Kabanata 14:
Hindi makapaniwala si Johnson sa kanyang nakikita. Kung nakakamangha na ang makapasok pa lang sa Astral Realm, mas nakakamangha ang nakikita niya ngayon; ang mundo ng Infinita.
Napakataas ng palasyong nasa kanyang harapan. Ang mas nakamamangha pa roon ay tila nakapatong ang palasyo sa ulap. May mga lumilipad rin sa himpapawid, hindi niya mawari kung ano ang mga lumilipad na iyon pero mukhang paniki na malalaki. Ngunit ang ipinagtataka niya sa mundong ito ay madilim. Ang mga halaman ay tila ba malapit nang malanta. Para bang nagkaroon ng isang sakuna.
“N-nasaan tayo?” Bumaba ang tingin niya kay Brenda.
“Nasa Infinita.”
Umawang ang labi niya. Noong tinanong niya si Brenda kung alam ba nito kung saan ang Infinita, ang isinagot sa kanya nito ay hindi. Pero bakit ngayon, tila taliwas yata ang kanyang nakikita at naririnig? Parang alam ni Brenda ang tungkol sa mundong ito.
“Anong—”
“Mamaya ka na magtanong, pumasok na muna tayo sa loob.”
Nagtataka man, wala na siyang choice kundi ang sundan si Brenda papasok sa palasyo. Habang naglalakad sila, unti-unti niyang nakikita na hindi pala ulap ang tinutungtungan ng palasyo. Kapag nasa malayo ka, iyon ang makikita. Ngunit kapag tumapak ka na sa daan ay nasa lupa lang din pala. Para bang ilusyon lang na nakalutang ito.
Namamangha pa rin siya habang naglalakad papunta sa palasyo. Ilang saglit pa ay sumalubong sa kanila ang dalawang kawal na nagbabantay sa tapat ng mataas na tarangkahan. Ang dalawang kawal ay nakasuot ng armor. Ngunit hindi basta-basta ang itsura ng suot nilang armor, tila ba napakatibay at mabigat. Malalaki rin naman ang katawan ng mga kawal, parang mga nag-g-gym!
“Magandang tanghali, Prinsesa Brenda.”
Natigilan si Johnson, napakurap nang dahil sa narinig niyang itinawag ng mga kawal kay Brenda.
“P-prinsesa?” takang tanong ni Johnson. Pero hindi siya nito pinansin.
Hindi niya talaga maintindihan, wala siyang kaalam-alam. Bakit ba kasi bigla na lang siyang pumapasok sa mga bagay na alam niyang hindi niya pa alam?
Nag-iisip pa siya, nang huminto sila sa isang malaking pintuan. Nasa sampu yata ang kawal na nasa labas ang nagbukas ng pinto. At nang mabuksan iyon, halos tumulo ang laway ni Johnson namg makita ang nakakalulang ganda ng loob ng palasyo.
Bumungad sa kanila ang kulay puti at gold na marble na nakahilera papunta sa isang enggrandeng hagdan. Nakahilera din ang mga babaeng nakasuot ng bestida papunta roon. Ang chandelier na nasa gitna ay talaga nga namang nakakasilaw. Yari ito sa ginto at kumikinang-kinang dahil sa mga nakalagay na dyamante. Napakalawak ng buong palapag, tila sa pelikula niya lamang ito nakikita.
“Ang ganda. . .”
Ngunit hindi niya na na-appreciate ang ganda ng paligid nang hatakin na siya ni Brenda papunta sa hagdan. Nang makarating sila sa hagdan, manghang-mangha siya sa kulay puting ceramic na bawat baitang ng hagdan. Mayroon namang ganito sa totoong buhay, ngunit ganoon talaga, ngayon lang nakakita si Johnson nang ganito.
Kung malayo ang nilakad nila papunta sa mundong ito, malayo rin ang nilakad nila papunta sa kung saan man siya dadalhin ni Brenda.Mabuti na lang at naaliw si Johnson sa mga naka-display na litrato, mga sandata at kung ano-ano pa.
“Nandito na tayo,” ani Brenda.
Binalingan niya ng tingin ang isa na namang malaking pintong kagaya rin ng pinto na nasa labas. Dalawang kawal ulit ang nagbabantay roon. Binati na naman nila si Brenda at tinawag na Prinsesa bago nila binuksan ang tarangkahan. Pagbukas ng malaki at mataas na pinto ay isang nakakasilaw na liwanag ang bumalot sa kanyang paningin. Ngunit unti-unti ring nawala ang nakasisilaw na liwanag na iyon. Napakaganda ng loob!
Kung maganda na ang disenyo sa ibabang parte pa lamang ng palasyo, dito ay nakakamangha, at tila kinakain siya ng katangahan habang inililibot ang paningin sa malawak na kwarto.
Hinawakan ni Brenda ang kanyang kamay saka siya isinama papasok sa loob. Kagaya ng nasa baba, may chandelier na nasa gitna. May red carpet sa kanilang nilalakaran, at may mga tila taga-silbi na nakatayo sa magkabilang gilid. Ang magkabilang pader ay may kakaibang disenyong ngayon niya lamang nakita. Tila ba may mga pigura ng tao. At ang nasa dulo ng nilalakaran nila ay ang wari’y trono. Nakaupo roon ang isang matandang lalaki. May kulay gintong korona ito sa ulo, bilog lamang iyon at inukit na dahon ang disenyo. Ang suot niya’y puting roba na may kulay gintong belt at ang suot niyang sapin sa paa ay kulay kahoy na sandals. Kung pagmamasdan siya, para siyang Greek God. . pero, totoo ba ang mga iyon?
“Kamukhang kamukha mo ang iyong ina,” nakangiting bati nito sa kanya.
Puro puti na ang buhok nito, maging ang bigote. Ang kanyang balat ay ‘gaya ng sa kanya, maputi.
“Kilala n’yo ho ang nanay ko?” takang tanong niya.
Marahang natawa ang matandang lalaki. “Oo naman, ako ang kanyang ama.”
Kumunot ang noo ni Johnson, nagtataka. “Ikaw ang tatay ng nanay ko? Niloloko n’yo lang ho yata ako. Patay na ho ang lolo ko.”
Umawang ang labi nito at tila napaisip sa sinabi ni Johnson. Ngunit ilang saglit lang din ay na-gets na ang kanyang ibig ipahiwatig.
“Ah! Hindi ang nanay mo sa lupa ang totoo mong nanay.”
“Hindi ko nanay si nanay Gingging?” takang tanong ni Johnson.
Marahang tumango ito. “Oo, inampon ka lang nila.”
“Alam ko naman po, h’wag n’yo na pong ipaalala.”
“Alam mo naman pala, bakit nagtatanong ka pa?” pamimilosopo ng matanda na ikinagulat niya.
“Ako na ho ang magkukwento sa kanya,” pagpi-presinta ni Brenda.
“Teka lang!” awat ni Johnson. “Ano pong pangalan mo, lolo?”
Marahan itong ngumiti. “Ako ang hari ng Infinita, ako si Rajan.”
Hindi siya makapaniwala. Isang totoong hari ang nasa kanyang harapan. Mas lumapad ang ngiti nito sa kanya. . .
“Ang Infinita ay isang mundong nasa fourth dimension, iyon ang tawag ng mga siyentipikong nag-aaral ng sipnayan. . .” panimula ni Brenda. “Ibig sabihin, hindi ito makikita ng mga taong nasa third dimension dahil nasa labas na ito. Ngunit dahil magkalapit lang, hindi malabong mapadpad ang isang tao sa dimensyon na ito.”
“Ang hirap naman ma-gets!” reklamo ni Johnson.
“Edi hindi ko na i-e-explain.”
“Ay hindi, i-explain mo na pala!” Kakamot-kamot sa ulong aniya.
Napairap si Brenda saka sinulyapan ang hari. Tumango naman ito para ituloy niya na ang sinasabi.
“Kami iyong mga sinasabi nilang engkanto. Pero hindi kami engkanto, mga diwata kaming nangangalaga sa mga kagubatan,” dagdag pa nito. “Ngunit dahil sa isang witch, nasira ang kaharian ng Infinita. Masama siya, ang gusto niya’y siya ang maghari sa buong Infinita upang maisakatuparan niya ang kanyang pansariling hangarin.”
“Sino siya?”
“Siya ang iyong ama, si Lizardo.”