Pilipinas
~ Septyembre 10, 1943~
“Tobias?” muling tawag ni Emmanuel kay Tobias na siyang tulala nga ngayon at kanina pa niya tinatawag ngunit hindi siya iniimik nito.
Kasalukuyan na silang nakabalik sa Cagayan at bumabyahe na nga sila ngayon pauwi.
Si Bernard ang siyang nagmamaneho sa sinasakyan ngayon nila Tobias at katabi naman nito sa harap ng sasakyan si Mary na kasalukuyang nakatulog.
At sa tabi ngayon ni Tobias ay si Emmanuel na kanina pa siya tinatawag ngunit ngayon-ngayon lamang niya ito unti-unting hinarap.
“Nais ko sanang malaman kung saan ninyo inilibing ang katawan ni Doctor Aleph Hans?” tanong ni Emmanuel kay Tobias dahilan upang saglitang matigilan si Tobias na kalaunan ay napailing ng sunod-sunod.
“Patay na ang kuya ko at imposibleng mangyari ang sinabi ng matanda at ng batang iyon,” walang kurap na saad ni Tobias dahilan upang magtinginan ngayon sina Bernard at Emmanuel.
“Tobias, kung hindi totoong buhay ang kuya mo”—saad ngayon ni Bernard na siya ngang nakadiretso lang ang tingin sa daanan habang payapang minamaneho ang sasakyan—“sino sa tingin mo ang lalaking kumuha sa mga dokumento ng inyong ama? Sa tingin mo nagkataon lamang na may kamukha ang kuya mo?”
Dahilan nga ang mga tanong ni Bernard upang matahimik ngayon si Tobias na siyang gulong-gulo na sa mga sunod-sunod na pangyayari at ni hindi na nga nito alam kung ano bang paniniwalaan niya kung o sa kung ano bang katanungan ang una niyang hahanapan ng sagot.
“Hindi ka ba nagtataka ngayon Tobias kung bakit pa ibinigay sa iyo ni Doktor Hans ang mapang iyon? Gayong siya rin pala ang kukuha ng mga dokumento,” tanong naman ngayon ni Emmanuel.
“Hindi ako magtataka dahil hindi ako naniniwala na—“
Akmang mangangatwiran pa nga sanang muli si Tobias ngunit tuluyan siyang natigilan nang may inilapag si Emmanuel na sobre sa gitna nilang dalawa.
Dahilan upang mapakunot ng noo si Tobias na noong una ay nag-alangan pang kunin ito ngunit kalaunan ay nagpasya rin siyang kunin at buksan ito upang makita ang mga nilalaman nito.
“A—ano ito?” nagtatakang tanong ni Tobias habang inilalabas na ngayon ang mga litratong laman ng sobre.
“Isa pa sa magpapatunay na dapat kang maniwala na buhay pa ang iyong kuya,” sagot ni Emmanuel dahilan upang mabilisang tignan ni Tobias ang laman ng mga litrato.
Unti-unting nanlaki ang mata nito sa gulat nang makita ang unang litrato mula sa sobre.
Ang laman ng mga litrato ay ang litrato ng isang pasyenteng lalaki na halos hindi na makilala dahil sa haba na ng buhok nito at balbas sa mukha. Ngunit para kay Tobias ay hindi naging mahirap para sa kaniya na makilala kung sino ang lalaking ito.
“K—kuya Hans?” hindi makapaniwala at gulong-gulo na tanong ni Tobias na siyang nanginginig na ngayon ang mga kamay habang sunod-sunod na tinitignan ang bawat mga litrato.
“Nagtrabaho ako noong nakaraang taon sa isa sa mga ospital ni Doktor Willson Morgan sa Estados Unidos at doon ay nahawakan ko bilang pasyente si Doktor Hans. Noong nakilala ko siya ay wala na siya sa katinuan at ni hindi ko na siya makausap ng maayos ngunit habang tumatagal ang panahong nahawakan ko siya ay nagkainteres akong paimbestigahan ang pagkatao niya dahil sa pagbabakasakali ko na baka maging daan ito upang mahanap ko ang pinagmulan ng sakit niya. At sa pag-iimbestiga kong yaon ay roon ko natuklasan na may mga kapatid pa siya na siyang ipinapahanap ni Doktor Morgan para sa isang mapa,” paliwanag ni Emmanuel kay Tobias na ngayon ay unti-unti siyang tinignan dala ang mga mata niyang punong-puno ng mga katanungan.
“P—paano siya nabuhay? Naaala ko pang malinaw ang araw na nagpakamatay siya at kami mismo ang naglibing sa kaniya noon,” gulong-gulo na tanong ni Tobias.
“Nais kong tignan mo ang panyong ipinambalot ni Doktor Hans sa mapa,” sagot ni Emmanuel dahilan upang kunot noo ngayong kinuha ni Tobias ang panyo mula sa kaniyang bulsa.
Unti-unti niyang ibinuklat ang panyo at masinsinang tinignan ito dahilan upang mapansin niya ang maliit na burda sa pinakaibaba nito.
Atropa Belladonna
“Maaaring inakala niyong patay na siya sa pagkakataong yaon dahil wala kang nang naramdamang t***k sa kaniyang puso ngunit nilinlang lamang niya kayo upang magkaroon siya ng tyansang ilayo kayo sa kapahamakan. At nagawa nga niya yaon sa pamamagitan ng pag-inom ng katas ng lasong iyan na magagawang patigilin ang t***k ng puso ng isang tao sa ilang oras. At alam natin pareho na walang kasiguraduhan ang epekto ng halamang ito ngunit ang makitang buhay ang iyong kapatid ay isa lamang patunay na nagtagumpay siya sa plinano niya,” saad ngayon ni Emmanuel kay Tobias na sa ngayon ay itinikom ang kaniyang kamao at hindi na nga napigilan ang sarili na biglaan na lamang buksan ang pintuan ng sasakyan na ikinagulat nila Bernard at Emmanuel.
“Bernard, itigil mo ang sasakyan!” tarantang sigaw ni Emmanuel dahilan upang agad-agad ngang gawin ito ni Bernard.
At dahilan din ang sigaw ni Emmanuel upang magising si Mary na halos manlaki ang mata sa biglaang pagprino ni Bernard sa sasakyan.
“Tobias!” tawag ngayon ni Emmanuel kay Tobias na siya ngang dire-diretsong bumaba sa sasakyan kahit pa na hindi pa tuluyang tumigil ang takbo ng sasakyan.
Kahit ilang beses siyang tawagin ngayon nila Emmanuel ay tila baga wala itong naririnig at nagpatuloy lang sa pagtakbo papasok sa isang gubat kasabay nang patuloy rin na pagtulo ng kaniyang mga luha.
“Kasalanan mo ito Tobias!”
“Kasalanan mo ito lahat-lahat Tobias!”
Sa lakas ng pagkabok ng puso ngayon ni Tobias ay halos hindi na niya marinig ang sarili niyang boses bagkus ay tanging ang mga bulong lang na naman ang may kayang umibabaw sa lakas ng kabog ng kaniyang puso.
“Oo, Tobias, kasalanan mo ang lahat-lahat! Kung bakit ako naghihirap ngayon at kung bakit ko inilagay sa bingit ng kamatayan ang aking sarili!”
Halos hindi ngayon matigilan ni Tobias ang sarili na suntukin ang kaniyang ulo nang dahil sa mga bulong na ito na patuloy at patuloy na ipinamumukha sa kaniya ang katotohanan.
“Kuya Tobias kasalanan mo kung bakit kami nagdudusa ngayon!”
“Kasalanan mo ito lahat-lahat!”
“Kung nakinig ka lang sa akin noong araw na yaon ay hindi sana tayo nahuli Tobias!”
“Hindi sana dapat nalagay sa kapahamakan ang mga buhay natin!”
“Tobias!” tawag ngayon ni Mary sa kinaroroonan ni Tobias na siyang nakahanap dito dahil naghiwa-hiwalay nga silang tatlo upang mahanap ito sa kagubatan kung saan siya mabilisang tumakbo.
Patakbo nitong pinuntahan ang binata na kasalukuyang nakapikit at hawak-hawak ang kaniyang ulo. Wala rin itong tigil ngayon sa kakasigaw kalakip ng pag-asang matigilan na ang mga bulong na bumubulong sa kaniyang isipan.
“Tama na! A—alam ko na, alam kong kasalanan ko lahat-lahat. P—pero”—nanghihinang saad ngayon ni Tobias na siyang naging dahilan upang matigilan ngayon si Mary na siyang nasa tapat na niya—“p—pero pwede ba huminga muna? Kahit na isang araw lang?”
At sa hindi malamang dahilan ay tila naistatwa ngayon si Mary sa kaniyang kinatatayuan habang pinagmamasdan ang kalagayan ng binata at ang bawat daing nito sa mga bumubulong na boses sa kaniyang isipan.
“P—pwede bang huminga kahit na ilang segundo man lang?” patuloy ni Tobias habang tuloy-tuloy pa rin ang pagluha nito.
“T—tobias,” tawag ngayon ni Mary sa binata na siyang nagpasyang humakbang na nga palapit sa binata at sabay na hinawakan ang magkabilaang kamay ni Tobias na nakahawak ngayon sa magkabilaang ulo nito. “P—pwede ka ng huminga.”
Nang marinig ni Tobias ang boses ni Mary ay sa hindi niya malamang dahilan ay unti-unting tumigil ang mga boses dahilan upang unti-unti na rin niyang buksan ang kaniyang mga mata dahilan upang tuluyang magtama ang mga mata nilang dalawa ni Mary.
At sa pagkakataong yaon nagkatagpo ang dalawang mata na parehong nababalot ng lungkot, pagsisisi, at takot.
“Tobias!” bulalas ni Bernard na dahilan upang matauhan ang dalawa lalo na si Mary na agaran ngang inialis ang kamay na nakahawak sa mga kamay ni Tobias at sabay ring umiwas ng tingin dito.
“Nahanap ka na pala ni Mary, pinag-alala mo kami roon ha,” hingal na saad ngayon ni Bernard habang nakapatong na nga ang kanan niyang kamay sa braso ni Tobias upang hindi mangyaring mawalan siya ng balanse dahil sa pagod.
Agad din namang napapunas ngayon si Tobias ng kaniyang mga luha at iniayos na nga agad ang sarili.
“Tobias, alam kong nakakabigla ang rebelasyon kanina na buhay pa ang iyong kapatid ngunit hindi naman nararapat na basta-basta ka na lamang tatalon palabas ng sasakyan,” saad nga ngayon ni Bernard na natauhan na at ngayon ay diretso ngang tinignan si Tobias.
“Pero”—patuloy ni Bernard na siyang unti-unti ngayong ngumiti na ikinakunot ng noo ni Tobias—“aaminin kong nais ko na rin subukang tumalon palabas ng sasakyan habang umaandar ito ng mas mabilis pa sa andar ko kanina.”
Pabirong saad nga ni Bernard na siyang dahilan upang mapasinghap ngayon si Mary at napailing na lamang sa pagbibiro ng kaniyang kaibigan kahit pa na sa mga ganitong sitwasyon.
“Huwag kang mag-alala Pitt, kung tatalon ka man ay ako mismo ang magmamaneho para sa iyo,” saad ni Mary na dahilan upang manlaki ng tuluyan ang mga mata ni Bernard at sunod-sunod na napailing sa ideya ni Mary.
“M—mas gugustuhin ko na lamang na manatili nalang sa loob ng kotse kung ikaw man ang magmamaneho para sa akin,” sagot nga ni Bernard na napailing-iling pang muli habang iniisip niya pa lang ang maaaring mangyari sa katawan niya sa oras na tumalon siya palabas ng sasakyan habang mabilis na pinapaandar ito ni Mary.
“Kung gayon ay bumalik na tayo sa sasakyan bago ko pa man magawang seryosohin ang ipagmaneho ka,” saad nga ngayon ni Mary na siyang nauna na nga ngayong naglakad na sinundan din naman agad ni Bernard.
Habang saglit munang napabuntong ng hininga si Tobias bago pa man nagpasyang sundan na ang dalawa.
_________________________
“Mabuti at nahanap niyo na si Tobias,” bungad ni Emmanuel sa tatlo nang makitang kasama na nga nila ngayon si Tobias.
“N-nais kong malaman lahat-lahat ng patungkol sa aking kapatid at kung anong kalagayan nito nang huli mo siyang makita,” saad ngayon ni Tobias kay Emmanuel dahilan upang mapatango naman ito bilang sagot.
Ngunit natigilan silang apat nang makita ang unti-unting pagtigil ng sasakyan nila Zane sa likuran ng sasakyan nila. At pagkatigil na pagkatigil pa lang ng sasakyan nila ay agad na lumabas ang dalawa mula rito at nagmamadaling lumapit sa apat.
“Oh, saan kayo nanggaling?” nagtatakang tanong ni Emmanuel sa mga ito dahil kanina pa siya nagtataka kung bakit biglang nawala ang sasakyan ng dalawa sa likuran nila gayong nakasunod sila nang paalis pa lamang sila sa Cagayan.
“Napansin namin kanina na may sasakyang sumusunod sa atin kaya’t inutusan ko si Zane na lituhin ito kaya pumunta kami sa kabilang direksyon,” saad ngayon ni Helda na pawisan nga at hingal na hingal kapareho ni Zane.
“S—sumusunod? Sinong sumusunod sa atin?” kunot noong tanong ni Emmanuel na bago pa man sagutin ng dalawa at nagtinginan nga muna ang mga ito at tinanguan nga ni Zane si Helda kasunod ng pagkuha niya ng isang papel mula sa kaniyang bulsa. At sabay hakbang papunta sa harapan ni Tobias upang sa kaniya iabot ito.
“Noong nasa isla pa lamang tayo ay napansin ko nang may sumusunod sa ating isang lalaki na nakasuot ng itim na sombrero,” panimula ni Helda habang ngayon ay unti-unti na ngang binubuklat ni Tobias ang sulat. “At nang makarating tayo rito sa Cagayan ay mas kinutuban na ako dahil muli ko na naman siyang nakitang bumaba sa bangkang nakasunod sa atin habang binabaybay natin ang dagat pabalik sa isla ng Cagayan.”
“At nang pagkakataon ngang nilito namin siya at kami lang ang sinundan niya ay nagpasya akong harangan siya at doon ay pwersahan namin siyang pinalabas ni Helda sa kotse. Dahilan upang tuluyan na namin makita ang buo niyang pagmumukha,” saad naman ngayon ni Zane na siyang ibinaling ang tingin kay Tobias na kasalukuyan nang binabasa ang sulat. “Ngunit sa kasamaang palad ay nakawala ito sa amin ngunit sinadya niyang iwanan ang sulat na iyan bago pa man siya makatakas sa amin ni Helda.”
At halos sabay-sabay rin ngang napatingin ngayon sina Mary kay Tobias dahilan upang makita nilang lahat ang gulat na gulat nitong pagmumukha habang binabasa ang sulat.
“Tobias?” tawag ngayon ni Emmanuel dahilan upang unti-unting ibaba ni Tobias ang sulat.
“S—sinusundan tayo ng kapatid ko,” sambit ngayon ni Tobias dahilan upang mapakunot ang noo nila Emmanuel. “Narito sa Pilipinas si Pineal at alam na niya ang lahat-lahat ng mga bagay na natuklasan ko maging ang hindi tunay na pagkamatay ni Kuya Hans.”
Lieber Bruder Tobias,
Alam ko kuya Tobias na maraming pagpapaliwanag ang dapat kong sambitin sa iyo ngunit hindi na iyon importante sa ngayon dahil mas importante ang mga bagay na sasabihin ko sa iyo sa sulat na ito.
Ngayong alam kong alam mo na rin ang mga bagay na natuklasan ko patungkol kay Kuya Hans ay nais kong malaman mo na ang tanging paraan na makakapagpalaya sa kaniya at makapagbibigay ng hustisya sa nangyari sa kaniya at sa ating mga magulang ay ang malaman natin kung ano ang laman ng mga pag-aaral ng Papá na siyang pilit na gustong kunin ni Doktor Willson Morgan para itago mula sa atin at mula sa mata ng mga tao. Ang pag-aaral na ito ang siyang susi sa lahat-lahat.
At alam kong alam mong isang tao lamang ang makakapagsabi kung saan naroon ang mga yaon.
Kailangan mong makuha si Kuya Hans mula sa institusyon at kailangan mo siyang mapasagot kung saan naroon ang mga pag-aaral ni Papá.
‘Yon lang ang bukod tanging paraan upang matigil ang walang awang pagpapahirap ng institusyon sa kanilang mga pasyente at para mabigyang hustisya ang mga taong pinatay nila.
At nais ko na rin humingi ng kapatawaran sa lahat-lahat ng nasabi ko sa gabing yaon. Hindi kita intensyon na masaktan bagkus ay yaon lamang ang paraang naisip ko upang makaalis ako at umpisahan ang pag-iimbestiga. Umaasa akong ikaw ang makakahanap ng mga pag-aaral na yaon kuya Tobias dahil alam kong wala ako sa katinuan ngayon upang magawa ito. Nawa’y magtagumpay at mag-iingat ka Kuya Tobias.
~Pineal