Kabanata 12:
Ilang segundo silang nagkatitigan, tila parehong nagkagulatan. Bago unang nagsalita si Brenda.
“Nakabalik ka na?” hindi makapaniwalang tanong nito.
Marahan siyang tumango. “Hindi ba obvious?” sarkastikong tanong niya.
“Mabuti naman, ilang Linggo rin kitang hinintay.”
“Ha? Bakit mo ‘ko hinintay?” parang tanga, pero kinilig na tanong niya.
“Wala akong kasama rito, boring,” sagot niya. “Halika na mamasyal na tayo—”
“E bakit ka pumasok sa kwarto ko?”
“Nagbabakasakali lang naman ako kung nakabalik ka na.”
Duda si Johnson. Halata sa mukha ni Brenda na kinakabahan ito at mukhang may nagawang hindi maganda. O kaya naman ay may kinatatakutan. Sa dami ng gusto niyang itanong kay Brenda noong huling nagkita sila, ni isa ay wala siyang naalala. Sa dami ba naman ng nangyari, ano pa ba ang maaalala niya?
“Ganoon ba? Nandito na ako,” tanging sagot niya.
“Edi tara na! May pupuntahan tayo.” Kaagad na hinawakan ni Brenda ang kanyang kamay saka siya hinila palabas ng kwarto.
Hindi na siya pumalag pa, gusto niya rin naman na hinahawakan ni Brenda ang kanyang kamay dahil feeling niya safe siya rito. Kung sa bagay, safe naman talaga siya sa astral realm. Ito lang ang natatanging lugar na pwede niyang puntahan sa tuwing gusto niyang tumakas sa mundong pinagkaitan siya ng kayamanan.
Pagkalabas nila sa kwarto, nagtaka siya nang hindi ang gubat ang sumalubong sa kanila. Isang napakalaking kwartong may napakataas na ceiling. Maliwanag ang paligid, maraming hagdan at puno ng bookshelves. Iyon ay dahil puno rin ng mga libro ang narito.
Nakakamangha! Tila nasa fantasy movie siya kung saan walang hanggan ang paikot na hagdan patungo sa itaas.
“P-paanong—anong—”
“Nasa library of life tayo.”
“Huh?”
“Ito ang library kung saan nakatala ang mga nangyari, nangyayari at mangyayari sa buhay ng isang tao.”
“O? Talaga?”
“Edi huwag kang maniwala!” Tinalikuran siya ni Brenda pero kaagad niya rin itong inawat.
“Ito naman, hindi mabiro,” natatawang aniya. “Totoo ba? So pwede nating malaman ang tungkol sa buhay ko?”
Nilingon siya ni Brenda na kunot ang noo at masama ang tingin pero tumango rin, medyo marupok talaga! “Gusto mo bang hanapin ang kwento ng buhay mo?”
Napakamot siya sa kanyang sentido. “Parang ayaw ko. Bakit ko naman kasi aalamin? Sigurado naman akong mamamatay ako sa gutom dahil sa kahirapan ko.”
Mas lalong nanliit ang mga mata ni Brenda. “Ang negative mo naman! Minsan maging positive ka naman, oh?”
Bumuntonghininga si Johnson saka muling inilibot ang tingin sa buong paligid. Nakakaakit ngang malaman ang tungkol sa buhay niya. Kaya naman, kahit nag-aalangan siya at natatakot na baka gutom nga ang ikamatay niya, tumulong siya kay Brenda na hanapin ang kwento ng masalimuot niyang buhay.
Matagal silang naghanap. Sa dami ng librong naroon ay ilang gabi rin silang nagpatuloy sa paghahanap na minsan pa nga’y gusto na lang sumuko ni Johnson. Kung nasa totoong mundo siya, malamang na napaltos na ang kanyang mga paa sa kababagtas sa bawat hagdan. Nakakalula. Sinong hindi malulula sa dami ng kwentong nakatala rito?
Sa ika-pitong gabi ng kanilang pagkikita, tuluyang sumuko si Johnson. Ayaw na niyang malaman kung ano man ang mangyayari sa peste niyang buhay.
“Pagod na ako, mabuti pa’t maglakbay na lang tayo sa ibang lugar. Mas lalo lang akong nai-stress imbes na gumaan ang pakiramdam ko sa t’wing pupunta rito e,” reklamo niya.
Pero hindi nakinig si Brenda, patuloy itong naghanap sa mga hili-hilerang libro.
“Puro letrang E ang pangalang nandito. Bakit hindi kaya tayo maghanap sa letrang J?” tanong ni Brenda sabay sulyap sa kanya.
“Ayaw ko na.”
“Anong ayaw mo na? Halika at hanapin natin sa letrang J!” Muling hinablot ni Brenda ang kanyang kamay.
Napapansin niyang panay ang hablot at hawak ni Brenda sa kanyang kamay. Hindi ba nito napapansin na kinikilig siya? Ang lambot pa naman ng kamay ni Brenda!
“Nasaan ba ‘yong letter J?”
Binitiwan ni Johnson ang kamay ni Brenda.
“Ayaw ko na nga!”
Bumuga ng marahas na hininga si Brenda saka siya nilingon. “Ang arte mo! Malapit na nating mahanap!”
Pero hindi na niya narinig pa ang mga talak ni Brenda, nang makakita ng kakaiba. Hindi kalayuan, may napansin siyang kakaibang libro. Marahan niyang nilapitan iyon.
Sa isang Linggong pabalik-balik nila rito, ngayon lang siya nakakita ng kasing-kapal ng librong iyon. Kaagad niya iyong kinuha at binuklat sa unang pahinga.
“Aristarchus; Johnson Boy Paderno. Hunyo 17, 1996.”
Kaagad niyang nilingon si Brenda. Nagmamadali namang bumalik si Brenda sa kanyang kinatatayuan.
“Basahin mo na!”
Matagal-tagal din nilang hinanap ang libro ng kanyang buhay pero ngayong hawak na niya, nanginginig naman siya. Natatakot siyang basahin ang laman. Natatakot siya sa pwedeng mabasa niya sa loob.
“Bakit? Anong problema?” takang tanong ni Brenda.
“N-natatakot ako. . .”
Kumunot ang noo ni Brenda sa isinagot niya rito. Totoong natatakot siya. Paano kapag nalaman niyang mas lalo pala siyang maghihirap sa susunod na mga mangyayari sa kanyang buhay? Napakakapal pa naman ng libro, posibleng mas marahas pa ang paghihirap na kanyang dadanasin!
“Magiging gabay mo ang mababasa mo sa librong iyan, Johnson. Kaya basahin mo na.”
Muli siyang humugot ng malalim na hininga, pinapalis ang kabang nakakulong sa kanyang dibdib. Ilang segundo niya pang pinakatitigan ang unang pahina bago niya iyon inilipat sa may lagpas kalagitnaan.
“Ano ‘yon? Bakit mo nilaktawan?” takang tanong ni Brenda.
“Baka maganda na ang buhay ko pagkatapos ng—” Natigilan si Johnson sa pagsasalita nang mabasa ang huling salitang nasa page na iyon. “Magiging hari ng Infinita. . .”
Napakurap si Johnson at muling binasa ang huling sentence. “H-hari ng Infinita? Saan ‘yon?” Nilingon niya si Johnson. “Alam mo ba ang lugar na ‘to?”
Umawang ang labi ni Brenda saka inagaw sa kanya ang libro. Sinubukan niyang ilipat ang ibang pahina ngunit kataka-takang walang laman ang mga pahina bukod sa pahinang iyon. Ang huling pahina bukod sa may nakasulat na magiging hari ng Infinita ay ang pahina kung saan nakasulat na makakarating si Johnson sa Library of Life.
“A-ano ‘to? Bakit ganito?” hindi makapaniwalang tanong ni Brenda.
“H-hindi ko alam! Sabi ko sa ‘yo e, dapat hindi na natin hinanap!” bulalas ni Johnson. “Pero. . . totoo kayang magiging hari ako?”