Kabanata 11:
Labis na panlulumo ang nararamdaman ni Johnson habang pauwi ng bahay. Naglakad na lamang siya para lang makatipid. Sino ba naman kasing tangang uto-u***g mauuto sa isang babaeng maganda na kakikilala lang? Well, siguro ang mga kagaya ni Johnson na tigang lang. Natangay ang kalahati ng sinahod niya. Mabuti na nga lang at nailagay niya pa sa bag ang kalahati. Ang problema lang, kalahating buwan siyang walang kakainin dahil pambayad sa utang lamang iyon. Ang malupit pa, doble ang ibabayad niya kay Kapitan Toto dahil nga isang Linggo siyang hindi nakapagbigay noong nakaraan.
Pagod na naupo siya sa upuang kahoy. Lumangitngit iyon, sa pagkakataong ito, mas malupit na ang paglangitngit ng upuan, tila malapit na talagang bumigay.
Yumuko siya at saka sumubsob sa lamesa niyang ‘gaya ng upuang kahoy ay malapit na ring bumigay. . .
Ilang araw ang nakalipas, halos dalawang Linggo na rin ang nakalipas mula nang hindi na siya makabalik pa sa astral realm. Halos makalimutan niya na nga iyon dahil sa sobrang abala niya.
“Table 45, Johnson!” Kaagad na inabot ng cook ang order ng table 45 kay Johnson.
Mabilis na kinuha niya naman iyon at dali-daling dinala sa nanggagalaiti nang costumer.
“Grabe, napakatagal! Nalipasan na lang kami ng gutom!” reklamo pa nito.
“Pasensya na po, pasensya na,” hinging paumanhin niya.
Walang nagawa ang customer kundi ang tanggapin ang paghingi niya ng tawad. Ano pa ba ang magagawa? Nasa lamesa na rin naman ang pagkain nila.
Saka niya naman pinuntahan ang isa pang customer. Sa loob ng halos isang buwan, nag-pa-part time job na si Johnson sa isang night bar tuwing Monday, Wednesday, Friday at Sunday ng gabi para lang mabayaran ang mga utang. Hindi sapat ang sinahod niya at nanakawan pa siya kaya kailangan niyang doblehin ang kayod.
Nakakapagod man dahil imbes na galing siya ng trabaho ay uuwi na lang siya at magpapahinga, kinakailangan niya pang magtrabaho muli. Sa loob ng dalawang Linggo mula noong sumahod siya, ganito na ang kanyang ginagawa. Tatlong oras na lamang ang tulog niya na kinakailangan niyang uminom ng paracetamol, maalis lang ang sakit sa kanyang ulo.
Pagod na pagod siyang umuwi ng bahay. Umaga na, alas-singko. Pero ito siya at patulog pa lamang na wala manlang laman ang sikmura. Una niyang dinampot ang pitsel sa ibabaw ng lamesa, inalis ang takip saka diretsong uminom. Wala na siyang pakialam kung balahura man siya o ano.
Nang matawid na ang kanyang uhaw, didiretso na sana siya sa papag ngunit isang malakas na pagkatok sa pinto ang bumulabog sa kanya.
Hindi niya sana iyon papansinin, ngunit masisira na ang pinto sa rahas ng pagkatok nito. Diniretso niya iyon saka binuksan. Bumungad na naman sa kanya ang nakangising mukha ni Kapitan Toto.
“Kumusta, pareng Johnson? Ano na ang lagay?”
“Bukas pa ang sahod ko,” sagot niya.
Naiinis man siya dahil hindi mapakali itong si Kapitan Toto sa utang. Panay ang singil, alam namang walang pera ang tao, wala naman siyang magawa. Ang utang ay utang na dapat bayaran, kaya wala siyang choice kundi ang tiisin.
“Sige, babalikan kita bukas para kunin ang sahod mo.” Muli itong ngumisi sabay hampas sa tiyan niya, sinikmuraan.
Kaagad niyang sinapo ang kanyang tiyan dahil sa sakit na dumaloy roon! Putsanggala! Hindi ba pwedeng hindi na lang iyon gawin sa kanya? Kailangan bang kapag nakikita siya nito, palagi siyang sasaktan?
Pagkaalis ni Kapitan Toto, kaagad niyang sinara ang pinto saka ini-lock. Makailang beses na niyang ginustong takasan ang mundong ito. Ngunit sa ilang beses niyang subok, palagi siyang nilalamon ng konsensya. Utang iyon, hindi dapat pabayaan. Mabuti sana kung maliit lang at baka pwede pang makalimutan ng konsensya niya, pero hindi e. Malaki.
Kaagad siyang nahiga sa kanyang papag saka natulog, umaasang paggising niya ay makatatakas na naman siya sa malupit na mundong ito. Ngunit nagising na lamang siya nang mag-alarm ang kanyang cellphone. Kailangan na niyang pumasok sa salon.
Ganoon umikot ang buong maghapon ni Johnson, nagtrabaho siya sa salon pagkatapos ay umuwi para magbihis. Isang oras na pahinga saka siya lumarga, diretso sa Night Bar.
Payapa naman sana ang buong araw niya. Payapa siyang nagtrabaho kahit na pagod na pagod at antok na antok siya. Ngunit matapos niyang pasahurin, nag-iba ng timpla ng araw niya.
“Hay pogi!” bungad sa kanya ng isang baklang mukhang ulikba.
Kalalabas niya lang sa entrance ng Night Bar tapos may bumungad sa kanyang dalawang bakla.
Kunot ang noo niyang inikot ang tingin sa dalawang baklang malalaki ang mga katawan. Uso na yata ngayon ang bakla pero macho!
“Pogi, baka gusto mong sumali sa amin? Threesome, malaki ang ibabayad namin sa ‘yo,” nakangising anang isa pang baklang namumutla na sa sobrang puti.
“Pasensya na kayo, kailangan mo nang umuwi.” Hahakbang na sana siya ngunit nabigla siya nang hawakan ng isang bakla ang kanyang pang-upo.
Nanlaki ang kanyang mga mata kasunod ng pagtitig niya rito. Ito iyong baklang mukhang ulikba.
“So pwede next time?” nakangiting tanong nito.
Nanginig ang buo niyang katawan. Diring-diri siya! Mabilis na hinawi niya ang kamay ng bakla na naging dahilan para ma-out of balance ito at matumba sa sahig.
“Ayy!”
“Hoy! Anong ginawa mo sa friend ko?!” bulalas ng isa.
“Mga bastos kayo! Kung ayaw ng tao, huwag kayong manghihipo!” galit na asik niya.
Nagmamadali siyang umalis doon. Ngunit habang tinatahak ang pauwi ng bahay, pakiramdam niya’y nakadikit pa rin sa pang-upo niya ang kamay ng baklang humawak doon! Pang-mo-molestiya iyon! Ngunit wala siyang kakayahang magsumbong sa pulis lalo na’t wala siyang pera. Isa pa, paniniwalaan ba siya? Gayong lalaki siya? Hindi. Mas mabuti nang advance mag-isip kaysa mapahiya pagdating niya roon.
Umuwing masamang-masama ang loob ni Johnson. Ni hindi niya na nagawang uminom ng tubig o magpalit ng damit. Diretso na siyang humiga sa papag saka ipinikit ang mga mata.
Nakakasama ng loob.
Ganito ba talaga kalupit ang mundo niya? Wala na ba talagang pag-asang maayos ang buhay niya?
Sa kanyang pagpikit, ilang saglit ay nakaramdam siya ng panginginig. At nang idinilat niya ang kanyang mga mata, saka bumangon, nagulat siya nang bigla siyang makabalik sa astral world.
“Akala ko hindi na ako makababalik?” takang tanong niya sa sarili.
Tumayo siya at inilibot ang tingin sa paligid. Ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang bumukas ang pinto at bumungad si Brenda na mukhang kakaba-kaba ang mukha.