Namayani ang katahimikan sa hapag-kainan. Pati ang pagsubo ng mga pagkain ay huminto lahat. Kinabahan naman ako sa sinabi ni Tita Clover. Nang sa gitna ng katahimikan ay biglang tumawa si Josh, kaya napatingin kaming lahat sa kanya. “‘My, twenty-first century na tayo. Hindi na uso ‘yang sukob. Modernized na tayo.” Matalim na tiningnan ni Tita Clover si Josh. “Ano ‘yun? Pati pamahiin nagiging modernized? Walang mawawala kung susunod pa rin tayo,” katwiran niya. “‘My, ang alam ko sinasabi lang na sukob, kasi nga doble gastos. Kakatapos lang ng gastos sa pagkamatay, tapos gastos naman sa kasal. Saka bilang respesto na rin sa namatay. Kasi, nagdadalamahati kayo, tapos biglang magsasaya.” “Exactly!” putol ni Tita Clover kay Jett. “Kaya nga. ‘My, sa civil lang muna kami nagpakasal ni