Alas-kwatro pa lang ng madaling araw ay nagising na ako upang umalis sa bahay ng kaibigan ng boss kong si Tommy. Hindi ako nalasing dahil nagpanggap akong masama ang pakiramdam upang iwasan si Lucas. Hindi ko akalain na sa tagal ng panahon na pagtatago ko sa kanya ay magkikita kami rito. “Kailangan kong makaalis bago pa magising si Lucas.” Sa pagkakaala ko ay inumaga na sila natapos uminom. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto ng silid at naglakad ako ng dahan-dahan upang hindi magising ang mga tao lalo na si Lucas. Kulang na lang ay hindi ko idikit ang mga paa ko habang naglalakad. Nang makababa na ako ay nakita ko ang dalawang katulong na nililinis ang mga kalat nila. “Good morning, Ma’am,” sabi ng isang katulong. Ngumiti ako. “Manang, anong puwedeng sakyan palabas ng subdivision?”