Boss

1180 Words
Sunod-sunod akong lumunok ng makitang papalapit pa lalo sa kinaroroonan ko si Mang Delfin. Nagtatalo ang isipan ko, kung muli na lamang bang papasok sa silid na pinanggalingan o haharapin na lamang at tanggapin ang galit ni Mang Delfin. Baon na baon na ako sa utang at wala na namang puhunan. Kanina, ay ibinuhos ko pa ang mga isda sa hood ng sasakyan sa lalaking kamuntikan na akong masagasaan. Sinayang ko, at walang maibababyad sa kanya! "Mang D-Delfin… m-magandang tanghali po…" nanginginig ang boses kong sabi. Ngumiwi ako at tila pa maiihi sa sobrang kaba. Anong ipapalusot ko ngayon? Na, hindi ko sinasadya at natapon lamang ang mga isda? "Kukunin ko na ang bayad Letty," Muling nahagip ng aking paningin ang mga baldeng wala ng laman! Marahil sa lansa ng mga ito ay maya't-maya ang pagdapo ng mga langaw dito. "Naubos ang mga isdang nilalako mo Letecia?" Kabadong-kabado ako at naghahagilap ng mga salitang ipapaliwanag kay Mang Delfin. Magsisinungaling ba ako o sasabihin ko sa kanya ang totoo? "Ammm…" napadila ako sa ibabang labi. Nanlalambot ang mga tuhod at pinipiga ang sarili sa mga alibing nagkakalat sa isip! "Kuan ho…" napakamot ako sa batok. "O baka naman kasi totoo ang sinabi sa akin ni Danilo?" Inilaglag ako ni Mang Danny? "Ho?" Pilit kong pinapatatag ang boses para hindi mabuko! "Na ibinuhos mo daw doon sa sasakyan ng bisita nina kapitan?" Tang-inis! Tsismoso din pala itong si Mang Danny?! Nag-aapuhap ako ng sasabihin ng bumukas ang pintuan ng silid na nilabasan. Hindi ko magawang magpasalamat sa lalaking iniluwa ng pintuan bagkus, ay mataman ko pang tinitigan ang kanyang kasuotan, isang sulyap lang ay sapat na upang malaman na wala siyang panloob! Kahit nakasalawal naman ay halata pa din ang kalakhan niya! Ano, ibabalandra niya talaga ang 'kanya'?! E, paano si Leila? Bakit ko ba pinoproblema ito? Ang dapat na problemahin ko ay ang pambayad doon sa mga isdang sinayang ko! Muli, dinilaan ko ang ibabang labi. Kalmado kunwari… pero… "I'm hungry…" ramdam ko ang pagtigil nito sa aking likuran. Sa gilid ng mga mata ay nakikita ang presko niyang hitsura. Kulay puting tee-shirt lang naman ang kanyang kasuotan, luma na nga ang napiling damit, pero noong suotin niya, nagmukhang bago ito at bagay na bagay pa sa malapad niyang katawan. "Where's the kitchen?" Napatulala pa ako noong siya na ang nasa harapan ni Mang Delfin. Sa pagharap niya sa matanda ay nalanghap ko pa kung gaano siya kabango! Nakakahiya talaga ako! Ang dugyot- dugyot ko na siguro?! Ako na ngayon ang nasa likuran niya at tanaw na tanaw ko ang malaki niyang bulto! Ang kaputian ng kanyang balat ay hayag kong natatanawan. Ang maugat niyang mga braso ay nadepina pang lalo dahil sa maiksing manggas ng kasuotan. Huh, ano bang nangyayari sa akin? Bakit ko ba pinapapapurihan ang dahilan ng aking kamalasan ngayong araw?! Nakakahibang! "Yes Sir?" Bati niya kay Mang Delfin… Nagtanggal nang suot na sumbrero si Mang Delfin. Ang kulubot na mukha ay bakas ng kanyang katandaan. Tumango pa ito upang magbigay galang. "Magandang tanghali ho, naparito ho ako para sana singilin si Letecia…" may pag-aalinlangang saad ng matanda. " ang kaso, parang nalugi na naman yata at mamumuhunan na naman ako…" Ang lakas makalaglag a? Aba't ngayon lang naman nangyari ito a? Oo, nangungutang ako at matagal bago makapagbayad ng buo, pero may porsyento naman- "How much?" Kalmadong tanong ng hudyo. Nanatili akong tahimik at nakikinig. "Kayo ho ang magbabayad?" "Yes, so how much?" "Limang-libo po." Pinanlakihan ako ng mga mata. Magsasalita na sana ngunit pinigilan niya. Nilingon niya ako at tinagilid ang kanyang ulo. Umirap ako at kaagad na nag-iwas ng tingin. Ba't ba ang gwapo niya sa aking paningin?! "Hindi pa ho kasama ang ibang utang niya." "So magkano ho lahat?" Tila nagningning ang mga mata ng matandang ganid! Hindi ko na mapapayagan ito! "Bente mil ho…" "Uy joke ba yan? Nagbayad na ako noong nakaraan a? May kasama pang interes iyon." Sa lakas ng boses ko nakiusyoso na si Leila galing kusina. Nakakahiya na pati sina kapitan ay masasaksihan pa ang paniningil ng utang sa akin ni Mang Delfin. "Si Tiya Ingrid mo ang palaging nangungutang Letty. Pasensiya ka na at sumugod pa ako dito. Nakisuyo na rin ang tiyahin mo, hindi pa daw siya nakakapagluto ng pananghalian ninyo." Bakit hindi siya gumawa ng paraan para sa sarili niya? Bakit pinapabayaan niyang malipasan ng gutom si tatang? Bago ako umalis ng bahay, sinigurado ko munang makakapag-almusal sila lalong-lalo na si Tatang… kahit… na… wala ng matira para sa akin… "At pinagbibigyan niyo naman?" "Pinagbibigyan ko dahil ang sabi niya ay para sa gamot ng tatang mo-" Sinungaling talaga! Para sa mga bisyo at luho niya at hindi para sa mga gamot ng tatang ko! "Sa uli-uli ho, kung puwede lang, huwag niyo na hong pagbibigyan…" "Here," puro lilibuhin ang ini-abot ng hudyo kay Mang Delfin. Halos matulala ako ng tumagal pa ng ilang segundo ang pagtanaw ng pera ni Mang Delfin. "It's more than enough. Wala na siyang babayarang utang-" "Sobra-sobra na yan…" Ngayon ko lang naalala, mababaon ako lalo sa utang! "Advance payment I guess…" umigting ang kanyang panga. Nakakainis siya! Kahit nayayabangan ako sa kanya ay hindi ko naman maiwasang mamangha! "Magkano iyon?" "More than enough to pay your-" Kainis! Nagkamot ako sa batok. "P-paano… pa…" Tang-inis! "What?" Wala ng atrasan 'to! Mapipilitan na talaga akong maging kasambahay niya! Ahhhh! "Padagdag ng isang libo," matatag ang boses ko pero sobrang nakakahiya na ako! "What for?" Para naman kay Tatang 'to e! Lahat gagawin ko para sa pinakamamahal na ama! "Pambili ng bigas at ulam ni Tatang," tila may dumaang malamig na hangin sa aking paligid, na tila nakakabingi sa aking pandinig. Nahirapan akong lumunok. Parang may bumara sa lalamunan. Marahang pinakawalan ang tila naipit na hanging nakapaloob sa kaibuturan. Nakakahiya, pero kapag si tatang na ang pinag-uusapan, mabubura ang lahat ng hiya ko sa katawan at maninindigan... "Ako na ang magbibigay," alok ni Mang Delfin. "Nakahanda na ang pananghalian Sir…" namumula ang pisngi ni Liela. Matamis na ngumiti sa bisita. Mula sa pintuan ng kusina ay natanawan ko si kapitan. Tinanguan niya ako… mabait si kapitan at kailanman ay hindi naging malupit sa amin ni Tatang. "No…" tanggi ng magiging amo ko. Sa hirap ng buhay ngayon, pahirapan ang makahanap ng trabaho. Ngayon, tatanggi pa ba ako sa trabahong inaalok nito? "After our lunch kami na ang pupunta roon." Aangal pa sana ako, subalit naisip ko, siya na ang bagong amo… Baliw man kung gagawin, pero mas mabuting makipagkilala na rin ng pormal sa kanya at buong pusong tatanggapin ang iniaalok niya. "Letecia Meneses at your service Sir…" matamis akong ngumiti. Inilahad ko ang aking kanang kamay. Amoy isda, pero natuyo na naman ito. Sa paglalahad ko ng aking kamay ay bahagya kong nasulyapan ang pag-iling ni kapitan at ang pag-iwas ng tingin ni Leila. Umangat ang gilid ng labi ng aking magiging amo. Tila gustong kumawala ng isang ngisi dito. "Mateo Cole Dela Cerna, your boss…" Nasundan ko ang pag-igting ng kanyang panga ng abutin ang kamay kong nakalahad sa harapan niya...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD