punong-puno ng pasa ang kaniyang buong katawan at halos manghina na ito ay buong lakas pa rin niyang sinusubakang tumakbo kasama sina Tobias, Pineal, Jonas, at si Manang Selma palayo sa ospital.
Ang ospital na halos anim na buwan silang kinulong at minaltrato lalong lalo na si Hans na siyang pinageksperimentuhan ng grupo nila Doktor Willson Morgan dahil sa sakit nito sa pag-iisip na magpahanggang ngayon ay hindi pa rin malaman ng ospital kung ano ang kagamutan dito.
“Kuya Hans!” sigaw ni Tobias nang biglaang nadapa si Hans na hindi na kinayang buhatin ang sarili dahil sa panghihina ng tuhod niya. Ngayon ay kasalukuyang namumutla na ang kaniyang mga labi at mangurap-ngurap na ang kaniyang mga mata.
“Hans, anak, gumising ka,” kinakabahang saad ni Manang Selma na siyang katulad ni Tobias ay tinulungan itong makatayo dahil sa kahit na anong oras ay maaaring malaman na ng mga tauhan ni Doktor Willson na nawawala sila at siguradong ipapahanap sila sa kagubatan kaya’t narapat na lamang na magmadali sila ngayong bumyahe paalis sa lugar na ito.
“I—iwanan niyo na lamang ako manang,” unti-unting saad ni Hans na siyang napapikit nang biglaang sumakit ang parte ng kaniyang tiyan.
“Kuya Hans hindi,” agarang sagot ni Tobias sa kaniya na siyang hawak-hawak na ang magkabilaang pisngi ng kaniyang kuya at pilit nitong hinahadlangan ang pagpikit ni Hans. “Kuya, aalis tayong lahat dito at magpapakalayo-layo tayong lima.”
“T—tobias, mahihirapan lamang kayong tumakas kung kasama ninyo ako,” saad ni Hans na siyang inilingan ni Tobias dahilan upang mapapikit at mapatikom ng kamao si Hans na biglaang kinwelyuhan si Tobias.
“Tobias magiging sagabal lamang ako! Kaya umalis na kayo at iwanan na ninyo ako!”
Ngunit kahit ilang sigaw at pangwe-ngwelyo ang gawin ni Hans ay nanatiling tutol pa rin si Tobias sa kaniya na pwersahang pinatayo ito sa tulong ni Pineal kahit pa na magpumilit itong kumawala sa kanila.
“Kuya sasama ka sa amin dahil walang sino man ang maiiwan”—saad ni Tobias na tuluyang hindi na napigilan ang sariling maluha sa kawalan—“o mawawala.”
~ Hulyo 20, 1940~
Ligtas na nakaalis ang magkakapatid na Kley sa lugar kung saan naroon ang ospital ng William Research Institution. At nakarating nga ang mga ito sa isang malayo at liblib na lugar sa Estados Unidos na halos ilang araw din silang nagbyahe upang makarating dito.
“Lumabas na ho ba ang kuya Hans?” tanong ni Tobias kay Manang Selma na kasalukuyang nagluluto ng kanilang almusal.
Ngunit hindi tulad ng inaasahan ni Tobias ay isang iling na naman ang natanggap niya mula sa matanda.
Simula nang makarating sila rito sa lugar na ito ay kailanman hindi na lumabas si Hans sa kaniyang kwarto at ni hindi na rin nga ito kumakain kahit pa na ilang beses silang kumakatok sa kwarto nito upang hatiran ng pagkain.
Gulong-gulo na ngayon si Tobias at wala siyang kaide-ideya kung ano bang ginawa ng institusyon sa kaniyang kapatid upang tila mawala na ito sa katinuan at dumating sa punto na halos gabi-gabi itong sumisigaw at nagwawala sa kaniyang kwarto. At kahit na nais siyang tulungan nila Tobias ay hindi nga nila ito magawa dahil ni hindi nga nito binubuksan ang kaniyang kwarto.
“Nag-aalala na ako sa iyong kuya Hans,” saad ngayon ni Manang Selma na siyang itinigil ang ginagawa nito at humarap ngayon kay Tobias. “Tila ba hindi ko na siya makilala Tobias.”
At dahilan nga ang sinambit ng matanda upang mapasinghap ng tuluyan si Tobias na siyang ibinaling ang tingin sa pintuan ng kwarto ni Hans na siyang nasa kanan nila.
“Gayon din po ako manang,” sambit ni Tobias. “Sobrang nag-aalala na ako sa kaniya at kung maaari lamang sana ay pwersahan ko nang buksan ang pintuan na iyan upang makita siya at masigurong ayos lamang siya.”
“Kuya Tobias!”
Ngunit natigil nga ang seryosong usapan ng dalawa nang makarinig sila ng isang sigaw mula sa labas ng bahay dahilan upang dali-daling mapatakbo ang dalawa papunta sa labas.
“J—jonas? Anong ginagawa mo rito? At bakit ka sumisigaw ha?” sunod-sunod na tanong ni Tobias na siyang patakbong nilapitan ang kaniyang kapatid na ngayon ay hindi makasagot sa kaniya at tulalang nakatitig sa bintana ng kwarto ni Hans habang unti-unting tumutulo ang mga luha nito sa mata.
“Jonas, anak—“
“Kuya Hans? Kuya Hans?!” sunod-sunod na sigaw ni Tobias na siyang hindi na natigilan ang sarili na mapatakbo palapit sa babasaging bintana at tuluyan nga itong pagsusuntukin nang makita sa loob ng kwarto ang nakabigting katawan ni Hans.
At dahil naman sa gulat ay napatakip ngayon si Manang Selma ng kaniyang bunganga na siyang humagulgol at kamuntikan ng mawalan ng balanse na agad din namang naalalayan ni Pineal na kakarating lang ngayon na siya ring natigilan nang makita ang kaniyang Kuya Tobias na nakapasok na sa loob ng kwarto kung saan nakasabit ang katawan ng kaniyang Kuya Hans.
Agad-agad na inalis ni Tobias ang taling nakatali sa leeg ni Hans at kahit na nanginginig ito ngayon at nanlulumo dahil sa pangyayari ay nagawa pa rin nitong mabuhat ang katawan ni Hans papunta sa kama at doon ay agaran niyang kinapa ang leeg nito at hinanap ang pulso ngunit natigilan siya at unti-unting napaluhod sa sahig nang wala ni isang t***k ang naramdaman niya mula rito.
At nang unti-unti niyang itinapat ang tenga niya sa dibdib ng kaniyang kuya ay wala rin ni isang t***k siyang narinig mula rito dahilan upang gumuho ang mundo niya kasabay nang sunod-sunod na pagtulo ng mga luha sa kaniyang mga mata.
“K—kuya Tobias, ano pang ginagawa mo? Buhatin mo na ang kuya at idala na natin siya sa ospital!” bulalas ni Pineal mula sa labas na kasalukuyang hawak-hawak pa rin si Manang Selma.
Unti-unti ngang humarap si Tobias sa kanila dala ang nanghihinayang at nagluluksa niyang mga mata. “Wala na siya. W—wala na ang kuya Hans.”
Pilipinas
~ Septyembre 10, 1943~
“Siya nga, oo, hindi ako maaaring magkamali,” sagot ng matandang lalaki nang ipakita sa kaniya ni Tobias ang lumang larawan ng kaniyang Kuya Hans. “Siya ang lalaking nagpunta rito noong nakaraang tatlong taon. At siya nga ang kumuha sa akin ng mga dokumento ni Doktor Kley.”
At dahilan ito upang unti-unting mabitawan ni Tobias ang larawan at hindi makapaniwalang tinignan ang matandang lalaki kasabay ng sunod-sunod niyang pag-iling.
“H—hindi,” sambit ni Tobias. “Hindi maaaring si kuya yaon dahil matagal na siyang patay. Matagal ng patay ang kuya ko manong kaya kung maaari ay alalahanin niyong maigi dahil baka kayo’y nagkakamali lamang.”
“Hindi ako maaaring magkamali at kung gusto mo pa ay tanungin niyo rin ang aking pamangkin,” saad ng matanda na siya ngang pumasok saglit sa loob ng kanilang tahanan at nang bumalik ito ay may kasama na nga itong batang lalaki na tila nasa edad walo pataas.
“Narito, ipakita natin sa kaniya ang larawan ng iyong kuya,” saad ng matanda na akmang pupulutin na sana ang nahulog ni Tobias na litrato nang maunahan siya mismo nito.
“Hindi na, hindi na kailangan dahil kahibangan lamang na maniwalang ang patay kong kapatid ang siyang nakita niyo!” bulalas ni Tobias na hindi na nga tuluyang napigilan ang sariling mapalakas ang boses dahilan upang magtinginan ngayon sina Emmanuel.
“Mabuti pa at umalis na tayo rito,” sambit ni Tobias na tumalikod na mula sa matanda at akmang maglalakad na sana palayo ngunit natigilan ito nang harangan siya ni Mary na sa gulat niya ay biglaan nitong kinuha sa kaniya ang hawak na litrato.
“Anong ginagawa mo? Ibalik mo sa akin iyan Mary—“
“Hinding-hindi masasagot ang ano mang katanungan kung patuloy lang tatakbuhan ang mga kasagutan,” saad ni Mary na siyang nagpatigil kay Tobias kasabay nang tuluyang paglagpas sa kaniya nito papunta sa harapan ng matanda at ng pamangkin nito.
“Bata,” nakangiting tawag ngayon ni Mary sa batang lalaki na siyang pinantayan nito ng laki at kung titignan ay ngayon lamang nakita ni Tobias ang maaliwalas na ngiting iyon ni Mary na mailap lang din makita ng kaniyang mga kasamahan. “Nakatikim ka na ba nito?”
Tanong nga ni Mary sabay kuha ng tsokolateng kendi nito sa bulsa at nakangiting iniabot ito sa bata.
“M—maraming salamat po,” nahihiyang sambit ng bata na siyang agaran ngang tinanggap ang kendi at bumalik din lang sa likuran ng kaniyang tiyo sabay nang pagbukas niya ng kendi at agad na pagsubo niya nito.
“Masarap ba?” tanong sa kaniya ni Mary na siya rin namang tinanguan ng bata.
“Maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?” patuloy na tanong ni Mary habang hindi pa rin iniaalis ang ngiti niya. Unti-unti ngang lumabas ang bata mula sa likuran ng kaniyang tiyo at tiyaka unti-unti na ring nginitian si Mary.
“Juancho ho ang aking pangalan,” sagot ng bata na ngayon ngay punong-puno na ng tsokolate ang giliran ng kaniyang labi na siya nga niyang pinunasan gamit ang kwelyo ng polo nito.
“Juancho, maaari ba akong magtanong sa iyo?”
“Oo naman po senyora—“
“Ate Mary,” nakangiting sambit ni Mary na siya ngang iniabot sa bata ang panyo nito mula sa bulsa. “Ate Mary na lamang ang iyong itawag sa akin.”
“O—oo naman po ate Mary, kahit ano pong katanungan ay sasagutin ko po para sa inyo,” pagpapatuloy ni Juancho.
“Kung gayon ay nais ko sanang itanong sa iyo”—panimula ni Mary na saglitan na napasulyap kay Tobias na kasalukuyan ngang nanginginig ngayon sa kaba na maging tama nga ang sinabi ng matanda kanina na buhay pa ang taong sa alam niya ay matagal nang namatay—“kung nakikilala mo ba ang lalaking ito?”
At sabay ngang ipinakita ni Mary ang lumang litrato ni Hans sa bata na siyang tinitigan nitong mabuti na kalaunan ay napatango nga at nakangiting sinagot si Mary.
“Nakikilala ko ho siya ate Mary,” sagot ng bata na dahilan upang muli’t muling matigilan ang mundo ni Tobias.
“Siya po si Senyor Aleph na siyang nagbigay din po sa akin ng tsokolate noong nasa anim na taong gulang pa lamang ho ako,” patuloy ng bata na dahilan upang mapakunot ng tuluyan ang noo ni Tobias nang dahil sa mga impormasyong nalaman niya.
“Maraming salamat Juancho sa iyong tulong,” saad ni Mary na sa huling pagkakataon ay nginitan ngang muli ang bata at napatayo na ito ng maayos at agad na ibinaling ang tingin kay Tobias.
“Hindi ka pa rin ba maniniwala?”