Pilipinas
~ Pebrero 20, 1917~
Kaarawan ngayon ni Don Manuel Valenzuela kaya ngay abala ngayon ang buong mansyon ng mga Valenzuela sa paghahanda ng makakain at paglilinis ng mansyon dahil halos lahat ng bisita nila ay puro maiimpluwensiyang tao o pamilya tulad na lamang ng pamilya Zamora.
"Doktor Santiago Zamora, maligayang pagdating sa aking munting mansyon," nakangiting bati ni Don Manuel sa kaniyang matalik na kaibigan.
"Maligayang kaarawan sa iyo Manuel," nakangiting bati sa kaniya ni Doktor Santiago na madalang lang ang pag-uwi sa Nueva Ecija dahil sa trabaho nito sa Maynila.
At habang abala nga sa pagkakamustahan ang mga magulang ni Manuelito at Luisa ay nagpasya ngayon si Manuelito na yayain na si Luisa paloob ng bahay kung saan naroon na ang ibang bisita na may kaniya-kaniyang grupo at pag-uusap na ginagawa.
"Nasaan pala si Adam?" tanong ni Luisa kay Manuelito habang naglalakad sila ngayon papunta sa isang lamesa.
Napatigil nga ngayon si Manuelito na siyang unti-unting tinignan ang dalaga dala ang nakakunot nitong noo na kalaunan ay naglaho rin at itinago nito sa pamamagitan ng isang mapait niyang ngiti.
"Hindi mo man lang ba ako babatiin mahal kong binibini?" tanong ni Manuelito sa dalaga habang nakatingin ito ng diretso sa kaniyang mata na kalaunan ay agad na umiwas sa kaniya.
"P—patawad."
Ang tanging naisagot ni Luisa dahilan para unti-unting madurog ang puso ni Manuel dahil pakiramdam niya ay lumalayo na nang tuluyan ang loob ni Luisa sa kaniya ngunit taliwas naman ito sa relasyon ng dalaga sa kaniyang matalik na kaibigan na sa kutob naman niya ay unti-unti nang nagkakalapit ang loob ng dalawa.
"Nasa kusina siya," sambit ni Manuelito sa kawalan na tuluyan na rin ngang napaiwas ng tingin sa dalaga. “Nasa kusina ang lalaki na siya mong hinahanap.”
Huling sambit ni Manuelito bago pa man siya mapabuntong hininga at tuluyang iwanan ang dalaga sa kanilang kinatatayuan.
_________________________
Habang papunta ngayon si Luisa sa kusina ng mga Valenzuela ay rinig niya sa labas ng pintuan ng kusina ang sunod-sunod na halakhakan na nagmumula sa loob nito dahilan upang matigilan siya sa pagpasok at nagpasya munang silipin kung sino ang mga naghahalakhakan sa loob.
At mas natigilan pa siya nang makitang sina Adam at ang matalik niyang kaibigan na si Selma ang nasa loob ngayon at parehong nagtatawanan.
"M—magkakilala kayo Selma?" nag-aalangang tanong ni Luisa sa kaniyang kaibigan na si Selma habang naglalakad na ito ngayon palapit sa kanilang dalawa ni Adam.
"Oh, Luisa nariyan ka lang pala, kanina ko pa inaantay ang inyong pagdating,” saad ngayon ni Selma na siya ngang natutuwang makitang muli si Luisa na nitong nakaraang araw ay madalang lang mapabisita sa kanilang bayan.
“Tinulungan niya ako noong isang araw para mamili sa bayan. At ngayon ko lang nalaman na anak pala siya ni Manang Tanya. What a small world," paliwanag ni Adam na ngayon ay nakangiti pa kay Luisa habang ipinapaliwanag kung paano niya nakilala si Selma pero ang hindi niya alam ay naninibugho na pala ang dalaga nang dahil sa nasaksihan niya kanina.
"P—patawad kong nakaabala ako sa inyong pag-uusap," saad ngayon ni Luisa na akmang aalis na nga pero hinawakan ni Adam ang pulso nito dahilan upang matigilan ito maging si Selma na siya ngang nagulat sa inakto ni Adam
"H—hindi ka nakakaabala Luisa," unti-unting saad ni Adam pero agad na napakunot ang noo nito nang madaliang alisin ni Luisa ang pagkakahawak niya sa kamay nito at tiyaka dali-dali itong tumakbo palabas.
"May ginawa ba akong masama?" nagtatakang tanong ni Adam kay Selma na dahilan para matawa ang dalaga.
"Maaaring may ginawa tayong masama," natatawang saad ni Selma na mukhaang nabasa nga ang inakto ni Luisa kanina.
Magkaibigan na silang dalawa ni Luisa simula pagkabata at sila ngang tatlo nila Manuelito noon ang magkakasamang lagi hanggang sa nagdalaga at nagbinata na sila.
Sa tagal ng kanilang pagkakaibigan ay hindi na mahirap para sa kaniya na basahin ang isipan ni Luisa.
"T—tayo?" nagtatakang tanong ni Adam na siyang tinanguan naman ni Selma na siyang tumuloy na ngayon sa paghiwa ng keso.
"Hindi ko ba nabanggit sa iyo Ginoong Adam na manibughuin ang aking kaibigan?" tanong ni Selma na dahilan para unti-unting mawala ang kunot ng noo ni Adam.
Hindi niya alam pero parang nagalak pa siya nang marinig iyon dahil marahil ay hindi malayong may nararamdaman din si Luisa para sa kaniya.
"S—she is jealous? Sigurado ka bang naninibugho talaga siya?" panganglaro ni Adam na muli’t muling tinanguan ni Selma.
"Marahil ay dapat mo na siyang suyuin. At ito na ang inaantay mong pagkakataon upang aminin sa kaniya ang iyong nararamdaman," nakangiting saad ni Selma na hindi nga matigilang mapatakip ng kaniyang bibig dahil sa kilig na nararamdaman niya para sa namumuong pag-iibigan sa pagitan nila Adam at Luisa.
Agad-agad ngang napangiti si Adam na madaliang pinasalamatan si Selma sa kaniyang tulong dahil kaya talaga siya sumadya sa kusina ay para hingiin ang suhesyon ni Selma patungkol sa pinaplano niyang pag-amin kay Luisa sa gabing ito.
Dali-dali ngang tumakbo si Adam palabas ng kusina dala ang hindi magkamayaw na galak na nagmumula sa kaniyang puso.
Makaraan ng ilang minuto ay natigilan si Adam sa pagtakbo nang maaninag niya si Luisa sa halamanan ng mg Valenzuela ngunit nang akmang pupuntahan na sana niya ito upang kausapin ay natigilan ito nang makitang hindi lang pala si Luisa ang naroon bagkus ay naroon si Manuelito na siyang niyakap nga si Luisa nang saktong humakbang si Adam papunta sa halamanan.
"T—too late Adam,” unti-unting saad ni Adam sa kaniyang sarili habang unti-unting naglalaho ang dala-dala niyang ngiti kanina. “Too late.”
~Pebrero 27, 1917~
"Adam, saan ang punta mo?" tanong ni Doña Marites dahil nakita niyang palabas ngayon si Adam na halos dala-dala na ang lahat ng kaniyang mga gamit.
"Sakto ho at nakita ko po kayo Doña Marites dahil gagamitin ko na po ang pagkakataon na ito upang pasalamatan kayo at ang buo niyong pamilya sa pagtanggap niyo sa akin at sa pagturing niyo sa akin na bilang anak kahit na sandali pa lamang ninyo akong nakakasama," sagot nito na siyang ikinanuot ng noon ni Doña Marites. “Magpapaalam na ho ako Doña Marites dahil aalis na po ako pabalik sa aking bansa.”
"Ano?! Walang nababanggit si Manuelito na ngayon na ang alis mo. Alam ba ito ni Manuelito?" gulat na tanong ni Doña Marites habang walang kurap ngang nakatingin sa binata.
"Ang alin ina?" tanong ni Manuelito na ngayon ay kakalabas lang galing sa kaniyang kwarto.
"I—I am heading back to America Manuelito," sagot ni Adam na ikinagulat na husto ni Manuelito na siyang patakbo ngang nilapitan ngayon si Adam.
"What!? Hindi mo nabanggit ito sa akin Adam," saad ngayon ni Manuelito.
"Doktor Willson Morgan sent me a letter that they need me for the new research project. Pinapauwi na ako sa Amerika Manuelito," paliwanag nito na dahilan upang manlumo at mapasinghap ng husto si Manuelito.
"At hindi ka man lang magpapaalam sa akin?"
Ngunit laking gulat ni Adam nang marinig ang pamilyar na boses na iyon na nanggaling sa kusina at ang pinagtataka niya ay may nagbabadyang mga luha na sa mga mata ng dalaga.
Tanggap na ni Adam na walang nararamdaman ang dalaga sa kaniya dahil sa nasaksihan nito noong gabing iyon pero hindi niya maiwasan sa pagkakataon na ito na umasang muli dahil sa nakikita niya. Pero pilit niya itong nilalabanan dahil nakapagdesisyon na siya at desidido na siyang kalimutan ang lahat. At magagawa lamang niya iyon kung uuwi siya sa kaniyang bansang pinanggalingan.
"Patawa—“
Hindi na naituloy ng binata ang sasabihin niya nang patakbong pumunta sa kaniya si Luisa at sabay na hinawakan nito ang kaniyang pulso sabay hila papunta sa hardin ng mga Valenzuela.
“Hayaan mo lamang sila ina,” tigil naman ni Manuelito sa kaniyang ina nang akmang susundan na nito ang dalawa.
_________________________
At laking gulat ni Adam nang makarating sila sa hardin ay agad siyang niyakap ni Luisa ng pagkahigpit-higpit at kasabay non ang paghagulgol nito sa dibdib niya.
"Adam, ganoon na lamang iyon? Aalis ka na? Pagkatapos na hindi mo ako kausapin ng halos isang linggo ay bigla ka nalang aalis?" sunod-sunod na tanong ng dalaga na magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang paghagulgol niya.
"P—patawad Luisa," saad ni Adam na ngayon ay inalis na ang pagkakayakap sa kaniya ni Luisa at unti-unting pinunasan ang mga luha nito sa pisngi.
"Alam kong masaya na kayo ni Manuelito o hindi kaya ay nagkabalikan na kayo. Masaya ako para sa inyo Luisa at ayaw kong hadlangan ang ano mang namumuong pagmamahalan sa inyong dalawa," saad ni Adam na ngayon ay binitawan na ang mga pisngi ng dalaga. “At tunay ngang nagpapasalamat ako na naging kaibigan kita at nakilala kita sa bansang ito. Tanggap ko na ang lahat-lahat Luisa at hindi mo na kailangang ipaliwanag pa sa akin na hanggang kaibigan lamang ang kahahantungan ng relasyon nating dalawa. Masaya akong lisanin ang bansang ito dala-dala ang mga masasayang ala-ala na binuo nating dalawa.”
Matapos masabi ni Adam lahat-lahat ay tumalikod na nga ito sa dalaga at nang akmang aalis na siya ay natigilan ito nang yakapin siya bigla ni Luisa.
"I—ikaw ang mahal ko Adam," saad ng dalaga na tunay ngang ikinagulat ni Adam na unti-unti ngayong hinarap si Luisa.
"A—ano ang iyong ibig sabihin Luisa?" gulat na tanong ni Adam habang walang kurap ngayong nakatingin sa mga mata ng dalaga..
"Walang namamagitan sa amin ni Miguelito. Bagkus ay ikaw na ang mahal ko Adam at tanging ikaw lang ang nakikita kong lalaki na makakasama ko sa habang buhay.”
~Enero 6, 1918~
Isang napakalakas na sigaw ang umalingawngaw sa labas ng bahay ng pamilya Kley na nasundan nang pag-iyak ng isang bagong silang na sanggol.
“Lalaki ang inyong anak,” saad ng kumadrunang nagpaanak kay Luisa na siya ngang maingat na ibinigay kay Adam ang bagong silang na sanggol.
Hindi nga maiwasang maluha ni Adam dahil sa sayang nararamdaman niya ngayon na mahawakan ang naging bunga ng pagmamahalan nila ni Luisa.
Kasalukuyang nanghihina na ngayon si Luisa ngunit hindi naging alintala ito upang mapangiti siya nang ibigay na sa kaniya ni Adam ang sanggol na ipinanganak niya.
“A—Aleph, ang unang letra sa alpabetong Hebreo, nais ko siyang tawagin sa pangalang yaon Adam,” sambit ni Luisa habang marahan ngang hinahaplos ang mga kamay at parte ng mukha ng sanggol. “Dahil siya ang unang bunga ng ating pagmamahalan.”
“Aleph, napakagandang pangalan,” saad naman ngayon ni Adam na kapareho ni Luisa ay hindi mapigilang matuwa habang sinisilayan ang kanilang anak.
“Ikaw? Anong nais mong ipangalan sa kaniya?” tanong naman ngayon ni Luisa sa kaniyang asawa.
“Hans, ang nais kong itawag sa kaniya dahil yaon ang pangalan ng aking lolo,” nakangiting sagot ng doktor na dahilan upang mapangiti si Luisa at ibinaling muli ang tingin sa sanggol habang hawak-hawak ang maliliit nitong kamay.
Naging ulila na ang doktor simula nang maaksidente ang kaniyang mga magulang noong sanggol pa lamang siya at tanging ang kaniyang lolo na ang tumayong magulang niya simula noon. At ang siya na rin ngang naging buhay niya hanggang sa namatay na ito bago pa man siya maging isang ganap na doktor.
“Aleph Hans Kley,” nakangiting sambit ni Luisa sa buong pangalan ng kanilang anak.