Umalis si Mang Delfin na malapad ang ngisi. Masigla pa itong bumati kay kapitan. Ako, nahihiyang sinusundan ng tanaw ang matanda. Nabayaran ko na ang lahat ng pagkakautang, at dahil iyon sa taong kamuntik na akong masagasaan. Pero… pagtatrabahuan ko naman. Sisikapin kong matogunan ang lahat ng mga i-aatas, at patakaran sa magiging amo.
Tahimik na natapos ang pananghalian. Nakisalo ako kahit na napipilitan. Nakakahiya at nakisalo pa ako sa hapag kahit hindi naman na dapat. Nagkuwentuhan pa sila ni kapitan. Iniiwasan kong marinig ang pinag-uusapan ng dalawa. Sa pa-iwas, narinig ko pa rin ang paksang pinag-uusapan.
Investor din pala si Mr. Enrique Severino sa isa sa mga kompanyang hinahakawakan ng magiging amo ko. Ang hindi ko lamang masundan, ay kung bakit kailangang ibenta ng kapatid ni kapitan ang lahat ng mga ari-arian nito. Ang lupain namin ay nakasanla kay Mr. Severino, ibig sabihin tutubusin namin ito sa magiging amo?
"Thanks for the lunch sir…" bahagya pa nitong tinapik sa balikat si kapitan.
" Sigurado kang hindi mo man lang bibisitahin ang mga lupain ni Enrique?"
He eyed me. Hindi ko naman alam ang gustong ipahiwatig ng paninitig niya. Nanahimik na lang muna ako, at sinuklian ang ngiting iginawad ng kababatang si Leila.
"He's been a good companion. Pag-iisipan ko muna ang sinabi niya kasi, maraming nakasanlang lupain, kaya marami rin ang maapektuhan kung sakaling bibilhin ko. I'm thinking, instead of buying it, why not lend him the money? Makakabawi din naman kaagad siya."
Dumagundong ang puso ko sa labis na katuwaan. Sana naman talaga ay hindi niya na lang ito bilhin. Isa ang aming tirahan na nakasanla sa kapatid ni kapitan. Mas lalong malulungkot si tatang at sisisihin na naman ang sarili sa pagkakaroon ng karamdaman.
"Sana ay maagapan at hindi na lumala pa ang sakit na nagpapahirap sa kanyang kabiyak. Impossible, pero lahat kami ay nanalangin na magamot pa ito."
Nagkaroon ako ng interes sa daloy ng usapan. Kaya pala ibenebenta dahil may malalang sakit ang asawa ni Mr. Enrique? Inilihim nila ito. Ang alam ng lahat ay abala ang mag-asawa sa negosyo na nasa Maynila, at naroon din nag-aaral ang dalawang anak.
"She will… she's a fighter."
Si kapitan naman ngayon ang tumapik sa balikat ng magiging amo. Nag-usap pa sila saglit bago ito nagpaalam kay kapitan.
"M-mauuna na ako kapitan," sinadya kong magpa-iwan. Nasa labas na ng bakuran ang magiging amo ko at nakatayo ito sa gilid ng isang kulay pulang sasakyan. Bagong-bago ding tingnan at mas nanginginitab pa. Kaninong sasakyan kaya ito? Kasi, yung sasakyan naman niyang binuhusan ko ng isda kanina ay kulay itim.
"Mabait yan. Strikto nga lang pagdating sa trabaho. Pakisamahan mo ng mabuti Letty…"
"Oho." Tipid akong tumango. "Magpapaalam pa ho ako kay Tatang…"
Tirik na tirik ang araw, pero sinasalo naman ang pagdantay sa balat ng mainit na sikat ng malalago at mayayabong na mga puno. Kung kanina ay mag-iisa ang aking amo, ngayon ay may kausap na ito. Nakasuot ang matangkad na lalaki ng kulay asul na uniporme. Bukod sa matangkad ay malaki din ang pangangatawan. Seryoso at nakakatakot kung tumitig ito. Madilim ang mukha at tila parating nakahanda sa anumang panganib na darating.
"This is Letty my new personal assistant,"
Pinasadahan ako nito ng tingin. Ang paraan ng pagpasada ng tingin ay nakakapanibago para sa akin. Hindi ako sanay na tila ini-iksamin. Nagtagal sa mahabang paldang suot ang kanyang paninitig. Kulay itim na blusa at paldang mahaba ang kasuotan ko. Umigting ang mga panga nito bago umiling. Alam ko, dugyot na dugyot na ako, pero anong magagawa ko, e paglalako ng isda ang hanap-buhay ko?
"Tatagal ba 'yan?"
Natigil ang pagbibigay deskripsiyon ko sa lalaki. Lumunok ako. Tila ba hindi ito sang-ayon sa pasya ng aking amo.
"She had too…"
Oo nga pala, may advance payment na ako. Hindi ako makakatanggi at lalong hindi na makakaatras pa!
"Get in Letty," utos nito. Nagkatitigan kami. Bitbit ko ngayon sa braso ang mga damit na kanyang pinalitan. Kasama na ang basang brief na kanyang nilabhan.
Mahigpit kong hinawakan ang mga damit niyang nasa braso. Bahagya ko siyang hinatak kahit natatanawan pa rin sa labas ng pintuan si kapitan.
"Wala kang panloob," bulong ko.
"What?" Larawan sa mukha nito ang kalituhan.
Hay naku, ang hirap namang kausapin nito.
"Aalis ka ng walang suot na brief?" Sumulyap ako saglit kay kapitan. Alanganin dahil baka marinig.
"So?"
Pinandilatan ko siya ng mga mata. Kainis naman 'to!
"Sasakay ako diyan hindi ba? Ibig sabihin, pupunta tayo sa bahay namin at magpapaalam sa tatang ko… ngayon, ibig kong ipahiwatig, na bawal kang pumasok sa loob ng bahay at baka makitaan ka pa!"
Gumalaw ang balikat ni kapitan senyales ng pagpipigil ng tawa. Napalakas ba ang bulong ko?
"Unbelievable…" umiling ito at napasentido.
Bahagyang ngumisi ang supladong lalaking kanyang kasama. "It's not new." Napakalalim ng boses nito. Sa laki ng katawan papasa itong sundalo.
"Masasanay ka rin," kumindat pa ito sa akin. "Yun ay kung magtatagal ka sa serbisyo."
"Rex, don't scare her…"
Nag tsk ang aking amo. Kaya napalunok ako. Mali yata si kapitan ng sinabing mabait ito. Baka manyakis naman ito?
Tahimik kaming pareho ng kapwa nasa loob na ng sasakyan. Sa unahang bahagi ng sasakyan nakalulan ang aking amo, samantalang nasa likuran naman ako. Ugong ng sasakyan at ang paminsan-minsang pagpreno ng malaking lalaki na siyang nagmamaneho ang tanging nauulingan ko. Tinatahamak namin ang aming tahanan. Nag-eensayo para sa pamamaalam kay Tatang. Habang papalapit, umaagos din ang kaba at lungkot na nabubuo sa puso. Ngayon ko lamang napagtanto. Milya ang magiging pagitan namin ni Tatang, kung sakaling matuloy ako ngayong araw. Hindi ko na siya maasikaso at maiiwan na lamang sa bruhildang kong tiyahin!
Bago marating ang aming tahanan ay madadaanan muna ang malawak na palayan, at ang maisan ni Mr. Enrique Severino. May mga trabahador na nagtatrabaho sa malawak na lupain at hindi alintana ang mainit na temperatura ng panahon. Sanay na sila sa gawaing ganito, at ito na rin ang ikanabubuhay ng maraming pamilya sa lugar na ito. Nanatili akong tahimik at hindi na ibinahagi ang kaalamang ito. Ngunit, hindi maiwan ng mga mata ang huling sulyap para sa lugar na namulatan.
Dumaloy ang masasayang alaala kasama ang butihing ina… mga panahong nabubuhay pa siya, at mga panahong buo pa ang aming pamilya. Bumuntong-hininga ako at hindi ko napigilan ito. Sa lakas napalingon na ang magiging amo.
Nahagip ng aking paningin ang matayog na puno ng niyog bago marating ang sa amin. Nandirito na kami. Kailangan kong pagbutihin ang pamamaalam ko Kay Tatang.
"Nandito na tayo," Inilibot ko ang aking paningin sa buong paligid.
Hindi gaanong malawak ang aming bakuran katulad ng kila kapitan. Napakapayak ng aming tahanan. Mula sa sasakyan ay tanaw ko ang maaliwalas na bakuran. Ang mga halamang malulusog na parati kong dinidiligan, ang mga bulaklak na nagsisimula ng mamukadkad. Ang lahat ng kapayakang ito ay hindi ko na masisilayan kapag natuloy sa trabaho. Mawawalay din ako kay Tatang. Mula sa loob ng sasakyan ay nakita ko si Tatang. Nangangapa siya sa dingding… alam ko na ang sunod niyang gagawin. Kapag narating na niya ang pinto ay hihinto na siya at hihintayin ang aking pagdating.
Napalunok ako sa nasaksihan. Matanda na si tatang at ang tanging hiling ko lamang ay ang magkaroon siya ng malusog na pangangatawan. Ngunit, sa sobrang hirap ng buhay ay hindi ko maibigay ng husto ang kanyang mga pangangailangan. Kulang na kulang ang kinikita para sa pampagamot niya dapat, samahan pa ng suwapang kong madrasta!
Noong malakas pa si tatang, noong may maganda pang trabaho at malaki pa ang inuuwing suweldo ay alagang-alaga naman ito ni tiyang, subalit ng magkaroon na ng karamdaman, unti-unti na ring nakitaan ng pagbabago at lantaran na ang pambabalewala nito kay Tatang!
"Who's the blind man?" Nilingon ako ni Cole.
Cole diba? Mateo Cole Dela Cerna. Yun ang dinig ko sa pangalan niya?
Naghari ang katahimikan. Sumikip ang dibdib at naawa ng labis kay Tatang. Pero, ito naman ang katotohanan. Katotohanang, bulag na ngayon ang aking pinakamamahal na ama dahil sa isang trahedya.
"Magpapaalam ako. Huwag ka ng bumaba. Hintayin mo na lang ako dito."
"Why not?"
'Dahil baka, gatasan ka pa ng aking madrasta!'
"Hindi puwede-"
Naabutan ko ng tanaw ang paghila ni Tiyang sa kaliwang braso ni Tatang. Pinipilit niya itong pumasok sa loob ng bahay. Walang kaso iyon, subalit puwersahan kung hilahin niya ang aking ama! Nakakapang-init lalo ng ulo!
"Napakasama talaga…" gigil kong saad. Kanina pa ako nagtitimpi, pero hindi ko na yata makokontrol ang paghihimagsik ng puso!
"And the old woman?"
Sa galit na namumuo parang gusto ko na ring sigawan ang magiging amo!
"Walang makikialam at walang lalabas, maliwanag?"
Umigting ang panga nito at nanatili ang titig sa akin ang lalaking kasama nito. Baon ang suklam ng lumabas ng sasakyan. Sa paglabas, sumalubong sa akin ang sariwang hangin. Masakit sa balat ang sinag ng araw, pero kaagad na sinalag ng mga sangang nagkakalat. Napapalibutan ng matatayog na puno ang buong paligid. At balewala ang pagtama sa balat ng matingkad na sinag.
"Tiyang!" Malakas kong sigaw upang matigil siya sa pananakit kay Tatang.
Bumalatay sa kanyang mukha ang panggigigil. Nang makita ako ay napalitan ng matinding galit ang mukha bago marahas na binitiwan ang bulag kong ama!
"Tang…"
"Anak…" Kumawala ang katuwaan sa boses ni Tatang. "Nandito ka na, kumain ka na ba?"
Sa huli, ang kapakanan ko pa rin ang kanyang iniisip. Marami siyang pagkukulang bilang isang ama, at hindi ko kailanman isusumbat iyon sa kanya. Dahil bilang isang anak, mas higit pa ang mga pagkukulang ko sa kanya…
Nagsimula akong humakbang. Papalapit na kay Tatang. Ngunit bago pa man makarating kay Tatang, ang galit na mukha ng aking madrasta ang humarang!
"Makakapasok ka lang kung may pera kang ibibigay. Ano, ikaw nagpapakasarap na lumamon sa ibang bahay, habang ako nagpapakaalila sa pag-aalaga sa inutil mong ama?!"
Mariin akong pumikit. Ang lahat ng ito ay huwag sanang marinig ng mga kapitbahay… pero, sanay na naman sila sa pagbubunganga ng madrasta ko… ang inaalala ko lamang ay mga taga Maynila na panauhin ko!
"Tiyang…"
"Ano nahihiya kang marinig nila? E, sa totoo lang naman a… naging inutil ang ama mo ng dahil sa kalandian mo… Uto-uto ka kasi… Ang bilis mong magtiwala napaka patola mo…"
"Ingrid," may pagbabanta sa boses ni Tatang.
"O bakit? Totoo namang malandi yang anak mo!"
"Bata pa siya noon, hindi pa niya alam ang kanyang ginagawa… nagtiwala siya sa pag-aakaalang may mabubuting loob ang mga taong iyon…"
"Yan, diyan ka magaling… parati mong kinakampihan kaya namimihasa…"
"Anak halika na sa loob…"
Masakit na maiiwan ko si Tatang. Pero ang kahihiyang aking iniwan ay mananatiling kasiraan… Maaring mabura ng kahapon, pero mananatiling nasa isipan ng mga taong nakapaligid ngayon.
"Tang…" halos pumiyok ako ng makita ang pag-aalala sa mukha ni Tatang.
"Hindi na ho…" umiling ako kasabay ng pagkirot ng puso.
Maaring kasalanan ko ang lahat. Nabulag si tatang dahil sa mga maling hakbang kong nagawa. Subalit, ni minsan hindi ko narinig ang mga panunumbat ni Tatang... Mas makabubuti nga siguro ang pansamantalang paglayo. Magtatrabaho ako, at magpupursigi na makaipon upang may mapa-opera na si tatang ko.
"Magtatrabaho ho ako sa Maynila." Mahinahon kong sabi at mapait akong ngumiti. Unang beses ko itong mawawalay sa kanya.
"Sigurado ka na ba sa iyong pasya Letecia?"
Parang napunit ang puso ko sa tanong ni Tatang.
"Tang…" gumaralgal ang boses ko at tila nababasag na ito. "N-ngayon na din ho ang alis ko… mapagkakatiwalaan ho siya…"
"Anak, kong iniisip mo ang sinabi ng Tita Ingrid mo-"
May lumipad na damit sa aking paanan. Madilim ang mukha ni Tiya Ingrid ng batuhin pa ako sa mukha ng panibagong damit. Pinili ko na lamang ang manahimik, hindi ipapaalam kay Tatang ang kalupitan niya upang hindi na siya mag-alala pa.
"Hindi po Tang," sabay iling. Nag-iinit na ang sulok ng mga mata at pinipigilan ang hikbi sa pambabato ng mga damit sa akin ni Tiya Ingrid. Handang-handa na siya sa pagpapalayas!
"Tang…"
Itinuturo na ni Tita Ingrid ang kalsada. Masakit na pinapaalis niya ako sa sariling tahanan ngunit, mas masakit kong mananatili na walang hakbang na ginagawa. Magtatrabaho ako, magpupursigi. At kapag nakapag-ipon, mapapa-opera ko na si Tatang.
"Paki-alagaan po-" May luhang namumuo sa mga mata. Pero magdidiwang ang aking madrasta kung ssakaling ipapakita ko pa ang pagkapanalo niya!
Tinaasan niya ako ng kilay. "Hindi mo na kailangan pang ibilin." Gigil na gigil siya sa akin. Hanggang ngayon, ako pa rin ang kanyang sinisisi sa mga nangyari ilang taon na ang nakararaan…
"Magpadala ka." Pinal niyang saad.
Hindi lingid sa akin ang mga matang nakatingin ng mga kapitbahay. Sanay na naman na, pero paano si Cole? Lahat ba ng kaganapan ay nasaksihan niya?
Yakap ko ang ilang piraso ng damit ng tumalikod. Mabigat ang aking dibdib na lilisanin ang lugar na kinamulatan subalit, malaki ang pag-asang dala dahil alam ko, nasa mabuting kamay ako…
Pigil ko ang luha ng maglakad patungo sa kalsada. Malungkot ang mukha ng mag-angat ng tingin. Nakabukas na ang pinto ng sasakyan ng aking natanawan. Sa gilid nito ay nakatayo ang magiging amo. Nakahalukipkip at umiigting ang panga at pinakatitigan ako…
Aalis ako sa lugar na kinalakhan. Aalis, hindi dahil upang makalimot, kundi'y aalis para muling buoin ang nawasak na mga pangarap. Alam ko, malaki ang pag-asang matutupad ito…
Dahil ang magiging amo, ang pag-asa ko...