Kabanata 15

1104 Words
 Kabanata 15: Hindi kaagad nakakibo si Johnson nang marinig ang sinabi ni Brenda. Hindi niya maintindihan. Ano ang ibig sabihin nito? Na anak siya ng isang witch? "Teka, anong ibig mong sabihin?" takang tanong niya. Muling nilingon ni Brenda ang haring si Rajan. Tumango lang din ito, senyales na sabihin sa kanya. "Dahil sa ginawang pananabutahe ni Lizardo sa kaharian ng Infinita, inutusan ni Haring Rajan ang kanyang anak na si Prinsesa Lorena upang paamuhin at paibigin si Lizardo para itigil na nito ang kasamaang kanyang ginagawa. Ngunit imbes na mapaibig si Lizardo, napaibig din ang iyong ina at ikaw ang naging bunga." "Paano ako napunta sa mundo ng mga tao?" "Ipinadala ka sa mundo ng mga tao dahil binalak ni Lizardo na gamitin ka sa kanyang kasamaan.” Marahas na napalunok si Johnson. Hindi niya alam kung paniniwalaan niya ba ang lahat ng mga sinasabi sa kanya ni Brenda. O kung paniniwalaan niya ba ang lahat ng mga nangyayaring ito sa kanya. Parang noong nakaraan lang ay hirap na hirap siya kung saan hahanap ng pambayad sa mga utang. Parang kailan lang, hinawakan ng baklang mukhang ulikba ang kanyang pang-upo tapos ngayon. . . ito na. “Pwede bang kurutin mo ako para malaman ko kung—aray!” Hindi pa man tapos magsalita si Johnson, binatukan na siya ni Brenda. Wala siyang ligtas sa sakit ng pagkakabatok sa kanya. “Nararamdaman ko!” hindi makapaniwalang bulalas niya. “Makakaramdam ka na ngayon, Johnson. Iyon ay dahil nasa mundo ka na kung saan ka tunay na nakatira,” anang hari.  Kung noong nalaman niyang magiging hari siya ay nakaramdam siya ng excitement, ngayon ay puro takot na lamang ang kanyang nararamdaman. Ang lahat ng nasa loob ng malawak na silid ay nakatingin sa kanya. At hindi lang basta simpleng tingin ang mga iyon. Para bang umaasa silang lahat sa kanya, parang kung makatingin ay siya ang nag-iisang pag-asa ng kanilang bayan! “Halos dalawang dekada na rin ang nakalipas mula noong huli naming masilayan ang liwanag sa kalangitan. Ang mga halaman ay mabilis na nalalanta dahil kulang sila sa liwanag ng araw. Ang lahat ay nawalan ng sigla,” ani Brenda. “Unti-unting nanghihina ang mga diwata, hindi na namin masyadong naaalagaan ang kalupaan dahil sa panghihina namin. Kaya mas napapadalas ang pagkakaroon ng natural na sakuna sa mundong ibabaw.” “Anong ibig mong ipahiwatig?” kinakabahang tanong ni Johnson. “Kaunti na lang ay tuluyan na tayong masasakop ni Lizardo. Ngunit bago pa iyon mangyari kailangan natin siyang pigilan. Sa susunod na tatlong buwan ay muli siyang aatake, kailangan natin iyong paghandaan.” “Hindi pwede!” Napasinghap ang lahat sa biglang inasta ni Johnson. Napansin niya naman iyon kaya kaagad siyang napakamot sa likod ng kanyang ulo. “A-ano, mahina ako. Ang payat payat ko, saka kung witch siya, edi may superpowers ‘yon! Kaya paano ko siya lalabanan?” negatibong tanong ni Johnson. “Ibabalik ko sa iyo ang iyong kapangyarihan,” sagot ni Haring Rajan. “Kapangyarihan?” “Oo, bago kita ipinadala sa lupa, kinuha ko ang kapangyarihan mo para sa iyo na ring kapakanan. Ngunit ngayon ay ibabalik ko na.” Muling napalunok si Johnson. “P-pero kahit na! Anong laban ko sa kanya?” “Ikaw ang kanyang anak, Johnson. Alam mo kung paano siya lalabanan. . .” Napaisip bigla si Johnson. Sa pagkakataong ito, hindi niya pa rin alam. Wala siyang ideya kung ano ang pwedeng niyang gawin para sa mundo ng Infinita. . . Matapos nilang mag-usap, sinamahan siya ni Brenda para pumunta sa kanyang kwarto. Kung ano-ano ang tanong na ibinato niya kay Brenda at himala namang sinasagot siya nito nang hindi siya binabara. Matagal rin ang paglalakad nila bago sila nakarating sa kanyang kwarto. Halos malula siya sa laki ng kwarto, siguro’y limang beses na mas malaki sa bahay niya. Apong apo talaga ng hari ang kwarto niya, nakakamangha! “Hindi pa rin ako makapaniwala na totoo ito,” ani Johnson. “Parang imposible. . .” maang niya habang naglalakad at nililibot ang tingin sa paligid. Sunod lang nang sunod si Brenda sa kanya. Pati ang kanyang kwarto ay may chandelier. Kulay puti rin ang kulay ng dingding maging ang mga gamit sa loob. “Gusto mo bang makita ang litrato ng nanay mo? Para malaman mong hindi ka namin niloloko.” Nilingon niya si Brenda. “Bakit biglang nag-iba ang tono mo?” “Anong nag-iba?” Nagkibit-balikat si Johnson. “Kanina kasi, parang ang lalim mong magsalita, tapos ngayon ganyan na.” Bahagyang natawa si Brenda. Tinungo nito ang dingding malapit sa kinalalagyan ng kama. Doon lang napansin ni Johnson ang isang malaking litratong nakasabit doon. Umawang ang kanyang labi nang makita ang mga mata ng kanyang ina. Parehong-pareho sila ng mga mata, maging ang kulay ng mga ito. Ang kulay ng kanilang balat ay halos iisa. “Mata lang ang nakuha mo sa iyong mga mata, mas hawig kayo ni Lizardo.” “Sa tingin n’yo ba, magagawa kong kalabanin ang sarili kong ama?” tanong ni Johnson habang nakatitig pa rin sa malaking litrato. Hindi kaagad nakasagot si Brenda, halatang napaisip ito. Sino nga naman bang matinong anak ang kakalabanin ang sarili niyang ama? Lumaking maayos si Johnson. Kahit pa ampon lang siya ay magaling magpalaki ng anak ang mag-asawang umampon sa kanya. Kaya hindi niya masasabing kaya niyang kalabanin ang kanyang ama. Well, siguro depende sa level ng kasamaan nito. “Nasa sa iyo na kung kakalabanin mo siya,” sagot ni Brenda. “Ha? Anong ibig mong sabihin?” “Ikaw ang susunod na magiging hari ng Infinita, kaya alam naming makakagawa ka ng paraan para isalba ang buong mundong ito.” Naitikom ni Johnson ang kanyang bibig. Akala niya malaking responsibilidad na ang saluhin niya ang utang ng kanyang itinuring na mga magulang. Ngunit heto at mas malaking responsibilidad pala ang nakaatang sa kanya ngayon. Sa kagustuhan niyang makalaya sa mundong nagpapahirap sa kanya, ito nga at kailangan niya namang sumabak sa another paghihirap.  Wala siyang kaide-ideya kung paano niya gagawin ang kanyang misyon, ngunit sa mga mata ng mga diwatang nasa Infinita, parang sabik sila sa kalayaan, parang sabik silang makamtan ang liwanag.  “Teka nga lang, kung lalabanan ko si Lizardo na isang witch, paano ako lalaban kung ganito ako kahina? Sigurado ako na kahit ibalik man ang kapangyarihan na kinuha ni lolo, hindi naman ‘yon sapat.” Ngumiti si Brenda saka tinapik ang kanyang balikat. “Huwag kang mag-alala, tuturuan naman kita.” Umawang ang labi ni Johnson. Bakit ang pagtuturo yata ni Brenda ang nagpasabik sa kanya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD