“Grabe iyang asawa mo! Halos hindi ‘yan natutulog. Lagi lang nakatingin sa ‘yo. Sa mukha mo… tsine-check ang katawan mo, inusisa lagi! Malamang nga, nakabisado na niya lahat ng ugat mo na nakikita diyan sa balat mo. Baka nga kapag tinanong mo siya, kabisado niya kung ilan iyong maliliit mong ugat saka ‘yung malalaki,” pagkukuwento ni Hyacinth, nasa tabi ko. “Magtataka ka pa ba, baby girl?” sambot naman ni Ate Cass na nasa kabilang gilid ko. Pinagitnaan kasi nila akong dalawa bi Hyacinth sa kama ko, “ibang klase talaga magmahal ang mga Madrigal!” pagmamalaki pa ni Ate Cassandra. “Ay, wala namang duda dun, Ate Cass!” nakangiting sagot naman ni Hyacinth. “Kaya ikaw, baby girl number two…” Napalingon ako kay Ate Cassandra. Ako ba ang kinakausap niya? Hinawakan pa niya ako ang kamay ko.