***EYRNA***
Nakaramdam ng gigil si Eyrna. Nakakaramdam na siya ng hindi tama. Hindi ganoon ang inasahan niyang pagtrato sa kanya nina Miss Erika at Miss Laily. Animo’y ibang tao na ang kanyang mga kaharap. Hindi na sila.
Takot at inferiority complex ang sumakop sa kanya.
“Wala pong ibig sabihin ang pagtitig ko. Idol ko lang po talaga si Miss Lailey,” magkagayunman ay pagpapakumbaba niya. Umaasa siya na sana mali ang kanyang napansin.
Tumabingi ang ngiti ni Miss Erika kasabay nang mataray na paghalukipkip. “Gusto ko lang ipaalala sa ‘yo, Eyrna, na hindi ikaw ang star rito. Gets mo?”
“Hah?” Lihim na nainsulto si Eyrna.
Ano raw? Hindi siya ang star? Ano’ng connect kaya niyon sa pagtitig niya lang sa napakagandang mukha ng kanyang idol?
Nangangati ang dila niya na sabihing kung tungkol sa pagiging star lang naman ang pag-uusapan, hindi naman niya sana kailangang maging artista dahil star na siya sa Pegasus Bar. Doon pa lang ay sikat na sikat na siya. Madami na siyang fans na kanyang mga parokyano. Tapos sapat na ang kinikita niya sa bar. Malakas din ang tip na mga nakukuha niya. Pangarap niya lang kasi talaga bata pa lamang siya ang sumikat sa buong bansa.
“Mommy Erika, relax lang. Baka matakot sa atin si Eyrna,” bigla-bigla ay malamunay na sabi ni Lailey. May pahagud-hagod pa sa likod ni Miss Erika.
“I’m sorry, Lailey. Hindi ko napigilan ang sarili ko,” sabi naman dito ni Miss Erika. Magaang hinawakan nito ang braso ng paboritong alaga.
Hindi na napigilan ni Eyrna ang pagsasalubong ng kanyang dalawang kilay. Paano’y iba na naman ang inaasta ng dalawa. Kung kanina’y parang mga sinapian ng masamang espirito, ngayon naman ay parang mga anghel.
Mga abnoy yata.
“Sorry rin, Eyrna. Alam mo kasi’y may hypertension ako kaya ang daling tumaas ang init ng ulo ko,” palusot ni Miss Erika.
“Hay, kasalanan ito ng traffic dito sa Pilipinas. Nakakainit ng ulo. Sorry, Eyrna, ikaw tuloy ang napagbuhusan ko sa ng inis ko sa traffic,” wika naman ni Lailey. Ngumiti at inayos nito ang side bangs.
Lalo namang naalarma si Eyrna. She wasn’t born yesterday. Halatang-halata niya na labas sa ilong ang sinasabi ng dalawang kaharap. Hindi man lang niya naramdaman ang sensiridad nila.
“Ayos lang po,” aniya. Ang nasumpungan niyang gawin ay makipagplastikan na lang. Iyon ang gusto nila, eh.
Hindi nga yata nagkamali ang kutob ng kanyang kapatid. Mukhang tama si Emmil na hindi maganda ang sadya sa kanya ng bakla.
“Thank you,” pasasalamat ni Miss Erika. Napaniwala niya.
Ang kapal ng mukha!
Kung sa loob-loob niya ay sinasampal na niya ang mukha ng bakla ng paulit-ulit, sa kanyang labas na anyo naman ay ngumiti.
“Anyway, hindi na kami magpapaligoy pa, Eyrna. Ang totoo ay hindi kita kukunin na artista ko,” pag-amin na nga ni Miss Erika.
Natigilan siya. Kahit inaasahan na niya na o may kutob na siyang may hindi magandang balak si Miss Erika sa kanya ay nasaktan pa rin siya. Sa pangalawang pagkakataon ay gumuho ang kanyang pangarap.
"Honestly, Eyrna, I have a better plan for you, and I hope you will agree,” dagdag ni Miss Erika.
“Malaki ang magiging suweldo mo,” segunda ni Lailey.
“Ano naman po ‘yon?” Ipinakita niya agad sa naging tinig niya na hindi siya interesado. Na nagpunta siya roon dahil ang alam niya ay pasisikatin siya nito na singer at artista. Sa bagay lang na iyon lang siya interesado, wala ng iba pa.
Nagkatinginan sina Miss Erika at Lailey.
“Ang totoo kasi, Eyrna, ay may problema si Lailey at kailangan niya ng tulong mo,” sabi sa kanya ni Miss Erika nang ibalik nito ang tingin sa kanya.
Napatingin siya kay Lailey. “Ano pong maitutulong ko?”
Tipid na ngumiti naman ito sa kanya.
“Eyrna, nagkaroon ng problema sa lalamunan si Lailey na tinatawag na acute laryngitis. Nanganib kasi ang buhay niya noon at hindi naiwasang magalaw ng mga doktor ang kanyang vocal cord nang siya ay operahan.”
“Ano pong ibig sabihin niyon?” Tulad ng karamihan ay bobo siya sa mga medical term kaya totoong hindi niya alam iyon dahilan para maging curious siya.
“Ibig sabihin ay hindi na ako makakakanta ng tulad ng dati, Eyrna. Hindi na ako makakabirit pa,” si Lailey. Ito ang sumagot.
Napalunok siya. May ganoon pala na sakit. Nakakatakot naman. Kung sa kanya nangyari iyon, ang mawalan ng magandang boses, siguro mas gugustuhin na lang niyang mamatay. Buhay na niya ang pagkanta.
“Yeah, ginusto kong mamatay na lang sana. Nagpapakatatag lang ako,” hayag ni Lailey.
Nanlaki kaunti ang mga mata niya. Para ba’y nabasa kasi ni Lailey ang laman ng kanyang isipan.
“Sorry po,” paghingi niya ng paumanhin kahit hindi naman kailangan. Pumasok lang kasi sa isip niya na kailangan niyang mag-sorry bilang pakikisimpatya sa nalaman niyang madilim na kinakaharap na sitwasyon ng kanyang idol.
Nang may maisip siya. “Pero kumanta pa po kayo noong grand champion ng Musika Tanghalan at noong isang gabi lang ‘yon? Hindi po ba ay live iyon?”
Lalong nalungkot si Lailey sa naging katanungan niya. Nagyuko ito ng ulo. Hindi na siya nagawang sagutin.
“Recorded lang iyon, Eyrna. Nagsinungaling kami,” kaya naman si Miss Erika ang sumalo.
Iyon ang mas hindi niya mapaniwalaan. Ayon kasi sa interview lagi ni Miss Lailey na kanyang napanood ay ayaw-ayaw raw nito na dinadaya ang mga fans nito. Never daw itong kakanta na bumubuka lamang ang bibig.
Ayon dito, hindi raw maituturing na singer ang kumakanta sa pamamagtan ng lip sync. Pandadaya raw ang ganoon.
“Kailan pa nagli-lip sync si Miss Lailey?”
“Tatlong buwan na,” pag-amin pa ni Miss Erika.
“Halla!” Nahabag na siya kay Lailey.
“Ang problema namin ay hindi na puwedeng ipagpatuloy ni Lailey ang pagkanta niya na recorded at baka mahalata na siya. Lalo na sa kanyang nalalapit na concert.”
“Oo nga pala, next month na ang concert na ‘yon. Paano po ‘yan?” Kahit siya ay namoblema.
“Itutuloy niya ang concert sa pamamagitan mo. Yes, with your help, Eyrna.”
Tumaas ang kanyang isang kilay. Nagpapatawa naman ang baklang ‘to. Ano naman kaya ang maitutulong niya sa kondisyon ni Lailey? Himala ang kailangan nito at hindi siya.
“Kukunin ka naming bilang ghost singer ko, Eyrna,” walang kagatul-gatol na dugtong ni Lailey sa sinabi ni Miss Erika.
Ang lakas ng kanyang pagkakasabi ng, “Ano?!”
“Matagal na kaming naghahanap ng kasing boses at kasing galing ni Lailey. At ikaw na iyon, Eyrna.”
Should she take that as a compliment? Kaboses niya raw ang isang Lialey Arquino? Wow!
Pero hindi, hindi siya papayag na gamitin ng ibang tao ang kanyang boses. Bigay sa kanya ng Diyos ang talentong meron siya ngayon kaya dapat lang na siya lang ang gumamit at makinabang.
“Huwag kang mag-alala dahil babayaran ka namin ng malaki. Bawat pagkanta mo sa likod ni Lailey ay tumataginting na isang daang libong piso ang mapupunta sa ‘yo,” nakakalulang offer na sa kanya ni Miss Erika.
Bumuntong-hininga siya para isatinig ang kanyang panig. “Maganda po ang offer niyo pero sorry po dahil hindi ko matatanggap. Noon pa kasi ay pangarap ko na na maging singer at artista at kailangan ko ang boses ko para matupad iyon kaya hindi ko po maipapahiram sa inyo. Sana maintindihan niyo po.”
Muli ay nagkatinginan sina Miss Erika at Lailey. But this time ay nangungusap na.
“Pero gusto ko pong makatulong sa ibang paraan. Sabihin niyo lang po,” mabilis na sabi niya pa.
“Ang gusto lang namin ay ang boses mo,” giit ni Miss Erika. “Kung naliliitan ka one hundred thousand pesos ay gawin na naming two hundred thousand pesos.”
“Gustuhin ko man ay hindi po talaga puwede,” pagtanggi niya pa rin. At saka, heller, hindi siya tanga. Alam niya na kapag siya ang sumikat ay doble doble doble doble pa sa offer nito ang makukubra niya sa bawat project na gagawin niya. Alam niyang milyon.
“But you have no choice, Eyrna. Ako ang magpapasya kung papayag ka o hindi,” ngunit ay madiing sabi na ni Miss Erika. In an instant, naging mabangis na ito tulad kanina.
“Nababaliw na ba kayo?” galit na ring aniya.
“You may think we're crazy. Excuse me, but we're actually saner than you are!” singhal na rin kanya ni Lailey.
Inilabas na ulit ng dalawa ang totoong kulay nila.
“Excuse me rin. Aalis na po ako,” paalam na lang niya kaysa patulan sila. Napikon na siya pero pinipigilan niya lang ang sarili dahil may konting paggalang at paghanga pa siya sa kanila.
Itinulak ng kanyang puwetan ang upuan. Tumayo. Tumalikod at akmang aalis na.
“Oras na umalis ka sa restaurant na ito ay asahan mo na hindi muna mararatnan ang kapatid mo sa bahay na inuupahan mo,” subalit ay pagbabanta ni Miss Erika na nagpatigil sa kanya.
Mabagsik na nilingon niya ang dalawa. Doon ay nakita niya sa cellphone ni Miss Erika si Emmil. Nagwawalis sa bakuran ang kanyang kapatid. Walang kaalam-alam na kinukuhanan ito ng video.
“Hindi niyo puwedeng gawin ito sa akin!” Mabigat ang mga palad niyang ibinagsak sa lamesa. Kinabahan man para sa kaligtasan ni Emmil ay nagtapang-tapangan siya.
“Sinabi ko na sa ‘yo, wala kang choice kundi ang tanggapin ang pagiging ghost singer ni Lailey,” nakangising sabi sa kanya ni Miss Erika.
“Ang sabi mo ay pasisikatin mo ang boses ko kaya nakipagpakita ako sa ‘yo! Wala kang sinabi na ganito!” Malakas na ang kanyang boses. Galit na talaga siya.
“Ito na nga, pasisikatin ko na ang boses mo. Ano bang problema?” pamimilusopo ni Miss Erika. “Naalala ko nga ang usapan natin noon.”
“Ano bang pinagsasabi mo?” singhal na rin niya.
“Makinig ka rito kung hindi mo maalala.” May pinindot sa cellphone ang bakla at ipinarinig sa kanya ang naka-record doon.
“May kailangan po kayo?” boses niya.
“Gusto ko lang sabihin na interesado ako sa talento mo, Eyrna. Pasisikatin ko ang boses mo,” boses naman ni Miss Erika.
“Talaga po?” boses niya ulit.
“Of course, kasing sikat ng isang Lailey Salvador. Gusto mo ba iyon?” tapos ay kay Miss Erika ulit.
“Tama ako, ‘di ba? Wala akong sinabi na ikaw ang pasisikatin ko. So, ang ibig lang sabihin niyon ay boses mo lang talaga ang gusto ko,” nakangising wika ni Mss Erika nang matapos ang usapan nila sa record.
“Demonyo ka!” Nakuyom niya ang mga kamao. Paraan niya para hindi niya sugurin ang bakla at kalbuhin.
“Ambisyoso ka lang kasi,” panliliit naman sa kanya ni Lailey.
Namutla ang kanyang mukha, naramdaman niya. Pero hindi siya magpapatalo. “Ikaw naman, inutil na. Bakit hindi ka na lang magpokpok kung panget na ang boses mo? Nang hindi ka nakakaagrabyado sa ibang tao?”
“How dare you!” Mapapatayo sana si Lailey pero pinigilan ito ni Miss Erika.
“Kahit ano’ng sabihin mo ay wala ka nang magagawa, Eyrna. Tanggapin mo na lang ang kapalaran mo,” tapos ay sabi sa kanya.
“Hindi ko gagawin! Asa kayo!” may pinal na tugon niya pa rin. May dignidad na tinalikuran na niya ang mga ito at pa-marchang lumabas sa magarang kainan na iyon.
Hindi niya hinayaang takutin at masabihan ulit siya ng masasamang salita ng tulad nilang mga walang kuwentang tao.
Hindi siya naniniwala na magagawa nilang saktan si Emmil. Magaling lumaban ang kapatid niyang iyon. Nakikipag-boxing iyon sa probinsya nila.
Mas hindi siya naniniwala na sisirain ni Miss Erika… ni bakla pala ang magandang pangalan nito sa industriya dahil lang sa hindi niya pagpayag na maging ghost singer ng alaga nito.
Sigurado niyang panakot lang nila iyon.
Over her dead sexy body, hindi mapapakinabangan ng Lailey na iyon ang kanyang boses. Nagkamali sila ng gustong linlangin.
At lalong hindi na niya idol si Lailey Salvador. Ang sama pala ng ugali ng gaga. Buwisit siya!
Sumakay agad siya ng taxi pauwi. Naghihimutok siya habang nasa byahe. Sinayang lang ng dalawang iyon ang kanyang oras at pera.
Sa kasamaang-palad ay mukhang mali ang inakala ni Eyrna na hindi magagalaw si Emmil ni Miss Erika. Pagdating niya kasi sa inuupahan ay tahimik ang buong bahay.
“Emmil?” tawag niya sa kapatid. Kumakabog na ang kanyang diddib na lumabas sa silid ng kapatid. Tinungo naman niya ang banyo, ang likod ng bahay, pero wala talaga si Emmil.
“Ate, nakita niyo ba ang kapatid ko?” Nagbasakali na rin siya na baka nasa kapitbahay lang si Emmil. Baka nakakilala ng mga bagong barkada.
“Hindi ba’t pinasundo mo siya? Iyon kasi ang narinig ko nang kausap niya iyong mga lalaki na dumating. Kakaalis lang nila. Red na kotse ang sinakyan nila,” tugon ng kanyang kapitbahay.
Nanghilakbot si Eyrna. Ayaw niyang mag-overthink pero ito na ba iyong babala nina bakla at Lailey? Pero bakit kailangan nilang idamay ang kanyang kapatid?
Ang sama nila!